Chapter 51 - Chapter 11

"MAGANDANG umaga!" masiglang bati ni Jemaikha nang pagbuksan siya ni Hiro ng pinto sa condo nito.

"Ohayou, sensei," bati ng binata na kinukusot pa ang mata. Pupungas-pungas pa ito at halatang bagong gising. "It is just six in the morning. Di ba mamaya pang pagka-lunch tayo magse-session?"

"Hindi naman ako ang maagang dumating bilang tutor mo. Nandito ako para maglinis ng bahay at maglaba," sabi niya at tuloy-tuloy na pumasok sa loob ng condo.

"Chotto, sensei!" habol sa kanya ng binata at akmang pipigilan siya pero wala na itong nagawa. "My place is dirty."

"Kaya nga ako nandito. Parang maglinis at maglaba." Nang kumunot ang noo ng lalaki ay ipinaliwanag ulit niya dito sa Nihongo.

"Nande?" tanong nito kung bakit.

"Kasama sa pinirmahan nating kontrata," sabi na at inilabas pa ang papel. Bumagsak ang balikat ng binata. "First thing first. Kumain ka na ba?"

Nalukot ang mukha ng lalaki. "Not yet. I'll cook."

"Ako na ang bahala," aniya at itinaas ang isang kamay nito. "Stay in your room or go to the pool while I clean the house. I will do my job. Okay?" Tumango ito. "Magbabasa ka nang malakas mamaya."

"Hai, sensei," masunuring sabi nito at iniwan na siya.

Inuna niya na magluto ng agahan para sa binata. Hindi naman gaanong marumi ang bahay ng lalaki. Kaya nga siya nafu-frustrate dahil kapag dumadating siya ay wala na siya halos gagawin. Nalinis at nalabhan na lahat ng lalaki.

Independent si Hiro. Kaya na nitong gawin ang gawaing-bahay nang mag-isa dahil iyon daw ang training nito mula pagkabata. Pero siyempre kailangan pa rin niyang gawin ang trabaho niya gaya ng usapan nila. Buti nga hindi ipinaalala ng binata sa kanya ang sing and dance portion gaya ng pangako niya. Wala iyon sa kontrata pero baka mainip ito isang araw at siya ang mapag-trip-an.

Fried rice, steamed dimsum at instant ramen na may gulay ang ihinain niya sa binata. Pinasabay siya nitong kumain. Hindi agad siya sumubo habang hinihintay ang reaksyon nito sa luto niya.

Nakahinga siya nang maluwag nang sunud-sunod ang subo nito. "Galing, sensei! Pwede ka nang mag-asawa."

"Di pa ako pwedeng mag-asawa. Bata pa ako. Marami pa akong pangarap."

"Dream? What is your dream? To marry rich? Kapareho sa heroine pocketbooks?" magkasalubong ang kilay nitong tanong.

"Hoy! Di lahat ng babae ganoon. Pero gusto kong yumaman. Di necessarily na nakapag-asawa ako ng mayaman," sabi niya. "Gusto kong mag-aral at makatulong sa pamilya ko. 'Yung love life saka na. Wakarimashita?"

"Hai. I respect that. Makakapaghintay ako."

"Ha?" nakanganga niyang tanong.

Ngumisi ang lalaki. "That's what the guy on the novel did. Hinintay niya na mapansin siya ng babae. If the guy loves you, he will wait for you."

Tinapik-tapik niya ang balikat nito. "Ang galing mo. Naintindihan mo iyon?"

"Diday saw the book and told me about the story. The guy is a martyr."

"Ingat ka kay Diday. Type ka no'n. Baka mapikot ka," sabi niya bigla.

"Ano 'yung mapikot, sensei?" nakakunot ang noong tanong nito.

"Ipapaliwanag ko mamaya. Basta kumain ka muna. Maglilinis at maglalaba pa ako."

"Sensei, I have a question. Do you know what senpai is?" tanong nito.

Tumango ang dalaga pagkakagat ng dimsum. "Oo. Upper classman, senior, mas matanda sa iyo o mas mataas ang posisyon sa iyo sa trabaho."

Umiling ang lalaki. "Mali."

"Paanong naging mali? Iyon naman talaga ibig sabihin ng senpai."

"Senpai ang ginagawa mo pagkatapos mong maglaba. You hang your clothes. You senpai."

Natulala siya sa binata. Joke ba iyon? Parang di si Hiro ang tipo na nagjo-joke.

Nadismaya ito nang makitang wala siyang reaksyon. "Baduy? Corny?"

Nasaktan naman ang pogi. Bigla siyang humagalpak ng tawa. "Ang kulit no'n. Goumen nasai. Slow lang talaga ako. Hahaha! Senpai."

Muling ngumiti si Hiro. "Then I'll do the senpai later."

Tumango na lang siya dahil wala siyang laban sa ngiti nito. Mabilis talaga ang development ni Hiro. Nagagamit na rin sa jokes ang mga matutunan na salita.

Naglilinis siya sa kusina nang marinig niya na parang may bumagsak sa kuwarto ng lalaki. Natataranta tuloy na tumakbo si Jemaikha at iniwan ang walis na hawak.

"Hiro! Hiro-san!" aniya at binuksan na lang ang pinto nang walang sabi-sabi. Naabutan niyang nakasandal ito sa gilid ng kama habang sapo ang dibdib. Nilapitan niya ito at umuklo sa harap nito. "Hiro! Hiro, anong nangyari sa iyo?"

"M-Masakit ang puso ko. Parang pinipiga," anang binata at bakas ang sakit na dinaranas sa anyo.

Nataranta si Jemaikha. Anong nangyari dito? May sakit ba ito? Sana noon pa niya nalaman para di na niya ito hinayaang gawin ang gawaing-bahay. "H-Hihingi lang ako ng tulong, Hiro. Hang in there."

Huminga ito ng malalim. "W-Wala na akong panahon. H-Hindi na ako magtatagal."

Ginagap niya ang kamay nito. "D-Don't die on me. Masasakal kita, Hiro. Sayang ang lahi mo. Juskoh! D-Don't talk. Hanashite wa ikenai."

Lalong humigpit ang pagkakahawak nito sa kamay niya. "B-Bago ako mawala, gusto kong malaman mo na mahal kita."

"Ano?" bulalas niya.

"Mahal kita." Naku! Nagdedeliryo na ito. Kung anu-ano na ang sinasabi. Hindi ito pwedeng mamatay sa mga kamay niya.

"Basta huwag kang mamamatay. Sayang ang lahi mo," mangiyak-ngiyak na usal niya at tumakbo palabas ng kuwarto nito.

Nagulat na lang siya nang marinig ang halakhak nito. Nang lumingon siya ay mukhang wala na itong sakit sa puso dahil sa lakas ng tawa nito.

Bumalik siya at namaywang sa harap nito. "Arte mo lang iyon?"

"Pratice lang, sensei. Nabasa ko sa pocketbook. It is more dramatic than Japanese manga. Maybe I can try another one."

Nagtagis ang bagang niya. Kung pwede lang sipain talaga si Hiro sa inis, ginawa na niya. Pinaglalaruan lang pala siya nito, muntik na siyang atakihin sa puso. Akala talaga niya ay matutuluyan na ito. "Huwag mo nang uulitin iyon."

"Ano? Sabihin na mahal kita?"

"Hindi! Magpanggap na patay," bulyaw niya dito at inambaan ito ng suntok. "Lagot ka sa akin sa susunod. Lalatayan talaga kita." Wala siyang pakialam kung hindi nito maintindihan. Ipapatikim na lang niya dito.

"Mahal kita!" sigaw nito nang palabas na siya ng kuwarto. "Mahal kita."

Mariin na lang siyang pumikit at naglakad palayo. Akala nito ay nakakatawa ang joke na iyon. Mali yata ang desisyon niya na hasain ito gamit ng romance novel pocketbook. Napag-practice-an tuloy pati ang puso niya.

Mabubuwang na ako sa iyo, Hiro Hinata.