Chapter 52 - Chapter 12

"Magkano po dito?" magalang na tanong ni Hiro sa tindera ng mga gulay sa palengke at itinuro ang manggang hilaw. "Ang mahal naman. Wala bang tawad?"

"Ay, grabe naman! Tawad agad? Di ko pa nga nasabi ang presyo," anang matandang tindera.

Natawa si Jemaikha habang pinagmamasdan ang binata. Mag-iisang linggo na niya itong tinuturuan magsalita ng English at Filipino. Bukod sa matigas ang L nito na nagiging R, mabilis naman itong matuto na magsalita ng Filipino at English. Idinadala niya ito sa mga pampublikong lugar at hinahayaan itong I-practice ang Filipino at English nito.

"Grabe naman ito. Di ko pa nga nasasabi kung magkano ang presyo," anang matandang babae. "Sixty itong manggang hilaw. Magkano ba ang tawad mo?"

"Beinte,"sabi ng lalaki. "Bili akong dalawang kiro. One hundred na lang, Manang."

"Sige. One hundred na lang dahil ang guwapo-guwapo mo." At pinisil pa ang pisngi ng binata.

"Salamat po," anito at naglabas ng isang one hundred peso bill at isang beinte pesos na papel para sa dalawang kilong hilaw na mangga.

Naguluhan ang tindera. "Sobra ito. Sabi mo one hundred lang."

Umiling ang lalaki nang akmang susuklian ito ng tindera. "Di po ako tatawad. Practice only."

"P-Practice?" naguguluhang tanong ng tindera.

"Nag-aaral po kasi siya na mag-Tagalog," paliwanag ni Jemaikha at hinawakan ang braso ng binata. "Maraming salamat po, Manang."

"Salamat po," sabi naman ni Hiro at yumukod.

Namamangha itong pinagmasdan ni Jemaikha habang papunta sila sa sakayan ng jeep pabalik sa condo. "H-Hindi mo kinuha ang tawad mo? Nag-practice ka lang talaga?" tanong niya.

"Yes. The vendor is poor. I have money," walang gatol na sabi ng lalaki.

E di ikaw na ang mayaman. Nagkibit-balikat ang dalaga. "Sabagay barya lang sa iyo ang beinte pesos na tawad mo. Kung sa akin, big deal iyon."

"Nagtatrabaho si Manang. Maliit ang negosyo niya. No tawad needed."

Napansin niya na may mabuting kalooban si Hiro. Tinatrato nito nang tama ang mga guwardiya at staff sa condo building gaya kung paano nito tratuhin ang mga kapitbahay nito. Hindi ito matapobre at may puso para sa mahihirap. DI tuloy niya mapigilan ang sarili na humanga dito.

"Maayos ka sigurong pinalaki ng magulang mo," sabi niya at isinalin iyon sa Nihonggo.

"Hai! Hai! Mabait at tahimik sila." Ipinaliwanag nito na malaki ang pagpapahalaga ng mga magulang nito kahit sa mababang mga tauhan.

"Pinto. Door," sabi ni Hiro bago ginamit ang keycard sa pinto. "I open the door. Bukas ko ang pinto. I shut the door. Sara ko ang pinto."

"Binuksan ko ang pinto. Isinara ko ang pinto," pagtatama niya. Pagpasok sa condo ng binata ay nakadama agad ng kakaiba si Jemaikha. Parang may nabago.

"Where are the sticky notes?"

"Oo. Nawawala ang sticky notes," usal niya at inikot ang mata sa paligid ng condo. "Nandito pa iyon bago tayo umalis kanina." Pinuno niya ng sticky note ng condo nito. Dinikitan niya ang bawat bahagi ng bahay ng note para malaman nito ang tawag sa bawat parte at kasangkapan niyon. Pinagpuyatan niya iyon para mabilis na matuto si Hiro. "May dumating ka bang tagalinis nitong condo?" tanong niya.

Umiling ito. "Hindi. No cleaner."

"Baka may ibang taong nakapasok dito," nag-aalala niyang sabi. Sabay silang lumingon ng binata sa pinto ng kuwarto nito nang may marinig na kaluskos. May ibang tao doon? An intruder.

Pinisil nito ang balikat niya. "Dito ka lang." At naglakad ito papunta sa pinto ng kuwarto nito.

Pinigilan niya ang braso ng lalaki. "Huwag. Tumawag na lang tayo ng security. Delikado." Wala naman silang laban lalo na kung may sandata ang intruder. Mapapahamak lang sila.

Pero bago sila makahuma ay bumukas na ang pinto ng kuwarto ng binata. "Surprise!"

Muntik nang malaglag ang eyeballs ni Jemaikha nang makita ang itsura ng intruder niya - si Shobe. Walang ibang suot kundi ang roba nito na nakabuka, ang skimpy red lacy underwear nito at ang gladiator sandals. Halos wala na itong itago. Que horror!

Dali-daling tinakpan ni Hiro ang mga mata niya. "Shobe, cover yourself!" utos ni Hiro dito.

"Bakit tinatakpan mo ang mata ko? Di ba dapat ikaw ang nagtatakip ng mata?" angil ni Jemaikha sa lalaki. Baka na-trauma na ang binata sa nakita. Hiro, huwag ang masyadong tumitig. Baka ma-hypnotize ka sa kanya.

Narinig niyang sumara ang pinto at saka lang inalis ni Hiro ang takip sa mata niya. "Are you okay?" tanong ng lalaki. Tumango si Jemaikha at huminga ng malalim. "I'm sorry. Di ko alam bakit nandito siya."

"Kanojo wa koko de nani o shite imasu ka? (What is she doing here?)" tanong ni Shobe sa paangil na boses nang lumabas ng kuwarto. Nakabihis na ito ng short at blouse. Kahit paano ay nabalutan na ito pero mukhang imbyerna ang babae sa presensiya ni Jemaikha. Parang insekto ang tingin nito sa kanya.

"She's my English and Filipino tutor," sagot naman ng binata.

"Kateikyōshi? Watashi wa anata ni muryō de oshieru koto ga dekimasu ka? (Tutor? I can teach you for free?"^ tanong nito kung bakit pa daw kukuha ng tutor si Hiro samantalang libre naman itong tuturuan. Aalisan pa siya ng raket ng bruha.

"Bakit ka nandito? Paano ka nakapasok?" tanong ni Hiro at humalukipkip.

Ngumisi ang babae. "Ano… I want to clean your condo."

"Nilinis mo ang condo ko? Without my permission?"

"I want to surprise you. Mabuti na lang dumating ako. Puro kalat dito sa condo mo," usal ng babae at nakangiting inikot ang mata sa paligid. Siyang-siya ito sa accomplishment nito. Pagkalinis-linis nga naman ng condo ni Hiro dahil dito.

"Nasaan na 'yung mga sticky notes?" tanong ni Jemaikha.

Ibinuka ng babae ang palad. "Itinapon ko na."

"Ano?" bulalas niya. "Alam mo ba na magdamag kong pinaghirapan iyon para magamit ko sa lecture ni Hiro at mas mabilis siyang matuto?"

Tinaasan siya ng kilay ng babae. "Huwag mo nang problemahin iyon. Ako na ang bahala na magturo kay Hiro mula ngayon. Makakaalis ka na," pagtataboy nito. "Tsupi! Babush! Sayonara!"

Napanganga siya. "I-Inaalisan mo ako ng trabaho?" tanong niya at humihingi ng saklolo na tumingin kay Hiro. May karapatan ba si Shobe na alisan siya ng trabaho? Nasabi na ni Hiro na di nito nobya ang babae. Paano kung sinabi lang iyon ng lalaki para di siya mailang kapag tinuturuan siya nito?

Paano kung ako lang pala ang feelingera kapag tinatawag nitong prinsesa? Utu-uto lang ako at sanay naman si Hiro na mang-uto. Paano kung mawalan din ako ng trabaho sa huli?

Malaking bagay sana sa kanya ang suweldong ibibigay ni Hiro. Bukod sa kita, nanghihinayang siya sa development ni Hiro. Mabilis itong matuto at sa palagay niya ay dahil sa praktikal na stratehiya na ina-apply niya. Pero kung mag-iiba ito ng tutor, di niya alam kung anong strategy ang gagamitin dito ni Shobe.

Hinawakan ni Hiro ang braso niya. "Don't go. Dito ka lang. I hired you. I need you."

Tiningala niya ito. "K-Kailangan mo ako?" tanong niya. Parang masarap pakinggan iyon.

"Hiro, paano naman ako?" mangiyak-ngiyak na tanong ni Shobe at dumabog. "Ako dapat ang piliin mo. Ako dapat ang kailangan mo. Daisuki desu!" At niyakap nito ang lalaki saka humagulgol ng iyak.

Parang may lumagabog sa dibdib ni Jemaikha. Hindi niya gusto ang pagtataboy sa kanya ni Shobe at di niya gusto ang ugali nito pero naiintindihan niya ang kamalditahan nito dahil nagmamahal ito.

"I-I will just go. Kailangan yata ninyong mag-usap. Sayonara, Hiro-san," pagpapaalam niya sa lalaki at kumawala sa pagkakahawak nito.

"H-Hime," narinig niyang usal ni Hiro at akmang pipigilan siyang umalis pero lalong nilakasan ni Shobe ang pagpalahaw ng iyak.

Princess. Nang lumingon siya ay nakatitig ito sa kanya. Siya ba ang tinatawag nito na prinsesa habang si Shobe naman ang yakap nito?

Iniwas ni Jemaikha ang tingin sa binata at lumabas ng condo. Huwag ka nang lumingon, Jemaikha. Huwag ka nang manghinayang. Hindi ikaw ang prinsesa niya. Tutor ka lang niya. Well, probably not anymore.