Aliw na aliw si Miles habang pinagmamasdan ang magandang view papasok ng Stallion Riding Club. Natatanaw niya ang Taal Lake at Taal Volcano mula sa dinadaanan. Mula sa Rotonda sa Tagaytay ay sinundo siya ng coaster na service ng mga empleyado sa riding club. Pakiramdam niya ay pumapasok na siya sa ibang mundo. Iba sa iniwan niya.
"Ikaw ba ang bago sa Rider's Verandah?" tanong ng driver na si Mang Pilo.
"Opo. Bukas daw po ako magsisimula pero may orientation ako mamaya pagkatapos magpahinga."
Pasado na siya sa lahat ng interview sa Manila pa lang dahil maganda naman ang credentials niya. Ang mismong manager din ang nag-interview sa kanya nang pumunta ito sa Manila para di na siya pumunta pa sa Tagaytay.
"Tiyak na mawiwili ka dito. Simple lang naman ang buhay sa riding club pero di mo na nanaisin pang bumalik sa Manila," anang si Mang Pilo.
"Talaga po?" Kung ganoon ay maganda nga talaga ang Stallion Riding Club. Noong una ay ayaw siyang payagan ng mga magulang niya. Hindi pa kasi naranasan ng mga ito na malayo siya. Pero kailangan niyang baguhin ang buhay niya. Gusto niyang maranasan na maging independent. Sana di ako nagkamali sa pagpunta dito.
Maya maya pa ay nabasa na niya ang Stallion Riding Club na sign na naka-emboss sa marmol. Nadagdagan ang excitement na nararamdaman niya. She could see acres of green land. Animo'y carpet ang mga damo. May nakasalubong silang mangilan-ngilan na nangangabayo na naka-riding habit. Hindi basta-basta ang mga kabayo na naroon. Halatang ginastusan at magaganda ang lahi. She could even see several villas owned by some of the members. The place spoke of wealth.
Tumigil ang coaster sa harap ng isang clapboard house. "Iyan ang apartment mo, Miss. Diyan ka na hinihintay ni Miss Jhunnica," tukoy nito sa manager niya.
Noong una ay alanganin pa siyang tumuloy. Nang makita niya sa front porch si Jhunnica at sinalubong agad siya. "How's your trip?"
"Okay.Naninibago po ako. This place is nicer than what I saw in pictures."
Umakyat sila sa panggitnang hagdan at binuksan ang pinto. "This is the staff's house. At exclusive lang ito para sa mga empleyado ng restaurant. It is just a few minutes walk from the restaurant." Itinuro nito ang restaurant na puro salamin.
Fully furnished na ang bahay. Naka-tiles ang sahig. May rattan chair sa sala at may TV. Sa dining area ay may wooden table na pang-apatan.
Binuksan ni Jhunnica ang isang kuwarto. "This will be your room. May dalawa pang bedroom dito. Kasya ang anim na tao dito sa bahay na ito. Pero sa ngayon, dalawa pa lang kayong magse-share ni Quincy. Newbie rin siya tulad mo."
"Uhmmm… nasaan po ang makakasama ko?"
"Nag-jogging lang siya. Kahapon pa siya nandito dahil gusto niyang maging familiar agad sa estate. So I will meet you two later for the orientation."
"Yes, Ma'am! Thank you!" Ibinagsak niya ang sarili sa malambot na kama nang makaalis ang manager niya. "Hindi ko na-imagine na magiging ganito kaganda ang tutuluyan ko." Sumilip siya sa bintana. Puro berde ang natatanaw niya sa paligid. She could breathe again. At naglaho ang pagod na naramdaman niya nang nakakaraang buwan. "Parang ayoko nang umalis dito. Promise! Dito sa Stallion Club ko matutupad ang lahat ng mga pangarap ko!"