Chapter 16 - Gino Santayana Chapter 13

"MILES, parang may sakit ka. Lagi ka na lang matamlay, ah!" puna ng manager niyang si Arlene habang nagliligpit sila. Sarado na kasi ang restaurant noon. "Anong nararamdaman mo? Kulang ka yata sa vitamins."

"Kulang lang iyan sa pag-ibig, Ma'am," kantiyaw ni Weng.

Wala na rin siyang lakas na kontrahin ang biro nito. Isang buwan na mula nang huli niyang makita si Gino. Mula noon, parang wala na siyang ganang magtrabaho. Ang mga bagay na nagpapasaya sa kanya dati, di na siya magawang pangitiin. Kahit simpleng pagngiti nga ay di na niya magawa dahil mabigat lagi ang dibdib niya. Maisip lang niya na di na niya makikita si Gino, nanlulumo na siya.

"Ma'am, parang gusto ko nang umalis dito," wika niya.

"Ha? Anong aalis ka na dito? Ayaw mo nang magtrabaho dito?"

Tumango siya at umupo sa couch. "Parang napapagod na po kasi ako. Gusto ko ng bagong lugar. Iyong malayo dito sa Manila." Masyado na kasing maraming alaala ang lugar na iyon. Lagi niyang naiisip si Gino.

"Sigurado ka ba diyan?" tanong ni Weng. "Baka kailangan mo lang ng bakasyon. Mag-relax-relax ka muna. Okay ka na pagbalik mo."

Umiling siya. "Hindi. Gusto ko talaga na mabago ang environment ko. Ayoko sana kayong iwan kasi enjoy ako dito. Pero sa palagay ko di babalik ang sigla ko sa trabaho habang nandito ako."

"Kung gusto mong magbago ng environment, pwede ka sa Rider's Verandah Café and Restaurant sa Stallion Riding Club," sabi ni Arlene. "Kaibigan ko ang may-ari doon. Wala pang isang taon ang café at lumalaki ang operation nila kaya kailangan nila ng mas maraming tao. Free lodging and food."

"Stallion Riding Club? Saan naman ito?"

"Diyan lang iyan sa boundary ng Tagaytay City at Batangas," sagot naman ni Weng. "Nabasa ko sa magazine na haven iyan ng mga guwapo at mayayaman. Lahat yata ng guwapong lalaki sa Pilipinas, member ng club na iyan."

"Tama si Weng. Kung gusto mo bagong environment, subukan mo doon. Hay! Sa palagay ko mae-enjoy mo ang lugar na iyon."

"Stallion Riding Club. Parang gusto ko pong subukan."