Chapter 13 - Gino Santayana Chapter 10

"I AM sorry, Miles. Sinubukan kong bumalik sa hotel nang mas maaga pero di ko naman maiwan si Darlen. Masakit na masakit ang ulo niya. Wala siyang ibang kasama sa bahay dahil may pinuntahan ding party ang parents niya. Iniwan ko lang siya nang makatulog siya. Pagdating ko sa hotel, wala ka na."

Walang ekspresyon ang mukha ni Miles habang kausap si Alain sa DOME kinabukasan. Gabi na noon at malapit na siyang mag-out. Gusto sana niyang isa-isahin ang loopholes sa mga alibi nito. But suddenly, she just didn't care. Ang gusto na lang niya nang mga oras na iyon ay burahin ang mukha nito.

"It's okay. Forget about it," matabang nitong wika. "How's Darlen?"

Nasagot naman ang tanong niya nang biglang pumasok si Darlen. "Hi!" bati nito at umabrisyete kay Alain. Mukhang wala na itong sakit. O mas tamang sabihin na parang di naman ito galing sa sakit. "I apologize. Because of my migraine, Alain wasn't able to take you home."

"It's okay. Hindi naman ako pinabayaan ni Gino. Sana okay ka na rin."

"I am more than okay," she said with a laugh. Saka humilig kay Gino.

"We have to go now, Miles," paalam ni Alain.

"Thank you for coming, Sir, Ma'am," nakayukod niyang sabi. Nang makaalis ang dalawa ay nagngingitngit siyang pumunta sa counter. "Naku! Ang sarap pagbuhulin ng dalawang iyon. Bagay talaga sila."

"Si Alain iyon, di ba?" anang si Weng. "Bakit galit na galit ka?"

"He is not my dream guy, Weng. He is a frog. And I am mad because I am stupid. Di na ako dapat pumayag makipag-date sa kanya!"

Nang mag-out siya ay nasa labas ng DOME si Gino at umiinom ng kape. "Hello, Sir Gino!" bati niya. "Mukhang may date na naman kayo, ah!"

"Yeah! Ikaw." Ipinaghila siya nito ng upuan. "Um-order ako ng pizza. Hindi ka daw kumain kaninang break sabi ng manager mo. Do you know it is not healthy?"

"Nawalan lang ako ng gana. Nandito kasi si Alain kanina."

Tumuwid ito ng upo. "Anong sinabi niya sa iyo?"

"Sinabi niya na binalikan niya ako sa hotel pero wala na ako."

"That's a piece of crap. Did he expect that you'd wait for him forever?" Ipinaglagay siya nito ng pizza sa plato. "Walang matinong babae na maghihintay sa kanya. Dapat sa kanya, di na nagpapakita sa iyo. Kung ako iyon, wala na akong mukhang ihaharap sa babae."

"Wala na akong pakialam. I am so stupid, really. Akala ko prince si Alain. Pero natanso ako. You know why he asked me out? Isinama lang siguro niya ako para magselos si Darlen. They have a relationship… sort of. At excuse lang nila ang migraine para magsolo sila. He left me because of Darlen."

"Mabuti na lang sumama ka sa akin pauwi."

Sumubo siya ng pizza. Noon lang niya naramdaman na gutom siya dahil sa sobrang galit. "Hindi na talaga ako makikipag-date kahit kailan."

"Bakit naman? Hindi naman kita iiwan tulad ng ginawa niya."

"But it doesn't mean that you are better than him either. You could be worse. With your reputation with women …"

"What? I am a perfect gentleman. Tanungin mo sila."

"Gentleman," gagad niya. Pasimple nga siyang inaakit nito.

"Give me a try, Miles." He held her hand. "Please go out with me."

She looked into his eyes. He looked so sincere. At parang hinihipnotismo siya nito para pumayag siya. Ipinilig niya ang ulo at tumayo. "Salamat na lang sa awa."

Iniwan niya ito at binilisan ang lakad. Tinawag siya nito pero di niya pinansin. "Bwisit na lalaking iyon. Akala ba niya desperada ako na magkaroon ng ka-date. Ganoon na ba ako kapangit para kaawaan niya?"

Sa inis niya ay tumuloy siya sa grocery. She wanted to change a few things about her self to make her feel better. Mas gusto niyang magmukhang maganda kaysa kaawa-awa. Kaya babaguhin din niya ang ibang gamit niya.

May nadaanan siyang salamin at napansin ang nakalugay na buhok. "Mas maganda daw ako kung di dahil sa buhok ko. Kailangan ko ng bagong shampoo."

Inisa-isa niya ang mga shampoo na naroon hanggang makita ang STALLION Shampoo and Conditioner. Dinampot niya iyon. Ito na ang simula ng bagong Miles.