Chapter 14 - Gino Santayana Chapter 11

Ilang na ilang si Miles. Mula nang pumasok si Gino sa DOME isang oras na ang nakakaraan ay lagi na lang itong nakatitig sa kanya. He looked busy doing his transactions with his laptop. Pero kapag di siya nakatingin, nararamdaman niyang nakasunod sa kanya ang mga mata nito. Kinikilabutan tuloy siya.

"Anong nakain ni Gino at kanina ka pa yata sinusundan ng tingin?" tanong ni Arlene. "May ginawa ka bang palpak?"

"Naku, Ma'am! Wala po. Inasikaso ko naman nang maayos ang order niya," depensa agad niya. "Ewan ko kung anong problema niyan."

"Mukhang nakulam, no? Parang na-magnet. Kahit saan ka pumunta, pasimpleng nakasunod ang mata niya," sabi ni Weng.

"Hoy! Hindi ko kinukulam iyan, ha?"

Napapadyak si Weng. "Hindi! Mali yata ang epekto ng gayuma na ibinigay ko sa kanya. Sa halip na sa akin na-in love, sa iyo na-in love."

"Anong in love na sinasabi mo diyan? Hindi in love iyan. Nang-iinis lang."

Mula nang dalawang beses niyang tanggihan ang pakikipag-date dito, halos araw-araw ay dumadalaw ito sa DOME at walang kasamang babae. Uupo sa isang tabi, o-order at pagkatapos ay ngingitian at tititigan lang siya. At nakakairita na.

Kung bobolahin na lang siya nito at sasabihang maganda, mas madali sa kanya na barahin ito. Pero ano ba ang laban niya sa isang lalaki na kung makatitig ay parang gusto siyang tunawin? Wala. At kokomprontahin niya ito ay siya lang ang magmumukhang tanga.

"Konting tiis na lang, Miles. Pag-uwi mo, matatapos na rin ang dilemma mo."

Kahit na ubod nang hirap, pinilit niyang huwag na lang pansinin si Gino. Kumukuha siya ng order sa table na katabi nito nang may lumapit ditong isang blonde. "Hi! I find you cute. Can I have your cellphone number?"

Sige. Sige, ibigay mo lang. Lagot ka sa akin. Oras na ibigay mo ang number mo, wala ka nang karapatan na sulyapan ako kahit kailan. Tiyak naman niya na ibibigay nito ang number. Palay na ang lumalapit sa manok.

"I am a afraid I can't give it to you," sa gulat niya ay isinagot ni Gino. "My girlfriend would be terribly mad at me."

"Oh, you have a girlfriend?" nanghihinayang na wika ng blonde.

Humigpit ang hawak niya sa ballpen. Impakto ka talaga, Gregory Alfred Santayana! Ang lakas ng loob mo na titig-titigan ako. Tapos may girlfriend ka pala. And for sometime, I thought I even like you.

"Yes. She is my girlfriend," sabi ni Gino. Nang lumingon siya ay sa kanya ito nakaturo. Pinanlakihan niya ito ng mata. "Look! She's jealous already."

Tiningnan siya ng blonde mula ulo hanggang paa saka nagkibit-balikat. "Well, better luck next time," anito saka dismayadong bumalik sa mesa.

Matapos ma-confirm ang order ay tinawag niya si Marlon. "Pakibigay muna sa counter itong order. Aasikasuhin ko lang ang kabilang table." Saka walang kangiti-ngiti siyang lumapit sa table ni Gino.

"Hello, sweetheart!" nakangiti nitong bati.

"Anong sweetheart ang sinasabi mo diyan?" Nakalimutan na niyang customer ito sa sobrang inis. "Nagha-hallucinate ka."

"Please don't get mad at me, sweetheart. You have no reason to be jealous. I didn't give her my number." Hinawakan nito ang kamay. "You are the only girl in my life. I swear! Hindi ako tumitingin sa iba. Sa iyo lang."

Binawi niya ang kamay dito. "Hoy! Anong sinasabi mo diyan?"

Muntik na niyang ibaon ang sarili sa sahig nang nakuha na nila ang atensiyon ng ibang customers. Maging ang mga kasamahan niya ay nakikiusyoso na rin. Gusto na niyang magtitili. Hindi mo ako girlfriend! Hindi mo ako sweetheart! At hindi rin ako nagseselos, ang kapal ng mukha mo!

"Oh, John! They look so sweet!" anang matandang mag-asawa na kanina ay kinuhanan niya ng order. "It feels so good to be young and in love. Miss, don't get mad at him. Narinig namin na di niya ibinigay ang number niya dahil sinabi niyang may girlfriend siya. He thought about you. He loves you. And you are lucky to have him. Madalang na ang lalaking tulad niya."

"Thank you, Ma'am," sabi ni Gino at nakangising bumaling sa kanya. "Naniniwala ka ba na ikaw lang ang gusto ko?"

Nakuyom niya ang palad para pigilan ang sarili na sabunutan ito. "Ewan ko sa iyo!" aniya at nag-walk out. Ni di na niya maiangat ang ulo niya sa kahihiyan. Bwisit kang Gino ka! Bakit mo ba ako ginaganito? Ano bang nagawa kong masama?

"Taksil ka! Ibinigay mo ang number mo sa blonde na iyon!" sabi ni Weng na sa palagay niya ay pinariringgan siya.

"Hindi totoo iyan, sweetheart! Ikaw lang ang mahal ko, tunay na tunay," theatrical naman na sabi ni Marlon sabay tumawa ang dalawa.

"Hoy! Tumahimik nga kayo! Pagbuhulin ko kaya kayo. Ibubuhol ko kayo sa Gino Santayana na iyon!" angil niya.

"Huwag, Miles. Baka sabunutan mo ako sa sobrang selos kapag nadikit ako kay Gino. Sige ka, ikaw din ang mawawalan," kantiyaw ni Weng.

"Heh!" Nang tanawin niya si Gino ay kinindatan siya nito kahit na gaano siya kalayo. "Naku! Huwag kang magpahuli sa akin nang buhay. Kahit na ubod ka nang guwapo, titirisin talaga kita."