Chereads / Mahal Kita Walang Kukontra / Chapter 1 - Georgia and Enzo

Mahal Kita Walang Kukontra

jhang2x_Lincs
  • --
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 30.8k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - Georgia and Enzo

"Damn this people." Halos umigting at magsitayuan ang mga balahibo sa tainga ni Enzo nang makasalubong niya ang isang foreigner sa school supplies area ng mall kung saan ay bumili siya ng notebook na susulatan niya ng kanyang bucket lists. Napahinto siya sa paglalakad saka nilingon ang isang mataba at kalbong dayuhan na sa isip niya ay gusto niyang tawaging majinbo.

"Excuse me?" Tawag-pansin niya rito. Medyo nagulat pa si Enzo nang magkasalubong ang mga kilay na nilingon siya nito.

"Yes! What do you want?" Galit ang boses na wika ng dayuhan. Marahang napangisi ang binata. Gusto yata nitong kalmutin ko ang bungo nito, eh. Bulong niya sa sarili. Na 'san na ang manners nito?

"Sir, if you find the people here annoying, you can transfer to another mall, okay? There are a lot of malls here in Dumaguete. Or else you can build your own mall that only you can shop." Wika niya saka pailing-iling na tumalikod kaagad sa dayuhan na namataan pa niyang namumula ang mukha. Sigurado siyang galit ito.

"You bastard! Come back here. How dare you talk to me like that." Hindi na niya ito pinansin pa at deretsong tinahak niya ang hagdan papunta sa food court. Sa Cang's Shopping Mall na kasi kaagad siya dumiretso dahil iyon ang pinakamalapit na mall sa hotel na kanyang inuukupahan.

"Mabuti naman at pinatulan mo iyon, sir. Masyado kasing suplado ang foreigner na iyan. Kung hindi lang sana costumer 'yan dito, kuu, hindi namin 'yan papapasukin sa mall." Wika ng isang sales lady na nakasalubong niya. Ngumisi lamang siya rito bilang tugon.

Dumiretso na kaagad siya sa bakanteng upuan. Nagugutom na kasi siya at dahil sa pagmamadali ay tanging white sleevelss at maong short lang ang hinugot niya mula sa maleta at sinuot. Kakarating niya lang kahapon mula sa States. Nagbook siya sa isang Hotel na katabi ng mall. Ayaw na muna niyang ipaalam sa tito at tita niya na nasa Pilipinas na siya. Panigurado ay kukulitin lang siya ng mga ito. Ayaw na muna niyang guluhin ang utak ngayon. Isa-isa niyang aayusin ang lahat ng mga bagay-bagay rito sa Pilipinas. Mga iilang buwan din naman ang bakasyon niya at babalik din kaagad siya ng States. Nandoon na ang buhay niya.

"Miss could you punch in my items first?" Nagtaasan ang mga kilay ni Georgia nang ilalagay na sana niya ang kanyang mga item upang bayaran nang sumingit ang isang Amerikanong kalbo sa harap niya.

"Excuse me, sir. Could you form your line there? We've been waiting here for our turn." Halos kumulo ang dugo niya sa inis dito. Talaga bang ganito ka walang modo ang kalbo na ito? Sandaling nagtuos pa ang kanilang mga paningin.

"Miss Beautiful, I'm in a hurry. Can't you see it?" Sabat naman nang nasa harap niya. Napansin niyang hindi pa ginagalaw ng cashier ang items ng kano. Nagpapalipat-lipat lamang ito ng tingin sa kanilang dalawa.

"Gusto yata nitong ma-deport sa Pilipinas o baka gusto nitong ako mismo ang kakaladkad sa kanya palabas dito sa mall." Nakangising wika ni Georgia. Talagang papatulan na niya ito, eh.

"Miss, please hurry-up." Utos nito sa cashier.

"Ma'am, para iwas gulo nalang po. Pasensya na po kayo. Talagang loko-loko ang kano na ito, eh. Hayaan ni'yo na po, ma'am. Isa nalang po at hindi na namin papapasukin dito ang Amerikanong ito. Halos sa tuwing pumupunta po kasi ito rito ay lagi itong may kaaway." Mahinang wika ng cashier kay Georgia habang pin-punch nito sa computer ang mga items ng huli. Hindi na siya umimik pa. Isang malalim nalang na hininga ang kanyang pinakawalan at tahimik na sinundan ng tingin ang Amerikanong bago umalis ay tinapunan pa siya ng mga tingin.

Matapos kumain ay kinuha ni Enzo ang medyo may kakapalang notebook. Nagsimula na siyang magsulat. Gusto niyang pumunta sa bundok at makakita ulit ng overview gaya ng ginagawa nila ng kanyang ama noong nasa Pilipinas pa siya dati. Pupunta siya sa mga bagong resort ng buong Negros. Aayusin ang lahat ng papeles na iniwan dito sa Pilipinas. Napabuntong-hininga siya. It's been a while since he left this place. Napa-isip siya. Mga ilang taon na nga? Eleven years? Sobrang tagal na pala. Bulong niya sa sarili. Maglilibot na muna siya. Magrerenta nalang siya ng kotse. Ayaw niyang gamitin ang kotseng iniwan ng ama. Panigurado siyang binenta na iyon o kaya ay kinakalawang na. Inilibot niya ang mga mata sa buong food court. Napahinto ang mga mata niya sa isang dalagang animo'y nakikipag-away sa isang dayuhan. Nag-arko ang kanyang mga kilay. Iyon lang naman ang kalbong Amerikanong muntik na niyang patulan kanina. At ngayon, balak pa yatang mambastos ng isang dalagang Pilipina.

"And so here you are!" Napataas ng tingin si Georgia. Naputol ang kanyang binabasa. Napabuntong-hininga siya at hindi pinansin ang nasa harap niyang may dalang tray ng pagkain. "You know what, if you are not just beautiful enough in my eyes, I will not come here and follow you." Nagtaasan ang mga kilay niya. Siya? Sinusundan ng kano na ito? Manyak rin ba ito? Bago sumagot ay tiniklop na muna niya ang aklat. "Would you mind your own business, sir? I am sure that you know what 'own' means." Garapal na sagot niya rito. Tinaasan pa niya ito ng kaliwang kilay.

"Would you mind if I'll join you?" Nilapag nito ang tray sa mesa saka umupo sa kabilang silya. Kinuha niya kaagad ang headset at cellphone sa mesa saka aakmang tatayo na sana nang sagipin nito ang braso niya. Nagulat man siya ngunit buong lakas na binawi niya ang braso. Napansin pa niya ang mga taong nakatingin sa kanila. Baka isipin ng mga ito na dyowa niya itong Amerikano at nagkakaroon sila ng LQ.

Kapwa sila napalingon nang may tumikhim sa likod nila. Isang binatilyo ang nandoon.

"Get away from her." Buhat ng isang baritonong boses na biglang sumipot sa harapan nila.

"Oh, brother. You know what, you can have her after my turn." Wika ng Amerikano. Nag-arko ang mga kilay ng dalaga. Gusto pa niya sanang purihin ang binatang biglang sumulpot. Hindi niya ede-deny na macho ito, makinis, malinis at mukhang mabango. In short, gwapo. But no way. Nagpupuri siya sa mga ganoon pero hindi siya naakit.

"Hoy, ikaw. Magkasama ba kayo nitong kumag na ito? Huwag ni'yo akong ma have her after my turn dahil sa presento kayo pupulutin. Kala ni'yo ba gwapo kayo para patulan ko? Maghanap kayo ng bakla do'n sa kanto at panigurado akong walang karekla-reklamong papatulan ang mga tulad ninyo. Wala na talagang lalaking marunong rumespeto ng babae, ano? At ikaw, kanina ka pa, ha. Gusto mong ma-deport sa Pilipinas?" Bulyaw niya sa dayuhang nang-iinis pa ang mga ngiti nito. Napansin niyang medyo nagulat pa ang binata dahil sa inasta niya. Wala siyang pakialam kung ano man ang itsura niya sa pagbusangot niya.

"Bakit? Hindi po ba ako gwapo?" Itinaas-baba ng binata ang dalawang kilay.

Pinagkrus ni Georgia ang dalawang braso saka hinarap ito. Ilang sigundo ring tinitigan ng dalaga ang binata. Mukhang tambay lang ang suot nito ngunit nahahalata niyang kutis mayaman ito at kahit ano man ang suotin nito ay lalabas at lalabas pa ring may itsura talaga ito. "Manong, kung ganyan din naman na tulad ni'yong dalawa ang description ninyo ng gwapo, mas mabuti pang mamulot nalang ako ng tambay sa kanto." Deretsong wika niya saka inayos ang sarili. Nagsimula na kaagad siyang maglakad palayo sa dalawa.

"Miss, wait. Hindi kami magkasama nito." He blocked her way. Medyo nagulat si Georgia nang muntik na siyang mapasubsob sa malapad na dibdib ng binata. Nagliliyab ang mga matang tinaas niya ang mga paningin dito. Nakakahiya kasi ang ginawa nito. Nililingon tuloy sila ng mga tao.

"Kung isa itong uri ng budol-budol, hindi ni'yo ako maiisahan. Kaya umalis ka sa harapan ko at hindi ako natutuwa sa pagpapa-cute mo." Tiim-bagang bulong niya rito. Medyo nahihirapan pa siyang tingnan ito sa mga mata dahil nga mataas ang binata.

"Edi inamin mo ring cute ako." Nakangising wika ni Enzo. Hindi umimik ang dalaga saka mahigpit na kinuyom ang mga palad. Pinagtaasan lamang ng mga kilay ang binatang nasa harap saka pairap na umalis at naiinis na tinalikuran ang kausap.

Nakailing-iling na sinundan ng mga tingin ni Enzo ang dalaga. Siguro kung nasa States siya, effortless lang ang pagpapa-cute niya sa mga dalaga. But not this one. Iba nga talaga ang isang dalagang Pilipinang palaban.

Nilingon niya ang Amerikanong nakamasid lang sa kanya saka nilapitan ito.

"If I'll catch you again flirting with her, I promise you, you will be in jail for the rest of your life." Babala niya sa kano saka bumalik na sa sariling mesa.

Nakabusangot ang mukha ni Georgia nang dumating siya ng bahay. Mahigit isang buwan din kasing hindi na siya nakakalabas at nakakapasyal dahil sa nangyari sa kanya. Ilang araw rin siyang nag-ipon ng lakas ng loob upang makita muli ang ngiti ng haring araw. Pero bakit palagi yatang sinisira ang araw niya ng mga taong walang modo?

Mabigat ang mga paa na hinakbang ni Georgia ang daan palabas ng Hall of Justice. Galing siya sa Branch 33 kung saan ginanap ang unang pagdidinig ng kasong Republic Act 7877 or Anti-Sexual Harassment Act of 1995. Mahigpit na kinuyom niya ang mga palad at pinigilan ang mga luhang bumabalong sa kanyang mga mata habang mahigpit na nakahawak sa folder na bitbit.

"Kaya natin 'to. Mananalo tayo sa kaso. Wala pa 'mang sapat na ebidensya ngayon, pero mahahanap din natin si Leon. Siya lang ang makakapagpatunay na totoo ang lahat ng mga sinsabi mo." Mahigpit na hinawakan ng kanyang kuyang si Chanth ang kanyang braso. Hindi siya umimik at tahimik na nagpatuloy sa paglakad habang diretso lamang ang mga matang nakatanaw sa kawalan.

"Oh, well. Tingnan mo nga naman. Kahit ano pa ang gawin ni'yo, hinding-hindi kayo mananalo. How dare you accused my husband na muntik ka na niyang gahasain? It's pretty sound clear na inakit mo lang siya." Napatigil sila sa paglalakad nang harangin sila ng asawa ng kanyang dating boss na si Mrs. Buenta. Kasunod nito ang kanyang dating boss. Tumawa pa ng pagak ang hinayupak. Pinigilan niya ang sarili at mariin na ipinikit ang mga mata. Hinding-hindi niya kayang tingnan sa mukha si Mr. Buenta dahil hindi lang pandidiri ang nararamdaman niya kundi galit at pagkamuhi.

"Well, honey, marami talaga ngayon ang mga desperada makakuha lang ng pera." Ang wika ng kanyang demonyong boss na kanina pa ay gusto na niyang sugurin. Ibinaling niya sa ibang direksyon ang mga paningin.

"Walang hiya ka talagang demonyo ka." Ang sigaw ng kanyang kuya na muntik nang sugurin ng kamao ang nasa may edad na lalaki na nasa harap nila. Mabuti nalang at napigilan kaagad niya ang kapatid at ni Ayana na kasintahan nito.

"You should calm down, my dear. Iha, pigilan mo ang kuya mong skandaluso. Kapag kami ang mananalo sa kaso, I would return back the shame you have given to us. And…and… huwag na huwag kang maglalapat ng kamay sa amin. Not even once. Baka kasuhan ka pa namin ng physical injury kung nagkataon, kuu, may ibabayad pa ba kaya kayo sa amin o sa abogado ni'yo? O baka naman gusto ni'yong magsama kayong dalawa sa kulungan. What a shame poor human!" Halos mabingi pa siya sa halakhak ng mag-asawa habang papaalis sa harap nila at tinunton ang sasakyan.

Hindi na napigilan ni Georgia ang mga luhang nakaantabay sa kanyang mga mata. Malayang pinakawalan niya ang mga iyon. Galit na galit siya! Gusto man niyang ngayon kaagad ay magkaroon ng hustisya ang kababuyang ginawa ng kanyang boss ngunit bakit ba sa palagay niya ay ipinagkakait sa kanya ang hustisya? Ito ba talaga ang mundo? Kung sino ang mas maraming pera ay siya ang mas pinapanigan kaysa sa katotohanan?

Mahigpit na niyakap siya ng kanyang kuya Chanth. Sila nalang dalawa kasi ang naiwan sa buhay. Wala na ang kanilang mga magulang. Simula nang mamatay ang daddy nilang seaman dahil sa pagkakasakit ay naging mahirap iyon sa kanyang ina at mahigit isang taon din ang lumipas ay sumunod din ito. Mabuti nalang at nakapagtapos na ang kanyang kuya ng pag-aaral at kasalukuyang nagtatrabaho ito sa isang ahensya ng gobyerno. Ito ang nagpa-aral sa kanya hanggang sa makapagtapos siya ng kursong HRM. Hindi na niya sinayang pa ang oras at naghanap kaagad ng trabaho nang makagradweyt. Natanggap siya sa isang pribadong kompanya bilang Admin Support, ang Ezencia Hotel ng mga Buenta na pinagmamay-arian ng mga Buenta. Noong una, ang buong akala niya ay ganoon lang talaga kabait ang mapagkunwaring boss nila. Mag-iisang taon na siya sa kompanyang iyon. Noong nakaraang pasko ay binigyan pa sila nito ng malaking bonus at mga incentives. Ginagala sila sa mga resort tuwing anniversary ng kompanya. Ngunit hindi man lang niya inakala na may gagawing masama sa kanya si Mr. Buenta.

Noong nakaraang buwan lang ay inimbitahan siya ni Leon sa isang resto bar. Isa ito sa mga kasamahan niya na pinagkakatiwalaan ni Mr. Buenta. Dahil alam naman niyang mabait ang binata ay sumama na siya dahil na rin madalas itong iniimbitahan siyang lumabas ngunit tinatanggihan niya. Hindi naman niya inakalang biglang darating si Mr. Buenta. Um-order ng inumin hanggang sa medyo nalasing ito. Siya naman ay tumangging uminom pa. Nakainom yata siya ngunit dalawang baso lang iyon. Hanggang sa nagpaalam na pumunta ng banyo si Leon at dalawa nalang sila ng kanyang boss na naiwan. Hindi niya inakala ang sumunod na ginawa nito. Lumipat ito ng upuan katabi niya at bigla nalang ay hinimas ang kanyang legs. Dumestansya kaagad siya at aakmang aalis na sana ngunit hinila siya nito at hinalikan sa leeg. Pilit siyang kumawala ngunit hinawakan nito ang kanyang braso at bumulong pa na magcheck-inn nalang sila sa isang hotel kung nahihiya siya at babayaran naman siya nito ng malaki. Buong lakas na nagpumiglas siya at tinulak ito upang makawala. Nanginginig na nilingon niya ang buong resto. Bakit walang kahit isa man lang tao sa second floor? Sinamantala ba ito ni Mr. Beunta o binayaran ang mga tao doon upang umalis pati si Leon? Nilapitan siya ng kanyang boss at hinila ngunit pinilit niyang makawala hanggang sa makatakbo siya. Napahinto siya nang makasalubong si Leon nang pababa na siya ng hagdan. Alam niyang nakita nito ang ginawa ni Mr. Buenta. Humingi siya ng tulong dito ngunit parang tuod naman ito at pipi na parang walang nasaksihan sa ginawa ng kanilang boss.

Halos wala na siyang lakas nang makauwi at humagulgol ng iyak nang sumumbong sa kasintahan ng kanyang kuya Chanth na si Ayana. Nang malaman ito ng kapatid niya ay ito na mismo ang gumalaw upang sampahan ng kasong sexual harassment ang amo ni Georgia. Sinubukan nilang hanapin ulit si Leon upang maging testigo ngunit pagkatapos ng gabing iyon ay hindi na niya ulit ito ma-contact o makita ang binata kaya mas lalong humina ang imbistigasyon ng kaso. Pati ang CCTV footage ng resto ay wala siyang nakuhang record. Sigurado siyang pinabura na iyon ni Mr. Buenta o kaya ay itinago. Si Leon lamang ang makakapagpatunay na totoo ang lahat ng kanyang mga sinasabi ngunit sa palagay niya ay binayaran ito ni Mr. Buenta upang manahimik. Ni isa sa Ezencia Hotel na mga empleyado ay ayaw na siyang kausapin. Nananahimik ang lahat ng mga ito. Para bang wala lang sa kanila ang nangyari sa kanya. Takot ba ang mga itong mawalan ng trabaho o sadyang ganoon lang ka makapangyarihan ang mga Buenta?