MALALAKAS ANG ALON na hatid ng dagat at gano'n na rin ang ihip ng hangin. Pasado alas otso na ng gabi at dilat na dilat pa rin ang mga mata ni Lily, hindi alintana ang lamig na humahaplos sa kaniyang balat, ang kati ng buhanging inuupuan niya, at ang pananakit ng likod dulot ng kinasasandalang bato. Napakalayo ng kaniyang tingin at nilalamon na naman siya malalim na pag-iisip, bagay na nakasanayan niya nitong nagdaang mga taon dulot ng pag-iisa.
"Lily, ba't gising ka pa? Hindi ka ba napagod sa byahe at lakad natin? 'Yung iba roon, humihilik na."
Sa pagkabigla ay agad na napalingon si Lily sa kay Keith na biglang tumabi sa kaniya't sumandal din sa magaspang na bato. Muli naman niyang ibinalik ang sariling atensyon at tingin sa dagat at kapwa na sila nakatingin doon.
"Pagod, pero gusto kong maranasan 'yung ganitong mga pagkakataon; mapayapa―tahimik. Parang umaayon ang lahat at nasa iisang himig lang ito. Tsaka gusto ko ring subukan na makatulog dito." Aniya na hindi inaalis ang tingin sa malawak na karagatan.
"Hindi ka ba nilalamig? Suotin mo 'tong jacket ko."
"H'wag na, okay lang ako."
"Kumusta ka na Lily? Matagal-tagal na rin tayong hindi nagkaroon ng normal at seryosong usapan." Tanong nito sa kaniya.
"Okay lang naman ako," sagot niya, "Gano'n pa rin, lumalaban sa buhay."
"Pasensya na talaga Lil―"
"Matagal na 'yun Keith, h'wag na nating pag-usapan pa." Pagputol niya sa sasabihin sana ng lalake. Ayaw na niyang marinig pa ito ulit sapagkat sawang-sawa na siya sa walang-tigil na paghingi nito ng patawad.
"Mas mabuting mapag-uusapan natin ang bagay na 'yun."
"Okay na ako, okay ka na rin 'di ba? Kaya mas mabuting kalimutan na lang natin."
"Sige, kung gano'n ang gusto mo. Pero gusto kong magkaayos tayo Lily, 'yung hindi na tayo naiilang sa isa't-isa." Bulong ni Keith sa kaniy.
"Basta Keith, wala na akong galit sa 'yo. Okay na tayo, kaibigan na ulit. Masaya na ako para sa inyo ni Annelyn." Aniya at nginitian ito.
"Salamat," ngumiti rin pabalik ang lalake.
▪ ▪ ▪
"Lily, gising na."
Agad siyang napamulat at unang tumambad sa kaniyang paningin ay ang mukha ni Celine. Dali-dali naman siyang gumulong pakaliwa't sabay pinunasan ang mukha niya sa pag-aalala na baka may dumi ito. Nang masigurong malinis ang mukha niya at kumportable na siya ay roon lamang siya bumangon habang yakap-yakap pa rin ang kumot at umunat hanggang sa maabot na niya ang ibabaw ang ibabaw na bahagi ng tent.
Ngunit, napatigil siya nang may napagtanto niyang nasa loob pala siya ng tent, "Teka, ba't ako narito? Sa pagkakaalala ko ay sa labas ako nakatulog kagabi." Nagtataka niyang tanong kay Celine.
"Ewan ko, maaga akong nakatulog kagabi." Sagot nito na walang kaide-ideya rin, "Bilisan mo na riyan at bumangon ka na. Nagpaplano na sila roon Lily at ikaw na lang 'tong hinihintay."
Hindi na nagtanong pa si Lily at agad itong tumayo't diretsong lumabas ng tent. Nauna na si Celine at siya nama'y tahimik na nakasunod habang iginagala ang paningin sa paligid. Napakaganda ng panahon, kakasilip pa lamang ng araw sa nagtataasang bundok mula sa silangan at sa kalangitan naman ay mababakas ang iilang purong puti na ulap na tinatangay ng hangin. At sa tainga niya'y naglalaro naman ang pinaghalo-halong tunog ng sari-saring ibon, kaluskos ng sanga at dahon ng mga kahoy na nagkikiskisan, at ang hampas ng alon sa mga bato at buhangin. Napakalaking bagay nito para sa kaniya, ang magising sa umaga na may ganitong paligid ay isang biyaya; nagbibigay ito sa kaniya ng positibong pananaw sa buhay at saya na walang maihahalintulad.
"Tabi tayo Lily," alok ni Jorros nang makalapit sila ni Celine sa grupo.
Hindi naman siya tumanggi at umupo siya sa mahaba at malaking sanga ng kahoy na pinahiga. Gano'n na rin ang iba at may kaniya-kaniya ring inuupuan ang mga ito na malalaking bato o sanga. Lahat sila'y nakahanay na pabilog habang pinapagitnaan ang tambak ng mga patpat at iilang bunot.
"Sa ngayon ay hinahanda pa ni Clyde roon ang almusal natin, kaya habang wala pa tayong ginagawa ay iaanunsyo ko ulit ang nakaatas na trabaho sa inyo at nang mamaya ay dire-diretso ang trabaho natin." Pahayag ni Jorros.
Nagsitanguan naman sila at nakatuon lamang sa lalake ang kanilang buong atensyon. Sa mga oras na ito ay mababasa't mababakas sa mukha ng bawat isa ang determinasyon at tuwa na tatapusin ang proyekto nila sa araw na iyon.