Chereads / Sitio Delano / Chapter 3 - Kabanata Isa [2]

Chapter 3 - Kabanata Isa [2]

"Jorros! Nakauwi ka na pala. Ang dami pala ng kaibigan mo mula sa syudad," nagagalak na sigaw ng babaeng nakabestida na naglalaba malapit sa poso.

Kasama nito ay iilan pang mga babae na naglalaba rin, nakahanay silang lahat sa ilalim ng isang lilim habang nakikinig sa radyo na may nakakaaliw na musika.

"Opo, Manang Almira. Narito sila para sa 'ming proyekto." Sagot naman niya at kumaway saglit, "Sige po, hindi na po kami magtatagal. Medyo nagmamadali rin po kami."

"Sige Jorros, mag-ingat kayo tsaka sulitin n'yo talaga 'tong lakad n'yo."

"Salamat po."

Ngintian nila pabalik ang mga abalang babae at saka nagpatuloy sa kanilang paglalakad. Tinahak nila ang isang linya ng malinis na daan na may nakapaligid na makakapal na damo. Nadaraanan naman nila ang iilang mga hayop na nakapastol na kinakain ang mga nagtataasang damo at iniinom ang tubig na dumadaloy mula sa poso.

Ilang lakaran pa ay narating din nila ang parte na kung saan nakahanay ang mga kabahayan; mga simpleng bahay na gawa sa kahoy, mga kawayan, at ang bubong ay hango mula sa nipa at dahon ng niyog. Lahat ay pinaglipasan na ng panahon at mababakas na ang katandaan, ngunit ang tibay at pundasyon nito ay kapansin-pansin pa rin.

"Mas maganda pa 'to kaysa sa mga bahay na nakita ko noon." Komento ni Annelyn.

Lahat sila'y namangha sapagkat 'di hamak na mas kumportable itong tirhan kumpara sa mga mamahaling bahay sa syudad. Kahit 'di pa nila nasusubukan ay masasabi talaga ni Lily na maaliwalas sa loob, batid niyang labas-pasok ang hangin na malamig at kailanman ay 'di sila nakakaramdam ng alinsangan dahil sa nagtataasan at naglalakihang kahoy sa paligid na sumasalag sa mainit na sikat ng araw.

"Nasaan 'yung bahay n'yo Jorros?" Tanong ni Keith.

"Dito banda," sagot naman nito at saka tinahak ang masikip na daan sa pagitan ng mga tahimik na kabahayan.

Iilang bahay rin ang nilagpasan nilang lahat bago nila narating ang dulo na may nakatayong makalumang bahay. Punong-puno ito ng bulaklak na nakatanim sa labas gaya ng iba't-ibang kulay ng bunggabilya at gumamela, ginawa namang mala-pader ang makapal na santan na pantay ang pagkakagupit at ito'y nakapalibot sa buong bahay.

Idagdag pa ang mga orkidyas na nasa bunot ng niyog na nakasabit sa kawayang dingding na namumukadkad at ang mga puting kabibi na pinagsama-sama na isinabit sa may bungad ng pinto ay mas lalong gumanda ang tanawin.

"Bahay n'yo 'to Jorros?"

"Oo," aniya. "Pero hindi ko na kayo aayahin, ha? Pasensya na, ang gulong-gulo kasi loob. Ipapalinis ko lang 'to kila Mama at Papa tapos sa pag-uwi na lang tayo dadaan dito."

"Sige."

"Saglit lang, may kukunin lang ako sa loob."

Hindi naman nagreklamo ang mga kasama niya't sumang-ayon na lang ito. Naghintay lamang sila sa labas habang nililibang ang sarili sa mga tanawin. Napakagandang pagmasdan at halos hindi na maalis-alis ang tingin nila sa himpapawid kung saan nakakamanghang tignan ang sinag ng araw na tumatagos sa mga dahon at sanga ng nagtataasang kahoy, sa likod nito ay ang kalangitan naman na kinulayan ng kahel na may mga ibong nagliliparan ay nagbigay ng kakaibang pakiramdam ng galak sa kanila. At sa dulo, ang malawak na kumikinang na karagatan ay nagmistulang salamin dahil nagkukulay kahel din ito.

"Magandang hapon po," bati ni Clyde sa seryosong matandang babaeng may mahaba at kulot na buhok na kakalabas lang sa kalapit na bahay nina Jorros.

Napalingon naman ito kaagad sa kanilang gawi at biglang sumigla ang mukha nito nang masilayan sila,

"Magandang hapon rin sa inyo. Kayo ba 'yung kaibigan ni Jorros? Ang gug'wapo at gaganda n'yo." Ani nito.

"Opo,"

"Magsaya kayo rito. At saka 'pag may gusto kayo, sabihin n'yo lang kay Jorros." Nakangiting pahayag ng babae.

"Salamat po,"

"Tara na," nalipat ang kanilang atensyon kay Jorros nang makalabas siya. May bitbit na itong isa pang backpack na naglalaman ng kung ano; punong-puno ito at halatang mabigat.

"Sino 'yun Jorros?" Tanong ni Celine.

"Si Manang Nemita, kapatid ng Mama ko." Sagot niya, "Alis na tayo dumidilim na."

▪ ▪ ▪

PASADO ALAS SAIS na ng gabi nang marating din ng grupo ang eksaktong destinasyon kung saan sila mamalagi ng iilang araw. Nang matanaw nila mula sa kalayuan ang puting buhangin at ang kumikinang na dagat dulot ng buwan ay halos takbuhin na nila ito sa tuwa, kung 'di lang dahil sa mabibigat nilang mga backpack ay tiyak na nag-uunahan na sila.

Napatigil sila't nanigas sa kinatatayuan nang makatapak sila sa pino at maputing buhangin ng baybayin. Ang mga mata nila'y puno ng galak habang pinapasadahan ng tingin ang malawak na karagatan habang yakap-yakap ang sarili dulot ng malamig na simoy ng hangin.

Saglit na natahimik ang grupo at nang maproseso nila ang nangyayari ay sari-saring positibong reaksyon na ang namutawi sa kanilang labi. Kahit 'di diretsong isinaad ay iisang bagay lamang ang nasa kanilang isipan sa pagkakataong iyon―isang paraiso.

Hindi perpekto ang isla sapagkat gaya ng normal na baybayin ay nagkalat ang mga sari-saring sanga ng kahoy, mga dahon, at mangilan-ngilang bunot o buong niyog na tinangay o dinala ng alon. Malayong-malayo ito sa mga komersyal na beach resorts na napakalinis at hitik sa turista, itong isla nina Jorros ay isang sariwang yaman na purong gawa ng kalikasan.

Napakagandang tignan ng kulay kahel karagatan dulot ng lumulubog na araw. Mapayapa naman ito dahil sa wala silang nakikitang bangka o kung anong sasakyang pangdagat na pumapalaot, animo'y itong bahagi ng isla ay hindi puwedeng pasukan ninuman―isang sagradong lugar.

Hindi na sila nakatiis pa't kaniya-kaniya silang kumuha ng larawan ng karagatan kasama sila na hindi na halos maaninag at tanging bulto na lang ang nakikita, balewala lamang ito sapagkat ang tanging pakay nila ay ang mapansin ang ganda ng kinalulugaran nila.

"Tayo lang ba ang tao rito, Jorros?" Tanong ni Harry, "Wala bang naninirahan rito?"

"Wala at tayo lang talaga. Maliit na pamayanan lang kasi kami, kaya mas pinili naming manirahan doon na magkakasama kesa rito. Siguro, balang araw, kapag lalaki na ang aming kumunidad aabot na rito ang mga kabahayan."

Napatango lamang si Lily sa isinagot ni Jorros. Batay sa pinahayag nito ay masasabi niyang malayo talaga sa kabihasnan ang Sitio na ito, malayong-malayo ang agwat ng buhay ng dalawang panig. Ngunit, sa kabila nito, kung papipiliin man siya ay mas pipiliin niyang mabuhay sa Sitio na ito kaysa sa syudad.

Kung lalaki siya sa mundong ganito, mas mapapahalagan pa siguro niya ang buhay rito at mabibigyan ng importansya ang kalikasan, mararamdaman siguro niya kung ano talaga ang tunay na pag-aaruga ng magulang na maglalaan ng buong oras sa kaniya nang siya'y lalaki― batid niyang iba ang tuwa na mararamdaman niya rito kumpara sa syudad.

At napakasuwerte ni Jorros na nabuhay siya rito at nagawang matamasa rin ang mundo sa syudad, dahil sa mga panahon na magasasawa na siya sa hirap ng syudad ay kahit anong oras ay puwede siyang umuwi rito sa kanilang isla kung saan mapayapa at matiwasay. Pero sila na nasa syudad, araw-araw na mapupurwisyo sa pulusyon, dumi, init, at trapik, at kung gugustuhin man nilang mag-relax o magsaya sa ganito kagandang isla kailangan pang gumasta ng maraming pera.

"Lily, tulungan mo 'kong itayo 'tong tent ko at tutulungan din kita."

Natigil siya't napukaw mula sa malalim na pag-iisip nang tawagin siya bigla ni Celine. Nang balingan niya ito ng tingin ay nakita niyang binubuklat nito ang sariling tent at napagtanto niya na siya na lang pala itong nakatungangang mag-isa sa kanilang grupo. Kung kaya't dali-dali niyang dinaluhan si Celine at tinulungan ito.