LOPEZ MANSION...
"Don Jaime, hawak ko na ang mga ebidensiyang magpapatunay na may kinalaman si congressman Dela vega sa mga anumalya dito sa ating lugar. "
Magkaharap sina Gian at don Jaime ngayon sa loob ng tahanan nito habang nagkakape.
"Magaling Gian. "
Salamat kay Vince na nakahandang tumulong sa kanya anumang oras.
Ibinigay niya sa matanda ang dokumento ng walang pag-alinlangan.
"Kalakip ho niyan ay mga kuhang larawan at mga papeles na magdidiin kay congressman. "
Tinitingnan ng matanda ang mga ibinigay niya.
Nasa larawan ang mismong congressman sa isang may kadilimang lugar sa loob ng pasugalan at kaharap ang isang attached case na may lamang naka supot na puting pulbo. Nakapalibot dito ang mga lalaking tila kausap ng Congresista. Ang ibang larawan ay nagbilang ito ng pera.
"Maaasahan ka talaga Gian, bilang ganti, tanggapin mo ito. "
Inilagay ng matanda ang isang makapal na puting sobre sa lamesa.
"Hindi na ho kailangan don Jaime, sapat na ho sa akin ang ibinibigay niyo bilang sweldo ko. "
"Hindi hijo, iba ang trabaho mo sa apo ko iba rin sa akin, kaya sige na tanggapin mo dahil kung hindi magagalit ako sa'yo!
Para ko na ring niyurakan ang totoong trabaho mo kung kukunin ko ito ng libre, isipin mo na lang 'yan ay professional fee. "
"Ang totoo ho niyan, ang kasamahan ko ang pinagawa ko tumulong lang po ako sa kanya don Jaime."
"Walang problema, paghatian niyo ang binigay ko bilang pasasalamat."
Kinuha ng binata ang sobre at ibibigay niya kay Vince lahat.
"Maraming salamat ho don Jaime."
"Siya nga pala, kumusta naman ang apo ko, wala ka bang nakikitang hindi magandang nangyayari?
Hindi ba siya nahihirapan?"
Hindi siya nakasagot.
"Alam kong marami ang naghihintay lang na pumalpak ang apo ko, kaya naman iniingatan ko siya ng husto.
Pero malihim 'yang si Ellah, hindi siya nagsasalita tungkol sa mga problema sa kumpanya kaya inaasahan kong ikaw ay may sasabihin at hindi maglilihim."
Nararamdaman ng binata na iniipit siya ng matanda.
Hindi nagsasalita si Ellah dahil ayaw nitong mag-alala ang abuelo kaya siya ngayon ang inuusisa.
Napabuntong-hininga si Gian.
"Gian hijo, merong hindi magandang nangyayari hindi ba?"
"Hindi ho maiiwasan na marami ang maiinggit sa inyong apo don Jaime, lalo pa't babae siya pero panlalaki ang trabaho. Pero kinakaya naman ho ni Ms. Ellah, at hindi ko ho siya pinababayaan."
"Salamat naman kung gano'n. "
"Huwag niyong masyadong alalahanin ang inyong apo don Jaime dahil matapang siya at may paninindigan."
"Sa mga sinabi mo kahit papaano nakahinga ako ng maluwag.
Gian hijo, umaasa akong hindi mo pababayaan ang nag-iisa kong apo. "
"Makakaasa ho kayo don Jaime. "
"Maraming salamat sa'yo Gian. "
Palihim na tinitigan ng binata ang don.
Sa kanya ipinagkakatiwala ang nag-iisa nitong apo pero hindi naman siya gusto nito para sa apo nito.
Ang saklap!
---
CANELAR HIGHWAY...
Abala si Ellah sa pagbabasa ng mga dokumento habang nagbabyahe nang tumawag ang sekretarya.
"Ms. Ellah good morning."
"Good morning napatawag ka?"
"Ms. Nagsidatingan ang mga direktor at nagpapatawag po ng meeting."
Kumabog ang kanyang dibdib.
"Bakit daw?"
"Tungkol po sa nangyari kahapon Ms."
Napabuga ng hangin ang dalaga.
"Prepare the documents I need Jen, please."
"Yes Ms."
Tuwing katapusan ng buwan ay nagbibigay siya ng report sa mga opisyal ng kumpanya.
At alam niyang hindi palalagpasin ng mga opisyal ang nangyari kaya inaasahan na niya ito gano'n pa man hindi pa rin maiwasang kabahan siya.
"May meeting ako with the directors. Ito na ang simula," pag imporma niya kay Gian na ngayon ay nagmamaneho.
"Nandito lang ako, lagi mong tatandaan hindi ka nag-iisa. Ikaw lang ang tanging mapagkakatiwalaan ng lolo mo."
Habang naglalakad ang dalaga papasok sa opisina ay ramdam agad niya ang napakataas na tensyon sa loob, gano'n pa man itinaas niya ang kanyang noo at walang dapat ikahiya. Gaya ng sabi ng kanyang gwardya karapat-dapat siya sa kumpanya dahil pinaghirapan niya at hindi lang dahil sa namana.
Lahat ng madadaanan ng dalaga ay napakatahimik at hindi na gaya ng dati na binabati siya. Dahil ngayon, sa bawat madadaanan niya ay yumuyuko ang lahat habang dumidistansya!
Gaya pa rin ng dati nasa kanyang likuran si Gian na walang imik.
Nasa loob sila ng elevator nang hawakan ng binata ang kanyang isang balikat.
"Kaya mo 'yan Ms. Ellah, lagi mong tandaan ikaw ang may-ari ng kumpanya."
"Maraming salamat."
Napabuntong hininga ang dalaga.
Ngayon ang meeting ng mga board of directors at ipinapatawag siya.
Kung dati natutuwa siyang makikita ang mga ito ngayon ay hindi na.
Pumasok sila sa opisina at agad silang sinalubong ng sekretarya.
"Ms. nasa loob na po ang mga Directors. "
"Ang mga kailangang kong papeles handa na ba?"
"Yes Ms."
Pumasok siya sa private office, hindi na sumunod si Gian at naghintay sa opisina ng sekretarya pero si Jen ang sumunod sa kanya.
"Ms. Ellah, palagi po kaming nakasuporta sa inyo. At lubos kaming humahanga sa inyong katatagan. Kaya huwag kayong magpapatalo, tandaan niyo po, umaasa sa inyo ang mahigit isang libong empleyado. "
May punto si Jen kaya ang panghahawakan niya ay ang libo-libong empleyado nila.
" Salamat Jen, nagkaroon ako ng lakas ng loob."
" Salamat din po Ms. Ellah," anito at umalis.
Umupo siya at hinarap ang mga papeles.
Mabilis niya itong binasa at siniguradong walang kulang sa dokumento.
Pumirma na rin siya sa ibang papeles na nasa mesa.
Ilang sandali pa tumayo na siya at lumabas bitbit ang mga dokumento.
"Jen, tapos ko ng pirmahan ang mga reports, paki distribute na lang ha. "
"Yes Ms."
"Aalis na ako."
Tumayo rin si Gian at sumunod.
Habang naglalakad ay hindi maiwasan ng dalaga ang matinding kaba. Sanay siyang mag report ngunit hindi ngayon.
Hindi ngayon na may ibang pag-uusapan.
Inihatid siya ni Gian hanggang sa pinto ng conference room, bago bumukas ang pinto ay hinawakan siya nito sa balikat.
"Kapag binato ka ng matitinding tanong. Magpakatooo ka lang at sumang-ayon. Tandaan mo, walang katotohanan ang mga paratang nila."
Tumango siya at nagpakatatag dahil sa sinabi nito.
Anuman ang kahihinatnan umaasa siyang magiging maayos pa rin ang kumpanya dahil dito umaasa ang libo-libong empleyado nila.
Napabuga ng hangin ang dalaga bago pinihit ni Gian ang pinto para sa kanya at pumasok.
Nakapalibot ang lahat ng mga naroon sa isang malaking mesa at talagang hinihintay siya.
"Good morning ladies and gentlemen, sorry if I'm late. "
Hindi pa man siya nakakaupo nang tanungin ng isa.
"Is that a manager's habbit Ms. Lopez? Lagi ka na lang nalilate kapag ganitong may meeting."
"It's better to be late, kesa hindi nakapunta. "
"Then why are you late Ms. Lopez?"
"I am not here to be interrogated by you director Han. But I will tell you, I am late because I have so much work to be done."
Hindi ito nakasagot.
Itinaas niya ang noo " I do my responsibility first above anything!"
Natahimik ang lahat kaya naman umupo siya sa harapan.
Alam niyang nandito siya para batikusin ng mga ito. Nagmistula siyang usa na handang lapain ng mga leon.
Kahit balutin pa siya ng kahihiyan hindi siya aalis sa kanyang dapat uupuan.
Nararapat lang na ang may-ari ng kumpanya ang uupo sa harap at siya 'yon.
"Ang pag-uusapan natin ay tungkol sa income for the last six months."
Lahat sila napatingin sa harap kung saan naroon ang power point presentation.
Tumayo ang head ng mga direktor.
"Nakasaad dito na umabot tayo ng mahigit thirty million for the last six months noon na pinamamahalaan ng dating manager, pero ngayon ay hindi man lang tayo nakapangalahati. Noon malaki man ang expenses natin ay kumita pa rin tayo ng mahigit twenty million pero ngayong buwan, kung ibabawas mo lahat ng expenses ang kikitain natin ay wala pang fifteen million."
Tinanggal ang dating manager noon dahil natuklasan nilang ang pera ng kumpanya ang mini mina sa halip na produkto.
Dahil doon napilitan silang mangutang sa bangko kapalit sa perang nawala.
Bukod pa sa utang nila noon sa naturang bangko bilang pandagdag sa puhunan.
"Malinaw na merong malaking perang nawawala, Ms. Lopez maaari mo ba itong ipapaliwanag?" isa sa mga direktor ang nagtanong.
Napalunok ang dalaga.
"Five months ago ay na lugi tayo ng mahigit half million pero ngayon ay bawi na. "
Walang reaksyon. Siguro dahil maliit na halaga lamang 'yon, gayun pa man malaking tagumpay para sa kanya. Sa kagaya niyang halos hindi naman na binibigyan ng halaga ang bawat nakakamtan.
Para sa kagaya ng mga taong ito, tinatawag lang na achievement ang isang bagay kapag ito ay may malaking epekto.
"Pero hindi sapat para mawalan ng ganoon kalaking kita, ganyan ka ba mamamahala sa kumpanya?" wika naman ng isa pa at binalewala ang kanyang pahayag.
"May mga naririnig kaming balitang may relasyon daw kayo ng bodyguard mo? Hindi kaya ito ang dahilan kaya naaapektuhan ang 'yong pamamahala?"
Kumuyom ang kanyang kamay sa ibabaw ng mesa at nagsimulang umugong ang bulungan.
"Ano ba ang pakinabang ng isang gwardya?"
"Hindi na ba siya nag-iisip ngayon?"
Nagsalita ang head.
"Tinagurian ka ngayong "Kidnapped Me!" Ms. Lopez, hindi mo ba alam na malaki ang epekto nito sa kumpanya? Uulanin tayo ng batikos dahil sa pinagagawa mo. Ipinapahiya mo ang kumpanya at posibleng makakaapekto sa stocks!"
Napatayo na siya.
Pagdating kay Gian ay iba na ang usapan!
"Hindi totoo 'yan! Wala kaming relasyon ng bodyguard ko! Totoong kinidnap niya ako pero hindi totoong nagpakidnap ako! At hindi totoong nakakaapekto ito sa pamamahala ko sa kumpanya!"
"Kung gano' n magpaliwanag ka!"
Marahas na huminga ng malalim ang dalaga.
Sinasabi na nga ba
niya at masasangkot dito si Gian!
"Noong nakaraang anim na buwan malaki ang kita pero hindi naman nagbabayad ng utang.
Ngayon maliit man ang kita, 'yon ay dahil nagbabayad tayo ng utang sa bangko. Sa ngayon ang utang natin ay nasa mga thirty million na lang instead of fifty million. "
Natahimik ang lahat at nakatitig sa kanya.
"Nandito ang mga dokumentong nagpapatunay kung saan napupunta ang kita!" Itinaas niya ang isang kamay na may bitbit na mga papeles.
"Ms. Lopez, paano mo nabayaran ang twenty million na pagkakautang sa loob lang ng dalawang buwan?" tanong ng isa pa.
"Ladies and gentlemen, dapat ko pa bang ipapaliwanag ng husto kung paano tayo nakabayad?
Hindi ba ang importante ay nakabayad tayo?"
"Pero nakakapagtakang nakabayad tayo ng ganyang kalaking halaga sa loob lang ilang buwan?" sinundan ng tanong ng isa pa.
"Ginawa ko ang lahat ng aking makakaya para makatipid ng husto. Ang pangunahing expenses natin ay ginawa kong kalahati at higit sa lahat ang administrative cost!
Tinanggal ko lahat ng may kinalaman sa dating manager na napakalaki ng mga sahod gayong hindi naman kailangan ang serbisyo araw-araw.
Wala ng gumagamit ng kuryente pagdating ng alas singko, walang palaging nag-oovertime, hindi na palaging lumalabas ang staff tuwing may achievements, pati office supplies ay tinipid ko.
Lahat ng pwedeng tipirin ay hindi ko pinalampas. At sa ganoong paraan nakatipid tayo ng dalawampung milyon sa loob ng dalawang buwan! Iyon ang dahilan kaya nakabayad tayo ng utang. "
Nagtinginan ang lahat.
"Bilang general manager, responsibilidad ko ang patakbuhin ng maayos ang kumpanya. Pero hindi lang dahil sa posisyon kaya ako nagtatrabaho ng husto, iyon ay dahil mahal ko ang kumpanyang siyang naging puhunan ng dugo at pawis ni don Jaime. Makakaasa kayong hinding-hindi ko pababayaan ang kumpanya!"
Katahimikan.
Nagbubulungan na lang ang mga ito at wala na siyang naiintindihan.
Kaya nagpasya siyang umupo.
Kahit papaano nabawasan ang kanyang kaba at takot. Kung nandito lang sana ang kanyang abuelo tiyak hindi niya dadanasin ang ganito. Gano'n pa man, mas mabuting wala itong alam upang wala na itong dagdag isipin.
Oo at bilyonaryo sila, sobra ang kayamanan, gaano lang ba ang trenta milyones na utang sa bangko? Barya lang sa kanila 'yon.
Pero hindi niya gagamitin ang pera nilang personal para ibabayad sa gastos ng kumpanya.
Kaya umaabuso ang mga opisyal dahil kahit anong gawin nilang kalokohan pagdating sa pera ay may ipambabayad ang kumpanya. Pinatanggal niya sa Chairman ang ganoong patakaran simula ng siya ang maupo bilang General manager.
Isa ito sa dahilan kaya marami ang hindi pumapabor sa kanya.
Kung tutuusin pwede namang hindi na siya magtatrabaho para hindi maputol ang mga pasarap ng mga opisyal, pero hindi ganoon ang kanyang prinsipyo.
Ayaw niyang tumanggap ng perang iba ang naghihirap para kitain. Ayaw niya ring abusuhin ang kumpanya.
Hindi nga niya ginagawa bilang tagapagmana, ang ibang tao pa ba?
Wala siyang mga magulang para maging spoiled. Kailangan niyang kumayod kahit pa pinakamayaman sila sa lugar dahil sa totoo lang, hindi niya 'yon kayamanan kundi sa abuelo.
At iyon ang ayaw niyang inaabuso ng kung sino-sino.
Ang milyon-milyon nilang utang ay mga travel expenses ng mga opisyal na may transaksyon sa ibang bansa man o dito lang.
Nagpatuloy ang meeting pero halos wala na siyang naiintindihan.
Masyadong okupado ang kanyang utak sa nangyari parang ngayon pa lang nag rereact ang kanyang katawan.
Hanggang sa narinig niyang nagsalita ang head.
"Ladies and gentlemen, this meeting is adjourned! Good day!"
Naglabasan ang lahat, at nakataas-noo siya habang naglalakad palabas. Wala siyang masamang ginagawa kaya wala siyang dapat ikahiya!
"Magaling ang ginawa mo Ms. Lopez, napapahanga mo kami. "
Sinabayan siya ng isa sa mga direktor.
"Salamat direktor Chen."
Mabilis siyang bumalik sa opisina.
Sinalubong siya ni Jen.
"Kumusta po Ms. nahirapan po ba kayo?"
Nanginginig ang mga tuhod na umupo siya.
"Hindi naman, tubig please Jen. "
Mabilis itong tumalima at agad siyang binigyan ng tubig.
"Heto po Ms."
Mabilis niyang nilagok ang isang basong tubig, kaya kahit papaano ay guminhawa ang kanyang pakiramdam.
"Si Gian nasaan?"
"Nasa ibaba po Ms."
Napabuntong-hininga ang dalaga at tinawagan ang binata.
"Kumusta Ms.?" sagot nito.
Naririnig niya ang mga ingay sa background nito.
"Okay lang, kumain ka na ba?"
"Yes. Dito sa cafeteria ikaw kumain ka na ba?"
"Kakain pa lang."
"Gusto mo sasabayan kita?"
"Hindi, huwag na, pero salamat."
"Naiintindihan ko. Huwag mo ng isipin ang nangyari basta kumain ka lang at magpakabusog, anuman ang narinig nila mula sa'yo sigurado akong mapapanatag sila."
Napangiti siya. "Thank you Gian."
"You're always welcome Ms. Ellah."
Humugot ng malalim na paghinga ang dalaga.
Hindi niya akalain na masasangkot siya sa ganitong issue.
Alam niyang ginagamit lang si Gian pero ang totoo, balak talaga siyang ibagsak ng mga ito!
Papauwi na sila habang nagmamaneho si Gian nang banggitin niya ang tungkol sa nangyaring meeting.
"Kahit papaano gumaan ang pakiramdam ko dahil nasagot ko ang mga batikos nila at mga tanong.
Halos lahat sila doon ay nagtanong sa akin. Pakiramdam ko wala akong kakampi kahit isa! Para akong daga na pumasok sa lungga ng mga pusa. "
"Pero walang nakalapit sa'yo hindi ba? Hindi ka nila kayang pabagsakin sa ganyang paraan lang Ms. Ellah. "
"Ha? Anong ibig mong sabihin?"
" Dapat mong bantayan ay ang mga tauhan mo, hindi lahat mapagkakatiwalaan, naghihintay lang sila ng pagkakataon para tanggalin ka at palitan. "
"Alam ko 'yon, kaya nga ingat na ingat ako sa bawat kilos ko, lahat limitado lahat dapat kalkulado, sa sitwasyon ko bawal ang magkamali. Kaya minsan nahihirapan na rin ako kung papaano hahawakan ang kumpanya."
"Ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko para pigilan ang mga taong gustong manakit sa'yo. Palagi kitang poprotektahan at iingatan."
"Salamat Gian, salamat."
Sabay pa silang bumuntong-hininga.
"Dinner muna tayo?" aya niya sa gwardya.
"Saan?"
Sinabi ng dalaga kung saan sila pupunta.
"Pero Ms. hindi ba't napakamahal ng restaurant na 'yon?"
"Hindi ba sabi ko, pakakainin kita ng masarap natural mahal. Akong bahala, bale bayad ko na lang 'yon sa mga nagawa mong tulong. "
"Nakakahiya naman sa'yo. "
"Ano ka ba? Minsan lang ako magyaya kaya huwag mong tanggihan. Simpleng hapunan lang naman bilang pasasalamat sa'yo.
Kung mag-iisip ka ng dinner date, next time na lang 'yong ikaw ang magbabayad. "
Natawa ang binata at pinuntahan nila ang sinasabi niya.
"Oh, we're here, " masiglang wika ni Ellah.
---
ZC FLOATING RESTO...
Binuksan nito ang pintuan ng kotse at inalalayan siyang lumabas.
Umatras ito ng tatlong hakbang para paunahin siya.
"Not this time Gian, sumabay ka sa akin. "
Ikinawit ng dalaga ang isang braso sa braso ng binata at nagsimula silang maglakad paakyat sa isang malaking bangka.
Napapalunok ang binata sa mga nakikita. Dinala kasi siya ng dalaga sa isang floating restaurant kung saan puro mayayaman lang ang may kayang pumunta.
Ilang sandali pa, umandar na ang malaking bangka at pumalaot sa gitna ng dagat.
At dahil gabi na, nagkikislapan ang mga nagagandahang ilaw nito sa loob.
Tanaw ang naglalakihang gusali sa 'di kalayuan sa harapan.
"You like it?"
Na patingin siya sa amo. Nakangiti ito at totoong masaya.
Ngumiti siya at tumango.
Nang huminto ang bangka ay dinala siya ng dalaga sa isang VIP room kung saan silang dalawa lang ang naroroon.
Ilang beses niya ring naihatid sa isang VIP room ang amo para sa pakikipagkita nito sa ibat-ibang lalaki, pero ngayon nakapasok siya ng VIP room dahil siya ang inihatid ng amo at isipin pa lang niya na ito ang kanyang kasama ay parang hindi na siya makahinga sa sobrang saya!
"Nagustuhan mo ba?" nakangiti nitong tanong.
Mataman siyang napatitig sa mukha ng dalaga.
"Gian?" untag nito.
"Y-yes, ang ganda!"
"Kumain na tayo, nagugutom na talaga ako. "
"Sige"
Inalalayan niya itong maupo bago siya umupo sa harap nito.
Ilang sandali pa nagsidatingan ang tatlong waiter na may dala-dalang pagkain.
Hindi pa man nabubuksan ang mga natatakpang pagkain ay parang kumakalam na ang kanyang sikmura.
"Thank you, " anang dalaga.
Binuksan ng mga ito ang mga pagkain at talaga namang napapalunok si Gian, dahil ang lahat ay puro sea foods ang inihahain sa kanyang harapan.
"Ano pang hinihintay mo? Lantakan na natin' to!" aya ni Ellah.
Nagsimulang kumain ang dalaga ng nakakamay.
"Sarap nito!" namimilog ang mga matang wika ng dalaga.
Kumain na rin siya.
Malalaking mga alimango, isdang inihaw, at sugpo ang kanilang nilalantakan pero gano'n pa man, hindi niya nakakalimutang himayan ang dalaga para hindi ito mahihirapan.
"Ano ka ba, kaya ko na 'to, kumain ka na lang. "
"Matigas eh, baka mahirapan ka. "
"Okay lang ako, ikaw ang kumain ng kumain diyan dahil ang lahat ng ito ay para sa'yo. "
"Kung gano' n, kumain na tayo!"
Masayang kumakain ang dalawa.
Nagtatawanan pa sila habang pinupuna ang bawat isa.
"Hayan pa oh, lalaki ang kaharap mo tapos ganyan ka kakain. Mag papakapino ka naman. "
"Walang lalaki sa akin 'pag gutom ako. "
"Lahat ba sila wala kang nararamdaman? I mean 'yong parang nagugustuhan?"
"Wala, " derekta nitong sagot.
Ewan ba niya, pero tuwang-tuwa siya kahit napakaikli lang naman ng sagot nito.
"O, kumain ka pa, 'wag ako ang tingnan mo, nakakailang. "
"Akala ko ba hindi ka naaapektuhan?"
"Kanina 'yon gutom ako, pero ngayon busog na ako, nararamdaman ko na. "
Natatawang napapailing siya.
Binuksan niya ang wine at sinalinan ang dalawang kopita.
Ibinigay niya ang isa sa dalaga.
"Cheers?" itinaas ni Ellah ang hawak na kopita.
"Cheers!"
Nagpingkian ang mga kopita nila at sabay ininom ang alak.
Maya-maya lang tumayo na ang dalaga. Tumayo rin siya.
Pumunta ito sa bintana at pinanood ang tubig.
"Kahit papaano, natanggal ang stress ko, sarap ng pagkain. "
"Hmm, kunwari ka pang ako ang pakainin 'yon pala pantanggal stress mo 'yon?"
"Hahaha, parang may tama ka!"
Hinampas siya nito ng braso.
Hinuli niya ang kamay na 'yon at matamang tinitigan.
"Kung sakali bang malalaman ng lolo mo ang mga balitang 'yon, ano ang gagawin mo? Itutulak mo ba ako palayo?"
"Hindi ko 'yon gagawin, sa'yo ako kumukuha ng lakas eh. Ipagtatanggol kita at hindi ko hahayaang kahit sino ay dudumihan ang pagkatao mo, hindi ko 'yon palalampasin kahit pa 'yon ay si lolo."
Humigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ng dalaga.
"Maraming salamat sa'yo Ms. Ellah. "
"Para sa'yo Gian nakahanda akong gawin para hindi ka nila masaktan."
"Why are you doing this? "
" Pinoprotektahan mo ako, kaya dapat protektahan ko rin ang nag poprotekta sa akin. "
Akala niya may ibang ibig sabihin ang mga ginagawa nito sa kanya. Wala pala.
Bumabawi lang ba ito? O ayaw lang magkautang na loob?
Binitiwan niya ito.
"Wala kang dapat ipag-alala Obligasyon kong protektahan ka. Isa pa bayad ang serbisyo ko sa'yo. Hindi mo ako responsibilidad. "
"Don't get me wrong Gian, ginagawa ko 'to para sa kapakanan ng kumpanya. "
Huminga ng malalim ang binata. Hindi siya umimik.
Walang ibang mahalaga dito kundi ang kumpanya. Magandang kaugalian pero hindi siya natutuwa.
' Magkatulad talaga sila ni don Jaime, ang kumpanya ang inuuna.'
Humugot si Gian ng malalim na paghinga.
"Sa sitwasyon mo ngayon, iwasan mo muna ang medya, kailangang tahimik lang ang lahat hanggang sa mag lie low ang mga pangyayari."
"Kung sakaling mangyari 'yon, sana, sana hindi makaapekto sa stocks. Kapag may mga eskandalong nangyayari sa isang kumpanya, ang pinakaunang maapektuhan ay ang stocks. Kapag nangyari 'yon, panibagong dagok na naman. Ayos lang naman kung ako lang ang maapektuhan, huwag lang si lolo, pero malabo 'yon. Bawat problema kapag nakarating sa medya malalaman ni lolo."
"Maiiwasan 'yon kung hindi makakarating sa medya."
Nilingon nito ang dagat bago bumuntong-hininga. "Sana nga."
Tahimik sila habang pinapanood ang bangka na pabalik sa daungan.
Pinangmasdan niya ang marahang pagtangay ng hangin sa buhok ng amo. Sa bawat simpleng paghawi ng kamay nito sa buholk ay tila napakasarap pagmasdan.
Pansamantala niyang nakalimutan ang sitwasyon at nakatitig na lamang.
Ilang sandali pa, huminto ang bangka at isa-isang naglabasan ang mga nasa loob.
Palabas na sila nang tumunog ang cellphone niya.
Ang kanilang head ang tumatawag.
"Sagutin ko lang 'to. "
"Sige, mauuna na ako, "
anang dalaga saka lumabas.
Tumango siya at sinagot ang tawag.
"Good evening sir. "
"Villareal totoo bang nagkakaproblema ang kumpanya ni don Jaime?"
Napailing siya mabilis talaga kumalat ang hindi magandang balita.
"Hindi naman masyado sir. "
"Ang mabuti pa siguro itigil mo na 'yan at bumalik ka dito para hindi ka madamay baka masangkot tayo sa gulo nila. "
Napatiim bagang siya at naglakad palabas.
"Hindi ko po magagawa 'yan sir, pasensiya na. "
Ibinaba niya ang cellphone pero hindi pinatay.
"Gian? Gian!"
Saka siya may napansin sa 'di kalayuan.
Tinanong niya ang isa sa mga staff ng restaurant.
"Anong nangyayari sa ibaba?"
"Si Ms. Lopez po pinag kakaguluhan ng mga reporters."
Nanlaki ang kanyang mga mata at tila na blangko ang isipan!