Chereads / WANTED PROTECTOR / Chapter 29 - Chapter 28 - The Protection

Chapter 29 - Chapter 28 - The Protection

MEDC SITE...

Inabutan niyang abala ang Production Manager sa pagtingin sa mga papeles sa opisina nito.

Nilapitan niya ang opisyal.

Sa pagkakataong ito, hindi bilang gwardya kundi bilang totoong trabaho niya.

"Mr. Valdez."

Nilingon siya ng lalake at agad lumiwanag ang mukha nito.

"Ikaw pala Gian, napadalaw ka? Pinapunta ka ba rito ni Ms. Ellah?"

"Hindi, pagkatapos niyan pwede ba tayong mag-usap?"

Kumunot ang noo ng lalaki.

"Tungkol saan? Upo ka muna."

Umiling siya at nanatiling nakatayo.

"Tungkol sa produkto ninyo."

Kumunot ang noo nito.

"Anong ibig mong sabihin?"

"Kung bibigyan mo ako ng pagkakataong kausapin ka ay ipapaliwanag ko."

Bagama't naguguluhan ay alam niyang papayag ang opisyal.

"Sandali na lang ito."

"Huwag mong hayaang masayang ang ginagawa mong kabutihan sir, huwag mong hayaang magagawa lang ng iba na tapakan ang iyong posisyon dahil lang sa mas makapangyarihan sila.

Tandaan ninyo, kayo ang inaasahan ni Ms. Ellah higit kanino man.

At nakikinig ang inyong amo sa lahat ng inyong hinaing. "

"Tama ka, nagpapasalamat talaga kami na mabait ang amo natin.

At dahil sa tulong mo nakuha namin ang supplier, at sa mababang presyo pa."

"Gusto ko lang ho na makatulong sa kumpanya gaya ninyo. Pero mas may magagawa pa tayo kapag papayag kayo sa sasabihin ko."

"Ano 'yon?"

Huminga ng malalim ang binata.

"Kayo na rin ang nagsabi nagawa kong pababain ang presyo ng produkto.

Ngayon, gagawa tayo ng paraan para maputol ang kasamaan ng mga mas makapangyarihan."

"Sana Gian, kung may magagawa lang ako."

Tumiim ang tingin niya sa opisyal.

"Sir, may magagawa tayo, kung magtitiwala lang kayo."

Sa pagkakataong ito hinarap na siya ng kausap.

"Bakit mo nasasabi 'yan? Sino ka ba bukod sa pagiging gwardya ni Ms. Ellah?"

"Malalaman niyo kapag pumayag kayo sa plano ko."

"May tiwala ako sa' yo Gian dahil sa nagawa mo pero ngayon hindi kaya mapapahamak kami niyan?"

Umiling ang binata.

"Kung sakali, hindi ka ba handang magsakripisyo para sa kumpanya?

Sa laki ng naitulong mo sa pag-unlad ng negosyo sa tindi ng paghihirap mo, minsan hindi ka na umuuwi matapos lang ang trabaho.

Nagkakasakit ka na pero inuuna mo pa rin ang kumpanya.

At kahit iniisip ng iba na nagpapabango ka lang ng iyong pangalan hindi mo ininda 'yon at patuloy pa rin sa paggawa ng kabutihan, kaya walang duda na magagawa mo ang magsakripisyo sir."

Kumunot ang noo nito na may bahid pagtataka.

" Sandali lang, paano mo nalaman ang tungkol diyan? "

"Kapag papayag ka, sasabihin ko kung paano ko nalaman.

Isa sa magiging epekto nito,

ikaw ang magiging dahilan para kilalanin ng mas makapangyarihan ang inyong mababang posisyon."

"Paano ako makakatulong?"

"Sasabihin ko mamaya kapag natapos na kayo sa inyong ginagawa sir."

"Sige, malapit na ito, pag-uusapan natin 'yan."

Ngumiti si Gian pagtalikod niya.

Kasunod niyang pinuntahan ay ang supervisor na may kausap sa cellphone.

Sa harapan nito ay nakahilera ang sampung trak na nilalagyan ng produkto ng mga tauhan.

"Papatapos na ito, mamayang hapon makakapagdeliver na tayo sampung trak ulit.

Ano? Ikaw ang Marketing Manager responsibilidad mo 'yan! Kami rito taga handa lang! Alas singko tapos na ito!"

Tiningnan ni Gian ang suot na relo.

Alas tres ng hapon dalawang oras na lang.

Binalingan ng supervisor ang mga tauhang nagkakarga ng sako-sakong carbon.

"Kumpleto na ba ang walong trak?"

"Malapit na sir!"

"May dalawang trak pa tayo bilisan ninyo!"

"Opo!"

Muli nitong binalingan ang hawak na papel.

Nilapitan niya ang supervisor.

"Mukhang pagod ka na sir."

Lumingon ang lalaki sa gawi niya.

"O Gian, anong ginagawa mo rito?"

Tumingin siya sa mga trak na punong-puno ng produkto.

"Sigurado ka bang hindi 'yan papalpak?"

Sumama ang itsura nito.

"Ano?"

"Kahit anong paghihirap ninyong gumawa ng kabutihan kung hindi niyo kayang pigilan ang gumagawa ng masama ay madadamay pa rin kayo."

"Gumagawa ng masama? Anong ibig mong sabihin?"

Nilingon niya ang kausap.

"Hanggang ngayon, hindi pa rin tumitigil ang mga masasamang nangyayari hindi ba? Marahil wala kang alam dahil nasa mababang posisyon ka lang."

Inaasahan niya ang magiging reaksyon nito.

Alam niyang hindi ito magpapakababa sa sarili dahil mababa ang tingin nito sa kanya.

Napansin niya ang pagdilim ng anyo ng lalaki at bumadha ang galit dito.

"Ang lakas ng loob mong sabihin 'yan gayong gwardya ka lang naman!" dinuro siya nito.

Hindi ininda ng binata ang narinig.

"Mababa pa rin ang posisyon mo kumpara sa iba."

"Ano! Mababang posisyon? Oo mababa pero sa akin nakasalalay ang produkto! Sa akin dadaan ang lahat!" Binalingan nito ang mga tauhan at pinagduduro.

"Hoy kayo diyan! Tapos na ba 'yan?"

"Opo sir!"

Tumahimik na ito kaya muli siyang nagsalita.

"Sa'yo nga dadaan, pero wala ka namang magagawa pagkatapos dumaan sa'yo."

"Ano!"

Tumalim ang tingin nito at hinarap siya.

"Sino ka ba ha? Gwardya ka lang ng amo namin! Kahit may relasyon kayo wala kang karapatang mangialam!"

Yumuko siya at kalmadong nagsalita.

"Bakit hindi mo masagot ang tanong Mr. Salazar?

May magagawa ka pa ba pagkatapos dumaan ng produkto sa'yo?"

"Anong pakialam mo ha?"

"Kung may magagawa ka madali sa'yo na sagutin ang tanong ko.

Ikaw ang nagpapakahirap sa trabaho habang wala ka namang magagawa kapag may nangyaring masama."

"Anong wala! Ako ang magdedesisyon pagdating sa produkto!" singhal nito.

Hinarap niya ito na kalmado pa rin.

"Kung gano'n bakit na reject kayo?"

Tumahimik ito at naghagilap ng sasabihin.

"Kasalanan 'yon ng iba hindi akin!"

"Wala ka pa ring nagawa.

Kung may magagawa ka bakit hindi mo napigilan ang paggawa nila ng masama?

Dumaan sa'yo ang produkto at ginawa mo ang lahat para sa kabutihan ng kumpanya pero, wala ka ng kontrol 'pag dumaan na sa'yo."

Umiiling ito at nararamdaman na niyang napunto niya ang kahinaan ng kausap.

" Umalis ka na hindi ka nakakatulong."

Pagkakataon na niya upang bumawi.

"Alam mo bang hinahangaan ko ang kabutihan mo Mr. Salazar?"

"Ano?" Kumunot ang noo nito. "Kanina nilalait mo ako ngayon sasabihin mo 'yan! "

"Hinahangaan kita dahil kahit mababa ang posisyon mo malaki ang iyong katungkulan.

Malaki ang naitutulong mo sa pag - unlad ng kumpanya.

Kung hindi dahil sa pagsisikap mong makakuha ng matinong produkto ay walang kikitain ang kumpanya ninyo.

Mr. Salazar, siguro hindi nakikita ng iba na sa'yo nakasalalay ang buhay ng negosyo,Β  ginagawa mo ang lahat mapapabuti lang ito at dahil doon hinahangaan kita.

Gano'n pa man limitado ang iyong kakayahan."

Yumuko ang kausap.

Alam niyang na korner na niya ito.

"Tama, limitado lang pero masaya ako sa trabaho ko dahil marangal ito."

"Mr. Salazar, ayaw mo bang isa ka sa makatulong sa pag-ayos ng pagtakbo ng kumpanya?"

"Ano?"

"Kapag ginawa mo 'yon hindi na matatapakan ang iyong katungkulan. Titingalian ka ng mas mataas pa ang posisyon sa' yo kahit pa, nasa mababang posisyon ka lang."

"Malabo 'yan, ang nasa mababang posisyon ay susunod lang sa mas nakakataas."

"Huwag mong limitahan ang kakayahan mo dahil lang sa taga sunod ka.

Alam mong ikaw ay gumagawa ng tama. Ikaw na rin ang nagsabi sa' yo nakasalalay ang produkto bakit hindi mo 'yon kayang ipakita sa iba? Hindi sa lahat ng pagkakataon ay susunod tayo sa opisyal dahil lang sa mas mataas sila.

Gamitin mo ang iyong karapatan sa mabuting paraan."

Muli itong tumingin sa kanya sa pagkakataong ito alam niyang nakuha na niya ang atensyon nito .

"Paano?"

Lihim na napangiti si Gian.

Sinadya niyang sa ganoong paraan kausapin ang supervisor dahil alam niya ang kahinaan nito.

Matapang ito sa mababa lang dito, ngunit takot sa makapangyarihan dahil iniisip nito ang mababang katungkulan.

Ginipit niya lang ito para ipagmalaki ang posisyon nang sa gano'n makukuha niya ang kalooban nito.

Ngayong nakuha na niya ang tiwala ng dalawa mas makakagawa na siya ng paraan para matulungan ang dalaga.

Alam niyang hindi niya ito misyon gano'n pa man nakahanda siyang ilantad ang totoong trabaho para lang maprotektahan at madepensahan ang amo.

---

MEDC OFFICE...

Nag-iigting ang bagang ni Ellah habang papasok sa silid ng conference room.

Agad siyang nagpatawag ng meeting dahil sa mga kumakalat na spekulasyon.

Habang naglalakad sa pasilyo ay muli niyang naalala ang sinabi ng sekretarya.

"Jen, wala ba akong meeting?"

"Wala po Ms. pero may kumakalat na tsismis ngayon Ms. Ellah. "

"Tungkol saan?" napakunot ang kanyang noo.

"Ms. ayoko po sanang manggaling sa akin pero Ms. ang sabi-sabi may, may relasyon daw kayo ng bodyguard niyo. "

Napatayo ang dalaga.

"Hindi lang 'yon, may kumakalat ding isumbong kayo sa Chairman para mapatalsik sa pwesto. "

Wala pa mang nangyayari pero ang balita ay meron na?

"Sinong nagpakalat niyan!"

"Hindi ko po alam Ms."

"Magpatawag ka ng meeting sa lahat Jen, ngayon na!"

"Yes Ms."

Kung sino man ang naninira sa kanya tiyak na may lihim itong galit at matagal naman na niyang kilala kung sino ang mga 'yon!

Matapos maayos ng sekretarya ang utos niya ay dumeretso siya sa conference room.

Nang makita niya ang mga taong naroon ay hindi niya mapigilan ang kanyang galit at hinanakit.

"Good morning Ms." bati ng lahat.

Pumunta siya sa gitna at nagsalita.

"Good morning, kaya ko kayo ipinatawag lahat ay para malaman ninyo na ang reject nating gabundok ay paubos na. At ngayon, nababawi na ang ating kalahating milyong lugi!"

"Ms. hindi pa naman nalugi 'yon dahil hindi naman natin itinapon." Ang nagsabi noon ay pangalawa sa may pinakamataas na posisyon.

"Hinarap niya ito. " Hindi nga itinapon pero wala rin kayong ginawa. Mr. Go, ikaw ang Presidente bakit hindi mo man lang ito naisip? "

Hindi na ito kumibo.

Tinitigan niya ang bawat isa.

"Hindi ba kayo natutuwang magagamit pa ang inaakala nating patapon na?"

Umugong ang bulungan.

"Natutuwa kami Ms. Ellah. "

"Kung gano' n, bakit wala man lang isa sa inyo ang nakaisip ng ganoong paraan?"

Natahimik ang lahat.

"Mr. Javier ikaw ang nasa marketing department bakit hindi mo naisip ang ganitong paraan?"

"Naisip na rin Ms. kaya lang natatakot akong baka mas malugi tayo kapag sinubukan nating ihalo sa high class. "

"Pero hindi 'yon ang nangyari, tingnan niyo ngayon, napapakinabangan natin. "

Katahimikan.

"Ang pagbaba ng three percent ng presyo sa ating purchasing, bakit hindi niyo naisip 'yon? Na pwede pa pa lang ibaba ng hanggang three percent ang presyo."

Walang nangahas magsalita.

"Ngayon tatanungin ko kayo, hindi ba kayo natutuwa na hanggang ngayon ang ginagamit nating presyo ay three percent?"

Muling umugong ang bulungan.

"Natutuwa kami Ms."

"Nakuha natin ang FDS na matagal na nating pinapangarap hindi ba kayo natutuwa?"

Nagkatinginan ang lahat.

"N-natutuwa kami Ms."

"Hindi tayo na reject ng BMG plant at sa halip, tumagal pa ang kontrata natin sa kanila alam niyo kung bakit? Iyon ay dahil sa nakuha nating three percent kaya nakapagsupply agad tayo."

Walang nagsalita at lahat nakatingin sa kanya.

"Kung hindi bumaba ng three percent ang presyo ng produkto, hindi tayo makakapag supply sa kanila. Sa palagay niyo ba nasa atin pa ang BMG hanggang ngayon?

Alalahanin niyo, tumaas ng twelve percent ang presyo ng GMC kaya tayo nagipit. Pero bumaba ng three percent."

Nilibot niya ang tingin sa lahat.

"Marami tayong sinusuplayan hindi lang BMG plant kaya tayo nagkukulang.

Kilala ninyo ang GMC ang produkto nila ang kailangan ng BMG plant kaya tayo nakikipag-agawan.

At isa tayo sa nakakuha sa kanila. Hindi ba kayo natutuwang ang BMG plant na siyang pinakamalaking planta sa lugar natin ay nasa atin pa rin?"

"Bakit ba niya ito sinasabi ngayon?"

"Oo nga, ano ba ang ibig niyang palabasin?"

Narinig niya ang usapan ng nasa harapan na malapit sa kanya.

"Marahil nagtataka kayo kung bakit ko sinasabi ang lahat ng naabot natin hindi ba?"

Walang nangahas magsalita.

"Hindi ko kayo pinabayaan sa kabiguan man o tagumpay. Lagi niyo akong kasama pero, may mga tao pa ring nagtangka akong alisin sa pwesto!"

Umugong ang bulungan.

"Alam niyo na kung sino kayo. Ang hiling ko lang sabihin niyo ng derekta sa akin ang mga galit niyo at hinanakit."

Katahimikan.

"Ladies and gentlemen, gusto kong malaman ninyo na sa kabila ng tagumpay nating makuha ang three percent at mapakinabagan ang reject ay hindi ako ang nag-iisang nag-isip niyan. "

"Kung gano'n may tumulong sa inyo?"

"Tama! At ang taong 'yon ay ang siyang nilalait at sinisiraan ninyo!"

Walang nangahas magsalita.

"Kung walang nakaisip ng ganoong paraan sa ating mismong nasa loob ng kumpanya bakit ang taga labas ay nakaisip?

Ngayon sabihin niyo kapag naging opisyal ba siya sa kumpanyang ito ay igagalang na ninyo ang taong tumulong sa akin?"

Walang nagsalita.

"Isa nga lang siyang gwardya pero mas marami pa siyang alam kaysa sa inyong mga opisyal ng kumpanya. Ngayon sabihin niyo ano ang karapatan ninyo para siraan ang taong naging dahilan ng ating tagumpay? "

Muli ay katahimikan.

"Makinig kayong lahat! Walang sino man sa inyo ang maririnig kong maninira sa taong 'yon dahil hindi ako mahihiyang tanggalin kayo sa inyong posisyon! Maliwanag!" sigaw na ng dalaga.

Walang nangahas magsalita.

"This meeting is adjourned!" aniya at naunang lumabas.

Walang imik na sumunod ang kanyang sekretarya.

Ngunit sumabay ang Presidente.

"Ms. Iyong tungkol sa reject na produkto, inaamin kong wala akong maisip na paraan para doon, natatakot kasi akong mas malugi pa tayo kapag ginalaw ko 'yon.

Isa pa parang iligal kasi na hahaluan ng reject ang matinong produkto tapos ililihim sa planta, kapag nabuko tayo mas malaking problema 'yon. "

Sandali siyang natahimik dahil may punto rin naman ito.

Naisip niya kung si Gian ang kausap nito ano kaya ang sasabihin ni Gian?

" Mr. Go, hindi natin sinabi na hinaluan ng reject pero hindi rin natin sinabi na first class ang produkto, kumbaga hinayaan lang natin na isipin nilang walang nagbago sa dinideliver natin. Wala naman silang reklamo iyon naman ang mahalaga hindi ba?"

"Yes Ms. ang mahalaga napakinabangan pa ang reject na sana."

"Para sa kumpanya ang ginawa ko Mr. Go."

"Oo, iyon ang mahalaga, sige Ms. salamat sa sinabi mo kanina."

"Sige."

Bahagya itong yumuko bago siya iniwan.

Binalingan niya ang sekretarya.

"Jen, sumobra ba ako?"

"Hindi po Ms. dapat lang sa kanila na maturuan ng leksyon. "

"Hindi ko alam na sinisiraan na pala kami ng taga rito, imagine taga kumpanya mismo ang nanira sa akin!"

"Pasensiya na Ms. kung ngayon ko lang po sinabi. "

"It's okay. "

Huminga siya ng malalim.

Isang hamak na gwardya nga lang ang binata pero hindi siya makakapayag na tapak-tapakan ito ng kung sinu-sino!

Pagkatapos ng trabaho ay hindi agad siya umuwi.

---

AZZURA BEACH RESORT...

Dinala siya ni Gian sa tabing dagat nang sinabi niyang gusto niyang magpahangin.

Pagdating sa naturang lugar ay sinalubong siya ng malamig na simoy ng hangin. Naaamoy niya rin ang amoy-dagat na talaga namang nagpagaan sa pakiramdam niya.

Umupo siya sa buhangin hindi alintana na marumihan siya.

"Ms. isapin mo ang coat ko, baka marumihan ang damit mo, " ani Gian at nilagay sa buhangin ang coat nito.

"Salamat."

Huminga ng malalim ang dalaga habang nakatingin sa mapayapang dagat.

"Nakahanda kang madumihan ang damit mo alang-alang sa akin. Huwag kang mag-alala kahit gaano ka karumi pagsisikapan kong linisin ka."

"Ha?" napakunot ang noo ng binata.

Nilingon niya ito at tinitigan sa mga mata.

"Nakahanda akong linisin ka gaano ka man karumi, pangako."

"Ms. Ellah, may nangyari ba?"

Tumabi ito sa kanya.

"Hindi ka na aalis hindi ba? Ipangako mong hindi mo na ako iiwan uli kahit anong mangyari. Pangako na ipagtatanggol kita kahit sino pa ang mang-aapi sa'yo. "

"Hindi kita naiintindihan. "

Mili siyang huminga ng malalim.

"Malala na ang kumakalat na balitang may relasyon daw tayo, natatakot akong makarating kay lolo ang balitang 'yon.

Tiyak na magkakagulo kung sakali man. "

"Hindi mangyayari 'yon at kung sakali man, hindi kita iiwan, makakaasa kang lagi akong nasa likuran mo. "

"Salamat. "

Kinabig siya ng binata pasandal sa balikat nito.

"Kung nabibigatan ka na, sumandal ka lang sa balikat na ito, dahil ang balikat na 'yan ang siyang aalalay at gagabay sa'yo."

Sumandal ang dalaga sa balikat ng binata, at ipinikit ang mga mata.

"Darating ang panahon, baka tatanggalin nila ako sa posisyon."

"Huwg kang pumayag, tandaan mo Ms. Ellah hindi mo narating ang posisyong 'yan dahil sa koneksyon mo bilang apo. Nandiyan ka dahil pinaghirapan mo 'yan at tandaan mo walang ibang nararapat sa pwestong 'yan kundi ikaw lang. "

Tama si Gian, kanila ang kumpanya atΒ  walang ibang magmamay-ari no' n kundi sila.

Kapwa tahimik ang dalawa habang nakatingin sa dagat.

Ang tanging maririnig ay ang pagaspas ng maliliit na alon sa dagat na naghahatid ng kapayapaan ng kanyang nararamdaman.

"Kanina, napag-usapan namin ang tungkol sa reject na produkto at sinabi sa akin ng Presidente na parang mali ang ginawa nating paglilihim sa planta nang haluan natin ng reject ang produkto.Β 

Medyo nagipit ako nang sinabi niyang hindi natin sinabi ang totoo, sa palagay mo ano ang dapat isagot sa sinabi niya? "

" Sinabi niya 'yon? "

" Oo, may punto rin naman siya."

"Anong sagot mo?"

"Sinabi kong hindi naman natin sinabing first class pa rin ang diniliver natin pero hindi rin natin ipinaalam na hinaluan natin 'yon, kumbaga as is lang siya kasi wala namang naging problema."

"Tama naman ang sinagot mo."

"Kung ikaw 'yon anong isasagot mo?"

"Sinabi niyang parang iligal ang ginawa natin, hindi naman iligal 'yon kasi wala naman tayong nilabag na batas.

Ang iligal,' yong may patakaran pero sinuway mo.

May batas ang pagmimina pero hindi kasali ang ginawa natin.

Bukod doon, naglilihim tayo dahil hindi naman na dapat ipaalam pa sa planta, maliban na lang kung nagtanong sila at hindi natin sinabi ang totoo at nagsinungaling tayo, iyon ang mali.

Kung sakaling tatanungin tayo dapat nating ipaalam sa kanila ang totoo, kung iiwan nila tayo kahit na pumasa ang produkto sa ginawa natin maghanap tayo ng iba at siguradong may tatanggap. Ang mahalaga hindi nasayang ang pinaghirapan. "

Napangiti ang dalaga.

Hindi niya naisip ang mga sinabi ni Gian.

Mas napatanag siya ngayon dahil sa paliwanag ng binata.

" Ang galing naman, sana parehas tayo ng pag-iisip. "

" Mas magaling ka dahil ikaw ang namumuno sa isang napakalaking kumpanya."

Napabuntong hininga ang dalaga nabalik na naman sila sa pinproblema niya.

"Kung sakaling makarating man kay don Jaime, wala kang dapat ikatakot dahil hindi totoong may relasyon tayo.

Iginalang ko ang desisyon mong dapat walang mamagitan sa atin kundi amo at tauhan lang at dahil doon, kaya mong tingnan ang lolo mo ng walang alinlangan. "

Napatingin siya rito.

"Paano kung balingan ka ni lolo?"

"Huwag kang mag-alala dahil hanggat hinahawakan mo ako, alam kong ligtas ako at makakaasa kang hindi kita bibitawan. "

"Salamat Gian, salamat sa pang-unawa. "

"Patawarin mo ako."

"Ha? Bakit?"

"Dahil sa ginawa ko binabatikos ka nila. Kung hindi ko 'yon ginawa hindi mangyayari ang ganito."

"Kung hindi mo ' yon ginawa, hindi ako magkakaroon ng lakas ng loob na kalabanin ang kalaban."

"Magpakatatag ka Ms. Ellah, kaya mo 'yan, alalahanin mo ikaw ang apo. Ikaw ang higit na pinagkakatiwalaan."

Huminga ng malalim ang dalaga.

Tumiim sa kanyang isipan ang mga sinabi ng binata.

Alam niyang kaya niyang harapin ang kahit sino dahil nasa likuran niya ito.

Aaminin niyang ang binata ang nagbibigay sa kanya ng lakas ng loob para harapin ang anumang pagsubok.

At nakahanda siyang makipaglaban anuman ang kahihinatnan!