Chereads / WANTED PROTECTOR / Chapter 23 - Chapter 22- The Dream

Chapter 23 - Chapter 22- The Dream

MEDC OFFICE...

Tahimik na nagtrabaho si Ellah at iginalang 'yon ng kanyang sekretarya.

Pinilit niyang balewalain ang sakit na dulot ng pag-iwan sa kanya ng gwardya.

Gwardya lang naman ito hindi siya dapat masaktan.

Isinubsob niya ang sarili sa trabaho para kahit papaano ay magiging abala siya at panandaliang makalimutan ang mga iniisip hanggang sa dumating ang oras ng tanghalian.

Tiningnan niya ang cellphone, nagbabakasakali siyang may text si Gian.

Sa mga oras na ito, marami na itong mensahe at paalala sa kanya, ngunit ngayon wala kahit isa.

Napabuntong-hininga siya at hindi maiwasang makaramdam ng hinanakit.

Ito ang gusto niya kaya paninindigan niya.

Hindi nawawala sa kanya ang isiping pera lang niya ang habol ng gwardya.

Bukod pa roon paano siya matutulungan sa negosyo sa kumpanya kung ang alam nitong trabaho ay pagiging gwardya lang? Oo nakakatulong ng kaunti ngunit hindi ganoon kalawak ang kaalaman.

Apo siya ng pinakamaimpluwensiyang tao sa kanilang lugar at ang madungisan ng kahit anong maliit na eskandalo ang kanilang pangalan ay isang malaking kahihiyan.

'Ako si Ellah Lopez, apo ng isang don Jaime Lopez!'

Bumukas ang pinto na nagpahinto sa kanyang iniisip, bumungad ang sekretarya.

"Ms. Ellah, lunch time na po," untag ni Jen.

"Sige mauna ka na. Ano nga ulit schedule ko ngayon Jen?"

"May meeting po kayo with CBC construction po mamayang 5:00 pm. "

"Okay, thank you."

"Mag pa deliver po ba kayo?"

"Hindi 'wag na."

Lakas loob na nagsalita ang sekretarya.

"M-Ms. Ellah, dahil po ba ito kay sir Gian?"

Hindi umimik ang dalaga, ayaw niyang isiping dahil nga ito sa kanyang gwardya.

Hindi ito ang nararapat para sa kanya.

Magdudulot lang ito ng kahihiyan.

Isang ordinaryo lang na lalaki si Gian at hindi ito ang pinangarap ni don Jaime para sa kanya.

Hindi rin ito ang pinapangarap niya at natatakot siyang lumalim ang nararamdaman niya para sa isang gwardya lang.

'Masaktan na kung masaktan wala akong pakialam!'

Nang tuluyang makaalis ang sekretarya ay

naupo siya sa kanyang swivel chair.

Kailangan niya ng lakas para sa meeting ng manager ng construction para doon kumuha ng materyales sa tunnel.

Kumalam ang kanyang sikmura sa gutom subalit tiniis niya.

Uminom lang siya ng tubig at saka nahiga ulit.

Masakit na ang ulo niya ngunit tiniis niya pa rin, hanggang sa nakatulog siya.

Parang nawalan siya ng gana sa lahat.

Nagising lang siya nang may kumatok sa pinto.

"Good afternoon po Ms. nag lunch na po kayo?" tanong nito mula sa labas.

"Oo Jen," pinasigla niya ang boses para mapaniwala ang babae.

Tinitigan ng sekretarya ang nakapinid na pinto ng amo.

Naaawa siya rito dahil mula ng mawala ang gwardya nito ay tila nawalan na rin ng sigla, matamlay sa lahat ng bagay.

Mas matamlay kung ikumpara sa pagkawala ng tatlong gwardya nito noon.

Ayaw nitong amining may nararamdaman ito sa lalaking 'yon, bagay na hindi nito matanggap.

Sana hindi magtatagal makakalimot din ito at magiging normal na ulit ang lahat.

Huminga ng malalim si Jen at pinagpatuloy ang trabaho.

Para sa gaya niyang mahirap lang kailangang mag trabaho ng maigi at huwag magpaapekto sa mga nangyayari.

Hinimas ni Ellah ang kanyang sintido nang hindi na makayanan ang kirot.

Nakaramdam siya ng inggit sa sekretarya dahil parang wala itong pinoproblema samantalang mahirap lang naman ito, wala rin itong nobyo gaya niya, siya itong mayaman pero parang hindi siya nauubusan ng pinapasan.

Ipinilig niya ang ulo at binasa ang dokumento bago pinirmahan.

Sa mga gaya niyang may malaking responsibilidad ay walang lugar ang pagiging emosyonal.

Tuloy siya sa trabaho kahit masakit na ang ulo at gutom pa.

Maya-maya ay tila nakakaramdam na ng pagkairita ang dalaga dahil wala ng tigil sa pagkalam ang kanyang sikmura.

Ibinagsak niya, ang hawak na ballpen sa mesa.

"Hindi ako 'to eh!"

Kahit kailan hindi siya nagpapalipas ng gutom, makaligtaan man niya pero kumakain talaga siya.

Para siyang nanlalata na hindi niya maintindihan.

Hindi na siya maka pag concentrate sa trabaho, talagang masakit na masakit na ang ulo niya.

Alas kwatro at hindi na niya kaya nakakaramdam na siya ng pagkakahilo.

Tumayo siya at binitbit ang bag.

"Jen, mauuna na ako. "

"Sige po Ms."

Nasa elevator siya ng sinapo niya ang kanyang noo, para kasi siyang nahihilo kaya ipinikit niya ang mga mata.

Nakarating siya ng basement at dumeretso sa kotse.

"Good afternoon Ms. Ellah!" ang panabayang bati ng tatlong gwardya pero hindi niya pinansin at pumasok sa nakabukas na pintuan ng walang imik.

Nagmaneho palabas ang tsuper at ang tatlong gwardya niya ay tahimik lang din.

"May meeting ako ngayon deretso tayo sa Cafe Marghareta," aniya at pumikit.

Nasa highway na sila nang biglang sumakit ang tiyan niya.

"Ah..." sapo niya ang kanyang tiyan.

"Ano pong nangyari sa inyo Ms. Ellah?" Halos magkasabayang tanong ng tatlong gwardya.

"M-masakit ang tiyan ko. "

"Bakit? Ano po ang kinain niyo?"

"W-wala akong... kinain... ah, "

namilipit siya sa sakit.

"Nagtatrabaho kayo ng walang kain? " gimbal na tanong ni Dan, ang pinuno ng grupo. "Mang Jude, humanap ka ng pinakamalapit na kainan, may lugawan o noodles."

"W-wala akong gana."

Ang mahinang daing ng tagapagmana ay siyang mas lalong nagpaalala sa mga ito dahil nakikita nila ang pamumutla ng amo.

Ipinikit ni Ellah ang mga mata habang isinandal ang ulo sa upuan, nagbabakasakaling maibsan ang nararamdaman.

Maya-maya ay huminto ang sasakyan sa tapat ng lugawan.

Agad na inutusan ni Dan si Bert para bumili ng lugaw.

"Samahan mo ng ininit tubig. Ikaw naman Manuel bumili ka ng gamot sakit sa tiyan at ulo."

Tumalima ang dalawang kasamahan at naiwan si Dan habang binabantayan ang amo.

"Dalhin ko na lang kaya kayo sa ospital Ms. Ellah?" suhestyon ni Mang Jude na ikinagitla ng dalaga.

"No! Hinding-hindi ako magpapaospital!"

Ang bagay na 'yon ang pinakakinatatakutan niya.

Nagkaroon siya ng trauma ng maaksidente silang pamilya noong bata pa siya at dinala sa ospital at puro siya turok ng karayom sa mga kamay, may tahi pa sa gilid ng noo.

Ilang saglit lang ay dumating na si Bert bitbit ang isang mangkok ng may umuusok na arrozcaldo, isang tasang mainit na tubig at isang bottled mineral water.

Agad tinanggap ni Dan ang mangkok at sinubukan siyang subuan ng isang kutsarang lugaw na agad niyang tinanggihan.

"Ako na, Dan." Kinuha niya ang kutsara sa kamay nito at isinubo.

Pagsayad pa lang ng pagkain sa kanyang sikmura ay nakaramdam agad siya ng kaginhawaan. Itinuloy ni Ellah ang pagkain at hindi inalintana ang init nito hanggang sa maubos niya at ibinigay ni Dan ang isang basong may lamang mainit na tubig at agad niyang hinipan at ininom.

"Ms. Ellah, ito po gamot," ani Manuel na humahangos galing sa pagtakbo.

Kinuha 'yon ni Dan, binuksan at binigay sa kanya kasama ang bukas ng mineral water.

Tahimik na ininom ni Ellah ang mga gamot saka siya nagsalita.

"Pumunta na tayo sa meeting-"

"MS.ELLAH!" Magkapanabayang singhal ng apat sa kanya na ikinagulantang niya.

Kumalma si Dan. "M-Ms. kasi po 'di niyo pa kaya."

Inalalayan ni Dan ang kanyang ulo pahiga sa unan.

Inayos niya ang kanyang posisyon sa paghiga.

"Paano ang meeting ko?" angal niya bago pumikit.

---

AMELIA HOMES...

Hingal na hingal at pawisan ang binata habang nakaupo sa kama.

Tila totoo talaga ang nangyari kaya hindi siya mapalagay.

Nang mahimas-masan agad niyang dinampot ang cellphone sa ibabaw ng mesa at mabilis tinawagan ang kaibigan.

Ngunit ring lang ng ring ang cellphone nito.

Bigla siyang kinabahan.

"Pare, sagutin mo!"

Naka apat na tawag na siya subalit hindi pa rin nito sinasagot.

Lumakas ang kaba niya.

Madalas pa naman itong nasa misyon mula noong umalis siya.

Paano kung nasa panganib ito?

Paano kung napahamak na?

Paano kung patay na nga ito?

"Hell No!"

Pang limang tawag niya nang may sumagot.

" Vince pare! Nasaan ka!"

"Hello Gian?"

Boses ng babae ang sumagot.

"Anne?"

"Yes"

Huminga siya ng malalim. Nobya nito ang nakasagot.

"Pwede ko bang makausap si Vince?"

"Ahm, nasa banyo siya eh, naliligo."

Nakahinga siya ng maluwag.

"Gano'n ba?"

"Pagkatapos niya, sasabihin kong tumawag ka. "

"Sige, salamat. "

Ibinaba niya ang cellphone at humugot ng malalim na paghinga bago sumandal sa head board.

Ang napanaginipan niya ay totoong nangyari na noon ngunit hindi niya ito pinatay dahil nagtraydor siya sa grupo ng kalaban!

Sa halip na barilin ito ay ang mga kasamahan niya sa grupo ang pinagbabaril niya sanhi ng kanyang muntik ng pagkamatay ng gantihan siya ng mga tauhan ng kalaban.

Naalala niya ang pinag-usapan nila noon ni Vince bago siya nawalan ng ulirat sa dami ng tama ng bala.

"Gian! Gian! Lumaban ka! Naririnig mo ba ako!" malakas na tinapik ni Vince ang kanyang pisngi.

"B-bakit nag-iisa ka lang..."

"Sir?" tinapik nito ang kanyang pisngi.

"Sir Gian!" hindi siya umimik at tila pipikit ang mga mata.

"GIAAAANNN!!!"

Iyon na ang huli niyang narinig bago nagdilim ang kanyang paningin.

Napakislot siya nang tumunog ang kanyang cellphone.

Agad niyang sinagot nang makitang si Vince ang tumatawag.

"Gian pare, tumawag ka raw?"

"Pare, napanaginipan kita!"

"Malaswa ba?"

"Gago! Pinatay daw kita!"

"Tarantado! Sa lahat ng pwede mong mapanaginipan ako pa talaga?"

"Hindi ko alam kung bakit. "

"Baka totohanin mo 'yan ah?"

"Baliw ka talaga! Pare, masama ang kutob ko. "

"Tang ina pare! Kadalasan daw sa panaginip kabaligtaran. Hindi kaya ako ang papatay sa'yo?"

"Magagawa mo ba?" seryoso niyang tanong.

"Mas baliw ka pala eh! Sa palagay mo ba gagawin ko 'yon? Iyan na ang napapala mo sa pag ha-hallucinate!"

"Wala ka talagang kwentang kausap!"

Maya-maya ay sumeryoso ang kausap.

"Pare, mag-iingat ka palagi. "

"Ikaw rin!"

"Pare, hindi kaya premonition 'yan para hindi ka muna babalik sa trabaho?"

Hindi siya nakasagot. Posible ba 'yon?

"Pare, 'wag ka na muna kayang babalik? Sa totoo lang ako ang kinakabahan para sa'yo eh. "

Nahimas niya ang buhok.

"Sa totoo lang pare, ako man ay kinakabahan din."

"Umamin ka nga, apektado ka ba sa pag-alis mo sa mga Lopez?"

Napabuga siya ng hangin.

"Alam ko na ang sagot. Ang mabuti pa pare, 'wag ka munang tumanggap ng trabaho, sa opisina ka na lang muna."

"Pare, parang hindi ko pa talaga kayang bumalik sa dati sa ganoon ka ikling panahon lang."

"Kailangan mo yata pare, sampung taon bago ka maka move-on!"

"Gago!"

"O sige na, ibababa ko na 'to at medyo busy pa ako ngayon. "

"O sige na nga, pagbutihan mo ang trabaho, " pangangantyaw niya.

"Yes sir!"

Natatawang ibinaba niya ang cellphone.

Kahit papaano gumaan ang kanyang pakiramdam ng malamang wala sa panganib ang kaibigan!

Samantalang siya ni hindi pa niya alam kung sino ang nagpamanman sa kanya kaya nalagay sila sa panganib, hindi rin niya mapatunayang konektado ang nangyaring engkwentro sa bundok doon sa pagmamanman, maging ang hepe nila ay hindi rin alam kung sino ang nagpadala ng mensahe dahil walang contact tracing. Hindi matukoy kung saan galing ang nag text.

Magaling ang nagpamanman sa kanya mukhang sanay sa ganitong klaseng trabaho.

Tanging sila lang naman ng hepe ang nakaalam at si don Jaime tungkol doon sa text message, inilihim niya 'yon maging sa kaibigang si Vince.

Isa talaga ito sa dahilan kaya natakot ang don sa kanya bilang gwardya ng apo nito maging siya ay natatakot na rin para sa apo nito.

Humugot siya ng malalim na paghinga.

Ngayong nagising na siya at nag-iisa, bumabalik na naman ang ala-ala ng dalaga.

Napagtagumpayan niyang hindi magparamdam upang paalalahanang oras na ng kain, ngunit araw-araw binabasa niya ang mga usapan nila sa text kagaya ngayon.

Madalas din niyang maisip ang mga pinagagagawa nitong kapalpakan kaya bigla na lang siyang matatawa.

Mapait na ngumiti ang binata.

Paano ba niya ito makalimutan ng tuluyan?