Chereads / WANTED PROTECTOR / Chapter 7 - Chapter 6 - The Responsibility

Chapter 7 - Chapter 6 - The Responsibility

MEDC SITE...

"Siguraduhin niyong aabot tayo sa oras ng pag deliver ha?" anang amo sa hindi kalayuan.

Siya naman ay nakatayo sa gilid, nagmamasid sa paligid habang abala ang lahat sa paghahakot ng sako-sakong carbon na ikinakarga sa trak.

Naalala niya ang pagtulong sa babaeng amo doon kay Garcia. Wala sa plano niya ang tulungan ito sa pakikipag deal.

'Kaya lang gusto pang manggulang ang magulang na tarantado.'

Wala rin sa plano niya ang tumulong sa pagkarga ngayon kaya lang...

'Nakakaawa naman ang matandang ito.'

Lumapit siya sa matandang lalaki na nagbubuhat, tagaktak ang pawis sa buong katawan at kitang-kita ang pagod ngunit kinakaya pa rin.

Walang imik na nagbuhat din siya ng sako kasunod nito.

"Naku! Bawal po tumulong sir!" sita ng matanda na hindi niya pinansin at naunang maglakad patungo sa trak at ibinaba niya roon.

"Sir, bawal ho ang hindi laborer tumulong, " saad ulit ng matanda.

"Nagmamadali ho tayo kuya, kaya walang bawal ngayon," tugon niya at nagbuhat ulit ng tig dalawang sako.

"S-salamat po."

Hindi na siya umimik at tuloy lang sa pagbubuhat hanggang sa natapos.

Umaalis na ang sampung trak.

Tagaktak na rin ang pawis niya sa buong mukha.

Nilapitan siya ni Ellah.

"Hindi mo 'yan obligasyon, sumunod ka sa akin."

Tahimik siyang sumunod sa babaeng amo.

"Sir, itong si mang Eman, biyente sako lang nakarga, hindi siya ang nagbuhat doon sa trentang natira!"

Natigilan siya at muling humarap, deretso ang tingin sa lalaking nakaturo sa matandang tinulungan niya.

"May tumulong sa'yo?" sita ng supervisor na palapit sa matandang yumuko.

"P-pasensiya na po sir, pinigilan ko po pero...

kasalanan ko po sir!" Halos lumuhod ang matanda at pinagtatawanan ng iba.

Lumapit na siya sa mga ito.

"Ako ang tumulong, may problema ho ba?"

Tiningnan siya ng supervisor.

"Ah, sir bawal ang tumulong."

"Nagmamadali tayo hindi ba?"

"Pero kasi sila ang may sahod at trabaho nila 'yon."

"Anong mangyayari kay mang mang Eman?"

"Bawas sahod-"

"Bakit?"

"Patakaran 'yan."

"Kawawa naman si mang Eman, mababawasan pa ang sahod."

Humagkis ang tingin niya sa lalaking bumulong.

"Hindi ko tinulungan ang matanda para gumaan ang trabaho niya, tinulungan ko siya dahil naghahabol kayo ng oras.

Ang tinulungan ko si Ms. Ellah."

"Kung bakit kasi 'yong matanda pa, tsk kawawa."

Nagtiim ang bagang niya at mariing tinitigan ang lalaking nagsumbong na ngayon ay tila nakikisimpatiya sa matanda.

"Si mang Eman ang pinakamabagal kaya siya ang tinulungan ko," bahagya siyang humakbang palapit sa lalaki.

"Kung ikaw pinakamabagal ikaw sana, pero pwede naman kitang pabagalin, kung gusto mo gumapang ka palabas dito."

"Ano? Ang yabang mo ah!" Naghubad ng uniporme ang lalaking kaharap.

Niluwagan niya ang neck tie na suot.

"Tama na 'yan, Roxas!" singhal ng supervisor.

"Anong nangyayari dito?" si Ellah na humahakbang palapit.

Umatras siya at nagtungo sa likod ng amo.

"Ms. Wala ho, naayos na," tugon ng supervisor.

"Kailangan ba talagang bawasan ang sahod ng taong tinulungan ko?"

"Bakit babawasan?" deretso ang tingin ng amo sa supervisor.

"Nasa patakaran Ms. Ellah."

"Except ngayon. Nagmamadali tayo at kulang sa oras. Mas malaki ang problema natin kung ma delay."

Natahimik ang lahat.

"Kung may problema man, ako ang mananagot." Tumalikod ang amo pabalik ng opisina at sumunod siya.

Tumikhim siya bago nagsalita. "Ah, salamat sa ginawa mo."

"Salamat din sa ginawa mo."

Tumahimik siya. Iniisip na wala naman sigurong malaking epekto ang kanyang ginawa.

Nagpapasalamat din siya at naiintindihan siya ng tagapagmana.

---

ALAVAR SEAFOOD RESTAURANT...

Kinagabihan lahat ng staff na under kay Ellah at maging ang ibang opisyal ay nasa isang restaurant at masayang nagkainan habang magaang nag-uusap.

Ang mga taong ito ang rason kung bakit hanggang ngayon ay nananatili siya sa mababang posisyon na siyang gusto niya.

Sa mundo niya kung saan ang dahilan ay hindi sapat, ang pagkabigo ay hindi nararapat.

'Dito ako nararapat.'

Ipinagmamalaki niyang kahit babae siya ay kaya niyang hawakan ang panlalaking negosyo.

Speaking of a man.

Sinulyapan niya ang katabing lalake na tahimik lang kanina pa.

"Guys, listen." Itinaas niya ang isang kamay para kumuha ng atensyon.

Lahat ng mga ito ay napatingin sa kanya.

"I forgot to tell you na may tumulong sa atin para makuha ang three percent."

Napalunok si Gian at kinabahan ng matindi dahil sa patutunguhan ng usapan.

Umangat ang tingin niya sa katabing amo.

Isa sa mga bagay na pinakaayaw ng binata ay ang makakuha ng atensyon.

At nagsimula na nga.

"Oo nga Ms. Sino ba siya?" si Jen na nasa tabi ng amo sa kaliwang banda ang sekretarya nito.

Lumawak ang ngiti ng dalaga. "You won't believe it, but none other than..."

Mabilis siyang umiling bilang pahiwatig na tumahimik na ito.

Sa kanyang pagkadismaya ay hindi nakuha ni Ellah ang kanyang senyales.

 "Gian!" malawak ang ngiting nilingon siya ng amo.

Ngayon nasa kanya na buhos ang atensyon.

Pinuri siya ng lahat at humanga pa ang mga ito.

Natawa si Ellah. "Oh, nakalimutan kong ipakilala, si Gian Villareal ang bago kong bodyguard."

Binati naman siya ng lahat.

"Oy, Gian ikaw ha, may itinatago ka palang galing ha?" wika naman ng isang babaeng nagngangalang Myra katabi ng sekretarya ng amo.

Napapansin ni Ellah na panay lang ang yuko ni Gian, minsan ay ngingiti kasabay ng pag-iling.

Napangiti siya, marahil ay hindi rin ito sanay na pinupuri ng iba kagaya niya.

"Bagong bodyguard mo, Ms. pero bakit iisa?"

Napatingin siya sa gwardya na nakatingin din pala sa kanya.

"Nakaka miss 'yong sina Homer at mga kakulitan ng kasama niya."

Siniko ni Jen si Myra hudyat upang tumahimik.

Bumaling ang tingin niya kay Myra.

" Tama ka Myra. Nakaka miss sila."

Unti-unti ng naghihilom ang pait sa kanyang dibdib bagama't inuusig pa rin siya ng konsensiya, alam niyang hindi niya kasalanan ang nangyari.

Maya-maya ay tumayo siya hawak ang isang basong may inumin.

"Guys, alam kong stress kayo at pagod kaya mag-inuman tayo cheers!"

"Cheers!"

Sabay nagpingkian ang mga baso at sabay-sabay silang uminom.

Matagal bago natapos ang kasiyahan.

Tumayo lang ang dalaga nang maramdaman niyang nahihilo na siya.

"Paano 'yan kanya-kanya muna tayo. Mag-iingat kayo sa pag-uwi."

"Kayo rin Ms. Ingat kayo!"

"Ah, si Mr. James Valdez, ang production manager. " pagpapakilala ng dalaga.

"Mr. Valdez, si Gian Villareal, bodyguard ko."

Nagkamay ang dalawa.

"Hindi na kami magtatagal ha, maraming salamat," wika ni Ellah.

Inalalayan siya ni Gian dahil pakiramdam niya nahihilo na siya.

Habang papalabas pakiramdam ng dalaga umiikot ang paligid niya kaya napasandal siya sa balikat ng binata habang naglalakad sila patungo sa parking lot.

"Ms. Kaya mo bang maglakad?"

"Kaya ko pero 'wag mo akong bibitiwan."

"Hindi 'yon mangyayari."

Hinahawakan siya nito sa magkabilang balikat para hindi siya matumba, hanggang sa nakarating sila sa kotse.

Kinakagat ni Ellah ang kanyang labi bagay na napansin ni Gian.

"Stop that please?"

Napalingon siya. "Huh?"

"Stop biting your lip."

Namumungay ang mga matang tumingin siya sa gwardya.

"And why?"

"Para kang nang-aaya."

"Ha? Teka nasusuka ako."

Bahagyang natawa ang binata. "Outside please?"

Katahimikan.

Nang kumalma ang dalaga ay hindi na siya nasusuka.

"Madam?"

"Hmm?"

"Anong nangyari sa mga bodyguard mo dati?"

Natahimik siya at humugot ng malalim na paghinga bago tumingin sa kawalan.

"It's okay, you don't have to tell me."

"Pinatay sila."

Napalingon sa kanya ang gwardya.

"Tinambangan kami para lang sa lintik na kidnap for ransom na 'yan. Pwede namang kidnapin na lang ako at manghingi ng pera bakit kailangan pang pumatay?"

"Nauunawaan ko, pero hindi mo dapat sinasabing ayos lang sa'yong makidnap. Tama lang ang ginawa ng mga gwardya mon para protektahan ka."

Nilingon niya ang kausap na nakatitig sa daan habang nagmamaneho.

"Kung gano'n itataya mo rin ang buhay mo para sa akin? Handa kang mamatay para protektahan ako?"

Hindi ito sumagot.

"Mr. Villareal."

Nilingon siya ni Gian saglit at muling tumingin sa daan.

"Kung sakaling gusto mong magtrabaho sa kumpanya sabihin mo lang."

"Ipinagkatiwala ka sa akin ng lolo mo."

"Ipangako mong hindi ka mamatay para lang sa akin. Hindi ko na 'yon kakayanin. Mamamatay na ako sa konsensiya."

Ipinikit ng dalaga ang mga mata at hindi na narinig ang huling katagang tinugon ng gwardya.

"My job is enough. Enough to protect you."

---

MEDC OFFICE...

Lumipas ang ilang linggo, tuloy si Gian sa kanyang responsibilidad.

Tahimik siya habang naglalakad sila papasok sa opisina ng amo.

Tingin niya, nararapat sa tagapagmana ang kumpanya hindi lamang sa apo ito ng presidente ng kundi dahil kaya nito ang responsibilidad.

Nakikita niya ngayon si Ellah bilang isang mahusay na negosyante.

"Good morning, Ms." bati ng sekretarya.

"Good morning, Jen."

Nagkatinginan sila ng sekretarya ng amo na kiming ngumiti sa kanya. Yumuko siya rito.

"Madam sa labas lang ako," akmang tatalikod na siya.

Nilingon siya ni Ellah, "Don't you want to come in?"

Napangiti siya.

Inilibot niya ang tingin sa kabuuan ng pribadong opisina.

May mesa at swivel chair, sa gilid ay may filing cabinet, sa gitna ay may maliit na mesa sa harap ay may sofa.

Umupo siya sa naroong sofa kaharap ng lady boss at pinagmasdan ito sa pagpipirma ng papeles.

Naka eye glass ito at seryoso sa pagtatrabaho.

"You need help?"

Sinulyapan siya nito, ngumiti at umiling.

Tumayo siya at nagtungo sa glass wall, pinagmasdan ang mga dumaraang mga motorista.

Binalingan niya ang amo.

"Alis na ako Ms."

"Alright." Ngumiti si Ellah saka tumango.

Tinungo ni Gian ang rooftop gamit ang hagdan. Tanging matataas na opisyal lamang ang nakakagamit ng elevator kapag patungo na sa mataas na bahagi ng palapag.

Pagdating sa rooftop ay sinlubong siya ng mabining ihip ng hangin.

Dito lang nangyaring kumakalma ang kanyang isipan, at nakakapag-isip ng walang inaalala.

Hindi tulad ng dati niyang trabaho bilang agent kahit saan siya magtungo hindi maaari ang tinatawag na relaxation.

Matapos maghintay ng ilang oras habang pinapanood ang mga ibong nagliliparan, mga sasakyang dumaraan ay tumunog ang tiyan niya at saka siya nag text sa amo.

To: BOSS

Ma'am, lunch time.

Matapos mag send ay saka niya napagtanto ang isang bagay na nagpailing sa kanya, sa kauna-unahang pagkakataon ay nag text siya sa babaeng hindi naman niya kaanu-ano.

Bilang protektor o gwardya ay hindi na niya obligasyon na ipaalala sa boss na oras ng kain.

Ngunit ginawa niya.

"Baliw na yata ako?"

Abala si Ellah sa pagpirma ng mga papeles na nasa mesa habang nakaupo.

Nang tumunog ang cellphone ay inabot niya sa ibabaw ng mesa at binasa ang mensahe.

From: Bodyguard:

Ma'am, lunch time.

Akmang magrereply na siya nang tumawag ang abuelo.

"Yes, Mr. Chairman?"

"Hija, wala naman ako sa opisina. Busy ka ba mamayang gabi?"

"Uhm... hindi naman po lolo, bakit?"

"Tamang-tama gusto kang makita ng anak ng kaibigan ko."

Umismid ang dalaga. "Lolo, busy po pala ako-"

"Huwag mo akong bigyan ng ganyang rason Ellah..."

Napairap sa kawalan ang dalaga. Matapos ang paulit-ulit na litanya ng abuelo ay nagpasya siyang replayan ang mensahe ng gwardya.

Pahinamad na nakasandal si Gian sa upuan ngunit nang mabasa ang isang mensahe sa cellphone ay napatayo siya.

From BOSS:

Thank you. I have something to tell you, please come to my office. 

Napangiti siya.

Tinakbo ang bawat baitang mula sampung palapag patungo sa ikalimang palapag.

Pagdating sa kung nasaan ang opsina ng amo ay hiningal lamang siya ng bahagya saka dumeretso na sa pribadong opisina ng dalaga.

Nang nasa labas na ng pinto ay natigilan siya.

"Sandali? Ba't ako nagmadali?"

Naiiling na napakamot siya sa batok.

Tuluyan na siyang pumasok.

"Hi!" nakangiting bati niya na ikinagulat ni Ellah.

"Hi! That was... fast? Nasa labas ka lang ba?"

"Sa roof top ako galing."

"Talaga? Bilis naman! "

"Hmm," tugon na lamang niya.

 "Bakit mo nga pala ako pinatawag?"

Tumikhim siya at nilakasan na ang loob.

"Ahm, kumain ka na ba?"

"Hindi pa. Ngayong gabi mga seven o'clock, can you still work for me?"

"Sure madam, may meeting ka?" Masigla niyang tugon.

"No, actually it's a date."

Napalis ang ngiti niya.

"D-date?"

"Utos ni lolo. Wala akong magagawa. This is my responsibility. Pwede ka ba?"

Muntik na niyang makalimutan na ang babaeng ito ay naghahanap nga pala ng mapapangasawa!

Tumango siya at tumalikod.

"How about the lunch?"

"Busog pala ako," tugon niya bago lumabas at bumulong. "Kumain ka mag-isa."