PAGKATAPOS ng tatlong subject ay agad dumiretso si Lexine sa library upang kumuha ng additional resources para sa ginagawang report para sa Materials Management class. Dumiretso siya sa business section at tsinek isa-isa ang mga librong nakahilera sa bookshelves. Habang abala sa paghahanap ay bigla siyang nakarinig ng ingay mula sa kanyang likuran. Paglingon niya ay nakakalat na ang mga libro sa sahig.
Weird, wala naman ibang tao roon maliban sa kanya kaya paano nalaglag ang mga libro?
Pinulot pa rin ni Lexine ang mga ito at binalik sa bookshelf. Natigilan siya nang tumusok sa kanyang ilong ang isang pamilyar na bango. Nakaramdam siya ng nostalgia. Sinasabi na nga ba niya at hindi guni-guni ang lahat dahil talagang pamilyar `yon sa kanya. Katulad na katulad `yon ng amoy ng puting balahibo. Saan `yon nanggagaling? Malayo na sa pwestong kinatatayuan niya ang mga estudyante na abala sa pagbabasa.
"Mag-iingat ka nandito lang siya sa paligid."
Muntik nang sumigaw si Lexine nang may kulubot na kamay ang bigla na lang humawak sa braso niya. Isang matandang babae ang may-ari niyon. Kilala niya ang ginang, isa ito sa mga librarian ng campus nila. "A-ano ho `yun?"
Pinagpawisan siya ng malamig. May kakaiba sa kinikilos nito. Diretso lang na nakatitig sa kanya ang mga mata ng ginang subalit ang nakapagtataka ay hindi man lang ito kumukurap. Mas humigpit ang pagkakakapit ng librarian sa braso ni Lexine sabay inilapit nang husto ang mukha nito sa kanya. Napasinghap siya nang maamoy mula mismo rito ang kanina niya pa hinahanap. Hindi siya maaring magkamali.
"Nandito lang siya sa paligid kaya mag-iingat ka. `Di ka niya titigilan hangga't hindi ka niya nakukuha." Magaspang ang paos nitong boses.
Nagsitayuan lahat ng balahibo ni Lexine sa katawan. Wala siyang maintindihan sa sinasabi o kinikilos nito pero isa lang ang alam niya: natatakot siya. "Hindi ko ho alam kung ano'ng sinasabi niyo."
Pero wala sa sarili ang matanda at panay buka lang ng bibig nito habang paulit-ulit ang mga salitang namumutawi sa bibig. "Nandito lang siya... nandito lang siya… nandito lang siya."
Binawi ni Lexine ang braso mula sa ginang. "Sorry ho, pero `di ko kayo maintindihan."
Nagmadali siyang humakbang palayo. Naririnig niya pa rin ang librarian sa patuloy nitong pagsasalita na parang sirang plaka pero hindi na siya nag-abala pang lumingon. Hindi napansin ni Lexine ang dinadaanan at nabangga sa isang matigas na bulto. Tumili siya pero agad din natigilan nang makilala kung sino ang nasa harapan. "Ansell?"
"Hey, bakit namumutla ka? May nangyari ba?" Agad siya nitong nilapitan at hinawakan sa magkabilang balikat.
Umiling si Lexine at pilit na pinapapakalma ang tumatalon niyang pulso. "Nothing. Can we please go home na lang kasi... medyo masakit ang ulo ko." Pinindot niya ang sintido.
Maingat nitong hinimas ang magkabila niyang braso. "Okay, just wait for me in the car at may kukunin lang ako sa locker."
"Okay."
Sabay silang naglakad patungong parking lot. Hinatid muna siya ni Ansell hanggang sa loob ng sasakyan nito bago muling bumalik sa loob ng campus upang kunin ang mga gamit nito. Pilit pa rin niyang pinakakalma ang sarili. She tried to breathe deeply and exhaled slowly.
"Walang kaugnayan kay Night ang sinasabi niya. Relax ka lang, Lexine. Stop overthinki—"
Isang kamay ang biglang pumalo sa gilid ng salamin na nagpatalon ng puso niya. Malakas siyang tumili. Nakahinga siya nang maluwag nang makita na si Xyrille lang pala. Sapo-sapo niya ang dibdib. Para siyang aatakihin sa puso at nagiging magugulatin na siya. She's getting paranoid and it's not healthy for her.
Kumakaway ito at may sinisenyas. Binaba niya ang bintana ng kotse. "Lexi, uuwi ka na?"
"Yeah, bakit?"
Ayan na naman ang babae at parang kiti-kiti dahil hindi mapakali. Panay ang sulyap nito sa kabilang side ng parking lot. "Ayun `yung new student na sinasabi ko sa `yo. He's so gwapo talaga, girl. I want to be his friend, ASAP! As in, now na!"
Sinundan ni Lexine ang direksyon ng mga mata ni Xyrille. Natanaw niya muli ang grupo ng mga estudyante habang may pinagkakaguluhan ang mga ito. Sino ba talaga ang bagong student at bakit bigla na lang ito nagkaroon ng fansclub? Ilang sandali pa at natanaw ng kanyang mga mata ang isang itim na hood. Isang mabigat na bagay ang agad bumara sa kanyang lalamunan habang mabilis na gumapang ang pamilyar na kilabot sa buo niyang katawan. Natatarantang binuksan niya ang pinto at lumabas ng sasakyan.
Mula sa ingay at kaguluhan ng grupong `yun, unti-unting nasilayan ni Lexine ang taong nasa gitna. Naipit niya ang hangin sa dibdib nang sa wakas at tuluyang nakita ang kabuuan nito. Pamilyar lahat sa mata niya. Leather jacket, itim na damit at combat boots. Nakasuot ang lalaki ng dark aviator shades subalit hindi `yun naging hadlang upang makilala niya kung sino ito. Animo tinamaan siya ng kidlat sa biglang paninigas ng buo niyang katawan.
"Para siyang hindi tao sa sobrang perfect ng mukha niya. Sobrang kinis, as in walang ka pores-pores. I can't believe na mas flawless pa siya sa `kin. I wonder kung gumagamit ba siya ng beauty products or alaga sa derma. Hindi kaya, member ng LGBT si crush? Anyway, okay lang sa `kin! I still like him! Maybe I should invite him this weekend to my crib. Mag-oorganize ako ng welcome party for him. What do you think, Lexi? Should I—"
Wala na siyang naintindihan pa sa mga sumunod na sinabi ni Xyrille dahil literal na huminto ang oras sa paligid niya. Lumingon sa gawi ni Lexine ang lalaki sabay dahan-dahan nitong hinubad ang suot na shades. Umangat ang sulok ng bibig nito at diretsong tumitig sa kanya. At kahit hindi niya narinig ang boses nito ay sapat na kung ano ang nabasa niya sa labi nito.
"Hi, cupcake."
Pakiramdam ni Lexine hinigop ang kaluluwa niya patungo sa ibang dimensyon.