NAMULAT SI LEXINE sa pamilyar na paraiso sa kanyang panaginip. Umaalingasaw muli ang pamilyar na amoy ng baby powder at eucalyptus na malamig sa kanyang ilong. Hinanap niya ang higanteng puno na may gintong mga dahon at doon niya natagpuan ang lalaki. Tahimik itong nakatayo sa harap ng puno na tila inaasahan ang kanyang pagdating.
"Please sabihin mo naman sa `kin kung sino ka ba talaga. Kung ano'ng alam mo tungkol kay Night at sa sumpang nag-uugnay sa `ming dalawa," diretso niyang tanong dito. Bahagya itong lumingon.
"Please... answer me! Ang sabi mo pu-protektahan mo `ko. If that's true, then please show me who you are."
Ilang saglit na katahimikan ang namayapa sa pagitan nilang dalawa bago ito dahan-dahan na pumihit paharap sa kanya. Lumiwanag ang mukha ni Lexine nang sandaling nasilayan ang itsura nito. Maging ang kabuuan ng perkpekto nitong pangangatawan na tila inukit na para isang scuplture.
Tanging puting pantalon ang suot nitong saplot. Napaka-ganda ng hugis ng panga nito, maitim ang mga mata at makapal ang mga kilay, matulis ang ilong at napaka amo ng mukha. Bumagay ang kulay mais nitong buhok sa kabuuan ng itsura nito. Pakiramdam tuloy ni Lexine ay nasisilaw siya sa angkin nitong kakisigan. The guy is too... holy.
Unti-unting humakbang ang lalaki palapit sa kanya. Nang makalapit ay agad itong lumuhod sa harapan niya gamit ang isang tuhod nito. Kinuha nito ang isang kamay niya at dampi `yon hinalikan.
Tumayo ang binata habang hindi pa rin binibitawan ang kamay niya. "Ang pangalan ko'y Cael at pinadala ako upang protektahan ka. Nandito ako upang ipagtanggol ka laban sa mga kasamaan na nais kang saktan."
Bumuka ang bibig ni Lexine subalit walang lumabas na salita. Protektahan siya? Bakit? Sino ba talaga ang lalaking ito at ano naman ang kakayahan nito upang maprotektahan siya? Totoo ba ang lahat ng ito o gawa-gawa lang ng malikot niyang imahinasyon? Hindi kaya panaginip lang ang lahat?
"Totoo ang lahat ng sinasabi ko, Alexine. Hindi lamang ito basta isang panaginip," anito na tila nabasa ang nasa isip niya.
"But why? `Di ko maintindihan lahat ng nangyayari sa `kin. Kung totoo ang sinasabi mo, bakit ka pinadala para protektahan ako? Sino ang nagpadala sa `yo at bakit sa panaginip lang kita pwedeng makita at makausap?"
Binitiwan ni Cael ang kanyang kamay. "May tamang panahon para sa mga katanungan mo, Alexine. Ang katulad ko'y hindi binuo gamit ng putik. Hindi kami katulad niyong mga nilalang at hindi kami nabibilang sa inyong mundo." makahulugan sagot nito. "Sa ngayon ay sa panaginip lamang kita maaring makausap."
"If that's the case then how would you protect me from Night?"
Maliit na ngiti lang ang sinagot ni Cael. Inangat nito ang isang kamay at buong pag-iingat na hinaplos ang kanyang pisngi na tila ba takot itong magalusan ang balat niya.
"Lahat ng bagay ay may paraan. Basta't pakatatandaan mo na palagi akong nandito upang protektahan ka. Hinding-hindi kita pababayaan."