"W-wala akong kasalanan!" Depensa ni Echo.
Napakunot-noo ako habang naguguluhan. Bakit bigla siyang may hawak na baril? Saglit lang naman akong nawala pero bakit parang andaming naganap?
"Echo? B-bakit may hawak kang baril?"
Hindi ko na napigilang magtanong.
Napatingin ako sa kaniyang mga mata at sinubukan aralin ang mga tingin niya.
"H-hindi ko alam! Binuksan ko lang 'tong locker tapos---"
"Sa presinto ka na lang magpaliwanag!"
Lumapit ang mga pulis kay Echo para arestuhin siya.
"T-teka sandali! Hindi niyo ako pwedeng hulihin. W-wala akong kasalanan," pagpupumiglas ni Echo.
"Sandali!" Sinubukan ko silang pigilan.
Hinakbang ko ang aking paa palapit sa kanila nang hawakan ni Guanson ang aking mga braso.
"Bitiwan mo nga ako," pagpupumiglas ko.
"Graciella, tulungan mo ako!" Sambit ni Echo. Ayaw niyang magpa-posas.
"Graciella, alam mong hindi ako ang dapat na hinuhuli dito," Dagdag niya.
Hindi ako nakaimik. Alam kong hindi siya ang may-gawa sa room 409 ngunit hindi ko alam kung paano ko de-depensahan ang eksena ngayon na may hawak siyang baril. Maging ako sobrang naguguluhan.
"Bibigyan ka namin ng pagkakataong magpaliwanag pero hindi dito!" Sambit ng isang pulis kay Echo.
Tuluyan siyang ipinosas kahit ayaw sana niya.
"Pero totoo ang sinasabi niya. Hindi siya ang pumatay sa nasa room 409!" Pagpupumilit ko.
Natigilan ang dalawang pulis.
"Bitiwan mo nga akong kalbo ka!" Mariin kong sambit kay Guanson sa sobrang inis.
Hindi naman kasi siya kasali dito pero nakikialam!
"Bakit? Wala naman kaming sinabing siya ang pumatay ah! Bakit mo siya masyadong dinedepensahan?"
Natigilan ako sa sinambit ng mga pulis. Pakiramdam ko'y namumula ang pisngi ko. Bigla akong nakaramdam ng malakas na kabog sa aking dibdib. Mali yata ang nasabi ko. Mas lalo ko yatang naidiin si Echo.
Napatingin ako sa kaniya at hindi ko maiwasang maawa.
"Sumunod ka sa 'min sa presinto kung sa tingin mo'y mas matibay ang ebidensya mo kesa sa nadatnan namin dito."
"Talagang susunod ako kahit hindi niyo sabihin!" Mariin kong sambit.
Napatingin ako kay Echo na tila nabuhayan ng pag-asa sa aking sinabi.
Muli kong sinubukang magpumiglas kay Guanson ngunit masyado siyang malakas.
"Wala ka rin namang magagawa eh!" Sambit niya.
"Tara na!" Utos ng pulis at hinila nila si Echo.
Hindi tinatanggal ni Echo ang kaniyang tingin sa 'kin. Tila humihingi siya ng kasiguruhan na tutulungan ko siya.
"Sandali!" Sambit ko nang maka-tapat sila sa 'kin.
" Bitiwan mo na nga ako!" Utos ko kay Guanson at doon lang niya ako binitiwan.
Pabulong kong kinausap si Echo.
"Naalala mo ba 'yung usapan natin? Kakampi natin ang isa't isa. Pangako, susunod ako dun! Tutulungan kita."
"Hihintayin kita do'n Graciella!"
Ngayon tila mas kalmado na si Echo.
Tumango ako at tuluyan silang lumabas.
Samantala, hinarap ko si Guanson at tinignan ko siya nang masama.
"G-ginawa ko lang ang dapat," depensa niya at agad siyang lumabas.
Lalabas na rin dapat ako nang tumunog ang aking cellphone.
Napa-hinga ako ng malalim nang makita ko kung sino ang tumatawag. Hinugot ko ang lahat ng tapang ko upang makausap si Mr. Stanley Montero.
"Bakit po kayo tumatawag?" Malamig kong tanong.
"Graciella, anak!"
Anak ang madalas niyang tawag sa 'kin lalo na kung may ipapakisuyo siya.
"Pwede ba kitang makausap nang personal? Ngayon?"
"May importante po akong pupuntahan."
"Graciella, alam kong ikaw ang naka-saksi sa nangyari."
Natigilan ako sa narinig. Ramdam ko ang pamumuo ng luha sa aking mga mata. Napalunok ako upang pigilan ang pag-agos nito dahil hindi ako pwedeng umiyak habang kausap siya.
"H-hindi ako makapaniwalang magagawa niyo ho 'yun!"
Pinipilit kong tapangan ang boses ko para itago ang totoo kong nararamdaman.
"Kaya nga kailangan kitang makausap para maayos 'to."
Mariin kong pinunas ang aking mga luha na sinabayan ko ng malalim na paghinga para makapagsalita ako nang maayos.
"Isa lang po ang paraan para maayos niyo 'yan. Kailangan mong isuko ang sarili mo sa mga pulis bago pa tuluyang makulong ang taong wala naman talagang kasala---"
" 'Yung Echo!"
Lalong nanikip ang dibdib ko sa aking narinig.
"Kung ganoon,"
Halos hindi ako makapagsalita ng maayos sa sobrang bigat ng aking nararamdaman.
" kayo ang may gawa no'n?"
Realidad ba talaga 'to?
"Ang totoo, hindi ako umasa na gagana ang pag-frame up ko pero umayon ang tadhana. Wala akong magagawa!"
"Ang sama niyo ho pala!"
Narinig ko ang pagbuntong hininga ni Mr. Stanley.
"Pasalamat ka na lang at hindi kita dinamay alang-alang sa aking anak na si Red."
Hindi ako nakaimik. Hangga't maaari, ayoko rin sanang maapektuhan si Red dito. Hindi niya deserve na madamay.
"Gusto kitang makausap dito sa bahay."
"Pwes, wala po akong panahon dahil ngayon din ay pupunta ako sa presinto para sabihin ang totoo!"
Pinatay ko ang tawag sabay punas ng aking luha.
I'm sorry Red pero ito kasi ang tama!
Nagmadali akong naglakad palabas.
Sisiguraduhin kong malalaman ng mga pulis ang totoo.
Tumungo ako sa may lampas ng hotel building upang mag-abang ng masasakyan.
Mayamaya pa'y isang kulay gray na van ang tumapat sa 'kin.
Bumukas ito.
"Miss Graciella," sambit ng lalaki sa loob ng van.
Napalunok ako nang makita ang mga pamilyar na mukha. Sila ang mga utusan ni Mr. Stanley Montero.
Bumaba ang nasa bandang harap, sa tabi ng driver's seat.
"Sumama ka na lang ng maayos para wala nang gulo," utos niya.
"Pasensiya na pero may iba akong lakad!"
"Pero kailangan mong sumama dahil 'yun ang utos ni boss," sambit ng nasa loob ng van.
"Hndi ko siya boss!" Mariin kong sagot.
"Eh di pili ka na lang! Sasama ka o lapida?" Sabay ngiti niya nang nakakatakot.
Napatingin ako sa hawak niyang baril na ngayon ay pasimpleng naka-tutok sa aking tagiliran.
Hindi! Hindi ako pwedeng matakot o magpasindak.
"Sakay!"
Hindi ako kumilos. Inirapan ko lang siya.
"Sakay sabi eh!" Pananakot niya.
Tinignan ko siya nang masama.
"Akala mo nagbibiro ako?"
Inilapit ng lalaki ang baril sa 'kin. Sa sobrang inis ko, mas lalo akong hindi kumilos.
"Graciella, iha."
Isang pamilyar na boses ang aking narinig.
"Sumama ka na lang ng maayos para hindi ka na masaktan," may pag-aalala niyang sambit.
"M-Mang Danny?"
Napanganga ako sa gulat nang mapansin kong siya nga.
Hindi ako makapaniwalang pati siya, sumasang-ayon sa kanila.
Si Mang Danny ang pumalit kay Tatay bilang driver ni Mr.
Stanley. Naging mabait din siya sa 'kin. Siya ang madalas inuutusan ni Red kapag may ibibigay siya sa 'king pabor. Matanda na siya pero malakas pa at sobrang marunong makipagsabayan sa mga biro namin. Pero lahat ng iyon nag-iba ngayong araw na 'to.
"Pasensiya na Graciella," malungkot na sagot niya.
" 'Wag na nga kayong mag-drama diyan! Inuubos niyo'ng pasensya ko eh. Kung iputok ko na lang kaya 'to?"
Nilingon ko ang nagsalita sa tabi ko. Siya ang pinaka-siga at nakakatakot sa kanilang lahat.
"Hindi ako natatakot mamatay!"
"Ah ganoon?"
Ikinasa ng lalaki ang baril.
"Hindi ka pwedeng mamatay!" Pag-aalala ni Mang Danny.
Napa-tingin ako ako sa kaniya.
Bigla kong naalala si Echo. Kung paano siya humingi ng tulong sa 'kin kanina. Hindi ko siya matutulungan kung mamamatay ako ngayon.
Dahan-dahang idinidiin ng lalaki ang gatilyo ng baril.
"Sasama na ako!"
Marahan akong itinulak paloob kaya't wala akong nagawa kundi sumakay.
"Sasama rin pala pinapatagal pa!" Sambit ng isang lalaki sa loob.