(Graciella's PoV)
Lumabas ako ng sasakyan. Andito na kami ngayon sa bahay ni Mr. Stanley, ang taong pinaka-ayoko sanang makita ngayong araw na 'to.
"Naghihintay na si Boss sa AVR!"
Hinawakan nila ako sa paglalakad ngunit pumalag ako.
"Kaya kong magalakad mag-isa!"
"Kailangan naming makasigurong hindi ka makakatakas!" Sambit nung isang utusan ni Mr. Stanley.
Napa-cross arm ako.
"Nagpapatawa ka ba? Hello! Nasa teritoryo niyo ako! Andami niyo oh! Sa tingin mo makakatakas ako? Maliban na lang kung," napangiti ako nang nakakaloko.
"talagang wala kayong," itinuro ko ang utak ko.
Tinignan ako ng masama nung lalaking tumutok ng baril sa 'kin kanina.
"Matapang ka lang naman dahil alam mong kaibigan ka pa rin ni Sir Red. Pero tignan lang natin 'pag nakaharap mo si Boss Stanley!"
Hindi ako umimik. Nagpatuloy na lang ako sa paglalakad.
Napahinga ako nang malalim upang subukang i-release ang bad vibes sa lugar na 'to. Hindi ko pa rin alam kung paano ko haharapin si Mr. Stanley. Ang totoo, hindi ko siya kayang kausapin o tignan dahil sa magka-halong pagka-dismaya, sakit, lungkot, at inis na aking nararamdaman.
Habang papalapit kami sa AVR, lalong sumisikip ang dibdib ko at paliit nang paliit ang aking mga hakbang.
"Bilisan mo!" Utos nung isa.
Hindi ko siya pinansin. Mayamaya pa'y binuksan nila ang pinto nang makatapat ako rito.
Natigilan ako habang nakamasid sa loob. Madilim roon maliban na lamang sa liwanag na nanggagaling sa malaking TV screen sa harap at kapansin-pansin ang isang silhouette na malamang ay pag-aari ni Mr. Stanley.
"Ano pa'ng hinihintay mo?"
Bumuntong-hininga ako at napilitang pumasok sa loob. Habang papalapit ako, biglang umilaw ang buong kwarto at doon ko tuluyang nasilayan si Mr. Stanley na nakatayo sa harap.
Halos manginig ang aking katawan sa pagpipigil ng luha nang makita ko siya. Sa sobrang paninikip ng dibdib ko, umiwas ako ng tingin.
"Mabuti at hindi mo ako kayang tiisin," tila maamong tupa niyang sambit.
Hindi ko pa rin siya tinignan.
Ramdam kong papalapit siya sa 'kin.
"Alam mo Graciella, para na rin kitang anak! Sa tagal niyo ba namang magkaibigan ni Red."
Sana pwede na lang pigilan ang tenga sa pakikinig. Ayokong marinig ang mga sinasabi niya.
"Alam kong mabuti kang bata. Matapang ka rin at may paninindigan."
"Alam niyo ho pala 'yun! Kung ganoon naiintindihan niyo na walang makakapagpabago sa desisyon kong isuplong kayo sa mga pulis!"
"Hindi ko kayang gawin sa 'yo ang ginawa ko kay Echo kaya nga andito ka ngayon. Malaya!" Sambit niya na tila hindi narinig ang aking sinabi. Pansin ko rin ang paglahad niya ng kaniyang mga palad mula sa sulok ng aking paningin.
Nagkaroon ako ng lakas ng loob para tignan siya.
"Kung ganoon, ano ho ang kaya niyong gawin? Ipapatay ako gaya ng ginawa niyo sa nasa room 409?"
"Siyempre mas lalong hindi ko 'yun gagawin. Hindi ko kayang tanggalin sa buhay ni Red ang kaisa-isang babaeng pinagkakatiwalaan niya." Napangiti siya ng bahagya. Dati 'pag ngumingiti siya, natutuwa ako dahil ramdam kong ginagawa niya 'yun dahil sa kabutihan ng loob niya. Ngunit ngayon, nakakinis ang pagngiti niya. Halatang hindi totoo.
Hindi ko maiwasang hanapin ngayon 'yung tito Stanley ko na masayahin, magaling makipagbiruan, parang teenager kung makisama sa 'min ni Red. Pero ngayon, sobrang layo niya.
"Isa pa, para na rin kitang anak."
Napailing ako upang ipakitang hindi ko tinatanggap ang pagturing niya sa 'king anak.
"Kung wala na po kayong sasabihin, aalis na ako!"
Tumalikod ako para umalis.
Napangisi siya.
"Siyempre alam mong hindi 'yan pwede Graciella. Masyado akong maraming pinagdaanan para makarating sa taas. At hindi ko hahayaang mawala lahat ng pinaghirapan ko dahil sa pagsusumbong mo sa mga pulis."
Natigilan ako sa kaniyang sinambit.
"Alam niyo na po pa lang mawawala lahat ng pinaghirapan niyo sa ginawa niyo, pero ginawa niyo pa rin!"
"Dahil isa siya sa mga magpapabagsak sa 'kin kaya kinailangan ko siyang unahan!" Mataas ang tono niyang sagot.
Hindi ako sumagot.
"Hindi kita kayang patayin para lang patahimikin ka. Ngunit kaya kitang patahimikin habang humihinga ka! Ayoko sanang gawin 'to pero wala na akong pagpipilian."
Napakunot-noo ako sa narinig.
Mayamaya pa'y bigla akong nakarinig ng tinig ng lalaking tila humihingi ng tulong.
"Aah! Tama na!"
Napaka-pamilyar ng boses na 'yun na napaharap ako.
Nanlaki ang mga mata ko sa nakita ko sa TV Screen.
" 'Tay!?" Sambit ko nang makita ko siyang binubugbog ng ilang mga kalalakihan sa loob ng kulungan.
Agad namuo ang mga luha sa aking mata.
Napa-iling-iling ako sa sobrang hindi ko matanggap ang nakikita ko.
"Tama na! Parang awa niyo na tama na!" Paki-usap ni Tatay ngunit patuloy pa rin ang pagsuntok sa kaniyang mukha hanggang sa duguan na siya.
"Tama na!" Sambit ko na halos walang lumabas na boses sa 'kin.
"Tama na! 'Wag niyong sasaktan ang Tatay ko!" Doon ako tuluyabg napahagulgol habang nakamasid sa aking tatay na walang kalaban-labang pinagtutulungan. Sinusubukan naman niyang lumaban ngunit ano naman ang laban niya kung mag-isa lang niya? Hanggang sa tuluyan na siyang bumagsak sa sobrang tindi ng mga tama niya.
"Please lang po, tama na!" Pagmamakaawa ko.
"Tama na muna 'yan!"
Napatingin ako kay Mr. Stanley nang magsalita siya. Doon naman sila tumigil sa pagsuntok.
"Ayos ba boss?" Sanbit ng isang lalaki sa video.
Naka-video call sila. Ibig sabihin, kasalukuyan itong nangyayari sa aking Tatay.
"Hindi kita kayang patayin Graciella dahil kay Red ngunit kaya kong kunin ang mga taong mahal mo. Ang tatay mo at si Aj."
Tila nagdilim ang paningin ko sa kaniyang sinabi.
"Walang hiya ka!"
Lumapit ako sa kaniya at sinuntok-suntok siya.
"Wala kang puso. Wala kang awa! Makasarili ka! Masyado ka nang nilalamon ng kayamanan mo."
Agad akong hinawakan ng mga utusan niya.
"Sana hindi na kailangang umabot pa sa ganito Graciella kung nakinig ka lang kanina."
"Demonyo ka!"
"Kapalit ng pananahimik mo ay buhay ng Tatay at kapatid mo. Oras na may nakaalam nito, sisiguruhin kong hindi mo na sila makakasama kahit kailan!"
Muling umagos ang luha ko sa aking mga mata. Naalala ko si Echo. Kung pa'no siya magmakaawa kanina na tulungan ko siya. Nangako rin akong susunod ako para tulungan siya.
Pero alam ko rin na kung nagawa ni Mr. Stanley na patayin ang nasa room 409, siguradong kaya niya ring gawin ang mga banta niya sa 'kin. May isang salita siya gaya ng kung paano niya tinutupad noon ang mga oo niya sa 'min ni Red. Hindi ko kayang mawala ang tatay ko at ni Aj dahil lang sa 'kin. Hindi ko rin kayang tuluyang mawalan ng pamilya. Pero malinaw rin sa aking isip na kailangan kong gawin ang tama.
"Mukhang maninindigan ka sa kung ano ang tama!"
Hindi ako umimik.
"Paalala ko lang Graciella. Aanhin mo ang tama kung marami namang buhay ang mawawala!"
"Ano boss? Tutuluyan na ba namin?"
Napasulyap siya sa 'kin saglit.
"Sige tuluyan niyo na!"
Nakita kong inilabas ng lalaki sa video ang isang kutsilyo.
"Tama na, tama na!" Pagmamakaawa ni Tatay na kitang kita na ang panghihina. Duguan na rin siya at wala nang lakas para bumangon.
Nakakapanghinang makita siyang ganyan nang dahil sa 'kin!
" W-WAAAG! Pumapayag na ako!"
Napa-hikbi na lang ako nang masambit ko ang mga salitang alam kong mali. Pero kailangan kong gawin para kay Tatay.
I'm sorry Echo, biktima lang din ako!
Nakita ko ang pagngisi ni Mr. Stanley.
"Balang araw," Pinilit kong magsalita kahit halos hindi ko na kaya.
"Lalabas din ang katotohanan. Hindi man sa pamamagitan ko pero sa ibang paraan!"
"Saka ko na iisipin 'yan 'pag nangyari na!"
"Ang sama mo talaga!"
" Wag mo naman sanang isipin na masama akong tao. Ginawa ko lang 'to dahil kailangan. Pero pwede pa rin naman akong maging kagaya ng dati basta mamuhay lang tayo na parang walang alam."
"Hindi na siguro!"
"Pa'no si Red? Magdududa siya sa pagbabago mo," paalala niya.
Hindi ako nakaimik. Kapag naalala ko kung paano siya naging parang kuya sa 'kin, mas lalo akong nasasaktan sa sitwasyon. Napaka-maasikaso at maalaga ni Red. Napaka-protective rin niya na parang isang kuya. Never niya akong dinisappoint. Hangga't maaari, ayoko rin sanang saktan siya.
"Wala siyang alam dito at hindi niya kailangang malaman. Oras na sinabi mo, pumili ka na kung sino'ng uunahin ko. Tatay mo o si Aj?"
"Hindi niya deserve ang lahat nang 'to. Makikisama ako, para kay Red. 'Yun lang 'yun!"