Chapter 5 - CHAPTER 4

Nagsimulang mahulog ang mga mumunting nyebe. Tila ba nakikisama sa nararamdaman ko ngayon. Pakiramdam kung paano ka husgahan at maliitin ng isang tao.

''Ang bibig mo Ate Matilde, hindi ko gusto ang mga sinasabi mo kay Elsa.'' Nakita ko kung paano ikuyom ni Jack ang kanyang mga palad.

''Ayos lang Jack----''

''Nakita mo, ayos lang sa kanya. Uhm, alam mo ba na ang ganda ng iyong pangalan... Elsa. Sa pagkaalam ko ay mga mamahaling aso lang ang binibigyan ng magandang pangalan.'' Natatawa pa niyang sabi. Napatingin ako kay Ginoong Maximus na nakayuko lamang, paano siya nakakatagal sa ugali ng mayaman na gaya niya.

Biglang hinawakan ni Jack ang kamay ng kanyang ate. Nakita ko kung paano niya ito pisilin ng mahigpit.

''Bitiwan mo ako! Nasasaktan ako!'' Asik ng babae.

''Insultuhin mo na ako huwag lang ang babaeng nasa harapan ko! Kung hindi-----

''Kung hindi ano?!'' Inis na wika ng babae.

''Baka makalimutan kong kapatid kita...'' Nanlilisik ang mga matang iyon ni Jack. Nakakatakot. Ang kulay cerulean niyang mga mata ay tila ba nagdilim. Nagulat rin ako sa sinabi niyang iyon.

''Hindi mo na kailangang gawin iyan Jack----'' Hindi ko na naman naituloy ang sasabihin ko dahil inilapit ni Jack ang mukha sa may bandang pisngi ng babae.

''Umalis ka na kung ayaw mong kaladkarin kita sa karuwahe, mahal kong kapatid.'' Bulong pa ni Jack sa kapatid. Hindi na naman niya ako hinayaang matapos sa pagsasalita.

Tiningnan ko ang babae, tila ba umuusok ang ilong niya dahil sa inis.

''Wala kang galang Jack! Tingnan mo nga iyang itsura mo, nakakaawa ka. Nagmamalasakit lang ako!'' Iwinasiwas niya ang kamay ni Jack na mahigpit na nakahawak sa kamay niya. Ano bang meron sa itsura ni Jack?

''At ikaw babaeng taga circus. Layuan mo ang kapatid ko! Ang mga katulad ninyong hampas-lupa ay hindi dapat dumidikit sa aming mga maharlika! Tandaan mo, binabayaran namin kayo!'' Baling niya sa akin. Hindi na ako sasagot kahit na kanina ko pa gustong ipamukha sa kanya na hindi kami gaya ng iniisip niya. Nanginginig ang labi ko. Ang lakas rin ng kabog ng dibdib ko. Hindi ako iiyak. Matatag ako... matatag.

''Ate!!!'' Pasigaw na awat niya sa kanyang kapatid. Hindi nga lang siya pinansin ng babae.

''Ngunit bago ako umalis...'' Binunggo niya ang balikat ng kapatid at lumapit sa akin. Hinawakan ang mga kamay ko at nagwika...

''Anong gagawin mo sa kanya?!'' Lumingon si Jack. Hinarang ang kanang braso pero itinulak lang ito ng babae. Nawala si Jack sa balanse dahil sa ice skate niyang suot kaya naman napaluhod siya.

''Kay gandang gwantes, mukhang mamahalin.'' Ikinuyom ko ang aking kamay para mahigpit na mahawakan ang aking gwantes. Napaatras ako ng kaunti nang lapitan niya ako.

''Akin na ito!'' Pilit niyang hinihila ang gwantes sa aking kamay pero hindi ako nagpapatinag, mas lalo ko paag hinigpitan ang pagkuyom ko sa aking mga palad.

''Hindi, ibinigay sa akin ito ni Ina!'' Pilit kong hinihila ang kamay ko pero hindi rin siya nagpapatalo.

''Wala akong paki...'' Sinipa niya ang talim ng aking ice skate kaya nawala ako sa balanse't napaluhod. Patuloy kaming nag-aagawan sa aking gwantes.

''Hindi ko ito mamaaring hubarin! Maawa ka...'' Para na kaming mga batang nag-aagawan sa isang kendi.

''Elsa!'' Hinubad ni Jack ang suot na ice skate at walang anumang pansapin sa paang tumakbo palapit sa akin.

Pero bago pa man niya mahawakan ang kanyang kapatid ay itinulak niya ako dahilan para mapahiga ako sa malamig na nagyelong lawa. Naipit ang aking binti dahilan para lumuwag ang pagkakahawak ko sa aking gwantes. Nahila niya mula sa aking mga kamay ang gwantes ko. Agad siyang lumayo sa akin at tumalikod. Nakita ko ang ginawang pagharang ni Jack sa kanyang ate pero bigla na lang itong napaluhod.

''Ang gwantes ko!''

Halo-halong emosyon na ang nararamdaman ko. Ang kaisa-isang alala ng aking Ina sa akin. Napahawak ako sa nagyelong lawa para makatayo. Mayamaya, mula sa aking hinawakang parte ng yelo ay tila ba nag-uunahang mga ugat na gawa sa yelo ang bumalot muli rito.

Mas lalong kumapal ang yelong nakabalot na sa lawa. Nagkaroon rin ng mga mahahabang patusok sa aking likuran na gawa rin sa yelo. Mas lalo pang umihip ang malamig na hangin na may kasamang makakapal na butil ng nyebe.

Wala na ang babae sa aking harapan. Mabilis siyang sumakay sa kaniyang karuwahe. Inangat ko ang palad ko't itinapat sa gulong ng kanilang karuwahe nang makita ko si Jack na nanginginig na't namumula ang balat. Anong nangyayari sa kanya?

Agad ko siyang nilapitan.

''P-paano m-mo, n-nagawa iyon...'' Nanginginig at pautal-utal niya pang tanong sa akin. Nangangatal rin siya't puno ng mapupulang pantal ang kanyang mukha. Paano ko siya hahawakan ngayon? Dahil ang aking mga mahawakan ay nagiging yelo!

Hindi ko muna sinagot ang tanong niya. Agad na lang akong tumakbo sa circus house at tinawag si Alphonse na noo'y nakita kong papasok na sana sa loob.

Nang kami'y nasa loob na ay sinuotan ako ni ama ng gwantes. Pagkatapos ay ako nang nagsuot nang makakapal na panlanig kay Jack. Itinapat ko rin siya sa maliit na pugon. Ang kaninang kulay asul niyang balat, labi at paa ay unti-unti nang bumabalik sa dati. Ngunit ang mga pantal niyang mapupula ay mas laao pang dumami nang mainitan. Nakapikit lang siya ngayon. Tinititigan ko siya, umaasang maayos na ang kanyang pakiramdaman.

''Baka matunaw ako sa ginagawa mong pagtitig...'' Nakangiti niyang sabi. Nagulat ako. Paano niya nalamang nakatitig ako sa kanya? Napanguso ako. Nakakahiya.

''Sinong may sabing nakatitig ako sayo? Psss. Huwag mong ipalagay na tinititigan kita kasi...'' Tumingala ako para kunwari ay may tinitingnan ako sa kisame.

''Maang-maangan...'' Para pa siyang nang-aasar sa sinabi niyang iyon. Nagmulat na siya pero siya namang talikod ko. Naramdaman ko na naman ang mainit na dumaloy sa buong mukha ko. Ano ba naman iyan. May masama na ngang nangyari kanina nakuha pa ng mukha ko ang mag-init.

Isinalin ko na lang sa tasa ang mainit na tsaa para sa kanya.

''Ano bang lihim mo?'' Muntik nang madulas ang tsarerang hawak ko dahil sa biglaan niyang pagtatanong sa akin.

''Lihim? Wala akong inililihim...'' Pagmamaang-maangan ko. Humarap na ako sa kanya at iniabot ang tasa. Kinuha niya naman ito at humigop.

''Nakita ko Elsa, ano bang mayroon sa mga kamay na nasa ilalim ng mga gwantes na iyan?''

Mukhang hindi na ako makapag-kakaila sa kanya dahil nakita niya ang nangyari. Nakita niya dahil nasa harapan ko lamang siya kanina.

''Ano... hindi ko maaaring ipagsabi, pasensiya na Jack.'' Napabuntong hininga siya sa sagot ko.

''Alam mo bang mayroon akong di pangkaraniwang sakit?'' Nakinig ako sa sinasabi niya. Napukaw nito ang attensyon ko't nakokonsensiya dahil sa hindi ko sinabi ang totoo kahit na nakita niya ito mismo.

''Ang sakit ko'y masyadong kumplikado. Alam mo ba ang sakit na Urticaria? Wala pang natutuklasang lunas para rito. Ang tanging gamot lang ay ang pag-iwas sa malalamig na lugar, eh hindi ko naman maiiwasan ang malamig na panahon. Ah, meron pa pala iyong itinuturok sa akin ng doktor para maagapan ang sintomas.'' Tiningnan niya ako. Napayuko ako sapagkat hindi ko alam na may pinagdaraanan pala siya.

''Hindi ako maaaring manatili ng matagal sa malamig na lugar dail nagkakaroon ako ng mapupulang pantal... hindi rin ako maaaring lumangoy sapagkat mas malala pa ang maaaring mangyari sa akin... maaaring bumagsak ang dugo ko't maaaring mamatay...'' Napayuko siya at tiningnan ang hawak na tasa.Nahinto siya sandali at sumandal sa malambot niyang inuupuan. Saglit din akong nag-isip.

Kung gano'y tama nga ang kanyang kapatid na layuan ako't huwag ng makipag-kaibigan sa akin. Paano pa kaya kung malaman niya ang tungkol sa aking kakayahang makagawa ng yelo.

''Hindi ko alam kung bakit sinasabi ko sa iyo ito kahit na kakikilala pa lang natin. Simula nang kamayan mo ako'y naramdaman kong parang matagal na tayong magkakilala. Naramdaman ko ang lamig sa iyong kamay kahit na makapal ang gwantes na iyong suot at parang nakita ko sa mga mata mo ang... nakaraan.''

▪▪▪