Chapter 6 - CHAPTER 5

Ang sabi ni Jack ay huwag akong mag-alala dahil isasauli niya sa akin ang gwantes na kinuha ng kanyang kapatid. Halos mag-alala kaming lahat sa nangyari sa kanya. Maliban na lang kay Lucas. Pinayuhan ako ni ama na huwag nang lalapit pa kay Jack dahil sa nangyari. Baka raw mas mapadali ang kamatayan ng binata kapag kasama ako, na hindi ako bagay makipagkaibigan sa kanyang may sinasabi sa lipunan.

Pati rin ba si ama'y nainiwala na ang mayaman ay hindi maaaring magkaroon ng ugnayan sa taong walang sinasabi sa lipunan? Na ang mga maharlika ay para lamang sa maharlika? Ang mga katulad naming mahirap ay para lamang sa mahirap? Nakakatawang idelohiya.

Dalawang araw nang hindi nagpapakita si Jack, nag-aalala ako na baka may nagyari na sa kanyang masama. Hindi siya nawawaglit sa isipan ko pati na rin ang huli niyang sinabi. Napatingin ako sa labas. Dumungaw ako nang bahagya sa maliit na bintana habang hawak ang damit kong isusuot sa pagtatanghal sa kanyang kaarawan.

''Maaari ba kitang makausap Elsa?'' Nilingon ko ang lalaking nagsalita na nakatayo sa nakahawi na asul na kurtina ng aking silid. Si Lucas at tila seryoso siya. Oo nga pala hindi na kami nagkausap noong unang araw naming nakarating dito sa Saxondale.

Hinila niya ang silya saka pinaikot at pabaliktad na nakaupo. Nakaharap sa akin ang sandalan nito. Agad niyang sinabi sa akin ang pakay niya. Prangka talaga siya, walang paliguy-ligoy. Sinabi niyang muli sa akin na gusto niya ako at balak na ligawan. Minamahal na niya ako simula pa noong mga bata pa kami. Napakamot ako ng ulo dahil hindi ko alam ang isasagot ko. Ngunit inamin ko na ring hinahangaan ko siya.

Oo nga't hinahangaan ko siya matagal na pero magkaiba pa rin ang paghanga sa pag-ibig. Hinawakan niya ang mga kamay ko at tumitig sa aking mga mata. Napaiwas ako ng tingin, hindi kasi ako sana'y na may nagtatapat ng pag-ibig sa katulad kong kakaiba. Ngumiti siya nakita ko sa gilid ng aking mata.

''Salamat sa paghangang ibinibigay mo sa akin. Alam ko na ang iyong sagot sa aking tanong kung kaya't, iginagalang ko ang iyong magiging desisyon.'' Tinapik-tapik niya ang ulo ko bago siya tumayo.

''Tandaan mo, kapag sinaktan ka niya narito lang ako. Lagi ka sa puso ko aking reyna. Ako pa rin si Lucas na iyong kaibigan.'' Biglang lumungkot ang kanyang mga mata. Pilit siyang ngumiti sa akin at nakakakonsensiya ang hindi ko pagtanggap sa kanyang pag-ibig.

Wala pa man akong sagot ay alam na raw niya ito at iyon ang hindi ko naantindihan agad.

Pangatlong gabi na ngunit hindi pa rin nagpapakita sa akin si Jack. Dalawang araw na lang ay kaarawan na niya. Dahil gabi na ay ako na ang sasabak sa pag-eensayo. Ako ang huling nag-eensayo para walang sinuman ang makakita kung paano ko gawing yelo ang bilog at malawak na entablado.

Pumasok ako sa circus house, inangat ko pataas ang bukasan ng ilaw na nakapalibot sa sahig. Puno ito ng buhanging binungkal pa nila para matunaw ang yelo. Lumapit ako rito. Tinaggal ko ang suot kong gwantes at hinawakan ang isang parte ng buhangin. Mayamaya ay may maliliit na yelong nag-uunahang mapalibutan ang pabilog na mabuhanging sahig . Hanggang sa makarating sila sa dulo. Umuusok pa ang yelong ginawa ko. Ang sarap sa pakiramdam ng lamig na normal lang sa aking katawan.

Isinuot ko na ang ice skate ko at nagpadausdos sa gitna ng entablado.

"Hindi nga ako namamalikmata lang, totoo nga ang nakita ko noong nakaraang araw.'' Nagulat ako sa aking narinig. Nilingon ko ang lalaking nagsalita at biglang kumabog nang malakas ang aking dibdib. Nagwawala na naman ang puso ko marinig lang ang boses niyang iyon. Si Jack, narito na siya! At nakita na niya ang pilit kong itinatagong sikreto.

Ilang saglit akong hindi nakagalaw sa kinatatayuan ko. Tila ba naging yelo na rin ako. Nakatingin lang ako kung paano niya isuot ang kanyang bitbit na ice skate, kung paano siya nagpadausdos palapit sa akin habang naaapamulsa. Nakangiti siya, kahit na hindi ko masyadong makita ang kanyang mukha dahil sa malaking hood ng kanyang panlamig.

Kailan pa siya natutong mag ice skate?

''Elsa...'' Tawag niya sa akin habang nakatingala lang ako sa kanya dahil matangkad siya. Nagkamot siya ng baba. Saka lang ako bumalik sa wisyo nang ilapit niya ang mukha sa akin. Napahakbang ako patalikod palayo sa kanya.

''Tsk tsk... Nabighani ka ba ng aking kakisigan?'' Natatawa niyang tanong. Natawa na rin ako dahil hindi ko mailarawan ang itsura ko kanina. Nakakahiya. Naramdaman ko na naman ang pag-init ng aking mukha.

''Namumula ka. Sigurado na nga akong nabighani ka ng aking kaguwapuhan at kakisigan.'' Natawa ako uli. May pagkamayabang at asyumero rin pala siya. Pero nag-aalala ako tungkol sa kanyang nalaman.

''Huwag ka ngang masyadong asyumero.''

''Hindi mo man lang ba itatanong sa akin kung paano ako natutong mag ice skate?'' Naningkit ang kanyang mga mata.

''Hindi ka ba takot sa akin? Sa nakita mong kaya kong gawin?'' Pag-iiba ko ng tanong.

''Kailanman hindi ako matatakot sa babaeng nagbigay ng ginaw sa aking puso.''

''Ano bang ibig mong sabihing ginaw sa iyong puso? Nagpapatawa ka ba?''

''Hindi... ano nga bang epekto ng ginaw? Hindi ba't panginginig, pangingilabot at hindi mapakali.'' Mayroon siyang kinuha mula sa loob ng kanyang panlamig pagkatapos ay kinuha namam niya ang mga kamay kong itinatago ko sa aking likuran.

''Ang gwantes ko...'' Nangningning ang mga mata ko nang makita ang kanyang hawak. Dahan-dahan niyang isinuot ito sa aking mga kamay.

''Sabi ko naman sa iyo hindi ba, ibabalik ko iyan sa iyo.''

''Maraming salamat Jack! Sobra mo akong pinasaya!''

''At dahil diyan, may kapalit.'' sabi niya sabay namulsa uli. Napataas naman ang kilay ko. May kapalit talaga?

''Anong kapalit ba ang gusto mo?'' tanong ko.

Napakalaki ng kanyang ngiti. Sinabi niya sa akin ang gusto niyang kapalit at hindi ko iyon tinanggihan. Pagkatapos ay sinabayan niya ako sa pag-eensayo. Pinapakita niya sa akin ang mga natutunan niya. Habang umiikot kami sa rink ay ikwinento niya na nag-aral pa muna siya ng ballet sa loob ng dalawang araw para maging malambot ang kaniyang mga galaw.

Malaki ang ngiti niya nang ikwento sa aking pinagsabay raw niya ang ballet at pag-aaral ng ice skate nang sa ganoon ay makasabay siya sa akin. Dahil naudlot ang pagtuturo ko sa kanya ay humanap siya ng paraan para matuto. Tinawanan daw siya ng kanyang mga kapatid at ama dahil sa pambabae lamang daw ang ballet at pag a ice skate.

Napapikit siya't taas noong sinabi kung paano niya nakuha ang gwantes sa kanyang ate, kapalit daw nito ang isang mamahaling asul na dyamanteng nahukay niya noong nag-aral siya ng Kasaysayan. Ipinagtapat ko na rin sa kanya ang totoo kong kakayahan, na ano mang mahawakan ko'y nagiging yelo, na kaya ng aking mga kamay na gumawa ng yelo. At ang dahilan ni ama na may kakaiba akong karamdaman ay gawa gawa lamang niya sapagkat normal lang sa akin ang malamig temperatura.

Upang maniwala siya'y ipapakita ko sa kaniya. Nagpadausdos ako malapit sa isang upuan. Tinanggal ko ang nakasuot na gwantes sa kanang kamay ko. Hinawakan ang upuan hanggang sa tuluyan itong naging yelo. Nakita ko ang tuwa sa kanyang mukha. Manghang-mangha sa aking ginawa.

''Paano ka nagkaroon ng ganyang kakayahan?''

''Kahit ako ay hindi ko alam... ang kwento ni ama ay panahon ng tag-lamig nang ako'y ipinanganak, nagulat na lamang daw sila nang hawakan ni ina ang aking kamay nang biglang nag-yelo ang dulo ng daliri nito.'' Kwento ko habang ikinikuskos ang dulo ng ice skate sa yelo.

''Kaya simula noon ay lagi na akong may suot na gwantes. At isa pa kapag ako'y huminga sa hangin may mumunting snowflakes na lumalabas, pagmasdan mo.'' Inipon ko nang malalim ang aking hininga pagkatapos ay huminga ako sa bibig. Lumabas ang kulay puting maliliit na snowflakes na umiikot pa sa paligid.

''Nakakabilib... isa iyang biyaya kung ganoon!''

''Nagkakamali ka, ito'y isang sumpa na habang buhay kong dadalhin. Hindi ako normal at gusto kong maging katulad niyo. Nakararamdam ng lamig, nakakahawak ng mga bagay na hindi kailangang nakasuot ng gwantes at marami pang iba.'' sabi ko. Hindi niya siguro ako maiintindihan.

''Alam mo naiintindihan kita.'' Napatingin ako sa kanya nang sabihin niyang naiintindihan niya ako.

''Gaya mo'y nais ko ring maging normal, magtagal sa lamig, mahawakan at makapaglaro sa nyebe hindi na kailangang magbalot ng sobrang kapal na panlamig para lamang panatilihing mainit ang aking katawan... Kaya gaya mo'y may sumpa rin akong matagal ko ng dinadala at dadalhin habang buhay.'' Tama meron nga pala siyang hindi pangkaraniwang karamdaman na wala pang nadidiskubreng lunas.

Matapos niyang sabihin iyon ay hindi siya nagtagal sa ibabaw ng rink dahil nga hindi ito nakabubuti sa kanya. Naupo siya sa isang upuan para sa mga manonood. Habang ako nama'y naupo sa yelo malapit sa kanya. Ikwinento niya sa akin na nabasa na niya ang ipinahiram kong libro.

Nalungkot siya sa katapusan ng kwento. Sino ba naman ang hindi sapagkat namatay ang lalaking inibig ng Snow Queen nang dahil sa kanyang halik. At iyon na ang una't huling halik na naibigay niya sa kanyang sinta.

Nanatili ito sa kanyang kaharian at hindi na lumabas pa kailanman. Pinarusahan ang kanyang sarili hanggang sa dumating ang araw ng kanyang kamatayan. Nagdasal at humiling ito na sa susunod nilang buhay at pagkikita ay sana makilala nilang muli ang isa't isa at hindi na magkahiwalay pa kailanman.

▪▪▪