Chapter 12 - CHAPTER 11

Napaurong ang mga guardia, pinagmamasdan nila ang mga yelong unti-unting bumabalot sa loob ng bahay. Kaya naman pagkakataon ko na para tumakas. Unti-unti ring nagyelo ang mahabang tungkod na kinuha ko. Nagkaroon ito ng pakurbang hugis sa dulo na mukhang baluktot na letrang C.

Mas tumibay pa ito pero hindi ko na muna pinansin. Sinalag ko ito sa mga guardia at itinapat ang aking palad sa kanilang baril. Lumabas ang hamog at nagpaikot-ikot sa kanilang mga baril na mabilis ring naging yelo. Binitawan agad nila iyon sa sahig. Sumuot naman ako sa sirang bintana para makalabas nang makita ang mga guardiang papasok.

Nang makalabas ako sa bahay na iyon ay napatingin pa muna ako kay Jack. Pilit siyang ipinapasok sa loob ng karwahe habang naahawak ang kanag kamay niya sa pinto nito. Hindi ko na rin alam kung saan na ako pupunta. Isa na lang ang naiisip kong paraan.

Ibinuka ko ang aking bisig, nakaangat ang aking palad na nakatapat sa paligid. Unti-unti nang bumabalot ang hamog sa paligid kaya sinamantala ko ng kumilos. Tumakbo ako sa likod ng bahay para makapunta sa harapan.

Natatanaw ko si Jack na nakaluhod sa may tapat ng pinto ng karwahe. Dinuduro siya ng kanyang ama at hindi ko lubos maisip na kayang gawin iyon ng isang ama sa anak. Nasasaktan ako. Kaya binilisan ko ang pagkilos ko.

Napansin ko na sa tuwing aapak ako sa yelo ay may mga hugis heksagonong snowflakes na nagpapakita. Tiningnan ko ang tungkod na hawak ko. Nagkaroon ito ng disenyong heksagonong snowflakes. Hindi ko maintindihan kung paanong nangyari. Basta ang alam ko'y lumabas na lamang sila nang masaktan ako kaninang nakita ko ang sitwasyon ni Jack.

Maging sa direksyon nina Jack ay kumapal na rin ang hamog. Hindi ko na pinalampas ang pagkakataong hawakan ang mga gulong ng dalawang karwaheng nakahinto roon.

''Mag-iingat kayo! Kagagawan ito ng halimaw na mangkukulam na iyon!'' Sigaw ng ama ni Jack. Ngayon ay mangkukulam naman ang ibinansag niya sa akin. Patawad Jack kung sa isipan ko'y ginagawa ko ng yelo ang iyong ama.

Huminto ako mismo sa tapat ni Jack nang mawala na ang anino ng kanyang ama dahil sa hamog.

''Kunin mo ang tungkod na ito, itatakas kita.'' Bulong ko sa kanya.

''E-Elsa...'' Nakita ko ang ginawa niyang pag-ngiti. Malalim na ang kanyang paghinga't mas makapal na rin ang pamumula ng kanyang mukha. Namumuti na ang kanyang labi at napansin ko ang pag-iiba ng kanyang boses. Hindi na niya mabigkas ng maayos ang pangalan ko. Anong nangyari? Ganoon ba talaga kalala ang kanyang karamdaman sa lamig?

''Halika na, Jack...'' Dahan-dahan siyang tumayo hawak ang tungkod na halos kasing taas lang niya.

''Alam mo ba nanaginip ako... May babaeng nagpakita sa akin gaya mo ay kaya rin niyang lumikha ng yelo.'' Napatingin ako sa kanya dahil sa kaniyang sinabi habang paika-ika siyang naglalakad.

''Ang sabi niya'y ikaw at siya ay iisa at sa aming pag-uusap nalaman kong tayo'y itinadhana. Na ako ang bagong silang na dati niyang sinisinta at aking napagtanto na... siya ang Snow Queen sa librong aking binasa.'' Kung ganoon ay ipinaalam na rin sa kanya ng Snow Queen.

''Kaya pala noong unang araw na tayo'y nagkakilala ay iba na ang aking naramdaman. Na parang matagal na tayong magkakilala. Ang galing naman ng tadhana, nahanap natin ang isa't isa.'' Nakangiti siya habang nakatingin sa akin.

Sasagot pa lamang sana ako nang marinig namin ang sigaw ng kanyang ama. Tinatawag ang kanyang pangalan. Siguro'y alam na niyang itinatakas ko na ang kanyang anak. Itinatakas ko siya sa kamay ng walang puso niyang ama.

Nasa may dulo na kami ng mahabang tulay nang marinig namin ang maraming putok ng baril.

''Desperado na talaga ang aking ama...'' Napatingin ako kay Jack. Umiiling-iling siya't natatawa pa.

''Patawad Elsa... sapalagay ko'y...'' Bigla na lamang niyang sinabi nang nakangiti. Natuon ang aking mata sa pulang likido na gumuhit sa kanyang asul na panlamig. Hanggang sa...

Napaluhod siya't...

Pakiramdam ko'y huminto ang aking mundo nang makita siyang nahulog sa banging kinatitirikan ng tulay. Halos marinig ko ang malakas na pintig ng aking pulso sa aking ulo. Halos lumabas na rin ang puso ko sa sobrang bilis ng pintig nito. Nanlaki lamang ang aking mata sa bilis ng pangyayari. Hindi ko na napigilang maiyak.

''Jack! Hindi maaari ito!!" Sigaw ko.

Parang may sariling isip ang aking mga paang tumalon rin sa bangin. Ngunit sa pagkakataong ito'y, ang pagtama ng aking mga paa sa hangin ay nagkaroon rin ng mga baitang ng hagdan pababa. Tumakbo ako ng mabilis pababa. Sa pagbaba ko nama'y nawawala na ang mga baitang nainapakan ko kanina.

Maaabutan ko pa siya!

''Jack!'' Tawag ko sa kaniya na patuloy pa rin ang pagbagsak.

Tatlong baitang na lang ang kailangan kong lampasan nang tuluyan na ngang bumagsak si Jack sa nagyelong ilog na iyon. Tinalon ko na lang ang mga baitang para makalapit sa kanya ngunit napahinto ako nang nagkaroon ng maraming lamat ang yelo.

Lumabas ang tubig sa kanyang pinagkahulugan dahil sa lamat na nilikha ng kanyang pagbagsak, nabutas ito at tuluyan ng nahulog doon si Jack. Hinawakan ko na ang aking paa, gumawa ako ng ice skate na gawa sa yelo para maabutan ko si Jack at mahila. Naalala ko nga palang bawal din siya sa tubig. Hindi ko na rin maisip kung bakit ko nagagawa ang mga bagay na ito na dati namang hindi.

Nagpadulas ako papunta sa pinagkahulugan niya. Sumunod na lang bigla ang aking katawan na tila may sarili ring pag-iisp at lumusong doon. Nakita ko si Jack katabi ang tungkod, kahit na hindi ako marunong lumangoy ay pinilit kong abutin siyang unti-unting inilalayo ng tubig.

Nahawakan ko ang hood ng kaniyang panlamig saka ito hinila. Mabilis na nagyelo ang hinawakan ko. Inilapit ko ang aking mukha sa kanya at tinampal tampal iyon. Nagmulat siya nang bahagya at sandaling ngumiti.

Nai-angat pa niya ang kanyang kamay at hinawak sa aking pisngi. Niyakap ko siya pagkatapos ay tinangkang hilahin para maiahon ngunit umiling siya.

Nakagat ko ang ibabang bahagi ng aking labi. Hindi ko na rin kayang pigilan ang aking paghinga.

Hinawakan niya ang aking mukha pagkatapos ay inilapat niya ang kanyang labi sa labi ko. Ngumiti uli siya at pagkatapos ay itinulak niya ako palayo sa kanya. Nakatitig lang siya sa akin, nakangiti habang unti-unting kinakain ng yelo ang kanyang labi.

''Jack!'' Tawag ko sa kanya sa ilalim. Halos bumula ang tubig sa ginawa ko't natakpan siya. Hinawi ko ito't nakitang halos nagyelo na ang kanyang mukha, balikat, katawan pababa sa kanyang mga paa. Kasabay nang muling pagbabalik ng agos ng tubig sa ilalim ng nagyeyelong ilog ay ang paghatak sa kanya ng tubig palayo sa akin.

Hindi ako makapaniwalang nangyari uli ang nasa kwento. Hindi ko napagtagumpayang baguhin ang tadhana!

Sinubukan ko siyang languyin ngunit bumagsak na sa ilalim ang mga nabitak na yelo sa itaas. Pag-angat ko'y napakapit ako sa yelo kaya naman muli ay unti-unti itong namuo. Hindi ko na napigilang ilabas ang lahat ng sakit na nararamdaman ko.

''Napakalaki kong inutil! Hindi kita nailigtas Jack! Hindi ko man lang nasabi sa iyo ang nararamdaman ko para sa iyo! Huli na... Bakit kung kailan huli na...'' Naghalo na ang sipon ay ang aking luha dahil sa pag-iyak. Dumapa lang ako sa yelo na tila niyayakap ito.

''Hindi mo na maririnig na sabihin kong... mahal na rin kita...'' Napatayo ako't sumigaw.

''Jack! Pakiusap... Nakikiusap ako na ibalik niyo siya sa akin!''

Umihip ang hangin at bumagsak ang malalaking butil ng nyebe na tila ba nakikidalamhati sa akin. Hindi ko matanggap na mag-uumpisa pa lang ang aming kwento ay katapusan na agad. Hindi ko matanggap na naging yelo rin siya gaya noong huling buhay namin. Nang dahil sa naging sakripisyo niyang maaligtas lamang ako ay siya ang napahamak. Hindi ko matanggap!

''Elsa...'' Narinig ko ang boses niya, tinawag niya ako kaya naman lumingon ako't nagpalinga-linga sa puting paligid.

''Jack?'' Tinawag ko rin siya.

''Magpakita ka na...'' Pinahid ko ang aking luha at ngumiti.

''Aamin na akong nabighani mo na ako sa iyong kakisigan at kagwapuhan...'' Nanginginig ang labi kong ngumiti sa kawalan. Umaasang gugulatin uli niya ako. Muling tumulo ang aking luha.

Narinig ko siya kanina ngunit...

Wala naman siya. Nanginig ang bibig ko. Habang gumagawa uli ako ng ice skate na gawa sa yelo ay umiiyak ako. Hanggang sa magpadausdos na lamang ako palayo sa lugar na ito.

Nagbalik ako sa bayan ng Saxondale. Ginawa ko ang lahat para mailigtas ang aking pamilya. Kahit na ilang guardia pa ang humarang ay hindi ako nagpatinag. Ginawa kong yelo ang mga baril nila.

Nagawa ko naman iligtas sina ama na naparusahan ng kamatayan dahil sa gulong dinulot ko at inakusahanag nangangalaga ng isang mapanganib na tao. Sa sobrang sakit na nararamdaman ko ay hindi ko napigilang palibutan ng malalaking yelo ang paligid ng buong bayan.

Hindi na kami nagtagal pa rito sa lugar kahit na mabigat ang loob kong umalis dahil na rin sa kailanman ay hindi ko na siya makikita pa. Siguro'y hanggang dito na lamang talaga ang kwento ng Snow Queen at ng kanyang sinta. Na nakatadhana talaga silang pagtagpuin ngunit hindi itinadhana para sa isa't isa.

Sa huling pagkakataon ay muli kong nilingon ang bundok ng Saxondale. Paalam Jack, hanggang sa muli nating pagkikita.

▪▪▪