Isang babae lang ang nakatatak sa aking isipan. Hindi ko siya kailanman nakalimutan. Sa haba ng oras na ako'y nakapikit, tanging siya lamang ang nakikita ko sa dilim ng paligid. Hindi ko rin nakalimutan ang ngiti niya at ang kinang ng kanyang mga mata sa tuwing siya'y nakangiti.
Bumabalik sa aking alaala ang araw na pinakamasaya sa lahat. Ang aking naging kaarawan, kung saan magkapareha kaming nagsayaw at nag-ice skate. Ang babaeng mahal ko. Elsa, ang aking Snow Queen. Naaalala ko rin ang mga nangyari kung paano ako tumakbo sa kanya nang mabalitaang aarestuhin siya ni ama dahil sa nangyari kay Ate Matilde.
Sandaling nawala ang mga pangyayaring iyon pagkatapos ay biglang dumilim uli ang aking paligid. Mayro'n akong naaaninag na papalapit sa akin. Isang mahabang kulay pilak na tela na tila ba ikinukulong ako na parang pinoprotektahan. Mayamaya ay isang pamilyar na mukha ng babae ang rumehistro.
''Elsa.'' Inilapit ko ang kamay ko na tila aabutin siya.
''Aking sinta, ako ang Snow Queen.'' Ngumiti siya. ''Huwag kang mag-alala sapagkat muli ka ng makababalik sa kaniya. Ang yelong nakabalot sa'yo ay gawa ng kaniyang mapagmahal na kamay, unti-unti itong dadaloy sa iyong katawan maghintay ka lamang.''
''Anong ibig mong sabihin?'' tanong ko habang nakatingin lamang sa kanya. Hindi siya nagsalita bagkus ay pumikit lang. ,matagal kaming nakalutang dito sa ilalim ng tubig nang muli siyang nagmulat.
''Sa iyong pagbabalik ay iiwan mo na sa lugar na ito ang dating ikaw, ang mahina at walang silbi mong katangian. Ngunit sa iyo ring pagbabalik ay walang sinuman ang makakakita sa'yo hanggat hindi ang taong mahal mo ang mismong maniniwalang nakabalik ka na.'' Unti-unting umaatras ang tela.pabalik sa Snow Queen.
''Paalam aking sinta.'' Huli niyang sinabi pagkatapos ay bigla siyang nawala.
▪
Bigla tuloy akong napamulat. Pinipilit kong kumawala sa yelong bumabalot sa aking katawan. Hindi nga nagtagal ay unti-unti kong naramdamang nababasag ang yelo sa dulo ng aking mga daliri. Naigagalaw ko na ito hanggang sa mabasag na nga ng tuluyan ang yelo. Maraming bula ang nilikha nang subukan kong huminga. Nasa ilalim pa rin ako ng ilog at tag-lamig pa rin pala.
Nakita ko ang tungkod na binigay sa akin ni Elsa. Nakatusok ito sa isang malaking bato, agad ko itong ilangoy pagkatapos ay hinugot. Sa pagkakahugot ko nito'y kuminang pa ito hanggang sa dulo nitong mukhang nakabaluktot na letrang C. Kay gandang tungkod dahil may hugis heksagonong snowflakes itong disenyo.
Sinubukan ko itong gamiting pambasag sa yelong nasa ibabaw ko. Hindi naman ako binigo nito dahil nagkaroon ito ng lamat pagkatapos ay nabiyak. Imbis na umahon ay bigla na lamang akong tinangay ng malamig na hangin paangat. Hindi ko naintindihan ang nangyayari. Kaya kong makalipad!
''Wooo!'' Sa sobrang tuwa na aking nararamdaman ay nagpaikot ikot sa hangin. Nakasakay ako sa aking tungkod na tila bumabalanse pa. Naaalala ko ang sinabi ko kay Elsa. Na sana'y makalipad ako sa hangin na parang snowflakes. Nahinto ako at pinakiramdaman ang lamig ng panahon. Ibinuka ko ang aking bisig at napapikit, ninanamnam ang lamig na normal na lang sa 'kin ngayon. At ang matatamis na salitang binitiwan ng Snow Queen. 'Ang yelong nilikha ng mapagmahal niyang kamay, Elsa.'
Napamulat ako. ''Ano bang nangyari sa akin?'' Tiningnan ko ang aking mga palad. Hinila ko pataas ang mahabang manggas ng aking panlamig. Wala na ang mga pantal na kadalasang ilang minuto lang ay nagpapakita na.
Napatingala ako habang bumabagsak sa aking mukha ang maliliit na nyebe pagkatapos ay napabuntong hininga ako. May mga lumulutang ng heksagonong snowflakes na sa 'king harapan ay lumulutang. Napakunot ang aking noo. Umihip akong muli, nanlaki ang aking mga mata nang makita ang napakaraming lumutang sa hangin.
Napangiti ako nang malaki. Hindi ko alam kung paano nangyaring nagagawa ko na rin ang mga kakayahang mayroon si Elsa. Masyado akong nagagalak. Lumipad ako nang mabilis pabalik sa bayan. Nagpaikot-ikot ako at naglangoy sa ere.
Dahan-dahan akong bumaba at umapak sa makapal na nyebe. Halos manlaki ako sa kinatatayuan ko nang makita ang nagsisitaasang yelong pader. Ano kayang nangyari sa bayan?
Napangiti ako nang makita ang isang pamilyar na mukha. Si Rosemary ang dukesang kaibigan ni Ate Matilde. May kasama siyang lalaki at mukha naman siyang masaya.
''Rosemary!'' Tawag ko sa kanya ngunit tila hindi niya ako nakita't wala siyang narinig. Nilagpasan lamang niya ako. Totoo nga ang sinabi ng Snow Queen.
Sinubukan ko uling magtanog sa isang ginang ngunit nilagpasan lang din niya ako. Ang nakakagulat ay nang may mabunggo akong bata ngunit tumagos lamang siya sa akin. Kinapa ko ang aking sarili. Ngayo'y kumbinsido na ako. Tumakbo ako ng mabilis pauwi sa aming bahay. Napakarami kong nadaanang pader na gawa sa yelo. Si Elsa siguro ang may gawa nito.
Nang makarating ako sa amin ay tahimik ang paligid. Sumilip ako sa salamin ng pinto at doon ko lang nakita ang aking sarili.
Iba na ang kulay ng aking buhok. Gaya ng kay Elsa ay naging kulay pilak na naghahalong kulay abo ito. Pareho pa rin ang kulay cerulean kong mga mata. Hinawakan ko ang aking mukha. Pagkatapos ay ginulo-gulo ko pa ang aking buhok.
Hinawakan ko ang salamin, sa paghawak ko'y namuo ang hamog dito't nagkaroon ng disenyong heksagonong snowflakes. Kumpul-kumpol sila at ako'y namangha. Pinihit ko ang seradura ng pinto at hindi naman ako nabigong buksan ang pinto.
''Ina? Mariana?'' Tawag ko sa aking ina't bunsong kapatid.
Walang sumalubong sa akin. Magulo ang buong bahay. Ang mga larawang nakasabit sa dingding ay basag na't mga nakatabingi. Kinuha ko ang isang karawan kung saan kumpleto kaming pamilya.
''Kuya Veron!'' Tawag ko naman sa aking kuya. Ngunit walang bumaba mula sa ikalawang palapag. Umakyat ako, nakabukas ang mga pinto ng kanilang mga silid at magulo. Samantalang ang aking silid ay nakasarado. Binuksan ko ito. Hindi man lang nagulo. Kung paanong iniwan ko ito ay ganoon pa rin ang ayos. Ano kayang nangyari sa mga kapatid ko? At sa aking ama't ina.
Lumabas ako't nagpunta sa silid ng aking mga magulang. Nang ako'y humakbang ay naapakan ko pa ang isang lumang diyaryo. Pinulot ko ito at binasa.
''Kung ganoon ay nakaalis sina Elsa at ang kanyang pamilya...'' Nanlaki ang mga mata ko nang mabasa ang kasunod na artikulo.
Ang aking ama'y nagpakamatay dahil sa konsensya. Ang kapangahasan niyang magpaputok ng baril ay nagresulta sa aking kapahamakan, nalaman niyang natamaan ako ng bala at hindi nila nagawang mahanap pa ang aking katawan.
''Ngunit narito na ako.'' Bulong ko.
Si Ate Matilde naman ay naputulan ng braso. Hindi rin nila nagawang tunawin ang yelong bumalot sa kanya noon. Ang iba ko pang mga kapatid kasama ang aking ina ay lumisan na rito sa Saxondale.
Ibinaba ko ang dyaryo't tumakbo palabas ng bahay. Kung ganoon ay wala na akong babalikan pa sa lugar na ito. Lumutang ang aking tungkod na tila ba pinasasakay ako. Nang hawakan ko nama'y lumiwanag ang mga nakaukit nitong snowflakes. Sumampa ako rito, medyo nawala pa ako sa balanse dahil unang beses kong gagawin ang paglipad na nakatuntong lamang sa tungkod.
Mayamaya ay mabilis ako nitong inilipad na tila alam kung saan kami tutungo.
''Sa bayan ng Neevern! Magkikita na uli tayo Elsa.'' Napangiti ako sa kaisipang muli kaming magkikita.
Ngunit sa hindi ko inaasahan. Sa ibang direksyon tumungo ang aking tungkod. Imbis na sa bayan ng Neevern ay sa bayan ng Hellebore ang direksyon namin ngayon.
''Hoy tungkod! Sa Neevern tayo pupunta, naroon si Elsa!'' Para akong naloloko dahil kinakausap ko ang isang tungkod. Napahilamos na lang ako ng mukha. Sa bilis ng lipad ng tungkod ay tatlong beses ako nahulog. Mabuti na lang ay may kakayahan na akong makalipad ngayon kaya naman sinundan ko na lamang ang paglipad nito.
Mag gagabi na nang makarating ako sa Hellebore. Nakatayo ako sa tuktok ng bubong ng isang toreng may malaking orasan, nakahawak sa aking tungkod. Akin ngayong tinatanaw ang malawak na bayan.
Ang bayan ng Hellebore, galing sa pangalan ng isang bulaklak na tuwing tag-lamig lamang sumisibol at dito lamang sa lugar na ito tumutubo. Nagsisimula ng magsindihan ang mga ilaw sa bawat kabahayan.
''Saan ko naman hahanapin si Elsa, sa lawak ng bayang ito'y magawa ko kaya siyang makita? Ano sa tingin mo tungkod?'' Pagkasabi ko noon ay bigla na lamang itong lumipad kaya nahila ako nito sa kung saang direksyon niya gustong pumunta.1
''Aargh! Hinay-hinay lang Twinetender!'' Bigla na lamang lumabas sa aking bibig ang pangalan na iyon. Sige, binigyan ko ng pangalan ang isang tungkod. Kung hindi ba naman ako loko.
Nagpaikot-ikot ako sa ere. Hindi yata talaga ako gusto ng tungkod na ito. Mayamaya'y bumagsak na lamang ako sa bubong ng isang bahay.
''Aray ko! Sobra ka na Twiner.'' Tumayo ako't nagpagpag ng mga dumikit na yelo sa aking panlamig. Tiningan ko ang aking mga paa. Ngayon ko nga lang naalalang wala pala akong suot na sapatos. Hinawakan ko muli si Twiner, nagpadausdos ako sa bubong para makababa.
Umuusok ang chimeneya, may nagluluto siguro ng hapunan. Hinawakan ko ang aking tiyan. Ni hindi ako nakararamdam ng gutom. Sumilip na lamang ako sa bintana ng bahay na iyon. Mayroon akong nakitang dalawang batang babae. Kambal sila, pareho silang may maikling buhok. Pareho rin sila ng suot na makapal na pantulog. Nakakatuwa. Humawak ako sa salamin, napansin ng dalawang bata ang namumuong heksagonong snowflakes sa kanilang bintana.
''Mama! Mayroong hamog sa bintana at napakaganda! Snowflakes at mukhang fern naman ang hugis noong iba!'' Tuwang tuwa sila. Pagkatapos ay inikot ko ang buong bahay habang nakasampa kay Twiner. Nakapamulsa pa ako at para akong magnanakaw na sumisilip sa bawat bintanang maraanan ko.
Nang may pumukaw sa aking mga mata. Isang bukas na bintana. May natanaw akong isang pamilyar na bagay. Nakapatong ito sa isang mesa at may may takip na gawa sa salamin. Pumasok ako sa bintana. Nilibot ko ng tingin ang buong silid. Maraming mga papel na nakadikit sa dingding.
Binasa ko ang mga nakasulat. Urticaria. Nanlaki ang aking mata. Ang dati kong sakit. Ito nga iyon! Binasa ko pa ang mga nakasulat.
''Tama, isang karamdaman na tanging sa lamig lamang nakukuha. Ilang minuto lang ay lalabas na ang mga pantal. Bawal ang mga aktibidad na may kinalaman sa tubig at sa malamig na lugar dahil ito'y nakamamatay.'' Hindi ako maaaring magkamali! Pinag-aaralan ba niya? At ang ice skate na nasa mesa. Hindi kaya... Elsa?
Mayamaya ay biglang bumukas ang pinto. Nanlaki ang aking mata. Pumasok ang isang dalagang nakatirintas ang kulay pilak na may halong kulay abong buhok. Nakasuot siya ng puting pantulog. Kahit na napakalamig ng panahon ay napakanipis ng kanyang suot.
Ang babaeng may mga matang kumikislap gaya ng piraso ng yelo. Ang gwantes na may burdang snowflake na palagi niyang suot. Siya na nga, Elsa...
▪▪▪