Chapter 14 - CHAPTER 13

Napakalakas ng pintig ng aking puso. Kulang na lang ay butasin nito ang dibdib ko.

''Elsa!'' Tawag ko sa kanya. Umihip ang hangin. Nakatingin siya sa direksyon ko. Hindi siya gumagalaw pero pakiramdam ko ay nakikita niya ako!

Ngunit may biglang pumasok sa kanyang silid kaya naman umiwas siya ng tingin para harapin ang...

''Elsa...'' tawag sa kanya ng lalaking humalik sa kanyang noo. Si Lucas, hindi ako maaaring magkamali. Siya si Lucas nagkaroon lamang siya ng kaunting balbas. Napakatamis ng ngiti niya sa aking Elsa.

Napalingon ako sa may gilid ng pinto, bigla kasing pumasok sa loob ng silid ang kambal na bata at hinalikan sa pisngi si Elsa. Kung ganoon, silang dalawa ay... mag-asawa na? Kumurot ang aking puso. Ang sakit sa dibdib. Nakaramdam ako ng panlalamig. Para akong sinasaksak ng ilang libong beses.

''Matulog na kayo mga prinsesa ko. Bukas pagkagaling ko sa eskwela ay bibigyan ko kayo ng pasalubong.'' Nakangiti niyang sabi. Nakaramdam ako ng panginginig at tila ba napakarami ng mga paru-parong nagliliparan sa aking tiyan.

''Talaga po? Yeee, salamat po!'' Masaya at sabay na sabi ng kambal at agad na nagtakbuhan palabas ng silid. Nagpaalam si Lucas na patutulugin na iyong dalawang bata.

Huminga ako nang malalim. Kung ganoo'y bakit pa ako nagpunta rito kung nakalimutan na niya ako. Para saan pa't muli akong nagbalik na gaya niya'y mayroon na ring kakayahang gumawa ng yelo. Na gaya niya'y maaari na akong manatili ng matagal sa malamig na lugar na kailanman ay hindi na ako magiging pabigat sa kanya.

Tumalikod ako sa kaniya.

''Maging siya'y hindi ako nakikita, napaka-hangal ko't naisip na nakikita niya ako.'' Nakagat ko ang aking labi at naikuyom ko ng mahigpit ang aking palad. Bigla namang tumulo ang luha sa aking mata na kanina ko pa pinipigilan.

''Gaano ba ako katagal nawala?!'' Nasuntok ko tuloy ang dingding. Paano ako muling makikita ng mga tao kung mismong si Elsa ay hindi ako nakikita? Paano siya manibiwalng naaabaluk na ako kung hindi niya ako... nakikita.

Nagdesisyon na akong umalis sa lugar na 'to. Mukhang wala na akong pag-asa. Lumapit na ako sa nakabukas na bintana kung saan ako dumaan kanina. Nakahakbang na ako ngunit...

Napalingon ako. ''Ang tungkod na aking ginawa.'' Hinawakan niya ang tungkod ko. Nagulat ako dahil nakikita niya si Twiner. Pinahid ko ang mga mata kong nabasa ng luha.

Bumitaw ako sa aking tungkod at pinagmasdan siya nang kunin niya ito't yakapin.

''Jack?!'' Nanlaki ang aking mga mata nang ako'y kanyang tawagin. Nagpalinga-linga siya ngunit hindi niya ako makita.

''Nandito ako Elsa...'' Niyakap ko siya mula sa kanyang likuran.

Umihip muli ang hangin galing sa labas. Malakas iyon na dahilan para tumunog ang mga papel na nakadikit sa dingding. Liparin ang iilang papel na nakapatong sa maliit na mesa at humaplos sa aking mukha ang mahaba niyang buhok.

''Nararamdaman kong naririto ka lang Jack,'' sabi niya. ''Naniniwala akong nagbalik ka na.'' Dagadag pa niya.

Tama nagbalik na nga ako ngunit...

Napapikit na lamang ako. Kontento na sa yakap na hindi naman niya maramdaman. Napamulat ako nang maramdaman ang kanyang palad sa aking mukha.

''Jack...'' sabi niya habang haplos ang aking pisngi.

''Elsa... nakikita mo na ako?'' Tumango siya at ngumiti ng napakalaki. Hindi ko maitago ang aking kasiyahan. Niyakap ko siya't nagpaikot kami. Hindi ako sigurado sa aking teorya na dahil kay Twiner ay naniwala siyang narito nga ako. Pero kung ano pa man 'yon, masaya ako ngayon sa nangyayari.

''Ibang-iba na ang iyong itsura Jack...'' Nakatitig lang siya sa akin ng matagal. Kumikislap ang mga mata niya na tila ba mga piraso ng yelo. Ang mga matang nakapagpatibok sa nanlalamig kong puso. Kumalas na ako sa pagkakayakap ko sa kan'ya.

''Nabighani ka na naman ba ng aking kagwapuhan?'' Natawa siya ng bahagya sa sinabi ko. Napatungo tuloy siya't natutop ang bibig na wari'y nahihiya.

''May tanong pala ako, bakit napakaraming nakadikit na papel sa paligid?'' sabay turo ko sa mga ito.

''Pinag-aaralan ko ang mga 'yan, ang karamdaman na mayro'n ka upang sa gano'n ay mapagaling ko ang mga katulad mong may ganitong pinagdaraanan. Gusto kong maging doktor, Jack.'' Ngumiti siya sa akin pagkatapos ay muling tumungo.

Natahimik ako't pinagmamasdan lamang siya. Natutuwa akong nag-aaral siya at gusto niyang maging doktor.

''Gaano...'' Huminto ako saglit. ''Gaano, katagal akong nawala Elsa?'' Nakagat ko ang ibabang bahagi ng aking labi.

''Sampung taon kang nawala Jack at araw-araw, hindi ka nawala sa isip ko. Hindi ko matanggap na dahil sa 'kin ay nawala ka, ni hindi ko man lang nasabi ang mga bagay na sa tingin ko'y ikatutuwa mo.'' Huminga siya ng malalim at tumingin sa may bintana pagkatapos ay muling lumingon sa akin.

''Palihim akong pumupunta ng Saxondale kung may pagkakataon. Sa ilog kung saan huli tayong-''

Sinadya kong idikit ang aking hintuturo sa labi niya upang 'di na niya maituloy ang sasabihin. Gamit ang aking hinlalaking nakadikit sa kanyang baba ay iniangat ko ang kanyang mukha.

Bumilis ang tibok ng puso ko, hindi makapaniwalang kaharap ko na muli ang babaeng matagal ko ng iniibig, ngunit biglang sumagi sa isip ko si Lucas. Humakbang ako palayo sa kanya. Nakita ko sa mukha niya ang labis na pagtataka.

''Patawad, baka magalit ang iyong asawa kapag nakita tayo.'' sabi ko pagkatapos ay ipinatong ang kamay ko sa aking ulo.

''Asawa? Sino ang asawa ko?'' Tinaasan niya ako ng kilay.

''Si Lucas.'' sagot ko. Umaliwalas ang kanyang mukha't napangiti. Mayamaya ay tumawa ng malakas. Napakamot na lang ako ng ulo.

''Hindi ko asawa si Lucas, hahaha! Si Sofia ang kaniyang napangasawa hindi ako.'' sabi niya sabay hampas sa braso ko.

''Eh kasi hinalikan ka niya sa noo at...'' Natampal ko ang aking noo.

''Kung ganoon ay-'' Nahinto ako sa akin pa sanang sasabihin nang magsalita siya.

"Mahal kita Jack. Matagal kong hinintay ang araw na itong masabi ko sa iyo... kahit na hindi ako siguradong matutupad ang aking ipinagdasal noon na sana ay bigyan uli tayo ng pagkakataon.'' Sandali siyang napahinto. ''Nakita ko kasi kung paano umagos ang dugo sa dibdib mo't maging yelo kaya-''

Hindi na niya natapos ang sasabihin nang akin siyang yakapin. Biglang nabuhay ang kanina'y palanta ko ng damdamin.

''Importante'y nagbalik na ako. Nagtagumpay kang baguhin ang tadhana mahal ko. Pangako, hindi na ako mawawala pa kailanman sa tabi mo.''

Hinawakan ko ang kaniyang kamay. Kinuha ko mula sa kanya si Twiner ang aking tungkod na may sarili pag-iisip. Hinila ko si Elsa malapit sa may binatana.

''Sakay,'' sabi ko sa kanya.

''Sa tungkod? Baka mahulog ako Jack.'' Pag-aalala niya.

''Magtiwala ka mahal ko.'' Kumindat ako sa kanya't ngumiti. Tumango lang siya sa akin. Pinalutang ko si Twiner malapit sa kaniyang puwitan. Umupo naman siya do'n at kumapit sa dulo malapit sa nakakurbang parang letrang c nito. Nagliwanag ang mga heksagonong snowflakes na nakaukit dito nang hawakan niya.

''Kilalang-kilala ka ng tungkod ko.'' Ngumiti ako. ''Paano ba 'yan, lipad na,'' sabi ko sabay tapik sa dulo ng nakakurbang dulo. Sa bintana mismo kung saan ako kanina pumasok ay do'n siya lumabas.

Nakangiti akong sumunod sa kaniya. Ipinakita ko sa kaniya ang bagong kakayahang mayroon ako. Lumutang ako na ininagulat niya.

''Nakakalutang ka.'' Natutop niya ang bibig.

''Kaya ko na ring makalipad mahal ko,'' sabi ko pagkatapos ay papalipad na lumapit sa kaniya, pagkatapos ay nagpaikot sa paligid niya saka nakapamulsa akong huminto sa harap niya.

''Tayo na.'' Yaya ko sa kanya at sabay na lumipad papunta sa isang lugar na tiyak kong magugustuhan niya.

Tuluyan na ngang nilamon ng dilim ang malawak na kalangitan. Maliwanag ang sinag ng buwan na ngayo'y bilog na bilog. Nakatayo kaming dalawa ni Elsa ngayon sa malawak na nagyeyelong dagat at parang tinatant'ya kung saan ba ang dulo nito.

''Mag-skating tayo mahal ko, gaya no'ng aking kaarawan.''

''Pero wala naman akong suot na sapatos ngayon, sinabi mo sana ng maaga para nadala ko ang sapatos ko.''

''Huwag kang mag-alala.'' Lumuhod ako sa harap niya pagkatapos ay hinawakan ang kaniyang mga paa. Unti-unti itong nagyeyelo at pumopormang sapatos hanggang sa matapos agad ang pormang talim nito. Kasama ng yelo ang disenyong heksagonong snowflakes at fern dito na nagmistulang nakaukit.

''Hindi ako makapaniwala Jack, kay ganda nito!''

''Wala na ang aking karamdaman Elsa, bigla na lang itong nawala't napalitan ng kakayahang hindi ko inaasahan.'' Ibinuka ko ang aking kamay at ipinakita sa kaniya kung paano maglaro ang hugis fern at heksagonong snowflakes sa aking palad.

''Napakaganda ng disenyo, ngayon pa lamang ako nakakita ng ganyan.'' sabi niya. ''at mukhang bagay sa iyo ang bansag na Frost mahal ko dahil sa mga disenyong nabubuo mo.'' Dagdag pa niya.

''Hindi ko na kailangang pag-isipan pa iyang sinabi mo. Jack Overland Frost? Hindi na masama.'' sagot ko at sabay ngiti sa kanya.

''Ikaw pa rin ang Jack na nakilala ko...'' sabi niya.

''At ikaw pa rin ang Snow Queen na inibig ko.'' Nakangiti kong sabi sa kanya.

Mayamaya ay umihip naman siya kaya nagbagsakan ang maliliit na snowflakes. Hinawakan ko ang kaniyang kamay at nagsimulang magpadulas. Sa tuwing humahakbang ang aking mga paa ay nabubuo sa yelo ang malalaking hugis ng snowflakes kasama rin ang nagsisilakihang dahon ng fern.

Umikot kaming dalawa na tila ba gumuguhit ng numero otso pagkatapos ay magpapaikot sa gitna. Kay gandang eksena na hindi ko makakalimutan. Nasa ilalim kami ng malaki at puting buwan, nagpapadulas ng walang katapusan. Sinusulit ang bawat sandali dahil panibago na naman ang aming kahaharapin pagdating ng kinabukasan.

Binuhat ko siya habang nagpapa-ikot kami. Nakahawak ako sa kaniyang bewang at nakataas naman ang kaniyang mga bisig. Hinawakan niya ang aking mukha pagkatapos ay idinikit ang kaniyang noo sa aking noo. Huminto kami sa pag-ikot.

''Mahal kita Jack.'' Malambing na bulong niya.

''Gano'n din ako mahal ko, ngayong magksama na tayo, gagawin ko ang lahat ng aking makakaya mapatunayan lamang sa'yong hindi nagkamali ang puso mong ibigin ako,'' sabi ko pagkatapos ay hinalikan ko ang dulo ng kaniyang ilong.

Kumapit naman siya sa aking balikat pagkatapos ay unti-unti niyang nilapat ang kanyang labi sa labi ko.

❄❄- - - - - - THE END - - - - - ❄❄