Chapter 9 - CHAPTER 8

Nang mag-umpisa ang aming musika ay sabay kaming nagpadausdos habang magkahawak ang aming mga kamay. Sabay ang aming mga galawa habang parang gumuguhit ng numero otso sa yelo. Pareho rin ang galaw ng aming mga kamay at sabay kaming umikot ng isang beses.

Pagkatapos ay ginawa namin ang mga natutunan niya sa ballet. Ginawa namin ang Plie. Nakaekis ang aming mga binti habang ibinabaluktot ang aming mga hita ng ilang ulit at ang mga kamay nami'y nasa tapat ng dibdib. Sumunod ay ang Releve, nakataas ang aming mga kamay lagpas sa aming ulo habang nakadiretso ang aming mga tuhod. Binubuhat ng aming paa ang bigat ng aming katawan sa ganitong posisyon. Pagkatapos ay iaangat namin ang aming mga paa sabay lulundag.

Sumunod ay ang Balancé, paroo't parito ang aming mga paa. Palikod, paharap sa gilid kasabay ng pagkampay ng aming mga kamay na parang pakpak ng ibon. Paulit-ulit lang. Mga talsik ng yelo ang halos makita sa tuwing kami'y nagpapadulas. Hinawakan niya ang aking bewang saka inalalayang umikot. Pagkatapos ay sabay uli kaming nagpadausdos, kumuha ng buwelo para makatalon at umikot sa ere ng dalawang beses.

Nakaunat ang kaliwa naming binti habang nagpapadulas. Pagkatapos ay hinila niya ang aking kamay saka ako'y binuhat, pasan niya ako sa kanyang balikat ngayon. Bakas sa mukha ni Jack ang saya. Nakangiti siya nang ako'y kanyang binuhat muli pababa. Nasa likuran ko na siya ngayon, sabay ang pagpapadulas naming dalawa na tila ako'y kanyang hinahabol. Sabay kaming lumundag at umikot sa ere ng tatlong beses at muling nagpadulas sa buong rink.

Kakaiba rin ang nararamdaman ko. Napakasaya ko simula nang maging kapareha ko siya. Talaga ngang ginagalingan din niya. Syempre hindi rin ako magpapatalo baka mamaya ay aasarin na naman niya ako. Humawak muli ako sa kamay niya. Pagkatapos ay umupo kaming bahagya at nagpa-ikot na parang ako'y ititilapon niya. Unti-unti kaming tumayo habang nagpapaikot pa rin, pagkatapos ay hinatak niya ako't hinawakan ang aking hita nang ito'y aking iangat.

Nagkalapit ang mga mukha naming dalawa. Ramdam ko ang mainit niyang hininga sa aking pisngi.

''Hindi ka talaga nagpapatalo ha.'' Ngumisi na naman siya.

''Teritoryo ko ang yelo kaya't hindi kita susukuan.'' Ngisi ko rin siya.

''Ganoon ba, eh ang puso ko... pwede mo rin bang gawing teritoryo mo?'' Nakakaloko ang ngiting ipinakita niya sa akin kaya naman bahagya ko siyang itinulak at nagpadausdos malayo sa kanya. Lihim naman akong napangiti dahil sa sinabi niyang iyon.

Hinabol niya ako ngunit naghiwalay kami ng direksyon. Nasa magkabilang dulo kami. Nagpadausdos kami ng pasalubong. Nang kami'y nasa gitna na ay hinawakan uli niya ako sa bewang at inangat, nakabaliktad naman ako't nakahawak sa kanyang balikat habang nakaunat ang aking mga binti sa ere.

Narinig ko ang mga palakpakan ng mga manonood. Nang ako'y kanyang ibaba ay sa likuran niya naman ako humawak. Nakakapot sa kanyang bewang habang mabilis na nagpapadulas. Hinatak niya ang aking kamay at muli kaming nagkaharap. Hinawakan niya ang aking mukha. Naghiwalay kami't sabay na inunat ang aming binti pagkatapos ay sabay uling umikot.

Bahagya kaming umupo habang nakapaekis ang aming mga binti. Mabilis na pag-ikot ang aming ginawa pagkatapos ay tumayo't nagpadulas muli. Magkahawak uli kami ng kamay. Ako'y lumundag saka niya ako binuhat at ihinagis sa ereng parang turumpo at muling sinalo pagbagsak ko.

Nagpaulit ulit lang aming ginawa. Kung bibigyan ko siya ng grado ay mahusay para kay Jack na kakaumpisa lang mag ice skate. Malapit na matapos ang aming musika hudyat na mag-aapat na minuto na.

Sa panghuli naming sayaw ay niyakap ako ni Jack habang patuloy kaming nagpappdulas. Nagulat ako sa kanyang ginawa. Nang makarating sa gitna, umikot siya habang magkayakap kami. Halos magwala ang puso ko. Napakakomportable nito kay Jack. Hindi ko tuloy maiwasang mapaispip. Sino ka ba talaga Jack?

Nakayakap pa rin siya hanggang sa matapos ang aning musika. Pagkahinto namin ay bumulong siya sa akin.

''Gusto kita Elsa at kahit anong mangyari hindi ako lalayo sa iyo.'' Humiwalay siya at tiningan ako sa mata. Inilapit niya ang kanyang mukha. Sigurado akong balak niya akong halikan nang bigla ko na lang maalala ang kwento ni Snow Queen.

Nang halikan ng Snow Queen ang kanyang iniibig ay naging yelo ito. Siya ang naging dahilan nang kamatayan ng kanyang sinta. Lumayo ako kay Jack. Naintindihan naman siguro niya ang ibig kong sabihin. Ngumiti lang siya at niyakap na lang akong muli.

Narinig ko ang hiyawan ng mga manonood. Yumuko kaming dalawa tanda ng pasasalamat. Maraming nagbato ng mga bulaklak sa amin. Pumulot kami ng tig-isang Snow drop na bulaklak pagkatapos ay kumaway kami sa kanila habang papunta sa likod ng malaking kurtina.

(reference for Jack and Elsa)

Nagbagsakan ang mga maliliit at makukulay na papel nang nasa ibabaw na kami ng yelo. Lahat kaming miyembro ng circus ay nagpaikot sa yelong rink. Kumakaway sa mga manonood. Sabay sabay na nagsasayaw sa saliw ng musikang La Campanella ni Listz. Naiwan na si Jack sa likod ng kurtina. Nakabalot na naman siya ng makapal na kumot para mapanatiling mainit ang kaniyang katawan.

Umihip ako kaya naman nagsiliparan ang mga mailiit na snowflakes sa buong circus house. Naging matagumpay naman ang pagtatanghal namin dito sa Saxondale.

Nagulat si ama nang malaman na si Jack ang aking naging kapareha. Nangangamba siya na baka malaman ng kanilang pamilya ngunit huwag na daw siyang mag-alala sabi ni Jack. Siya na raw ang bahala sa kanyang pamilya.

Inalalayan ni Jack si ama papunta sa silid nito. Ang hindi nila alam ay sumunod ako. Habang nakayapak ay palihim akong tumakbo't nagtago sa likod ng makapal nitong kurtina.

''Ginoong Leopold, maaari ba akong makiusap sa inyo?'' si Jack iyong nagsalita.

''Sige hijo, ano ba ang iyong ipakikiusap, sana'y madali lamang iyan.'' Natatawa pang sagot ni ama.

''Kung ganoon po ay, nais ko pa sanang manatili kayo rito sa Saxondale, gawin niyo ang gusto niyo... mamasyal at kung anu-ano pa.''

''Bakit naman hijo? Mayroon ka bang nais ipahiwatig?''

''Tama po kayo... gusto ko po ang anak ninyong si Elsa. Gusto ko po siyang ligawan at nais kong makuha ang inyong basbas.'' Prangkang sabi niya kay ama. Napahawak ako sa aking dibdib. Nag-aalala ako sa kung anong isasagot niya.

''Alam mo hijo, hindi nakabubuti para sa iyo ang anak kong si Elsa. Alam nating hindi ka maaaring manatili sa malamig na lugar. Alam mong ang anak ko'y may kakaibang kakayahan. Ano na lamang ang mangyayari sa iyo kung... sigurado akong kamatayan ang kaparusahan noon.'' May naramdaman akong kurot sa aking puso. Nakagat ko ang labi ko. Aminin ko man o sa hindi, aminado akong nagkaroon na ng puwang sa puso ko si Jack.

''Wala po akong pakialam kung-''

''Patawad hijo, hindi ko hahayaang may mangyari sa iyong masama at sa anak kong si Elsa, at isa pa malayo ang agwat ng ating pamumuhay. Makahahanap ka rin ng mas nababagay para sa iyo.'' Bumagsak ang balikat ko sa sinabi ni ama. Tama rin naman siya.

''Marami pong salamat Ginoong Leopold. Mas lalo po niyo akong binigyan ng dahilan para hindi sukuan si Elsa.'' Nanlaki ang mga mata ko sa narinig kong sagot mula kay Jack. Hindi ko natiis na hindi sila silipin.

Nagulat rin ang ekspresyon ng mukha ni ama. Kinamayan siya ni Jack pagkatapos ay lumabas ng silid kaya agad na naman akong nagtago.

''Huwag ka ng magtago dyan mahal ko, alam kong kanina ka pa nakikinig sa aming usapan. Ikaw ha, mahilig ka pa lang makinig sa usapan ng iba.'' Nagulat ako. Paglingon ko'y nakangiti sa akin si Jack. Pagkatapos ay bigla niyang hinatak ang kamay ko.

''Sumama ka sa akin.'' Bulong niya.

Hinila niya ako't napatakbo kami. Hindi ko na nagawang magbihis at magsapatos dahil sa ginawa niya. Napalingon ako sa silid ni ama. Napanganga siya nang makita akong kasama si Jack. Pakiramdam ko tuloy ay bumagal ang oras pagkalampas namin sa kaniyang silid, nakita ko pa siyang lumabas.

''Elsa! Bumalik kayo rito!'' Sigaw niya.

Tiningnan ko lang si Jack na patuloy sa pag-iwas sa mga bagay na madaanan namin makaalis lang dito. Hindi nga nagtagal ay nagtagumpay siyang makalabas kami ng circus house.

Bumabagsak na dito labas ang madami at maliliit na nyebe.

''Ano bang ginagawa mo Jack? Mamaya niyan ay-''

''Huwag kang mag-alala mahal ko, walang mangyayaring masama sa akin, magtiwala ka. Sa ngayon ay may pupuntahan tayo.'' Pagkasabi niya noon ay sumipol siya na parang may tinatawag. Ilang saglit pa'y mga paa ng kabayo na ang aking narinig. Papalapit na sa amin ang kaniyang karuwaheng pinatatakbo ni Ginoong Maximus.

Ngayo'y nakatayo kami sa harap ng isang napakalaking bahay. Napansin ko dalawang chimineya sa bubong na gawa sa brick. May dalawang maliit na bintana sa may bubong. May isang turret pa sa tuktok ng malaking tower na nagsisilbing poste ng bahay, gawa rin iyon sa brick. Ang malalaking bintana ay may disenyong puting frame. Nababalutan naman ng nyebe ang bubong at iyong porches at veranda.

Napakagandang bahay.

''Anong ginagawa natin dito Jack? Kaninong bahay ba ito?'' Pag-uusisa ko sa kanya habang kinukuskos ng mga paa ko ang isa't isa. Wala kasi akong sapin sa paa at tiyak kong nakalimutan ata ni Jack.

''Bahay namin ito, gusto kang makilala ni Ina sapagkat gaya mo'y mahilig din siyang mag ice skate, sa kanya nga ako nagpaturo noong nakaraan.'' sabi niya habang pakamot kamot pa siya ng ulo. Napangiti na lang ako.

Inalalayan niya ako pagpasok. Nakaramdam lang ako ng takot at panliliit sa sarili. Mayaman sila mahirap lang ako, ang layo ng agwat. At isa pa, hindi rin maayos ang unang pagtatagpo namin ng kanyang ate Matilde.

Nang gabing iyon, nangnining-ning ang kanilang mga kagamitang yari sa ginto, nangnining-ning din ang mga kayabangan ng tatlo niyang nakatatandang kapatid. Sina Joserio, Henry at Veron. Habang si Jack naman ang sentro ng kanilang kantiyawan dahil sa sakit nito. Kayang-kaya niyang sakyan iyon kahit na ramdam kong nasasaktan na siya.

Hindi rin ako nakaligtas sa mapanuring mga mata ng kaniyang Ate Matilde at kanilang ama. Hindi ko ba alam kung bakit pa ako sumama sa kanya. Sana'y umuwi na lang ako pagkatapos kong makilala ang kaniyang ina. Napakaganda niya't napakabait, pati na rin ang bunsong kapatid niyang si Mariana. Hindi ko na sana tuloy nasaksihan kung anong klaseng tao ang mga pinakikisamahan ni Jack.

▪▪▪