Chapter 3 - CHAPTER 2

Sa wakas ay narito na kami sa Saxondale. Pumasok na ang karuwahe namin sa mismong bayan. Napakaraming taong namimili sa palengke na katapat lang mismo ng mga gusali. Nasa tabi lang sila ng makipot na daang nababalutan ng yelo. Bumaba ako, si Lucas at Kirstine mula sa karuwahe. Naglakad na lamang kami para mapabilis at mapagaan ang laman nito.

Namangha ako sa mga nakasabit na banderitas sa mga gusali. May mga bata rin kaming nadaanang naglalaro at gumagawa ng snowman. Ang iba'y nagbabatuhan at naghahabulan. Napangiti ako, nalala ko kasi ang aking kabataan. Napatingin ako kay Lucas na nasa kabilang gilid ng karuwahe. Nataranta ako kasi nakatingin rin siya sa akin at kumindat pa't ngumiti. Napayuko ako. Uminit na naman tuloy iyong mukha ko. Ano ba iyan.

Kunwari ay nagkamot na lamang ako ng pisngi. Baka mamaya mahalata niya ako, nakakainis naman. Napabuntong hininga ako pero bigla rin namang may dalawang snowflakes ang nagpakita. Natakpan ko tuloy itong bibig ko.

May mga napansin rin akong mga kababaihang nakatingin sa akin. Nagtataka siguro kung bakit hindi ako nakapangginaw samantalang sila'y balot na balot ng makakapal at mabalahibong coat. May takip rin ang mga tainga nila at bandanang nakapulupot sa kanilang leeg.

''Kakaibang dalaga, napakaputi niya, kasing puti niya ang nyebe at kakulay rin ng abo ang kanyang buhok. Maging ang mga mata niya'y tila nagkikislapang piraso ng yelo.'' Narinig kong sabi ng babae sa kasama niya na may hawak na panyo. Mukha itong mayaman base sa kasuotan niya.

''Ano pa bang aasahan mo, nagtatrabaho siya sa circus kaya ganyan ang itsura niya. Siguro'y nilagyan lamang iyan ng mga pekeng pampaganda.'' sagot ng nakaismid na babae. Kay dali nilang manghusga. Kung ano lang ang nakikita ng kanilang mga mata. Ang mga mayayaman talaga.

Nakalagpas na kami sa palengkeng iyon nang matanaw namin ang isang lalaking iwinawagayway ang sombrero. Namumukhaan ko siya.

''Hooo...'' Pinahinto ni ama ang mga kabayo at bumaba. Sinalubong din niya ang lalaking kumakaway.

''Ginoong Leopold! Mabuti at nakarating kayo.''Kinamayan niya si ama.

''Paumanhin dahil hindi ako nakapagpakilala noon, ako si Maximus nagtatrabaho ako sa pamilya Overland.'' Inakbayan niya si ama at naglakad ng kaunti.

''Malapit na kasi ang kaarawan ng pang-limang anak na lalaki ni Don Miguel Overland at matagal na akong naghahanap ng magagaling na tagapagtanghal, sa wakas ay natagpuan ko kayo.''

''Ikinagagalak naming maimbitahan ginoo hayaan mo't gagalingan namin para sa maharlikang pamilya.'' sabi ni ama sabay tapat niya ng sombrero sa kanyang dibdib.

''Kung ganoo'y sumunod kayo sa akin at ipapakita ko sa inyo ang bakanteng loteng maaari niyong pagtanghalan.''

Sumunod kami sa lalaking nagngangalang Maximus. Kaya pala pamilyar siya sa akin ay siya pala ang nag-alok kay amang magpunta rito. Hindi naman malayo ang nilakaran namin papunta sa loteng sinasabi niya. Tumambad sa amin ang napakaluwang na lote na may katabing lawa pero nababalutan ng makapal na yelo. May mga malalaking puno sa paligid na natabunan a rin ng yelo ang mga sanga.

Tinulungan ko ang nga kasama kong magbaba ng mga gamit namin. At ang circus house na kailangan uli naming itayo. Nag-uusap si ama at iyong ginoo, nagtatawanan pa sila na parang matagal ng magkaibigan.

''Elsa...'' tawag sa akin ni... Lucas. Nilingon ko siya at tumambad sa aking likuran.

''B-bakit Lucas? Anong kailangan mo?'' Nginitian ko siya.

''Eh kasi napapansin kong, iniiwasan mo ko, may problema ba?'' Walang paliguy-ligoy niyang tanong sa akin.

''Ha? W-wala naman akong problema sa iyo, kasi sina Jacky... tinutukso tayong dalawa baka kasi...''

''Iyon ba? Sinabi ko kasi sa kanila na gusto kita.'' Direchahan niyang sabi sa akin. Kahit kailan talaga'y napakaprangka niya. Nanlaki naman ang aking mata sa sinabi niya.

''G-gusto mo ako?'' Bumilis uli ang tibok ng puso ko.

''Oo matagal na, simula noong mga bata pa tayo kaso hindi ako makatyempo para magtapat. Kaya naman, hindi man maganda ang panahon sinigurado ko nang masasabi ko sa iyo.'' Natulala lang ako. Tinitingnan ko lang siya habang kung saan-saan tumitingin. Nagkakamot pa ng ulo at pisngi... kunwari. Napangiti ako.

''Uuyyy!! Sa wakas nakapagtapat ka na Lucas!'' Sigaw ni Alphonse na nasa likod ng karuwahe, nagtatago sila nina Kirstine, Lucy, Sofia at Jacky roon.

''Huwag kang maingay riyan Alphonse, panira ka talaga. Pasensiya ka na Elsa.'' Umiling ako, hindi ko alam kung bakit pero biglang kumilos ang katawan ko mag-isa't niyakap siya. Nagulat yata siya sa ginawa ko dahil hindi siya nakakilos agad.

''Uuyyy!!!'' Mas lalo tuloy naghiyawan iyong mga nagtatago.

''Ibig bang sabihin Elsa may gusto ka rin sa kin?'' Natatawa pang tanong ni Lucas.

''Nagpapasalamat ako dahil may isang tao pa lang magugustuhan ang kakaibang babaeng tulad ko.'' Naramdaman ko ang pagyakap rin niya sa akin.

''Elsa!'' Narinig ko ang pagtawag ni ama. Mabilis akong kumalas sa pagkayakap kay Lucas at nilingon siya. Nakatingin sila sa amin ng ginoong kasama niya na ngayo'y may isa pang kasama. Sinenyasan ako ni ama na lumapit sa kanila.

Tiningnan ko muna si Lucas at pinisil pa muna niya ang ilong ko.

''Usap tayo mamaya.'' Nakangiti niyang sabi. Tumango lang ako.

Lumapit ako kay ama at sa mga ginoo. Napansin ko ang bagong lalaki na kasama nila. Nakasuot ito ng makapal na mabalahibong coat. Nakapamulsa siya. Makapal rin ang scarf sa kanyang leeg. May takip rin ang mga tainga niya, iyon nga lamang ay nakahood ito kaya hindi ko gaanong makita ang kanyang mukha.

''Siya ang anak kong si Elsa mga ginoo...'' Pagpapakilala sa akin ni ama.

''Kumusta kayo, ikinagagalak ko kayong makilala.'' Nginitian ko sila.

''Napakaganda ng iyong anak Ginoong Leopold, sa tingin ko'y kasing edad lamang siya ng aking bunsong anak. Ngunit teka, hindi ba siya nilalamig? Napakanipis ng kanyang kasuotan, tanging boots, gwantes at scarf lamang ang kanyang gamit.'' Pagtataka ni Ginoong Maximus.

''Siya'y may karamdaman Ginoo, wala siyang kakayanang makaramdam ng lamig o init.'' Dahilan ni ama. Lagi naman iyon ang dahilan niya para ako'y maprotektahan sa mga mapanuring mata ng mga tao.

''Oh, ipagpaumanhin niyo ang kapusukan ng aking dila. Bueno, muntik ko ng makalimutan. Siya si Master Jack Overland ang pang-limang anak ni Don Miguel, ang may kaarawan sa darating na katapusan.'' Pagpapakilala niya sa kasama.

''Ikinagagalak ko kayong makilala.'' Matipid niyang sagot habang unti-unti niyang inaangat ang ulong kanina pang nakayuko. Una kong napansin ang kalamigan ng tono ng kaniyang boses. May katangkaran rin siya. Nang mag-angat siya ng ulo ay nagtama ang nga mata naming dalawa.

Para ba akong hinihigop ng kulay cerulean niyang mga mata. Mapungay iyon, matangos ang ilong niya't may manipis na labi. Inilahad niya ang kamay na may gwantes na itim. Inabot ko naman iyon bilang pag-galang sa kanya.

Nakaramdam ako ng kakaiba nang hawakan ang kamay niya. Kahit na nakagwantes ito'y may kung anong kuryente pa rin ang dumaloy sa kamay ko. Bumilis ang tibok ng puso ko. Iba ito kapag si Lucas ang kaharap ko. Tila ba nagkaroon ako ng pangitaing matagal ko na siyang kilala. Agad ko namang binitawan ang kamay niya. Nagulat siguro siya sa ginawa ko dahil napataas ang kilay niya.

Napangiti siya at nakita kung gaano kaganda ang ngiti niyang iyon. Pati ang kanyang mga mata ay ngumingiti rin. Hindi ko alam pero nagwawala ang puso ko. Ano ba puso, hindi ba't kay Lucas ka tumitibok? Ngunit bakit ngayon sa kakikilala mo pa lang na ginoo ay hindi ka mapakali?

''Ginoong Leopold, maaari ko bang dalawin ang iyong anak mamayang gabi?'' Pagpapaalam ni Jack kay ama. Iniimbitahan niya ako? Bakit? Tumingin ako kay ama, sana ay hindi siya pumayag dahil may pag-uusapan pa kami ni Lucas mamaya.

''Naku ginoo, walang problema sa akin iyan... ngunit ang anak kong si Elsa lamang ang makakapagdesisyon kung tatanggapin niya.'' Tumingin rin si ama sa akin. Napanganga ako ng bahagya. Ibig sabihin ay payag siya pero ako pa rin pala ang magdedesisyon. Hay.

''Napakaswerte mo binibini, dahil ikaw pa lamang ang natatanging babaeng nais na madalaw ni Master Jack.'' Bulong sa akin ni Ginoong Maximus.

Ayoko namang mapahiya si ama kaya't...

''Pumapayag ako ama...'' sabi ko na parang galing lang sa ilong.

''Kung ganoon ay pupunta ako mamayang ala sais magandang binibini.'' Kinuha niya ang kamay ko at hinalikan. Bahagya pang umurong ang hood ng coat niya kaya naman nakita ko ang kutis ng kanyang mukha, kasing puti rin ng nyebe gaya ng sa akin.

Muling nagwala ang puso ko dahil sa ginawa ni Jack na parang kilalang kilala niya na halos lumabas na ng dibdib ko't pumunta sa binatang iyon. Hay, nagpunta lang kami rito sa Saxondale ay nagkakaganito na ako.

▪▪▪