Chereads / Her IGNORANCE / Chapter 38 - Chapter 38

Chapter 38 - Chapter 38

38

"BAKIT kaya wala pa si Sir Roderick?"

Tinapunan ko ng tingin si 'Nay Lourdes na nakadungaw sa aming maliit na bintana. Kanina pa ito nagtataka kung bakit ang tagal dumating ni Sir Rod para sunduin kami rito sa bahay. Malimit kasi itong maaga kung dumating at ngayon lamang ito natagalan ng ganito.

"Nag-away ba kayo ni Sir Roderick, Kriselda?" Binalingan ako ng nagtatanong na tingin ni 'Nay Lourdes.

"Ha? Hindi po..." halos pabulong na sagot ko. Maski ako nga ay hindi mawari kung anong nangyayari kay Sir Rod. Kahapon ay bigla na lang itong naging mailap pagkatapos naming gawin ang third base.

Nang iwan niya ako bigla sa kanyang silid ay kaagad kong inayos ang sarili ko para hanapin siya. Napagalitan pa nga ako ni 'Nay Lourdes dahil uuwi na kami ng mga oras na 'yun. Magtatakip-silim na rin kasi. Pinakiusapan ko na lamang ito ng kaonting oras para kahit papaano ay makausap ko si Sir Rod at matanong kung anong problema.

Gusto kong itanong kung bakit siya biglang umalis pagkatapos kong maihi. Nandiri ba siya? Nabahuan? Kung iyon talaga ang dahilan ay hindi ko mapapatawad ang sarili ko sa hindi ko paghuhugas at pagsasabon nang maigi!

"Tara na't mag-tricycle na lang tayo, Kriselda. Mukhang may pinagkakaabalahan ngayon si Sir Roderick."

Baka nga... Minsan kasi ay sinasalo ni Sir Rod ang ilang trabaho sa kanilang kompanya kapag sobrang busy sina Señor at Señora Tuangco. Kaya lang ay wala namang nabanggit si Sir Rod sa akin kahapon na magiging abala siya ngayong araw.

Tanga, Kriselda! Paano ka naman masasabihan e bigla ka nga lang iniwang hinang-hina sa loob ng kwarto niya at hindi na nagpakita pa.

Oo nga pala. Hanggang ngayon hindi ko pa rin matanto kung bakit ganoon ang inasal ni Sir Rod.

Pagkarating namin ni 'Nay Lourdes sa mansiyon ay diretso kaagad ang akyat ko sa hagdan. Nang makarating sa harap ng silid ni Sir Rod ay dali-dali akong pumasada ng tatlong katok bago ko pinihit ang seradura ng pinto. Ngunit ang ikinataka ko, sa unang pagkakataon, naka-lock iyon.

"Sir? Sir Rod?" Nakailang katok na ako ay wala pa ring bumubukas sa pinto o ni sumasagot sa mga tawag ko.

Nasa loob kaya si Sir Rod?

Bumaba muli ako sa unang palapag para tingnan kung nakaparada sa garahe ang kotse niya. Halos magkandadapa pa ako sa pagmamadali.

Lumabas ako ng mansiyon at tumungo sa hardin kung saan kita ang pinagpaparadahan ng mga sasakyan ng mga Tuangco.

Wala roon ang kotse ni Sir Rod. Malamang ay lumabas nga ito. Pero bakit kaya nag-lock siya ng pinto? Ang pagkakaalam ko ay hindi naman siya mahilig mag-lock. Wala naman daw kasing rason para mag-lock siya, aniya pa nga nung minsan ko siyang tinanong.

Ngayon ba, ibig sabihin may rason na siya para mag-lock ng kwarto?

Tahimik ang buong bahay. Wala ang mag-asawang Tuangco, wala si Ma'am Mira, tapos si Sir Rod wala rin. Minsan pala hindi rin maganda kapag sobrang lawak ng bahay. Ang lungkot kapag ganito, walang kaingay-ingay, pakiramdam mo mag-isa ka lang.

Maghapon ay nagmukmok lamang ako sa sala. Umuwi saglit sina Señor Cristobal, Señora Theressa at Ma'am Mira kaninang tanghalian ngunit kaagad ding umalis pagkatapos kumain. Gusto ko sanang magtanong kung nasaan si Sir Rod at kung bakit hindi ito umuwi. Ang kaso ay inunahan ako ng hiya kaya naman hanggang ngayon ay nakaabang pa rin ako sa pagdating niya.

Alas tres y media ay sumuko na ako. Nagpaalam ako kay 'Nay Lourdes na mauuna na akong umuwi. Masama ang pakiramdam ko, dahilan ko. Pero ang totoo ay nagtatampo lang ako kay Sir Rod. Gusto kong siya mismo ang tumungo sa bahay para suyuin ako. Baka sakaling pagdating niya at nakita niyang wala ako rito sa mansiyon ay tutulak siya sa aming barong-barong para amuin ang pagtatampo ko sa kanya.

Sumakay ako ng tricycle gamit ang perang ibinigay ni 'Nay Lourdes. Pagkarating ko ng bahay ay ang bigat-bigat ng loob ko. Umasa akong makakapag-usap kaming dalawa ngayong araw, pero katulad kahapon, kahit anino niya ay hindi ko man lang nasulyapan.

"Krisel..."

Nahinto ako sa akmang pagpasok ko ng aming bahay nang may tumawag sa aking pangalan. Bakas ang lungkot sa boses niya. Marahan akong lumingon para makita ang nakayuko niyang imahe na tila ang bigat-bigat din ng dinadala.

"Andeng?" Marahan niyang inangat ang kanyang tingin sa akin. Dinig ko ang malalim niyang pagbuntong-hininga bago ako nilapitan.

"Sorry Krisel... sorry talaga sa inasal ko, sa inasal ni mama nung nakaraan. Hindi ko naman kasi akalaing—" Tinapik ko siya sa balikat kaya nahinto siya sa pagsasalita. Sa kabila ng nararamdaman ko ngayon ay pinilit ko ang sarili kong bigyan siya ng ngiti.

"Ayos lang, Andeng." Umaliwalas ang hitsura niya sa sinabi ko. Kung tutuusin, hindi ko naman kayang magtanim ng sama ng loob sa kanya. Siya lang ang kaibigan ko, at hindi matatabunan ng isang pagkakamali ang hindi na mabilang na magagandang bagay na nagawa niya sa akin.

Inaya ko papasok ng bahay si Andeng para kahit papaano ay may makakwentuhan ako at nang sa gayon ay malihis ang tampo ko kay Sir Rod. Ngunit nagkamali yata ako dahil imbes na iyon ang mangyari ay lalo kong naalala ang inasal ni Sir Rod kahapon dahil sa mga tanong ni Andeng tungkol sa relasyon namin.

"Oh ba't ganyan ang mukha mo? Nag-away kayo, ano?"

Hindi ako makasagot. Hindi ko alam kung paano ko ikukwento ang estado ng relasyon namin ngayon ni Sir Rod. Ang labo kasi, hindi naman kami nag-away pero parang may mali.

"Sige, mukhang hindi ka pa handang magkwento. Hindi kita pipilitin."

Mabuti na lang talaga at napakamaintindihin ngayon ni Andeng. Ganyan 'yan e kapag bumabawi. Pihadong kung wala lang iyan atraso sa akin e kanina pa 'yan nangulit ng sagot kahit na hindi na ako komportable sa pinag-uusapan.

"Nga pala Krisel, kanina pumunta ako rito sa bahay niyo para nga sana humingi ng pasensya sa inasal namin ni mama nung nakaraan, kaso hindi ko na kayo naabutan ni Aling Lourdes. And guess what?" Tinaasan ko siya ng kilay dahil parang ang sigla-sigla niya.

"Ano?"

"May naabutan akong pogi riyan mismo sa harap ng bahay niyo! OMG! Naka-kotse pa. Ang gara ng damit tapos shocks makalaglag panty talaga ang kagwapuhan!"

Nangunot ang noo ko. "Wala na kayo ni Jerome?"

"Ha? Sinong nagsabi? Kami pa, ano!"

"E bakit parang kilig na kilig ka riyan sa lalaking nakilala mo kanina riyan sa labas ng bahay namin? Saka teka nga, paano nagkaroon ng gwapo riyan sa labas ng bahay na sabi mo kako mukha pang mayaman?"

"Iyon nga rin ang ipinagtataka ko. Ngayon ko lang iyon nakita rito sa lugar natin. Tapos tinanong niya pa ako kung dito ka raw ba nakatira. Kaya naman inisip kong baka kakilala mo."

Kakilala ko? Gwapo? Mayaman? Bukod kay Sir Rod, si Felix saka si Pat lang naman ang gwapo't mayaman na nakakasalamuha ko.

Pero kung sino man iyon... bakit kaya siya naparito?