43
"NASAAN?"
Sinundan ko ng tingin ang kamay ni Andeng na nakaturo sa gawi nina Ma'am Mira. Maraming lalaki roon ngunit kung pagbabasehan ang sinabi ni Andeng na mukhang kakilala ko lang ang lalaking tinutukoy niya, malamang ay isa lang kina Felix at Pat 'yun.
"Tara, lumapit tayo..." Gusto kong tanungin si Felix o si Pat, kung sino man sa kanila kung bakit siya nagawi sa bahay nung nakaraang araw.
"Hi Krisel! You look pretty," kaagad na bungad sa amin ni Ma'am Mira na sinuklian ko ng kiming ngiti. Sumunod naman kaagad sina Faye, Felix at Pat na kanya-kanya ang komento sa ayos ko. Medyo nahiya pa nga ako kay Andeng dahil sa hindi masyadong magandang opinyon ni Faye sa aking suot. Dapat daw kasi ay iyong katulad ng dress na sinuot ko noong kaarawan ni Felix ang sinuot ko ngayon, medyo old fashion at halatang luma na raw kasi itong blue dress na suot-suot ko.
Nakita ko ang mahinang pagsiko ni Patrick kay Faye nang sabihin nito iyon. Nangangamba ko namang pinasadahan ng tingin si Andeng na mukhang bad mood na rin kay Faye.
"Anyway, Krisel, who's this beautiful lady you're with?" untag ni Pat pagkakuwan.
"Uh... kababata ko, si Andeng. Andeng, si Ma'am Mira saka ang mga kaibigan niya. Si Faye, Felix saka si Pat."
"Hello Andeng... such a cute name!" Napangiti ako nang medyo namula si Andeng nang kamayan siya ni Pat. Naku, ang lokaret, mukhang type si Patrick!
"Nice to meet you, Andeng. 'Wag kang mahiya, enjoy the party," ani Ma'am Mira bago ito umalis kasama sina Faye at Pat para daluhan ang mga kaibigan nilang tinatawag na silang apat.
"Hi..." Sabay kaming napatingin ni Andeng kay Felix na naiwang nakatayo sa harap namin. Naglahad ito ng kamay sa kababata ko, "Pleased to meet you," anito saka may kung anong binulong sa namula kong kaibigan.
"Ano 'yung binulong niya?" usyoso ko pagkaalis ni Felix. Hindi naman sumasagot nang maayos ang madamot kong kaibigan at panay lang ang bungisngis.
"Sikretong malupet, pwedeng pabulong. Makinis, maputi siya pero ba't ganon—"
"Andeng!" Kumanta ba naman!
Tumawa lang ito saka umiling-iling. "Hay naku, hindi ko alam kung anong meron sayo at mabenta ka sa mayayamang fafable."
"Ano?"
"Wala! Sabi ko kako sa amin na lang 'yun ni Fafa Felix," kinikilig na anito. Bahagya akong napairap at napahalukipkip. Sige, sila na ang mag-bestfriend ni Felix!
Plano ko sanang hindi pansinin si Andeng dahil nagtatampo ako sa kanya nang maalala kong hindi ko pa pala natatanong kung sino kina Felix at Pat ang lalaking nakita niya sa labas ng bahay.
"Andeng..."
"Oh? Akala ko pa naman wala nang pansinan," natatawang tugon nito na ikinairap ko nang bahagya.
"Sino kina Felix at Pat ang nakita mo sa labas ng bahay?"
Nangunot ang noo niya sa tanong ko. "Letter D, none of the above. I mean, wala sa kanila, Krisel. Mas matanda ng kaonti iyon. Nandito siya, nakita ko nga kanina sa bandang likod ng pwesto nina Fafa Felix, e."
Ha? Kung hindi si Felix at Pat... sino?!
"Excuse me, ladies and gentlemen..." Nahinto ako sa pag-iisip nang natigil ang tugtog at may boses na namayani mula sa bungad ng mansiyon. Pinaliit ko ang aking mga mata para makita nang maayos at makilala ang taong iyon.
"Ganda niya Krisel, kilala mo siya?"
Hindi ko na pinansin ang nangangalabit na si Andeng dahil abala akong suyurin ng tingin ang paligid para hanapin si Sir Rod.
"I'm sorry to interrupt you all, I just want to present my birthday gift to our beloved birthday celebrant."
Naglakad paunahan ang ngiting-ngiting si Trina sa kumpol ng mga tao at pagbalik niya sa gitna ay bitbit na niya ang lalaking kanina pa hinahanap ng aking mga mata.
"Krisel, 'yung boyfriend mo..." Hindi ko pa rin pinansin si Andeng dahil nakatutok ang buong atensiyon ko sa munting palabas sa bunganga ng malaking mansiyon.
"Roderick, I know you don't like too much publicity, but I just can't help myself from doing this. I'm just so proud and so grateful to finally give you my sweetest yes. Yes Roderick, sinasagot na kita! I love you so much and I wish you a happy happy birthday!"
Tila binuhusan ako ng nagyeyelong tubig sa nasaksihan ko. Batid ko ang pagtapik sa akin ni Andeng pero wala akong naramdaman. Namanhid ako. Sa sobrang sakit, namanhid ako.
Kitang-kita ko ang palakpakan ng mga tao sa paligid. Kitang-kita ko ang balisa kong kaibigan. Kitang-kita ko ang paglapat ng labi ni Trina sa labi ng nobyo ko.
Kitang-kita ko... Sa kabila ng nanlalabo kong paningin dulot ng tuloy-tuloy na pagbagsak ng aking mga luha, kitang-kita ko kung paano niya ako pinagtaksilan.
"Krisel!" boses ng aking kaibigan na punong-puno ng pag-aalala ang huli kong narinig bago ko nilisan ang lugar na 'yun.
Tumakbo ako palayo. Sa ilalim ng bilog na buwan, tinakbo ko ang madilim na daan. Kahit hindi ko alam kung saan ako patungo, hindi ako huminto sa pagtakbo. Hinayaan ko ang mga paa kong dalhin ako kung saan... kung saan malayo sa kanila.
Nang mapagod ay huminto ako. Hapong-hapo ako ngunit hindi ko iyon ininda. Hinayaan ko ang sarili kong mapaupo sa kalsada at doon ay humagulgol. Doon ko ibinuhos ang lahat ng sakit. Doon ako naging sobrang kaawa-awa. Awang-awa ako sa sarili ko.
Pero alam kong kasalanan ko ito. Kasalanan ko kung bakit ganito katindi ang sakit na nararamdaman ko. Kasalanan ko ito dahil minahal ko siya nang lubos. Kasalanan ko ito dahil hindi ako nagtira ng pagmamahal sa sarili ko.
"H-happy... b-birthday... S-sir... R-Rod..." sinikap kong isatinig bago ko pinagpupunit ang pinagpaguran kong explosion box.
Iiyak mo lang lahat ngayon, Kriselda. Darating ang araw, 'pag hilom na ang sugat sa puso mo, hinding-hindi ka na iiyak sa kanya.