Chereads / Her IGNORANCE / Chapter 44 - Chapter 44

Chapter 44 - Chapter 44

44

NAGISING ako nang dahil sa sinag ng araw na tumatagos mula sa nakabukas na bintana. Umunat-unat ako saka dagling natigilan nang may mapansin...

Bakit parang lumambot ang katre namin?

Saglit ko pang pinakiramdaman ang aking hinihigaan bago ko tuluyang iminulat ang aking mga mata.

Takte! Nasaan ako? Naibulalas ko sa aking isipan nang tumambad sa akin ang hindi pamilyar na silid. Maganda ang disenyo at mukhang mamahalin ang mga kagamitan pero sigurado akong hindi ito sa mga Tuangco.

Tumakbo ako palapit sa nakabukas na bintana para tanawin ang lugar sa labas. Pilit kong inalala kung minsan na akong nagawi rito at may katiting namang pag-asang nabuhay sa aking loob nang matanto kong medyo pamilyar ang lugar.

"Gising ka na pala." Halos atakehin ako sa puso nang biglang may magsalita sa likod. Abot-abot tahip ang dagundong ng aking dibdib nang lingunin ko iyon.

"N-naman, e! N-nanggugulat ka naman, Felix!" ang lumabas sa aking bibig pagkakita ko sa nakapamulsang si Felix na prenteng nakasandal sa gilid ng pintuan habang pinagmamasdan ako.

"You looked nervous, Krisel. Relax, you're safe here." Naglakad ito palapit sa kamang kanina lang ay hinigaan ko saka roon ay naupo ito.

"P-paano ako napunta rito?" naguguluhang tanong ko. Ang huling naaalala ko kasi... Napalunok ako nang may kung anong kirot na dumaloy sa aking loob nang sumariwa sa aking isipan ang mga nangyari kagabi.

"Let's talk about this downstairs. Nandoon ang kaibigan mo, hinihintay ka. Let's go." Sinikap kong pigilan ang pagtulo ng nangingilid kong luha nang tapunan ako ng tingin ni Felix. Marahan akong tumango bago sumunod sa kanya palabas ng kwarto at pababa ng hagdan.

"Kriseeeel!" Sinalubong ako ng mahigpit na yakap ni Andeng pagkababa namin ni Felix. Ramdam na ramdam ko ang pag-aalala niya lalo na nang magsimula akong humikbi sa kanyang balikat.

"P-paano ako napadpad dito?" muli ay tanong ko nang makapirmi kaming tatlo sa hapag. Ipinagpapasalamat ko talaga at nasa importanteng lakad daw ang mga magulang ni Felix dahil kung hindi ay sobrang nakakahiya itong pagtuloy ko rito.

Bahagya pang nagtinginan ang dalawa bago sinagot ni Felix ang tanong ko, "I was approached by your friend last night. Sabi niya tumakbo ka raw. She was freaking out dahil baka kung anong gawin mo o baka kung anong mangyari sayo." Tinapunan ko ng tingin si Andeng na nakayuko lamang nakikinig.

"I don't know exactly what happened, Krisel. Why did you run? Why were you crying so hard to the point na wala ka nang malay nang makita namin sa gitna ng kalsada? May dapat ba akong malaman?" Nag-iwas ako ng tingin kay Felix. Hindi ko alam kung kaya kong magkwento ngayong alam kong niloko lang ako.

"May relasyon ba kayo ng kuya ni Mira?" Napalunok ako nang mariin sa sumunod niyang tanong. Alam niyang crush ko si Sir Rod pero hanggang doon lang ang alam niya. Natatakot akong baka kung anong isipin niya sa sandaling malaman niyang nagkarelasyon nga kami ng amo ko.

"Damn," dinig kong mahinang mura niya. "We can file a case against him—"

"'Wag!" kaagad na tutol ko. "Lalala lang ang lahat, Felix. 'W-wag na... p-please..." nanginig ang boses ko. Mariin akong pumikit at hinayaan kong bumulusok ang masasaganang luhang kanina ko pa pinipigilang lumabas.

"Kaya ba nagtatanong ka sa akin ng tungkol sa third base nung nakaraan dahil sa kanya? Was that because of him? Is that what he's teaching you?"

Sunod-sunod akong umiling. Ayoko nang lumala ang sitwasyon. Ang makita ang nagtitimping si Felix ay nagpapahiwatig ng magulong mangyayari kung hahayaan ko siya. Tapos na, nasaktan na ako. Naloko na ako. Kung iyon ang nakatakdang mangyari ay hahayaan ko. Ayoko nang palalain pa ang sitwasyon.

Dinaluhan ako ni Andeng para patahanin. Ang bigat ng loob ko. Ang sakit ng puso ko. Ang makitang nahihirapan din ang mga tao sa paligid ko ay dobleng sakit ang dulot sa akin. Paano na lang 'pag nalaman ito ni 'Nay Lourdes?

"Kagabi pa siya ganyan." Binalingan ko ng tingin si Andeng nang mapag-isa kami sa maaliwalas na sala, si Felix ang tinutukoy niya na siyang hinihintay namin para ihatid kami pauwi. "Nang makita ka namin sa kalsada at walang malay, hindi ko na nabilang kung ilang ulit siyang nagmura. Panay tanong din siya kung anong nangyari pero wala naman ako sa posisyon para magkwento kaya sabi ko sayo na lang magtanong. Pero mukhang hindi na niya kailangang magtanong sayo dahil matalino siya at napagtagpi-tagpi na niya ang mga pangyayari. Ang inaalala ko lang Krisel, baka lumala ang sitwasyon kapag sumali pa siya sa gulo niyo."

Iyon din ang inaalala ko.

Hindi pa pala natatapos ang dagok na pagdadaanan ko sa pananakit lang ni Sir Rod. Ngayon kailangan kong harapin ang magiging reaksiyon ng mga taong konektado sa aming dalawa sa oras na malaman nilang nagkarelasyon kami ng lalaking dapat ay amo ko lang.