Chereads / Her IGNORANCE / Chapter 47 - Chapter 47

Chapter 47 - Chapter 47

47

NAKALULUNGKOT isiping kung gaano ako kasabik noon pumasok sa magarang mansiyon na ito ay siya namang ikinangatal ko ngayon habang tinatahak ko ang luhosong daan.

Noon, masulyapan ko lang si Sir Rod, buo na ang araw ako. Hindi ako naghangad ng higit pa bukod sa makita ko lang siya araw-araw. Alam ko kasing hanggang doon lang ako. Hanggang paghanga lang ako. Alam kong kahit kailan ay hindi niya mapapansin ang babaeng katulad ko.

Pero nagkamali ako. Halos hindi magkamayaw ang aking loob noong araw na kinausap niya ako nang harap-harapan. Hindi ko man hiniling ay natupad ang bagay na akala ko ay hanggang imahinasyon lang. Ngunit sana pala ay nanatiling imahinasyon na lang iyon. Sana ay hindi na ipinaglapit ng tadhana ang aming mga buhay. Sana ay hinayaan na lang nitong makuntento ako sa mga nakaw na sulyap. Hindi sana mauuwi sa ganito ang lahat.

"Ang lakas din naman talaga ng loob mong bumalik pa rito." Nabalik ako sa ulirat nang marinig ko ang boses ni Ma'am Mira pagkapihit ko ng pinto. Nakaupo siya sa malaking sofa kasama sina Faye at Pat.

Halos umatras na lang ako nang makita ko ang mapagmatang tingin sa akin ni Faye na dati-rati ay punong-puno ng paghanga sa tuwing nagkikita kami. Awa at simpatiya naman ang nakikita ko sa mga mata ni Pat.

Sa kabila ng nanlalambot kong mga tuhod ay sinikap kong humakbang paunahan para makapasok nang tuluyan sa bunganga ng pinto. "G-gusto ko lang makausap si Sir Rod..." nanghihinang wika ko.

"Why, Krisel? Gipit ka na ba ulit? Kailangan mo na naman ba ng pera?"

"Ma'am, alam niyo pong hindi totoo 'yan. Kailan man ay wala akong natanggap na kahit isang kusing mula sa kuya mo."

Nasasaktan ako sa panghahamak nila. Wala mang sinasabi si Faye ay ramdam na ramdam ko kung gaano siya nandidiri sa akin ngayon.

"Lier! Umalis ka na! I don't want to see you here!"

"What's with the shout, Mira?"

Pareho kaming natigilan nang magtama ang mga mata namin ng pababang si Sir Rod. Halatang nagulat siya nang makita ako ngunit kaagad din siyang nakabawi.

"The third party is here, looking for you. Paalisin mo na siya rito kuya bago pa ito malaman ni ate Trina."

"Watch your words, Mira. Nakakasakit ka na." Umirap lang si Ma'am Mira kay Sir Rod. Bakit pa niya pinapangaralan ang kapatid niya? Pareho lang naman silang nakakasakit na. Pare-pareho lang sila.

Humakbang pababa ng hagdan si Sir Rod. Bawat baitang na tinatapakan niya ay sinusundan ko ng tingin. Habang papalapit siya nang papalapit sa pinakamababang baitang ng hagdanan ay pakirot nang pakirot ang puso ko.

Gusto ko siyang sugurin ng sampal. Gusto kong manakit. Paanong nagagawa niya pang lumapit sa akin nang kalmado pagkatapos niya akong patayin sa sakit?

"Don't tell me, pagbibigyan mo 'yang malanding iyan? Kuya, alam mo kung paano magselos si ate Trina. Mag-aaway na naman—"

"Shut up, Mira! Just shut up!" Lahat kami ay nagulat sa biglang pagsigaw ni Sir Rod. Ilang segundong nanaig ang katahimikan sa pagitan naming lahat. Umaapaw ang tensiyon sa paligid.

Pagkakuwa'y si Ma'am Mira rin ang unang nakabawi sa amin. "I warned you, kuya. I warned you," anito bago umakyat sa hagdanan na kaagad na sinundan ng kanyang mga kaibigan.

Naiwan akong hindi pa rin nakakabawi sa nangyari. Inangat ko ang aking tingin kay Sir Rod na ilang metro lamang ang layo sa akin. Nang magtagpo ang aming mga tingin ay kaagad ko iyong binawi.

"What are you doing here?" Halos manginig ako sa lamig ng kanyang boses. Siya pa ngayon ang may ganang magbigay ng malamig na pakikitungo? Tila sumilab kaagad ang naipong galit na ilang araw na ring kinimkim.

Tinakbo ko ang distansiya sa pagitan naming dalawa para paulanan siya ng mga hampas sa dibdib.

"Bakit? Bakit mo ako ginanito?" paulit-ulit kong sinambit. Wala na akong pakialam kung may makakita man sa ginagawa ko. Inilabas ko ang lahat ng sama ng loob ko sa pamamagitan ng pisikal na pananakit sa kanya.

"H-hindi ko alam kung anong nagawa kong mali para lokohin mo ako ng ganito, S-sir Rod. S-sana dinahan-dahan mo. A-ang sakit po kasi... sobra. I-ikaw po 'yung taong nagturo sa aking magmahal pero ikaw rin po 'yung nagturo sa aking masaktan. S-sana tinuruan mo rin po akong makalimot... ang hirap po kasi. Ang sakit-sakit..." Humagulgol ako sa harap niya. Patuloy ang paghampas ko at nang mapagod ay nauwing nakalapat ang aking mga kamay sa kanyang dibdib.

Akala ko tapos na akong umiyak. Akala ko naiyak ko na lahat. Ngayong kaharap ko na siya, bumalik ang lahat ng sakit.

Sa nanginginig kong katawan dahil sa labis na pag-iyak ay naramdaman ko ang pagyapos ng kanyang mga braso sa akin. Gustuhin ko mang magpumiglas ay wala na akong lakas para gawin pa iyon.

"B-bakit mo ako sinaktan?" Gusto kong malaman mula sa kanya mismo ang dahilan. Gusto kong maliwanagan.

Humigpit ang kanyang yakap sa akin kasabay ng pagbulong niyang dumurog lalo sa aking durog nang puso. "Sorry, Krisel... mahal kita... pero mas mahal ko si Trina."