41
"ANG pag-ibig hindi 'yan isang tindahan na kapag nagbigay ka ng buong pera, susuklian ka. Kaya mainam na barya-barya lang ang ibinibigay natin. Dapat nagtitira tayo para sa ating sarili para sa huli hindi tayo ang lugi."
Tumatak sa aking isipan ang mga salitang iyan ni Andeng. Nakuha ko ang itinutumbok niya. Ayos lang magmahal pero dapat ay nagtitira rin tayo ng para sa ating sarili. Para sa oras na bawiin ng taong minamahal natin ang pagmamahal nila sa atin, hindi tayo maiiwang walang-wala.
Pero paano kung naibigay ko na lahat kay Sir Rod? Paano kung hindi ko na kaya pang bawiin iyon?
"Ang mga mayayaman, karamihan sa kanila ay magagaling na negosyante. Sa kanila tayo dapat higit na mag-ingat sapagkat eksperto na sila sa pagpapaikot ng mga kustomer nila sa kanilang mga palad."
Alam kong may ipinapahiwatig siya sa akin doon. Si Sir Rod at Jerome ay parehong nasa mundo ng pagnenegosyo. Pareho silang biniyayaan ng kagwapuhan at parehong may sinasabi sa buhay. Naiintindihan ko ang pag-iisip ni Andeng na maaaring hindi rin nagkakalayo ang pag-uugali nila dahil halos iisang mundo lang ang kanilang ginagalawan.
Ngunit nakaligtaan yata ni Andeng na kahit kambal ay nagkakaiba. Naniniwala pa rin akong hindi babaero si Sir Rod. Sa tinagal-tagal ko nang sumasama kay 'Nay Lourdes sa mansiyon, nasa kolehiyo pa lang si Sir Rod ay ni minsan hindi ko nabalitaang nagkaisyu ito sa pambababae. Alam kong may mga naging nobya na ito noon pa man at alam ko ring naging tapat ito sa bawat nakakarelasyon niya. Minsan pa nga ay nagkukulong ito ng ilang araw sa kanyang kwarto kapag kahihiwalay lang nila ng kanyang girlfriend. Indikasyon iyon na sineseryoso niya ang bawat babaeng dumadaan sa kanyang buhay.
Kaya alam ko ring sineseryoso niya ako.
"Kriselda, kaarawan na ni Sir Roderick sa susunod na linggo. Nakaisip ka na ba ng ireregalo mo?"
Nabalik ako sa ulirat nang magsalita sa tabi ko si 'Nay Lourdes. Lulan kami ng tricycle patungong mansiyon ng mga Tuangco. Kanina pa ako lutang at ngayon lang natauhan nang banggitin ni 'Nay Lourdes ang tungkol sa nalalapit na kaarawan ni Sir Rod.
"Wala pa nga po. Nag-iisip pa rin ako."
Dahil sa pagpapaalala ni 'Nay Lourdes sa kaarawan ni Sir Rod ay iyon na ang laman ng utak ko hanggang sa makarating kami sa mansiyon.
Napangiti ako nang makita kong naroon sa garahe ang kotse ni Sir Rod. Pagkapasok ng mansiyon ay diretso kaagad ang akyat ko papunta sa kwarto nito.
Tatlong katok saka ko binuksan ang pinto. Lagaslas ng tubig na nagmumula sa shower sa banyo ang bumungad sa akin pagkapasok ko. Nilibot ko ang aking tingin sa apat na sulok ng silid na ilang araw ko ring hindi nasulyapan. Na-miss ko ang kwartong ito, lalong-lalo na ang may-ari.
Naupo ako sa paanan ng kama para hintayin ang paglabas ni Sir Rod. Ang ideyang makikita ko siyang nakatapis lamang ngayon ay nagbibigay ng init sa aking mukha.
"Hi Sir, ang gwapo mo po ngayon..." Umiling-iling ako saka nag-isip muli ng magandang pambungad kay Sir Rod paglabas nito ng banyo. Napaka-obvious naman kasi ng una kong naisip. Alam naman na ng lahat na gwapo siya saka ayaw niyang tinatawag ko siyang sir.
"Hi Rod, kumusta ka?" Napaka-common.
"Hi Rod, masarap ba ang tubig? Hihi."
"Mas masarap ka..."
Halos mapatalon ako nang may boses na sumagot sa akin. Nilingon ko ang banyo at nakita ko roon si Sir Rod na nakatayo sa pintuan. Basa ang kanyang buhok at may mangilang-ngilang patak ng tubig na dumadaosdos pababa sa kanyang dibdib.
Lumunok ako saka tumayo. Nang maramdamang nangangatog ang aking mga tuhod ay umupo ulit ako.
"Uhh... g-good morning po."
Takte Kriselda, pahiya ka!
"Morning," tipid na aniya bago tumulak sa kanyang closet para kumuha ng damit. Pinagmasdan ko ang malapad niyang likod habang abala siya sa ginagawa. Jusko! Bakit kahit nakatalikod ay nag-uumapaw pa rin ang kagwapuhan niya?
"M-may gagawin ka po ngayon?"
Saglit siyang sumulyap sa akin para sagutin ang tanong ko. "Yeah, I'll be leaving for a business trip in Batangas," kaswal na aniya.
Malungkot akong tumango-tango habang pinapanood siyang magbihis. "Ibig po bang sabihin, wala ka rito sa birthday mo?"
"I'll be here by that day. Tatlong araw lang naman ako roon sa Batangas."
"Mami-miss po kita... Ay mali! Miss na miss na po kita." Nilingon niya ulit ako at may nakita akong awa sa kanyang mga mata.
"I won't lock this room para kahit wala ako, you can visit here anytime you want."
Hindi awa ang kailangan ko. Ikaw, ikaw ang kailangan ko, bagay na gustong-gusto kong sabihin ngunit mas pinili kong ikimkim.
Sino ba naman ako para pigilan siya sa pag-alis, diba? Negosyo iyon. Responsibilidad niya iyon kaya dapat lang na iyon ang unahin niya.
Humugot ako ng malalim na hininga bago muling nagsalita. "Ano po bang gusto mong matanggap sa birthday mo?" pag-iiba ko.
"Any thing will do, Krisel. I appreciate any thing."
Tipid ko siyang nginitian at kahit nanghihina ay pinilit kong tumayo at lapitan siya para pasadahan ng yakap.
Batid ko ang pagkagulat niya sa aking ginawa ngunit sinuklian niya rin iyon ng yakap pabalik.
Wala na akong pakialam kung wala nang natirang pagmamahal para sa aking sarili. Wala na akong pakialam kung masasaktan ako sa huli dahil ginusto ko ito at kahit gustuhin ko mang bawiin sa kanya ang sobra-sobrang pagmamahal na naibigay ko, imposible nang magawa ko pa iyon.