6
Nagtataka kong pinasadahan ng tingin si 'Nay Lordes sa kakaiba nitong awra ngayong araw. Kanina ko pa nahahalatang magana ang mga galaw niya magmula pa sa paghanda niya ng aming almusal. Panaka-naka rin ang kanyang pagngiti na lalong nagpataka sa akin.
"'Nay Lordes, ang totoo, anong nahithit mo?" tanong ko rito pagkababa namin ng tricycle. Naglalakad na kami ngayon papasok ng malaking tarangkahan ng mga Tuangco.
"Susmiyo kang bata ka! Tumahimik ka riyan at nandirito na sina Señor at Señora Tuangco!" suway nito sa akin.
"Po? Nandito na sila?"
"Oo kaya 'wag na 'wag kang maggagala sa mansiyon at nakakahiya kina Señor Cristobal."
Nalungkot naman ako roon. Baka hindi na ako makapasok sa kwarto ni Sir Rod para i-tutor niya dahil nandito na ang kanyang mga magulang at kapatid.
Bagsak ang mukha ko nang pumasok kami ni 'Nay Lordes sa mansiyon. Sa malaking sala ay nakaupo ang mag-asawang Tuangco. Mukhang kararating lang din nila dahil pareho pa silang nakagayak.
"Magandang umaga ho Señora Theressa," bati ni 'Nay Lordes sa babaeng hindi mo aakalaing may edad na. Ngumiti ito sa amin at bumati rin pabalik. Sumunod na binati ni 'Nay Lordes ang nakaupo sa sofang si Señor Cristobal. May katandaan na rin ito ngunit mababakas pa rin kung gaano ito kagwapo noong kabataan niya.
"M-magandang umaga ho, Señor Cristobal," kandautal si 'Nay Lordes na ipinagtaka ko. Tumayo si Señor mula sa pagkakaupo tapos itong si 'Nay Lordes ay bigla na lang nanigas sa tabi ko.
"Diba sabi ko Cristobal na lang, Lordes? Para namang wala tayong pinagsamahan noong araw."
Tiningnan ko si 'Nay Lordes at halos matawa ako sa pulang-pulang mukha nito. Aba si 'Nay Lordes, kaya pala atat na atat na pumunta rito.
Kanina pa ako nakamukmok sa kusina ng mga Tuangco, hinihintay ang pagbaba ni Sir Rod sa hagdan. Si 'Nay Lordes ay abala na sa trabaho nito. Masiglang-masigla nga e, daig pa ang naka-Enervon.
Puntahan ko na kaya sa kwarto niya? Isip-isip ko nang wala pa ring Sir Roderick na bumababa. Ang kaso baka mapagalitan ako ni 'Nay Lordes. Binilin pa naman nitong sa kusina lang ako manatili.
Nakahalukipkip akong nag-isip nang maaaring gawin nang makarinig ako ng mga boses sa sala. Mukhang naririto ang mga kaibigan ni Ma'am Mira.
Pasimple akong sumilip mula rito sa kusina upang makita ang mga bisita.
Dalawang lalaki at isang babae ang naroon. Wala pa si Ma'am Mira at mukhang hinihintay nila ito.
Pulos anak-mayayaman lang ang din ang mga kaibigan ni Ma'am Mira. Nahihiya tuloy akong lumabas dito sa kusina at magpakita sa kanila. Baka kung anong sabihin nila sa akin. Ngayon pang sobrang layo ng pananamit ko sa kanila.
Bumalik ako sa mataas na stall na nakapwesto malapit sa lababo. Hihintayin ko na lang na mapagawi rito si Sir Rod.
"Hey Krisel!" Halos mahulog ako sa stall nang sugurin ako ng yakap ni Ma'am Mira. "Oh my gosh! I have so much to tell you. Anyways, tara."
Noon pa man ay ganito na makitungo sa akin si Ma'am Mira. Gustong-gusto niya raw ako dahil gusto niyang magkaroon ng kapatid na babae. Ang KJ daw kasi ng kuya niya sa maraming bagay.
Dalawang taon lamang ang tanda sa akin ni Ma'am Mira pero sobrang magkalayong-magkalayo kami sa maraming aspekto. Babaeng-babae siya manamit kumpara sa akin na t-shirt at shorts ay ayos na. Hubog na rin ang katawan niya kaya paminsan ay napagkakamalan siyang mas matanda sa kanyang tunay na edad. Hindi katulad ko na hindi man lang yata lumaki ang hinaharap. Flat, 'langya!
"Ahh ma'am... saan po?"
Sumimangot siya saka hinatak na ako patayo.
"I said call me Mira. Drop the ma'am, Krisel."
"P-pero ma'am... e-este M-Mira," kaagad na bawi ko nang sumama ang tingin niya sa akin. "Saan niyo po ako dadalhin?"
"I'm gonna introduce you to my friends," nakangiting hayag niya.
"Po?"
Kasehodang mabait si Ma'am Mira ay hindi ako nakakasigurong mabait ang mga kaibigan niya. Saka, nahihiya ako.
"You heard it right. Ipapakilala kita sa kanila para may maging kaibigan ka naman. Parang si Yaya Lordes lang yata ang laging kausap mo e."
Oo nga pala, walang kaalam-alam si Ma'am Mira tungkol sa pagtu-tutor ni Sir Roderick sa akin.
"Ma'am..." pagpoprotesta ko ngunit wala na akong nagawa pa nang sapilitan ako nitong hinatak sa sala kung nasaan ang mga sosyalin niyang mga kaibigan. Natigil ang mga iyon sa pag-uusap nang dumating kami. Pinasadahan nila kami ng tingin, lalo na ako, kaya ramdam kong namula ako nang sobra sa hiya.
"Hey guys, this is Krisel. Anak siya ng matagal na naming kasambahay and she's a good friend of mine," panimula ni Ma'am Mira. Tumayo 'yung babaeng kaibigan ni Ma'am Mira saka lumapit ito sa akin.
"She's very pretty, Mira. How old is she?" Sinuri pa nito ang mukha ko at mukhang manghang-mangha ito sa nakikita.
"S-sixteen ho," ako na ang sumagot.
"Ang ganda ng mga mata mo. Anyway, I'm Faye, nice to meet you pretty Krisel." Ngumiti siya sa akin kaya kahit naiilang ay ngumiti rin ako.
"Guys, ano, tulala kayo riyan?" sita ni Faye sa dalawang lalaking nakaupo pa rin sa sofa. Humagikgik naman sa tabi ko si Ma'am Mira saka sinundot-sundot ako.
Nakakailang naman! Napapalibutan ako ng mga anak-mayaman na ito.
"Hi," bati nung isang lalaki. Matangkad ito saka gwapo. Kapansin-pansin din ang malalim nitong biloy sa pisngi. "I'm Pat." Naglahad ito ng kamay kaya tinanggap ko iyon.
Sumunod naman na nagpakilala 'yung isa pang lalaki na pareho ni Pat ay matangkad at gwapo rin. Moreno ito hindi katulad nung Pat na maputi saka parang mas suplado ito sa huli.
"I'm Felix," anito sa malalim na boses. Napalunok ako nang tumitig ito sa mga mata ko. "Please to meet you." Naglahad rin siya ng kamay kaya nakipagkamay ako.
Nasa ganoon kaming posisyon nang may tumikhim sa gawing hagdanan ng mansiyon. Lahat kami ay napabaling doon para makita si Sir Roderick na mukhang masama ang gising dahil sa lukot nitong mukha.
"Good morning, kuya!" masiglang bati ni Ma'am Mira rito. Hindi man lang tinapunan ni Sir Rod ng tingin ang kanyang kapatid, sa halip ay pinasadahan nito ng tingin ang kamay kong nakahawak pa rin sa kamay ni Felix.
"Morning," walang kagatol-gatol na tugon ni Sir Rod bago tumulak pakusina.
Hmm... masama nga yata talaga ang gising niya.