7
"Ma'am, kusina lang ho ako," paalam ko kay Ma'am Miranthel na nakikipagtawanan sa kanyang mga kaibigan. Hindi ko na hinintay pa ang kanyang tugon, bagkus ay mabilis na akong tumayo saka tumungo sa kusina.
Katulad ni Ma'am Mira ay mababait ang kanyang mga kaibigan. Sinubukan pa nga nila akong isali sa kanilang usapan pero talagang hindi ko kayang makipagsabayan sa kanila. Pulos mamahaling produkto, gimik, taong hindi ko naman kilala at mga kaganapang wala naman akong kaalam-alam kasi ang laman ng kanilang usapan. Paano ba naman makakasabay ang isang hamak na pobreng katulad ko roon?
Kaya heto at inilalayo ko muna ang aking sarili sa kanila. Isa pa ay ibig kong kausapin si Sir Rod dahil na-miss ko itong kausap.
Nasa bukana pa lamang ako ng kusina ay tanaw ko na ang malapad na likod ni Sir Rod na nasa hapag na pihadong nag-aalmusal.
Matagal ko munang tinitigan ang likod niya, nag-iipon ng lakas ng loob na lumapit. Ito pa nga lang kasing nakatalikod siya ay nangangatog na ang mga tuhod ko, paano na lang kapag kaharap ko na siya mismo? Baka tuluyan na akong humandusay sa sahig kapag pinasadahan niya na ako ng misteryoso at nakakapaso niyang mga tingin.
Naku, bahala na! Pigil-hininga ko na lamang na nilakad ang espasyo sa pagitan naming dalawa
"S-sir..." bati ko nang makalapit. Tinapunan niya naman ako ng tingin ngunit mabilis lamang iyon. Nagpatuloy siya sa kanyang kinakain.
Humugot ako ng malalim na hininga nang dahil doon. Ang hirap pala kapag masama ang gising ni Sir Rod kasi hindi siya namamansin.
"Sir, ayos ka lang?"
"I waited in my room, pero hindi ka dumating," anitong hindi man lang ako binabalingang muli.
"I-ibinilin ho kasi ni 'Nay Lordes na rito lamang ako sa kusina mamalagi kasi nandirito na sina Señor at Señora Tuangco. Nakakahiya naman pong makita nila akong naggagagala sa mansiyon," mahabang paliwanag ko. Sa wakas ay inangat niya na ang tingin sa akin ngunit katulad kanina ay malalalamig pa rin iyon.
"Really, huh? Kaya pala nandoon ka sa living room at nakikipagkamay doon sa lalaki," may tono ng panunuya sa kanyang boses. Hindi ko kayang salubungin ang malalamig niyang tingin kaya bahagya akong yumuko.
"P-pinilit ho kasi ako ni Ma'am Mira," halos pabulong na lamang iyon.
Hindi ko alam kung bakit naiiyak ako. Dahil ba sa paraan ng pakikitungo niya sa akin ngayon? Na para bagang may ginawa akong mali na ikinagalit niya. Kung meron man, ano iyon nang maitama ko? Hindi ko kasi kayang ganito kami sa isa't isa. Hindi ko maatim na galit siya.
"Krisel, why are you so silent?" pag-uusisa ni Faye sa akin. Bumalik na ako sa sala matapos akong iwang mag-isa ni Sir Rod sa kusina. Umiyak ako. Hindi ko alam kung halata iyon sa mga mata ko pero talagang kusang nagsilabasan ang mga luha sa aking mga mata kanina nung tinalikuran ako ni Sir Rod. Para kasing may mga punyal na bumabaon sa aking dibdib habang pinapanood ko siyang papalayo. Ang sakit.
"Do you want to go outside? Pahangin tayo." Tipid kong nginitian si Felix dahil mukhang nababahala ito sa malungkot kong mukha.
"Sige na Krisel, mukhang masama pakiramdam mo e. Kailangan mo ng sariwang hangin," pag-uudyok ni Ma'am Mira sa akin. Hindi pa man ako pumapayag ay tumayo na si Felix at mukhang hinihintay na ako. Nakakahiya naman kung tatanggi pa ako kaya tumayo na rin ako saka sumama sa kanya sa hardin ng mansiyon.
"Those eyes told me you're hurt." Nangunot ang noo ko sa kaagad na sinabi nito nang maupo kami sa benches na nasa hardin. "Gustong-gusto ko ang mga mata mo. Bukod sa napakaganda nito, ang daling basahin ng mga ito. Napakainosente. Totoong-totoo."
Hindi ako umimik. Pakiramdam ko kasi ay naiiyak na naman ako. Kung bakit kasi ganoon makitungo si Sir Rod sa akin ngayon? May kirot tuloy na namumuo sa aking dibdib. At nakakahiya dahil mukhang nakikita iyon nitong lalaking kakakilala ko pa lang.
"May gusto ka sa kuya ni Mira?" Namilog nang todo ang mga mata ko sa tanong ni Felix.
P-paano niya nalaman?
Mahina siyang tumawa marahil sa gulat na rumehistro sa aking mukha. "Told ya, you're easy to read," kindat niya.
May isasama pa ba ang araw na ito? Una, ang malamig na pakikitungo sa akin ni Sir Roderick. Tapos pangalawa, itong kahihiyang nakukuha ko dahil sa kakayahan ni Felix na basahin ang aking nararamdaman.
"S-sir Felix--"
"Just Felix, Krisel."
Lumunok ako.
"Ahh... F-Felix... s-sikreto lang po natin 'yun ha?"
Tipid siyang ngumiti sa akin. "Sure, sa isang kondisyon."
"A-ano po iyon?" kinakabahang tanong ko. Paano kung sabihin niyang sumayaw ako? Nakakahiya, pareho pa namang kaliwa ang mga paa ko. O di kaya, pakantahin ako, baka tawanan niya lang ang sintunado kong boses.
Bakit kasi may kondisyon pa?
"Be there on my birthday. Sa makalawa na iyon at pupunta roon si Mira. Gusto kong sumama ka sa kanya."
Kaagad na napalitan ng pagkasabik ang kaninang nerbyos sa aking dibdib. Birthday party iyon! Matagal ko nang gustong makapunta sa birthday party dahil sa makukulay na lobo, masasayang palaro, saka masasarap na pagkain. Mukhang sa kaarawan ni Felix ko iyon mararanasan.
Tuwang-tuwa siya nang pumayag ako sa kanyang kondisyon. Nayakap niya pa nga ako sa sobrang kagalakan pero kaagad din siyang napalayo nang may boses kaming narinig sa 'di kalayuan.
"Krisel, in my car," ani Sir Rod na kaagad ring umalis, papunta yata ng paradahan.
Tiningnan ko si Felix para makita ang tipid na ngiti nito sa labi. "Go," anito. "Basta sa makalawa, ha?"
Ngumiti ako pabalik saka tumango. Pagkatapos ay walang lingong-likod akong tumakbo para habulin si Sir Rod.
Sa car daw niya. Doon niya ba ako itu-tutor?