"Sin..." Hindi namalayan ni Sin na napahigpit ang pagkakahawak niya sa telepono nang marinig ang boses sa kabilang linya.
"Seth."
"So, you finally decided to see me?" Halos pabulong ang tanong nito sa kanya. Marahil kung hindi nakatuon ang buong atensyon niya rito, hindi niya ito maririnig.
"Isn't this what you want? Now you have my attention."
"May malalim akong dahilan kung bakit ko ito ginagawa."
"Oh really? Gusto mong bilhin ang share ko, na alam naman nating malaking isyu sa pamilya natin. Hindi ka ba natatakot sa magiging reaksyon nila, Uncle Stern? Nag-aalala ako kung saan ka pupulutin."
Isa nang malaking iskandalo sa kanilang angkan na ang naging tagapagmana ng Valcarcel Group ay anak sa ibang babae—kahit pa isa itong legal na Valcarcel sa pangalan at sa papel.
Panganay si Uncle Sutto, ang ama ni Seth at kapatid ng kanyang ama. Sumunod dito ang kanyang ama, kaya pangalawa ito sa may pinakamalaking mana. Kasunod nila ang iba pa nilang mga kapatid, na may kanya-kanyang bahagi sa kumpanya. Bagaman matindi ang pagtutol ng mga ito sa pag-upo ni Seth bilang Chairman, wala silang nagawa dahil suportado siya ni Uncle Sutto. Noon, nang bumagsak ang kumpanya, si Uncle Sutto at ang kanyang ama ang gumawa ng paraan upang makabangon ito hanggang sa maging isa sa pinakamalaki at maimpluwensiyang kumpanya, maging sa ibang bansa. Kaya naman, anuman ang maging desisyon ng panganay na anak, wala nang magagawa ang iba.
Dumating si Seth sa buhay nila noong unti-unti nang bumabangon ang kumpanya. Dalawang taon siya nang ampunin siya ni Uncle Sutto, kaya marahil mas paborito ito ng matanda kaysa sa tunay nitong anak na si Bryan. Pakiramdam ng kanyang tiyuhin, si Seth ang nagdala ng suwerte sa kanilang pamilya.
Namatay si Bryan sa edad na labimpito, halos kasabay ng pagkamatay ng kanyang mga magulang. Gumuho ang mundo ni Sin. Gusto na niyang sumunod sa pinsan. Bryan was her best friend, her soulmate, her first love... Alam niyang hindi tama, pero iyon ang totoo. Maingat niyang itinago ang damdaming iyon, at nang mawala ito, hindi niya nagawang ipagtapat kahit kailan. Masakit. Napakasakit. Ilang gabi siyang umiiyak, walang sinumang makapagpatahan sa kanya. Mas gusto niyang mapag-isa. Nag-aalala ang kanyang mga tiyuhin at tiyahin, kaya dinala siya ng mga ito sa kanilang vacation house sa isang isla. Dalawang buwan siyang nanatili roon, wala na siyang balak bumalik.
Hanggang isang araw, dumating si Seth at pilit siyang pinapabalik. Masama ang loob niya rito dahil hanggang sa huling sandali ni Bryan, ay wala ang mga magulang ni Bryan sa tabi nito—si Seth ang kasama ng mga magulang nito. Ibinuhos ni Sin ang galit kay Seth, lahat ng sakit at sama ng loob. Hindi kinaya ni Seth ang kanyang mga ginagawa, kaya nagawa nito ang isang bagay na hindi dapat nangyari sa kanila... Isang bagay na hindi niya lubos akalaing mangyayari.
Alam niyang nasaktan niya si Seth, pero hindi iyon sapat na dahilan upang lalo siyang saktan nito. Binigyan siya ni Seth ng mas matinding dahilan para kamuhian ito. Dahil sa nangyari, mas lalo siyang naguluhan. Sa tuwing bumabalik sa kanya ang lahat, mas lalo lang siyang nagiguilty sa kanyang nararamdaman para kay Bryan.
Pagkatapos ng gabing iyon, hindi na muli nagpakita si Seth sa kanya. Nag-aral ito sa ibang bansa upang iwasan siya.
"Tama ba ang narinig ko—nag-aalala ka sa akin?"
Napangiti si Sin sa tanong ni Seth na may halong sarkasmo. Ngunit hindi umabot sa kanyang mga mata ang ngiting iyon. Blangko at walang emosyon ang tanging makikita sa kanyang mga mata.
"Seth, nag-aalala akong hindi na lang ang sarili kong buhay ang kukunin ko... kundi sa'yo."
"Mabuti kung gano'n."
"Do you hate me?" Naramdaman ni Sin ang pag-aalinlangan nito, dahil matagal bago ito sumagot.
"I wish I could," sagot nito, tila ibinubulong sa sarili.
"Dahil gagawa ako ng bagay na tiyak kong kamumuhian mo."
"You always did. Iyon lang naman ang kaya mong ibigay sa akin."
"Bakit hindi na lang ikaw ang nawala?"
Pinutol ni Sin ang tawag matapos sabihin iyon.
Matagal pang hawak ni Seth ang telepono kahit wala na ito sa kabilang linya. Pagkalipas ng anim na taon, ngayon niya lang muling narinig ang boses nito. Pilit mang itago, hindi niya maikakaila na may bahagi pa rin sa kanya na gustong marinig ang tinig ng dalaga. Ngunit ang matatalim nitong mga salita ang pumipigil sa kanyang hanapin ito.
Sa tuwing may pagtitipon ang kanilang pamilya, pareho silang hindi dumadalo. Kaya gano'n katagal silang hindi nagkita, kahit malapit lang ang mundo nila sa isa't isa. Ngunit matatapos na ang pagtatagong iyon.
"She's a threat," komento ni Mr. Galleto, ang kanyang sekretarya.
"She's always been," sagot ni Seth, na tila may dalawang kahulugan. Hindi niya alam kung napansin iyon ng kanyang sekretarya, na may matalas na pakiramdam.
"Nagtataka ako kung bakit lagi mo siyang pinapabantayan. Ngayon, alam ko na. I never thought she was something else. Base sa mga ulat—papalit-palit ng lalaki, party queen, at kung anu-ano pa—akala ko'y hindi siya magiging hadlang sa'yo. Pero ngayong nakita ko siya, nagbago ang opinyon ko. Matalino siya. Kaya nagtataka ako kung bakit hanggang ngayon, wala pa siyang ginagawa."
"Alam kong wala akong kakampi sa angkan ng Valcarcel," sagot ni Seth, binabago ang usapan.
"Naiintindihan ko. Kaya sinimulan ko nang kausapin ang ibang shareholders. Ang iba ay pumanig sa atin, pero ang ilan ay pinag-iisipan pa. Sigurado akong magtutulungan ang mga Valcarcel laban sa'yo."
"Mukhang hindi talaga nila matanggap na ako ang pumalit kay Dad. Sa tingin mo, dapat ba akong nakaupo rito, gayong hindi ako ang tunay na anak?"
"Ano'ng sinasabi niyo? Anak kayo ni Sir Sutto! Malaki ang tiwala niya sa inyo. Ipinagkatiwala niya sa inyo ang kumpanya at tinalikuran ang sarili niyang mga kapatid dahil naniniwala siya sa kakayahan niyo. Kaya ipakita niyo sa kanilang hindi siya nagkamali ng desisyon."
Alam ni Seth ang tunay na intensyon ng kanyang ama—nais nitong ipakita sa lahat na kinikilala siya bilang anak, lalo na sa kanyang mga kapatid. Nais nitong matanggap siya ng angkan ng Valcarcel.
Valcarcel. Isang napakalupit na pangalang ipinataw sa kanyang balikat. Isang pangalan na nag-uugnay sa kanya kay Sin. At parehong pangalan na naglalagay ng napakalaking pader sa pagitan nila.