Nagsalubong ang kilay ni Sin nang makita niya ang tatlong pamilyar na sasakyan sa kanyang garahe. Kilala niya ang mga nagmamay-ari ng mga ito. Ipinarada niya ang kanyang sasakyan sa gilid at bumaba, ang kanyang mga mata'y puno ng pagtataka. Sinalubong siya ng isa sa kanyang mga katulong.
"Kanina pa po naghihintay ang mga uncle ninyo sa inyo."
"No way." Agad niyang nahulaan ang dahilan ng pagbisita ng mga ito. Nag-aalangan siyang pumasok sa mansion hanggang sa makita niya ang mga ito sa living room, abala sa pagtikim ng koleksiyon niyang mga alak sa mini bar.
"Guys, pagkatapos kong paghirapang kolektahin ang mga alak na 'yan, kayo lang pala ang uubos?" Sabay-sabay siyang nilingon ng tatlong matatangkad na lalaki, bawat isa'y may hawak na kopita. Kahit pa may edad na ang mga ito, nananatili pa rin ang tikas ng kanilang tindig at ang kakayahang dalhin ang kanilang sarili. Hindi maitatangging naging heartthrob sila noong kabataan nila. Napailing siya.
"Am I in trouble?"
Sabay-sabay na ngumiti ang mga ito nang makita siya. Oh no. Napaatras siya ng isang hakbang nang mahulaan niya ang gagawin ng mga ito sa kanya. Wala na siyang nagawa nang yakapin siya ni Uncle Brock at guluhin ang buhok niya ni Uncle Stern. Si Uncle Maurice naman ay kinurot ang kanyang magkabilang pisngi. Hindi niya masisi ang mga ito dahil pawang mga lalaki ang anak nila. Siya at ang kanyang Ate lamang ang tanging babaeng isinilang sa pamilya. Kaya naman maging ang mga auntie niya—mga asawa ng kanyang mga tiyuhin—ay palaging pinag-aagawan silang magkapatid.
"Please, maawa kayo sa akin," natatawang pakiusap niya. Pinakawalan siya ni Uncle Brock.
"Uncle, gusto mo ba akong patayin sa yakap mo?" reklamo niya.
"Yan ang parusa mo dahil hindi mo man lang kami binisita kahit minsan," wika ni Uncle Brock bago bumalik sa kanyang kopita ng alak.
"Kaya ba sinugod ninyo ako dito?" nakangiti niyang tanong habang nagsalin rin siya ng alak.
"Sindra, may kailangan tayong pag-usapan." Biglang naging seryoso ang ekspresyon ni Uncle Stern. Napansin niyang ganoon din ang dalawa.
Makalipas ang kalahating oras ng pagpapaliwanag at diskusyon, naging malinaw na kay Sin ang lahat. Wala na siyang magagawa kundi sundin na lamang ang plano ng kanyang mga tiyuhin.
"Okay, gagawin ko ang gusto ninyo. Pero sigurado akong hindi ito magugustuhan ni Uncle Sutto," aniya, habang bumuntong-hininga.
"Isang malaking kahibangan ang ginawa niya! Bakit natin ilalagay sa kamay ng batang iyon ang ating kumpanya? Isa pa, nararapat lang na isang tunay na Valcarcel ang magmana nito," galit na sambit ni Uncle Maurice.
Naiintindihan ni Sin kung saan nanggagaling ang galit ng kanyang mga tiyuhin. Ngunit nais sana niyang hintayin munang patunayan ni Seth ang sarili nito. Malaki ang respeto niya kay Uncle Sutto, pati na rin sa mga desisyon nito. Dahil ganoon din ang kanyang ama sa tiyuhin niya.
Kahit gusto niyang tumanggi sa plano ng tatlong ginoo, hindi niya magawa. Mahal niya ang mga ito—itinuring na niyang mga ama. Sasamahan niya sila. Isa pa, interesado rin siyang makita ang magiging resulta ng gagawin nila.
"Kung narito lang si Bryan ngayon, hindi na sana mangyayari 'to," malungkot na sambit ni Uncle Maurice.
Nakaramdam si Sin ng kirot nang marinig ang pangalan ni Bryan. Muling bumalik sa kanyang isipan ang mga alaala nito...
"Anong problema? Bakit parang ang lalim ng iniisip mo, Sindra?"
Nasa terrace siya nang mapansin siya ni Bryan. Hindi niya namalayang nilapitan siya nito.
"Come on, tell me."
Sinalubong niya ito ng tingin. Paano niya sasabihin dito na ito ang laging laman ng kanyang panaginip? Simula nang matuklasan niyang may nararamdaman siya para dito, hindi na siya mapakali. Natatakot siyang mahalata nito.
"Sindra?" Nag-aalalang tawag ni Bryan.
"Okay, kung hindi ka komportableng pag-usapan, hindi kita pipilitin. Pero bakit pakiramdam ko iniiwasan mo ako? Akala ko ba best friend tayo? Wala tayong tinatagong lihim sa isa't isa?"
Bigla siyang inakbayan nito. Nakaramdam siya ng kakaiba kaya kinakabahang tinanggal niya ang kamay nito at lumayo.
"Sindra?" Nagtatakang tanong nito.
"This is insane," napahawak siya sa noo. Gusto niyang magalit sa sarili niya. Bakit ganito ang nararamdaman niya para sa pinsan niya, na halos kapatid na niya?
He must think I'm crazy. Marahil, baliw na nga siya. Dahil ang matinong tao ay hindi mag-iisip ng ganito.
Bumaba ang kanyang kamay mula sa mukha. Hindi niya namalayang umiiyak na siya. Nag-aalalang hinawakan ni Bryan ang magkabilang balikat niya.
"Anong nangyayari sa'yo, Sindra? Please, answer me."
Hindi niya ito masagot. Kaya niyakap siya nito nang mahigpit, hindi nito alam ang gagawin. Wala na siyang lakas para itulak ito. Nanghihina na siya, at gusto niyang ibuhos sa pag-iyak ang lahat ng nararamdaman niya.
Lingid sa kanyang kaalaman, mula sa malayo ay naroon si Seth, tahimik na nagmamasid.
"Sindra?"
Naputol ang kanyang pagbabalik-tanaw nang tawagin siya ni Uncle Stern.
"Uncle?"
"Kailangan namin ang suporta mo."
"Naiintindihan ko. Hindi ko kayo iiwan sa ere," nakangiti niyang sagot upang pagaanin ang loob ng mga ito.
Matapos nilang mag-dinner, isa-isa nang nagpaalam ang kanyang mga tiyuhin.
Habang paakyat siya ng hagdan, isang malakas na tunog ang umalingawngaw.
Isang maid ang nakabasag ng vase na kinalalagyan ng kanyang mga paboritong bulaklak.
"Don't touch it," agad niyang pigil sa katulong. Pero huli na. Nahawakan na nito ang bubog, at nagdugo na ang kanyang daliri.
Biglang natigilan si Sin. Pamilyar sa kanya ang nangyari.
"Don't touch it!"
Nagulat si Sin sa biglang pagsulpot ni Seth.
Pero huli na ang babala nito. Nahawakan na niya ang bubog, at agad niyang naramdaman ang kirot. Kasunod noon, dumaloy ang dugo mula sa kanyang daliri.
Nag-aalalang lumapit si Seth. Hinawakan nito ang kanyang kamay at... agad na dinala sa kanyang bibig ang daliri niya.
Sinulyapan niya ito, nanlalaki ang mga mata.
"Ew, are you a vampire?"
Tahimik lang itong tumitig sa kanya. Alam niyang ibig sabihin noon: Shut up.
Napangiti siya. Hinayaan niya ito sa ginagawa.
Muling nagtama ang kanilang mga mata. Isang kakaibang pakiramdam ang bumalot sa kanya habang nananatili pa rin ang kanyang daliri sa bibig nito.
"So, does it taste good?" biro niya upang mapawi ang pagkailang.
Sa wakas, pinakawalan nito ang kanyang daliri.
"Why did you touch it?"
"I don't know, my hand just moved on its own."
Napapailing na hinila siya ni Seth papunta sa first aid kit.
Habang nakatitig siya sa kamay nitong mahigpit na nakahawak sa kanya, napapikit si Sin nang mariin.
Piliti niyang binubura sa isipan niya ang nakaraan.
Ask someone to help you with that," tukoy ni Sin sa sugat ng maid bago siya tuluyang pumasok sa kanyang silid.