Download Chereads APP
Chereads App StoreGoogle Play
Chereads

Ginto't Pilak

🇵🇭psynoidAl
35
chs / week
The average realized release rate over the past 30 days is 35 chs / week.
--
NOT RATINGS
1.2k
Views
Synopsis
Nagkatagpo ang dalawang malakas na nilalang, at sa kanilang pagkikita, ay nagawang magkabigkis sa isa't-isa. . . . For the first time in the empire's history, a Golden Child and a Silver Enchanter are bonded at a very young age. Both are very powerful magi and are sought after by many to use for their own selfish needs, but all Prince Theo and Prince Marius wants, is to travel the world together and live quietly in their paradise home in the kingdom of Hermosa. News of war has broken their peaceful days, as the Emperor calls upon his heir, Prince Theo, to fight the aggressive Ignus kingdom who has risen in revolt against the empire. The two have no choice but to fight to save their empire, as well as themselves from the greed and ambition of those who want to rule over them. * a tagalog novel Tignan natin kung may magbabasa :D ------------------------ !!! DISCLAIMER !!! This novel is a work of fiction. Any similarity to events, people, objects or places both real or fiction, are merely the product of an overactive imagination, unless specified. Copyright Gem Vecino 2024 All rights reserved No part of this online publication or any of its contents may be reproduced, copied, modified or adapted in any way, form, or kind without the prior written consent of the author, Gem Vecino - aka - Alex Rosas - aka - Psynoid Al.
VIEW MORE

Chapter 1 - Unang Bahagi

This novel is in Tagalog/Filipino.

----------------

Ang takot ay mainam na pampatahimik

sa mga bibig at maging sa dibdib na nagsusumigaw sa galit,

ngunit anu mang takot ay kayang labanan

ng tunay na malasakit sa kapwa at bayan.

-g.vecino aka psynoid al

----------------

Unang Bahagi

Una ko siyang nakilala nang magkaroon ng isang pagsasalo sa palasyo. Siya ang ika-tatlong prinsipe ng pamilyang Ravante na kilalang mga Encantado mula sa isla ng Hermosa. Ako naman ang ika-apat na prinsipe ng pamilyang Heilig, anak ng kasalukuyang emperador, at susunod sa trono. Kami ang mga Panginoon ng Kulog at Kidlat na may kapangyarihang pasunurin ito.

Pitong taon ako noon, siya, mag lilima pa lamang, at pareho kaming sabik sa kalaro. Madalas kaming nakakulong sa palasyo, iniingatan, inilalayo sa mga mabababang uri ng nilalang na maaring 'makadumi' sa amin. Kaya laking tuwa namin nang maiwan kami sa loob ng silid aklatan, habang ang mga magulang namin ay nagtungo sa ibang lugar upang mag-usap.

"Anong pangalan mo?" tanong ko sa kaniya. "Ilang taon ka na? Bakit may takip ang iyong mukha?"

"Ako si Claudius Marius Angelo Ravante, ika-tatlong prinsipe ng pamilyang Ravante at ang susunod sa trono," sagot niya na tila nagbabasa sa isang aklat. "Ikinagagalak kitang makilala, Prinsipe Theodorin Tanis Adelbert Heilig."

"Tinanong ko rin kung ilang taon ka na," ulit ko, "at ano ba iyang nakatakip sa iyong mukha?"

Diretso ang katawan niya at paningin, ni hindi siya tumitingin sa akin.

"Ako si Claudius Marius Angelo Ravante, ika-tatlong prinsipe ng pamilyang Ravante at ang susunod sa trono," muli niyang sinabi.

"Ikina-"

"WAH!"

Pasigaw ko siyang ginulat.

Napatalon siya'ng bahagya sa kaniyang pagkakatayo at tumingin sa akin. Napuno ng luha ang mga mata niyang kulay lilak, ngunit `di ito tumulo.

"Alam mo, walang ibang tao sa paligid," nakangiti kong sinabi. Ginulo ko ang mahaba niyang buhok, inalis iyon sa pagkakatali. "Ang ganda ng buhok mo, parang ang kuwintas na pilak na suot ng ina kong reyna," sabi ko, habang hinahawi ang sarili kong buhok na kulay ginto.

"W-wag mong guluhin ang aking buhok!" sabi niya.

Napatingin akong muli sa kaniya.

"May alam ka palang ibang salita!" biro ko.

Hala, mukhang iiyak nanaman siya!

"Halika, doon tayo sa silid ko, marami akong laruan doon!" aya ko sa munting prinsipe.

Nagningning ang kaniyang mga mata nang panandalian lamang, sabay tingin sa baba.

"Pero, sabi ng aking ama, dito lang daw tayo manatili sa silid at maghintay sa kanilang pagbalik."

"Ano ba ang iyong ama? Isa ba siyang hari?" mayabang ko'ng itinanong.

"Oo, siya ang hari ng bansang Hermosa!" pagmamalaki niya sa akin.

"Ako naman ang anak ng emperador!" pagmamataas ko. "Ang iyong ama ay isa sa mga alagad ng aking ama'ng emperador, kaya kung sasabihin kong maglalaro tayo, siguradong hindi siya magagalit!"

Napaisip nang sandali ang batang prinsipe.

"Siya nga ba?" tanong niya na may alinlangan. "Totoo ba ang sinasabi mo?"

"Oo," sagot ko, "kaya sumama ka na sa akin, maglaro tayo!"

Pumito ako, nagtawag ng hangin na siyang punong elemento ng mga may dugong Heilig. Inutusan ko ito upang ilipad kami sa tore kung nasaan ang aking silid. Maghapon kaming naglaro doon, ako at ang batang prinsipe na may suot-suot na maskara.

"Anong itatawag ko sa iyo?" tanong ko sa kaniya.

"Marius!" sagot niya habang tumatalon sa ibabaw ng aking kama.

"Tawagin mo naman akong Theo." Hinawakan ko ang maskara sa mukha niya. "Para saan ba ito? May sugat ka ba sa mukha? Nakatatakot ba ang iyong itsura?"

"Hindi ko alam," sagot niya, "mula bata pa ako, may suot na akong maskara..."

"Ba't hindi mo tanggalin?"

"Sabi ni Ina at ni Ama, huwag na huwag ko raw tatanggalin."

"Ibig mo bang sabihin, ni hindi mo pa nakikita ang sarili mo sa salamin?"

"Salamin?" tanong siya sa akin.

Napakunot ang aking noo. Hinatak ko siya papunta sa malaking salamin sa gilid ng aking silid. Tumayo kami sa harap nito, kung saan ako'y nagsimulang sumayaw. Natawa si Marius na gumaya sa akin. Hanggang dibdib ko lang siya noon.

"Para siyang tubig, ngunit `di siya tumutulo!" sabi niya, sabay hawak sa salamin. "At matigas siya na parang yelo..."

"Halika, alisin natin ang takip sa mukha mo!" Hinawakan ko ang kaniyang maskara at inusisa. Pilit ko itong tinanggal, ngunit tila nakadikit iyon sa kaniyang mukha.

"Huwag, magagalit sina ama..." pilit niya.

"Huwag ka'ng mag alala, hindi ba sabi ko sa iyo, mas mataas ako sa tatay mo dahil, anak ako ng emperador? `Di ka niya pagagalitan kapag nalaman niya'ng ako ang nag-alis ng maskara mo!"

Sinubukan ko muling alisin ang maskara, ngunit ni hindi ito gumalaw.

"Ayaw talaga, Theo. Hayaan mo na lang, baka masugatan ako kapag pinilit mong tanggalin ang maskara!"

"Hmm..."

Tinignan ko'ng muli ang takip sa mukha ni Marius. Ang maskara ay gawa sa pilak. May mga kakaibang simbulo na naka ukit dito.

Sa aking pagtitig, tila naging mga letra ang mga simbulo. Inisa-isa ko itong basahin -- kalasag, enkwentro, kapalaran, kapangyarihan... hindi ko pa rin maintindihan.

"Alam mo, may naalala akong isang kuwentong nabanggit sa akin minsan ng isa sa mga nagsisilbi sa palasyo," sabi ko sa kaniya habang pinaglalaruan ang mahaba niyang buhok. "May isang prinsipe raw na nabalot sa sumpa," patuloy ko, "at dahil doon ay nagiging mabangis na hayop siya tuwing sasapit ang gabi, ngunit dahil sa pagmamahal ng isang magandang prinsesa, naalis niya ang sumpa sa pamamagitan ng isang halik."

"Ibig mo bang sabihin, may nagsumpa sa akin?" takot na itinanong ni Marius.

"Hindi naman siguro, pero maaring isang magandang prinsesa lamang ang makapag tatanggal ng iyong maskara!"

"May magandang prinsesa ba rito sa inyong palasyo?"

"Hmm..." ako'y napaisip. "Masyado pang bata ang nag-iisa kong kapatid na babae, at sa totoo lang, mukha siyang matsing na walang balahibo."

"Ano iyong... matsing?"

"Isang hayop iyon na mukhang maliit na tao, pero di sila nagsasalita at natatakpan sila ng balahibo." Napaisip akong muli. "Kailangan pa nga pala ng pagmamahal para mawala ang sumpa."

"Mahal ako ng ina kong reyna, at napaka ganda niya..." sagot agad ni Marius, "pero, hindi natatanggal ang maskara ko kahit ilang beses pa niya akong halikan."

"Hmm... maganda rin ang aking ina, subukan kaya natin siya?"

"Siya nga ba?"

"Oo, at maari natin siyang puntahan ngayon sa kaniyang silid!"

Natuwa ako sa aking plano, hinawakan ko ang mga kamay ni Marius upang isama sa silid ng aking ina.

"Siguradong hahalikan ka niya agad kapag nalaman niyang may sumpang nakapataw sa iyo! Parang ganito!"

Pagkasabi noon, ay niyakap ko ang batang prinsipe, sabay halik sa parteng pisngi ng kaniyang maskara.

Nagulat kami nang biglang mapalibutab nang nakasisilaw na liwanag ang mukha ni Marius!

Nang mawala ang liwanag, nakita ko ang maskara na tila niyebe na natunaw mula sa kaniyang mukha. Natakot si Marius at biglang umiyak.

"Anong nangyayari?!" tanong niya sa akin, "Nalulusaw ba ang aking mukha?!"

"Huwag kang mag-alala!" pilit ko siyang inamo. "Sandali, pupunasan ko ang mukha mo!"

Agad kong inabot ang kumot sa kama upang punasan ang kaniyang mukha. Sa bawat daan ng tela ay tila natutuyo ang likidong pilak, hanggang sa tuluyan na itong mawala.

Napatitig ako sa bata sa aking harapan.

"Marius?" Tinawag ko ang pangalan niya.

Mariin ang pagkakapikit ng kaniyang mga mata.

"Marius, dumilat ka!"

Dahan-dahang dumilat si Marius.

Ang kaniyang lilak na mata ay puno pa rin ng takot at pag-aalala. Ang kutis niyang napaka puti ay nag kulay rosas nang makita niya akong nakatitig sa kaniya. Naghiwalay ang mga labi niyang kasing pula ng mansanas at nagsabing, "Nawala ba ang aking mukha?"

Bigla akong natawa.

"Hindi," sagot ko habang humahalakhak, "tumingin ka sa salamin!"

Hinarap ko siya sa salamin upang makita ang kaniyang sarili.

Ang mala-porcelanang balat na ubod ng kinis, ang mapupulang pisngi at labi, matangos na ilong, at mukhang tila hinubog ng isang maestro na pinalibutan ng pilak na buhok na tila talon ng tubig na umaagos pababa sa kaniyang balikat.

"Napaka ganda mo!" sabi ko sa kaniya. Lalong namula ang mukha ni Marius.

"Nawala ang maskara..." taimtim niyang ibinulong. "Nawala ang sumpa!"

Laking gulat naming dalawa nang biglang may bumalibag sa aking pintuan.

Nasundan pa ito, na tila ba may mga kawal sa kabila na pilit pinababagsak ang pinto ng aking silid!

"Sino kayo?" pasigaw kong tanong. "Sino kayong walang respeto sa prinsipe ng imperyo?!"

Walang sumagot.

Patuloy pa rin ang ingay na nagmumula sa kabila ng pinto. Itinaas ko ang aking kamay at nagtawag ng mahika. Pinuntirya ko ang hawakang ginto sa aking pinto at pinaulanan ito ng matatalim na kidlat.

Noon lamang natigil ang kaguluhan sa labas.

"Wala na ba sila?" tanong ni Marius na nagtatago sa likod ko.

"Hindi ko alam..."

Biglang may kumatok nang marahan sa pinto.

"Sino kayo?" muli kong itinanong.

"Prinsepe Theodorin," tawag ng boses mula sa labas, "ito ang hari ng Hermosa, si Haring Domingo." Nanlaki ang mga mata ni Marius. "Kasama mo ba sa loob ng silid ang aking anak?"

Lumapit ako sa pinto at muling nagtanong, "Paano ako makasisiguradong ikaw nga si Haring Domingo?"

"Narito ngayon ang iyong ama," sagot niya.

"Theodorin." Narinig ko ang boses ng aking ama na tila nananamlay. "Theodorin, buksan mo ang pinto," patuloy nito. "Hindi ba't binilinan namin kayo na huwag aalis sa silid sa baba?"

"Ama!" bubuksan ko na sana ang pinto, ngunit muling nag-alinlangan. "Ano po ba ang nangyari? Sino ang nagpumilit pumasok sa aking silid?"

"Anak, makinig ka nang mabuti..." sabi ng ama kong emperador.

"Prinsipe Theodorin, importante ito," si Haring Domingo muli, "natanggal ba ang maskara sa mukha ng aking anak?"

"Ama..." ani Marius.

May narinig kaming bumalibag sa pintuan.

"`Di na bali... mukhang gayon nga ang sitwasyon..." patuloy ng hari ng Hermosa.

"Ano po ang nangyayari, Ama?" tanong ni Marius. "May kasalanan po ba kami? Hindi po namin sinasadyang matanggal ang maskara..."

"Anak... huwag kang magsalita," sagot ng kaniyang ama. "Buksan ninyo ang pinto, ngayon din..."

Nilapitan ko ang pinto, ngunit bago ko pa man mabuksan ito, ay muling tumawag si Haring Domingo.

"Bago ang lahat, anak, takpan mo muna ang iyong mukha!"

"Bakit po kailangan takpan ang kaniyang mukha?" agad kong tinanong habang katabi si Marius. "Bakit po kailangan itago ang isang bagay na ubod nang ganda?"

"Ipapaliwanag ko sa inyo ang lahat," sabi niya, "ngunit kailangan niyo munang buksan ang pinto."

Hinarap ko si Marius.

Tinakpan ko ng kumot ang kaniyang mukha at nilapitang muli ang pinto. Nalusaw sa pwesto ang gintong hawakan nito. Tuluyan ko itong tinunaw sa pamamagitan ng mahika na nakapagpapasunod sa bakal, at tumawag ng hangin upang hipan palabas ang dalawang malapad na parte nito.

Pagbukas ng pinto ay bumungad sa aming harapan ang isang kawal ng mga sundalong nakahandusay sa lapag. Namukhaan ko sila bilang mga bantay sa aking tore. Ang hari ng Hermosa ang tanging nakatayo, samantalang ang ama kong emperador ay nakaakbay sa kaniyang balikat, at tila nanghihina.

"Ama!" tumakbo kaming palapit sa aming mga magulang na agad kaming niyakap. "Ano po ang nangyari? Bakit nagkalat ang mga walang malay na sundalo sa harap ng aking silid?"

"Bago ang lahat..." Hinawakan ni Haring Domingo ang mukha ni Marius sa ilalim ng takip nitong kumot. Isang itim na tela ang ibinalot niya rito, tanging mata lang niya ang nakalabas. Matapos nito ay hinarap niya ang aking ama.

"Saan ba tayo maaring mag-usap?" tanong niya.

"Dito na rin sa loob ng silid ni Theodorin," sagot ni Ama na mukhang hinihingal. "Malakas ang salamangka sa silid na ito."

Bumalik kami sa loob ng silid. Isinara nina Ama ang pinto at naglagay ng dasal sa paligid upang walang kahit anong ingay ang makalalabas o makapapasok sa loob nito.

"Papatawan kitang muli ng dasal upang `di ka maapektuhan ng kaniyang engkanto," sabi ng hari sa ama kong Emperador.

Tumango ang aking ama, at nagsimulang kumanta si Haring Domingo sa isang lenguahe na hindi ko naiintindihan. Matapos noon ay tila nakahinga na nang malalim ang ama ko. Umupo siya sa aking kama at nagbuntong hininga.

"Ama, ano po ba ang nangyayari?" tanong kong muli, ngunit hindi niya ako pinansin.

"Aalisin ko na ang takip sa mukha ng aking anak," ani Haring Domingo.

"Sige, gawin mo na," sagot ng aking ama.

Inalis ni Haring Domingo ang takip sa mukha ni Marius at iniharap ang kaniyang anak sa Emperador. Pansin ko ang pawis na tumulo sa noo ng aking ama, na tila ba hirap siyang tumingin nang diretso sa munting prinsipe.

"Napakalakas ng kaniyang alindog, na para bang ako ay nagagayuma!" sabi ng aking ama. "Napaka hirap pigilan ang aking sariling magpakatirapa sa kaniyang harapan."

"Na siyang dahilan kung bakit namin naisipang dalhin siya rito sa kabisera," paliwanag ng hari ng Hermosa. "Kahit ang kaniyang ina at mga kapatid ay nahihirapang makisalamuha sa kaniya nang di naaapektuhan ng kaniyang mahika. Ako man ay laging mataas ang depensa kapag nasa paligid niya. Napaka lakas ng impluwensiya ng kaniyang mga salita, at napaka hirap niyang suwayin."

"Ngunit lahi ninyong mga enkantadong 'Dilang Pilak' ang mga katangiang ito, hindi ba? Paanong nangyari na `di ninyo mapigilan ang kapangyarihan ng sarili ninyong anak?" tanong ni Ama.

"Pinanganak siyang kakaiba sa lahat ng mga engkantadong 'Dilang Pilak'," paliwanag ni Haring Domingo. "Kahit ang mga nakatatandang mga pantas sa aming bansa ay nahirapang gumawa ng paraan upang mabawasan ang kaniyang impluwensya sa ibang tao. Ang iyak lang niya ay nagtatawag ng mga tao upang siya'y iligtas sa anu mang kapahamakan, tulad nang nakita mo kanina... aba, nang siya'y ipinanganak, nagsuguran ang lahat ng mga kawal sa silid ng komadrona nang magsimula siyang ngumawa!" Napa buntong hininga ang hari. "Kinailangan ko silang patulugin upang `di magambala ang aking asawa na kapapanganak pa lamang!"

Tahimik akong nakinig sa kanilang usapan.

Tinatrato nila akong tila wala sa silid, samantalang ang kanilang mga mata ay nakatitig kay Marius na mangiyak-iyak sa kanilang harapan. Hinawakan ni itay ang buhok ni Marius na napapikit sa takot. Iniangat niya ang kaniyang mukha. Nakita ko ang luhang tumulo sa pisngi ng aking bagong kaibigan.

"Bitawan ninyo siya!" bigla kong nasambit.

Napatingin sa akin ang dalawa na mistulang nagulat sa aking presensya.

"Hindi ba ninyo nakikita na hindi naiintindihan ni Marius ang mga pangyayari? Natatakot siya sa mga sinasabi ninyo!"

Hinatak ko si Marius palayo at niyakap siyang mahigpit. Humihikbi niya akong niyakap pabalik at tahimik na umiyak sa aking dibdib.

"Hanggang ngayon ay hindi pa rin ninyo ipinaliliwanag ang lahat sa amin," wika ko. "Dapat yata ay hindi ko kayo pinapasok sa aking silid!"

"Theodorin. Tumahimik ka," sabi ng aking ama na nanlilisik ang mga mata, ang kaniyang tinig, malakas, galit. "Ikaw ay anak ko lamang, at ako ang Emperador. Ang lakas ng loob mong magsalita nang ganiyan sa iyong Emperador." Lalong napa hagulgol si Marius.

Galit na tumayo ang aking ama at itinaas ang kanang kamay. Dumadaloy ang kidlat dito at itinuro niya iyon sa direksiyon namin ni Marius.

"Ibigay mo sa akin si Prinsipe Marius!" utos niya.

"Maghunos dili ka, Emperador Leonsio."

Lumapit si Haring Domingo sa aking ama at hinawakan siya sa braso. Biglang nanlambot ang mga tuhod ng aking ama na halos mahulog sa lapag, ngunit nasalo siya ni Haring Domingo. Ang ama kong napakalaking tao ay kinarga niya na parang isang munting paslit, at ihiniga sa aking kama.

"Anong ginawa mo sa aking ama?!?" sigaw ko sa kaniya, handang tumawag ng kapangyarihan upang kalabanin siya.

"Huwag kang mag-alala. Pinatulog ko lamang siya," kalmado niyang sagot. "Sabihin mo sa akin, Prinsipe Theodorin, paano mo nagawang tanggalin ang maskara sa mukha ng aking anak?"

"Bakit hindi mo siya tanungin?" Pabalang kong sagot.

"Marius?" tawag niya sa kaniyang anak.

Hinarap niya ni Marius.

Nakangiti siya, walang markang galit ang kaniyang makinis na mukha at ubeng mga mata. "Maari mo bang ilaad sa akin ang mga pangyayari?" Umiling si Marius, natatakot mag-salita sa kaniyang ama. "Huwag kang mag-alala, anak," pang-aamo niya, "hindi ako basta-basta tatalaban ng iyong mahika. Tandaan mo, ako ang hari ng mga enkantado sa isla ng Hermosa. Isa rin akong Dilang Pilak na may dugo ng mga diwata." Ngumiti siya at hinawi ang pilak na buhok ni Marius.

"Ama..." ani Marius, "nais lang namin makita ang aking mukha..." paliwanag niya, "ipinakita sa akin ni Marius ang salamin, at pareho kaming nagtaka kung bakit tila may sumpa ang maskara na nakasuot sa akin..."

"Kaya ba naisipan ninyo itong alisin?"

"Ako po ang nag-utos sa kaniya na alisin ang maskara. Ako ang nagtanggal nito," singit ko habang masama ang tingin sa hari ng Hermosa. "Walang anu mang kasalanan si Marius!"

"At paano mo naman nagawa iyon, Prinsipe Theodorin?" tanong ni Haring Domingo sa akin.

"Naalala ko po ang isang kuwento kung saan ang sumpa ay natanggal sa pamamagitan ng isang halik..."

"Isang halik?" Napatawa bigla ang hari ng Hermosa. Ang tinig niya ay parang mga ibong nag-aawitan sa umaga. "Napaka simpleng lunas – ang halik ng tunay na pag-ibig!" Patuloy siyang tumawa.

Napatingin ako kay Marius na nakangiti sa kaniyang ama, at napangiti na rin ako. Maya-maya ay tatlo na kaming tumatawa sa loob ng silid habang ang ama ko ay patuloy na natutulog nang mahimbing.

"Itay, totoo po ba na mapanganib ako sa ibang tao?" tanong ni Marius sa kaniyang ama. "Kailangan ko po bang magsuot muli ng maskara? Habambuhay?"

Malungkot na tinitigan ni Haring Domingo ang munting prinsipe. Napabuntong hininga siya at niyakap ang kaniyang anak.

"Hayaan ninyo akong magpaliwanag," tumingin siya sa akin. "Sapagkat ang bagay na ito ay nauukol sa inyong dalawa."

"Ang mga purong maharlika na mula sa pamilyang Ravante ay may lahing diwata," paliwanag niya, "kaya tayo ay ipinapanganak na mga enkantadong malakas ang kapangyarihan sa mahika. Ang elemento natin ay tubig na nagbibigay ng buhay, at ang ating kapangyarihan ay ang pagmamanipula sa mga bagay na may buhay."

"Isa sa mga katangian ng mga pamilyang Ravante ay ang napaka gandang mukha na nakakapang-akit, lalo na sa mga nilalang na mas mahina sa atin. Isa pang kakayahan na bihirang lumabas sa ating dugo ay ang 'Dilang Pilak', na siyang namana nating dalawa. Sa pamamagitan nito ay maaari nating utusan ang sino man o anu man sa pamamagitan lamang ng salita, basta malaman natin ang tunay nitong pangalan."

"Ngunit, bakit po hindi ako tinatablan ng kapangyarihan niya?" tanong ko.

"Matalino ka para mapansin ang bagay na iyan, Prinsipe Theodorin," sagot ng hari, "at ang sagot dito ay sasabihin ko mamaya..."

Nagpatuloy ang paliwanag ni Haring Domingo.

"Tulad nang aking sinabi, bihira ang mga Ravante na nagkakaroon ng kakayahan na Dilang Pilak. Sa isang pamilya, iisa lang ang nagmamana nito, at iyon ay laging nasa punong pamilya lamang. Paminsan ay ni hindi ito lumalabas sa isang henerasyon. Ito ang dahilan kung bakit tanging mga purong Ravante lang ang maaring magpakasal sa isa't-isa," patuloy niya. "Ngayon, ang bawat Dilang Pilak na lumalabas, ay may isang 'kabigkis' na makakasama nila sa habambuhay..."

"Isang 'kabigkis'?" tanong ko.

"Oo," sagot ni Haring Domingo. "Isang tao na tanging makakalabag sa kaniyang mga utos."

"Isang tao... na `di tatablan ng kaniyang enkanto..." Napatingin ako kay Marius na napatingin din sa akin. "Ako po ba ang tinutukoy ninyo?"

Ngumiti si Haring Domingo at hinawakan ang aking kamay.

"Alam mo ba kung ano ang kapangyarihan ng iyong pamilya, Prinsipe Theodorin?"

"Hawak namin ang kapangyarhan ng kidlat at ng hangin!" mabilis kong isinagot. "Kami ang pinaka makapangyarihan sa buong daigdig!"

Lumaki ang ngiti sa mukha ng hari.

"Maari nga," wika niya, "ngunit `di lang hangin at kidlat ang sakop ng iyong kakayahan."

Mula sa aking palad, nagsulat siya ng simbulo ng tubig. Agad umagos ang malamig na tubig mula sa aking kamay.

"Kaya mo ring kontrolin ang ibang mga elemento."

Ngayon naman ay simbulo ng puno ang sinulat niya sa aking palad na tinubuan ng baging. Sa gulat ko ay hinatak ko palayo ang aking kamay.

"Paano mo iyon nagawa?" tanong ko sa kaniya.

"Ikaw ang may gawa noon, ginabayan ko lang ang iyong kapangyarihan," sagot niya. "Ikaw ay isang Gintong anak ng Heilig, isang 'Hari ng Elemento' na kayang manipulahin ang lahat ng elemento sa mundo, at tulad ng Dilang Pilak, ay miminsan ka rin lamang ipanganak sa inyong pamilya," patuloy niya. "Pero hindi lang iyon ang kaya mong gawin."

Tinawag ni Haring Domingo si Marius mula sa aking tabi at ipinag-hawak ang aming mga kamay. "Marius, anak, utusan mo ang bintana na bumukas."

"Ano po kamo, Ama?" tanong ni Marius.

Tinignan namin ang bintana sa aking silid, ito'y gawa sa tanso at pilak at napalilibutan ng makakapal na adobe at bakal. Kasalukuyan itong naka piit.

"Alamin mo ang pangalan ng mga elementong nakalibot sa bintana at utusan mo silang bumukas," ulit ng kaniyang ama.

Tinignan muli ni Theo ang bintana. Tumagilid ang kaniyang mukha at napa-iling, na para bang may pinakikinggan, tapos at bigla siyang nagsalita, "Aez, Argenti, Petram, Ferrum, at Speculo... Bintana, bumukas ka."

Biglang yumanig ang aking silid.

Ang adobeng nakapalibot na aking pader ay bumigay, at tila isang buong nilalang, ay bumukang parang bulaklak, kasama ang bintanang yari sa bakal at salamin! Nagkaroon ng malaking uwang sa gilid ng aking silid, kung saan makikita ang malalim na bagsak mula sa taas ng aking tore patungong lapag ng palasyo.

Napa singhap kami pareho ni Marius.

"Paano ko nagawa iyon?!" tanong ng munting prinsipe.

"Theodorin," tawag sa akin ng hari ng Hermosa, "Ikaw ay isang 'Salamangkerong Lubos'. Alam mo ba ang ibig sabihin noon?"

"Ano po iyon?" tanong ko pabalik.

"Ang Salamangkerong Lubos," wika niya, "ay `di nangangailangan ng mahika mula sa paligid o kalikasan. Sila mismo ay puno ng purong mahika sa kanilang katawan."

"Hindi ko po naiintindihan..."

"Ang pangkaraniwang mga magus ay may mahika sa kanilang katauhan, ngunit ito ay maaring maubos at kinakailangang ipahinga para mapuno muli. Ito ang dahilan kung bakit kumukuha rin sila ng mahika sa kalikasan upang hindi agad maubos ang mahika sa kanilang katawan."

"Tama, kaya't kailangan nating subaybayan at limitahan ang pag-gamit ng mahika sa araw-araw na gawain," pagmamalaki kong sagot.

"Ngunit may isang nilalang, ayon sa mga alamat, na hindi nauubusan ng mahika, kahit gaanong karaming orasyon ang gawin nila."

"Kahit pa mag labas siya ng mahika buong araw?"

"Kahit hanggang gabi pa."

"Ngunit, saan po nanggagaling iyon?" napakunot ang aking noo.

"Walang nakaaalam," sagot niya, "marahil ikaw lang ang maaring makasasagot nito."

Natigilan ako at napatingin kay Marius na nakatitig sa akin nang tagilid.

"Sa mundong ito, may tatlong napakalakas na ankan," patuloy ng hari ng Hermosa. "Ang una ay may kapangyarihan ng buhay na pinanghahawakan ng aming pamilyang Ravante na kayang pasunurin ang lahat ng bagay. Ang pangalawa ay may kapangyarihan ng apoy na hawak ng pamilyang Ignasius sa bansa ng mga bulkan. Sila ang sumisimbulo sa pagkagunaw. Ang wika'tlo at huli naman ay may kapangyarihan ng kalasag na hawak ng pamilyang Heilig. Kayo ang pumo-protekta sa buong Emperyo."

Pinaghiwalay niya ang kamay namin ni Theo at tumingin sa amin.

"Sa mga nakaraang panahon, ang Dilang Pilak ay laging nabibigkis sa mga kapwa engkanto sa aming pamilya."

Hinawakan niya kaming pareho sa ulo at hinatak upang yakapin.

"Sa unang pagkakataon, mula sa sinaunang kabanata ng ating mundo na pinangangalagaan ng mga pantas na mga Ravante, hindi pa nagkakaroon ng bigkis ng isang Gintong Anak ng Heilig at isang Dilang Pilak. Sa unang pagkakataon, ngayon lang maaring magkabigkis ang dalawang napaka makapangyarihan na nilalang."

"Ibig sabihin po ba nito," mahinang tanong ni Marius, "maari pa rin kaming maglaro ni Theo, kahit pa nagalit ang Emperador sa amin?"

Natawa kaming pareho ng hari ng Hermosa.

"Huwag kang mag-alala, anak," sagot ng kaniyang ama, "kapag nalaman ng Emperador ang lahat nang ito, marahil ay ipag-utos pa niyang hindi ka na pabalikin sa ating kaharian."

"Ho?" nabigla si Marius sa kaniyang sagot. "Ngunit, ayokong manatili rito, ama, gusto ko pong umuwi sa atin, gusto kong makasama ang aking ina at mga kapatid..."

"Ayaw mo akong makasama?" tanong ko, may hinanakit sa aking tinig.

"Gusto, Theodorin," nahihiya niyang sagot, "Ngunit ang aking ina..."

"Kung gayon ay ako ang pupunta sa inyo!" nagmamalaki kong sagot.

Natawang muli ang hari.

"Huwag kayong mag-alala," wika niya, "gagawa tayo ng paraan upang pumayag ang iyong ama..."

"Wala akong paki kung ano pa man ang sabihin ng aking amang Emperador," sabat ko sa hari, "basta't ang alam ko, ay magkabigkis kami ni Marius, at walang sino-man ang makapaghihiwalay pa sa amin!"

"K-kung ganon ay ako rin!" Sagot ni Marius na may ngiti sa kaniyang mapupulang labi.

Niyakap ko siya nang mahigpit at hinalikan ang kaniyang noo, at pareho kaming napapikit nang muling nagliwanag ang buong silid.

Nang mawala ang ilaw ay nagkatinginan kami ni Marius, at sabay humarap sa kaniyang ama na nanglalaki ang mga mata.

Napabuntong hininga siya at napailing.

"Masyado pang maaga, pero mukhang wala na tayong magagawa ngayon," ani niya. "Ngayon, kayo ay ganap nang magkabigkis."