Chereads / Ginto't Pilak / Chapter 2 - Ika-dalawa na Bahagi

Chapter 2 - Ika-dalawa na Bahagi

"Handa ka na ba, Marius?"

Kumatok ako sa pinto bago buksan ito. Nakita ko si Marius, ang aking matalik na kaibigan, na nakatitig nanaman sa salamin. Tanging maiksing tuwalya lang ang kaniyang suot na nakatakip sa kaniyang pagkalalaki, at nakita kong basa pa ang mahaba niyang buhok na kulay pilak.

"Hay, hanggang ngayon ba naman ay pinagmamasdan mo pa rin ang iyong sarili?" tanong ko sa kaniya habang pumipili ng damit sa kaniyang aparador. "Magmadali ka na, Marius, parating na ang aking ama mula sa kabisera!"

"Theo, sa tingin mo ba ay masyadong namumula ang aking mga mata?" tanong niya sa akin.

Ako naman ay napailing. "Ayan ay dahil nagpumilit ka pang hintayin ang pag-ulan ng mga tala kagabi," paalala ko sa kaniya, "inabot tuloy tayo ng pagsikat ng araw."

Kinuha ko ang mas malaking tuwalya na nakabalumbon sa kaniyang kama at pinunasan ang kaniyang buhok.

"Hindi kaya mapansin ito ng aking ama... at pati na rin ng Emperador?" nakasimangot niyang tanong sa akin.

Hindi ko napigilang tumawa. "Sa tingin ko ay walang makahahalata sa kanila, sapagkat magsusuot ka naman ng maskara sa paglabas natin."

Lalong nagdikit ang kaniyang mga kilay. "Kung bakit pa kasi kailangan ko pang magsuot ng sinumpang maskara na iyan!" naiinis niyang itinuro ang maskara sa kanyang kama. "Kung ako lang ang masusunod, uutusan ko ang buong mundo upang hindi nila ako makita, at sa gayon ay ikaw na lang ang makapapansin sa akin!"

"Ba't nga ba hindi mo gawin?" tanong ko sa kaniya na nakangiti.

Nagbuntong hininga si Marius. Alam ko rin naman ang dahilan. Iyon ay dahil siya ang susunod na tagapagmana ng kaharian ng Hermosa, ang bansa ng pamilya nila na mga enkantong Dilang Pilak na may lahi ng mga diwata. Isang malaking responsibilidad ito na hindi niya kayang basta na lamang talikuran.

Kinuha ko ang gintong suklay na nakapatong sa kaniyang lamesa at pinagmasdan ang napakaganda niyang mukha sa salamin habang inaayos ang kaniyang buhok.

"Huwag ka nang sumimangot," sabi ko sa kaniya, "bukas na ang iyong ika-labing walong kaarawan. Ayon sa ating tradisyon, magiging isa ka nang ganap na lalaki! Hindi ba nararapat lang na tigilan mo na ang iyong pagiging isip bata?"

"Hindi ako isip bata, Theo!" hinarap niya ako nang naka halukipkip. "Ikaw pa nga na mas matanda sa akin nang dalawang taon ang mas maraming kalokohang nalalaman!"

"Anong kalokohan?" tanong ko sa kaniya, natatawa.

"Hindi ba't ikaw ang nagpumilit nang isang araw na mamitas tayo ng mga kaimito sa hardin, bagamat hindi pa ito hinog? Ang sabi mo ay ikaw ang bahala, pero ako lagi ang napapagalitan ng aking amang hari!"

Lalo lang akong natawa, at bago pa man makapag reklamo muli si Marius ay niyakap ko siya nang mahigpit at hinalikan sa noo.

"Nais ko lang namang pasiyahin ka, hindi ba't paborito mo ang kaimito?" tanong ko sa kaibigan kong namumula. "Napansin ko kasi na habang palapit ang iyong kaarawan ay lalo kang ninenerbiyos! Hanggang ngayon ba naman ay takot ka pa rin sa ama kong Emperador?"

Hindi sumagot si Marius, sa halip ay yumuko ang kaniyang ulo na nakasandal sa aking dibdib at dahan-dahan na tumingin sa akin. Pinagmasdan ko ang mga lilak na bituin na natatago sa likod ng makakapal niyang pilikmata.

"Huwag kang mag-alala," wika ko. "Hindi ako papayag na mahiwalay tayo, kahit pa ipag-pilitan ni Ama na pauwiin ako sa kabisera, tulad ng ginawa niya nang isang taon."

"Pangako?" tanong sa akin ni Marius na may napaka tamis na ngiti sa kaniyang labi.

"Pangako," tugon ko. "Hindi ba't tayo ay magkabigkis?" paalala ko sa kaniya. "Walang sino mang makapaghihiwalay sa atin!"

Niyakap din ako ni Marius nang mahigpit. "Kung gayon ay wala na akong ipangangamba pa," wika niya.

"O, siya, magbihis ka na at mukhang palapit na ang pagdating ng aking ama!"

Narinig na nga namin ang mga trumpeta na nag-huhudyat sa pagdating ng hukbo ng ama kong Emperador sa kastilyo. Maya-maya pa ay papasok na sila sa palasyo ng hari ng Hermosa, at kailangan ay naroon kami para siya ay salubungin.

"Handa ka na ba?" tanong kong muli habang itinatali ang suot na baro ng aking kaibigan. Kinuha niya ang kaniyang maskara na yari sa pilak at itinali ko rin ang laso nito sa likuran ng kaniyang ulo.

"Handa na ako, Theodorin," wika niya.

At magkahawak kamay kaming lumabas ng kaniyang silid.

"Narito na ang Namumuno sa Mundo ng mga tao, ang Panginoon ng Lahat ng Nasa Ilalim ng Bughaw na Kalangitan, ang Nagmamay-ari sa Lahat ng Lupaing Luntian. Ang Kataas-taasang Emperador Leonsio Apolinario Fernando Heilig!" pakilala ng mga pantas sa hukom ng Hermosa.

"Mapayapang pagdating, Emperador Leon," bati ni Haring Domingo sa aking ama.

"Ikinagagalak namin at pinaunlakan mo ang aming imbitasyon para sa kaarawan ng aming anak bukas," sabi naman ng kaniyang asawa na si Reyna Violeta.

"Salamat, sa mainit na pagtanggap sa akin, Haring Domingo, Reyna Violeta." Napatingin siya sa akin na nakatayo sa tabi ng hari, at kay Marius na nasa tabi ko. "Kamusta naman ang aking anak at tagapagmana?" nakangiti niyang tanong.

"Mabuti po, aking ama." Lumapit ako sa kaniya, kinuha ang kaniyang kamay, at hinalikan ito.

Malaking tao ang aking ama. Makisig siya at hulmado ang matipunong katawan. Ngayon, bagamat malaki pa rin, ay napalitan na ng taba ang kaniyang kalamnan.

"Matagal tayong hindi nagkita, aking ama, salamat at mabuti ang iyong kalagayan," bati ko sa kaniya.

Lumapit din sa kaniya si Marius na tulad ko ay kinuha ang kaniyang kamay at idinikit ito sa parteng bibig ng suot niyang maskara.

"Emperador Leon," wika ni Marius sa napakalamig niyang tinig. "Maligayang pagdating sa aming kaharian."

Tinignan siya ng aking ama, mula ulo hanggang paa.

Mukhang asiwa ito.

Mula nga nang una kaming nagkakilala, ay tila malayo na ang loob ng aking ama kay Marius. Lagi niya itong tinitignan ng masama at tila ba lagi siyang naiinis dito. Marahil ito ay dahil natatakot siya sa kakaibang kapangyarihan na taglay ni Marius.

Maging siya ay walang laban sa Dilang Pilak ng mga Ravante, lalo na sa aking kabigkis, at iyon marahil ang dahilan kung bakit tila naiilang siya kay Marius.

"Mabuti at mukhang maayos ang kalagayan ninyong lahat," wika ng aking ama. "At ang laki na rin nang ipinagbago ng aking anak!" Binalik niya ang kaniyang tingin sa akin. "Napaka tikas ng iyong pangangatawan, at mukhang nalampasan mo na ang aking taas!" Tinapik niya ang mapipintog kong braso at ginulo ang ginto kong buhok na hanggang balikat ang haba.

"Hindi nga ba at ang pangako ko sa iyo ay palalakihin kong mabuti ang iyong anak?" tumatawang sagot ni Haring Domingo.

"Dapat lang, dahil mula nang pumanaw ang aking asawa, sampung taon na ang nakalilipas, ay hindi na nakauwi si Theo sa Apolinus na kabisera ng Heilig." Ipinatong ng ama kong Emperador sa aking balikat ang kaniyang malapad na braso. "Mula noon ay hindi ko na rin siya nakita nang personal!"

"Siya, bakit hindi muna kayo magpahinga sa loob ng palasyo, mukhang pagod pa kayo sa inyong paglalayag?" sabi ni Haring Domingo. "Nakahanda na ang pagkain at alak sa comedor, at walang humpay na kasiyahan ang ipamamalas ko sa inyo, hanggang sa kaarawan ng anak kong si Marius bukas!"

Nagtungo na nga ang buong hukbo ng aking ama sa loob ng palasyo upang magpahinga. Isang-libong tauhan ang kasama niya para makisaya sa kaarawan ni Marius.

Marami pang ibang mga bisita ang dumarating bukod sa kanila. Mga kaibigan at kamag-anak, at mga mahahalagang deligante galing sa iba't ibang dako ng imperyo – mula sa mga pook na nababasa ko lamang sa mga aklat namin sa silid paaralan.

"Halika, Marius, sumunod na rin tayo sa kanila!" aya ko sa aking kabigkis. "Ikaw pa man din ang panauhing pandangal sa kasiyahang ito!"

"Huwag na muna, Theo," sagot ni Marius. Napansin kong nagpupunas siya ng kamay. "Mas gusto kong magtungo na lang tayo sa hardin kasama ang mga nakababata kong mga pinsan at kapatid."

"Maalala ko nga pala, bakit kaya hindi sumama ang aking mga kapatid? Lalo na ang bunso naming si Prinsesa Camilla?" tanong ko sa kaniya. "Mula nang maaksidente sila ng ina kong emperatris, ay hindi na siya sumusulat man lamang sa akin. Nais ko sana siyang makita ngayon at makamusta. Nais ko rin sana ay makasayaw mo siya sa iyong kaarawan."

"Aba, ang ama mo ang iyong tanungin!" sagot ni Marius na tila naiinis. "At alam mo bang napaka lagkit ng kamay ng iyong ama?"

"Pasmado lang siguro siya?" Hinawakan ko ang kaniyang kamay. "Nadumihan ba ang kamay mo?" Hinimas ko ang palad niyang kasing lambot ng bulak.

"Hindi naman... ngunit hindi ko gusto ang mga hawak ng iyong ama sa akin... alam mo naman iyon, hindi ba?" mahina niyang tugon. "Para bang ayaw na niya akong bitawan minsan."

"Nasabik lang siguro siya sa iyo, at pati na rin sa akin." Hinatak ko siya papasok sa palasyo. "Halika na, at siguradong hahanapin niya tayo sa kainan."

Nagkakasiyahan na ang lahat sa aming pagdating.

Binati kami ng mga bisita, karamihan, namumukhaan ko pa mula sa aming kaharian. Nagtungo kami sa tuktok ng entablado at umupo sa mahabang mesa sa tabi ng aking amang Emperador.

"Ama, hinay-hinay lang po sa pagkain, hindi po ba mukhang masyado na kayong tumataba?" paalala ko sa kaniya.

Natawa lang siya sa akin.

"Wala ito, anak, hayaan mo akong magsaya at matutunaw din ito sa aking pag-uwi sa kabisera."

Kumagat siya sa hawak niyang malaking pata ng tupa bago muling magsalita.

"Alam mo bang nagsisimula nanamang manggulo ang mga lahing Ignasius na nanghihimasok sa ating mga lupain sa Kanluran?"

"Hindi po ba at nagkaroon na kayo ng kasunduan, mga walong taon na ang nakalilipas?" tanong ko sa kaniya. "Kada taon ay nagpupulong pa kayo para patotohanan ang mga pangako ninyo na igalang ang hangganan ng ating mga lupain."

"Tama ka, Theo, ngunit ang mga Ignasius ay mahirap asahan sa mga usaping tulad nito," sagot ng aking ama.

"Gayon pa man, kailangan pa rin nating paniwalaan ang kanilang mga pangako," sabi naman ni Haring Domingo na nasa tabi ni ama. "Hindi pa naman napapatunayan ang mga aligasyon laban sa kaharian ng Ignus," ani niya, "at sa tingin ko ay wala namang batayan ang mga iyon."

"Hay, madali kang makapag bitaw ng ganiyang mga salita, kaibigan," sabi ni ama, "palibhasa ang kaharin ng Hermosa ay isang arkipelago, nalilibutan ng tubig ang inyong lupain, samantalang ang kaharian ng Ignus, bagamat parte ng aking emperyo, at kasama namin sa iisang kontinente, ay may sariling autonomiya. Iyon ang kanilang ginagamit upang labanan ako at lalong palakihin ang kanilang teritoryo."

Huminga nang malalim ang aking ama at tumungga ng isang kopitang puno ng alak, tapos ay nagpakawala ito nang napakalakas na dighay.

"Ang balitang umabot sa akin ay binibihag daw ng mga angkan ng mga Ignasius ang ilang mga mamamayan ng Apolinus," patuloy ng ulat ni ama. "Kinukuha raw ng mga ito ang mga likas na yaman sa lupain ng Apolinus, kaya nga nagpadala agad ako ng ilang kawal upang siguraduhing ligtas ang mga mamamayan na nakatira malapit sa hangganan."

"May naiulat na po ba sila pabalik sa inyo?" tanong ko sa ama kong Emperador.

"Wala pa sa ngayon," sagot niya, "ngunit umaasa akong darating ang balita ngayong gabi, o bukas ng umaga."

"Nawa'y maganda ang balitang ipaabot nila," sabi ni Haring Domingo.

"Magkatutoo nawa ang iyong salita," sagot ni Ama.