Chereads / Ginto't Pilak / Chapter 7 - Ika-pito na Bahagi

Chapter 7 - Ika-pito na Bahagi

Natagalan kami sa pagbaba sa comedor.

Palabas na ng silid ang ama kong Emperador nang kami ay dumating.

Kinailangan ko pa kasing linisin at gamutin si Marius. Buti na nga lang at naibsan agad ang pananakit ng kaniyang likuran at nagawa niyang maglakad nang may kaunting alalay mula sa akin.

"Bakit ngayon lang kayo bumaba?!" pagalit niyang sinabi.

"Paumanhin po, mahal na Emperador," sagot ni Marius bago pa ako makapagsalita. "Masama po ang aking pakiramdam, at kinailangan pa akong alalayan ni prinsipe Theo upang makarating dito sa comedor."

Masama ang tingin ni Ama sa maskarang suot ni Marius.

"Umupo na kayo." Muli siyang bumalik patungo sa mesa. "Importante ang ating pag-uusapan."

"Kumain muna kayo..." sabi ni Haring Domingo sa aming paglapit.

"Hindi! Wala nang panahon," sabat ng aking ama. "Kasalanan nila kung sila ay magutom man. Kailangan na naming umalis sa lalong madaling panahon!"

"Saan po tayo pupunta?" tanong ko sa aking ama.

"Sa kabisera," kaniyang tugon.

"Nakakuha kami ng sulat mula sa iyong pinaka matandang kapatid na si Heneral Manuel," paliwanag ni Haring Domingo habang nakasimanogt sa akin ang aking ama. "May nakita raw na isang-libong hugbo ng mga sundalong Ignus na patawid ng inyong kaharian."

"Tulad ng aking kutob, may binabalak na nga ang mga damuhong lahi ng apoy, at sinakto pa nila ito sa araw na wala ako sa kabisera!" galit na sabi ni Ama. "Kailangan nating umalis kaagad at magmadali pabalik sa ating kastilyo!"

"Theo..." tawag ni Marius sa tabi ko. Ramdam kong humigpit ang kaniyang kapit sa akin.

"Kung gayon, ay kailangan na naming maghanda," sagot ko sa ama kong Emperador.

"Nais kong maiwan ang aking anak dito sa aming kaharian," bigla namang sabi ni Haring Domingo.

Napatingin kaming dalawa ni Marius sa hari ng Hermosa.

"Alam naman po ninyo na hindi kami maaring magkahiwalay," sabi ko.

"Sabi nino?" tugon niya. "Kayo ay magkabigkis, hindi nakatali sa isa't-isa."

"Ngunit ama..." agad pinigil ni Haring Domingo ang kaniyang anak.

"Maaring masabak sa gera ang imperyo," patuloy niya. "Kailangang maprotektahan ang tagapagmana ng mga Ravante. Nakita mo naman sa kaguluhan kagabi na isa ka sa kanilang pinupuntirya!"

"At nakita rin po ninyo kung paano ko siya naprotektahan," agad kong binanggit.

"Gayon pa man ay kailangan namin dito ang aking anak, bilang susunod na hari ng Hermosa. Responsibilidad niyang pangalagaan ang aming arkipelago."

"At may responsibilidad ka rin sa iyong Emperador."

Natigilan si Haring Domingo at napatitig sa aking ama.

"Napag-usapan na natin ito, Emperador Leon," sabi ni Haring Domingo.

"Ang sabi ko ay kung papayag ang ating mga anak," nakangiti niyang sinabi, isang tusong ngiti. "Nakita mo naman na parehas silang tutol sa nais mo."

"Ngunit, mahal na Emperador..."

"Ihanda na ang aking barko. Babalik na tayo sa kabisera!" tawag ni Emperador Leonsio sa kaniyang mga heneral. Hindi niya pinansin ang panawagan ng ama ni Marius. "Aalis na tayo sa lalong madaling panahon!"

Wala na ngang nagawa ang hari ng Hermosa kung hindi sumunod sa kaniyang Emperador. Nagmamadali kaming naghanda at nagbitbit ng mga mahalaga naming kagamitan para sa paglipad sa kabisera.

"Mag-iingat ka palagi, anak ko..." paalam ni Reyna Violeta sa kaniyang anak. "Lagi mong alalahanin na walang anu mang tao, hayop, bagay o nilalang ang makakapigil sa salita ng isang tunay na Dilang Pilak."

"Opo, Inay, kayo po ay mag-iingat din." May luhang tumulo sa pisngi ng mahal na reyna. "Huwag na po kayong umiyak, mahal kong Ina..." pinunasan ito ni Marius.

Bagamat ilang decada na ang edad ay napaka ganda pa rin ng kaniyang ina na mukhang kasing bata lang namin.

"Anak... Marius..." tawag naman ngayon ng kaniyang ama. "Ang panaginip ng dugo at abo..." nanlaki ang mga mata ni Marius nang marinig ito.

"A-ang pangitain..." kaniyang ibinulong.

"Mag-ingat ka, aking anak, maraming buwitre ang nagtatago sa dilim, at mahirap makita ang tunay na anyo ng mga ito."

"Opo, aking ama. Tatandaan ko po ang lahat ng inyong mga pangaral sa amin." Lumingon si Marius sa akin at kinapitan ang aking kamay.

"Prinsipe Theo," tawag sa akin ng hari. "Pangalagaan mong mabiti ang aming anak, gayon din ang iyong sarili."

"Hindi niyo po kailangang ipaalala pa iyon sa akin," tugon ko sa pangalawa kong mga magulang. "Hinding hindi ko po papayagang malagay sa panganib ang aking pinakamamahal."

Ramdam kong humigpit ang pagkakakapit ni Marius sa aking kamay.

"At ang iyong kapatid... si Marielle..." sabi ni Reyna Violeta.

"Hahanapin namin siya at ililigtas," tugon ni Marius.

Niyakap kaming pareho ni Reyna Violeta at Haring Domingo. "Hindi ko masasabing sang-ayon ako sa inyong pag-alis," ani ng hari, "pero malaki ang tiwala ko sa inyo, Theo. Hindi ako tumututol sa inyong relasyon," dagdag pa niya. "Nawa'y walang mamagitan sa inyong pag-iibigan."

Magkaakay kaming lumabas ng kastilyo ng mga Ravante at nagtungo sa daungan papunta sa barko ng aking ama. Isa itong dambuhalang sasakyan na lumulutang sa ere sa pamamagitan ng mahika ng limangpung magus na nagpapaandar nito.

"Handa na ba ang lahat sa ating paglalayag?" tanong sa amin ng kapitan ng barko.

"Handa na po ang lahat," sagot ko sa aming pagsampa.

"Pumasok na kayo sa inyong silid, tatawag ng malakas na mahika ang mga magus ng barko upang agad tayong makabalik sa kabisera," sabi sa amin ng kapitan.

"Ang aking ama?" tanong ko sa kaniya.

"Nasa kaniyang silid," sagot nito.

"Gaanong katagal ang gugugulin natin sa ating paglalayag?" muli kong tanong.

"Sa layong 12,000 kilometro, aabutin tayo nang tatlong araw pabalik," sagot ng kapitan. "Ang ibang mga kawal naman na gamit ang mas maliliit na barko ay aabutin ng isang linggo, samantalang ang karaniwang paglalayag sa dagat ay inaabot ng halos dalawang buwan."

Hinawakan ko ang kamay ng aking kabigkis. "Marius, utusan mo ang ating barko, pati na ang sasakyan ng mga kawal na mapunta sa kabisera, ngayon din."

"Ngayon din?" tanong sa akin ni Marius. "Paano na kung may sagabal sa ating paglilitawan?"

"M-magwalang galang po lamang..." sabat ng kapitan, "Alam ko pong napakadakila ninyo, ngunit... ang paglipat ng buong hugbo sa napaka layong lugar nang basta-basta na lamang ay..."

Hindi namin pinansin ang kapitan na kinakabahan sa aming harapan.

"Siguraduhin mo muna na walang ibang bagay sa lugar na ating lalabasan," sabi ko sa aking kabigkis.

Pumikit si Marius at bumulong.

"Mahal na prinsipeng Theodorin, kunsakali pong kayo ay magkamali..." pilit ng kapitan.

"Nakakita na ako ng maayos na daongan, may ilang kilometro mula sa pampang ng kabisera," sabi ni Marius.

"Magaling. Dalin mo tayo roon."

Dumilat si Marius.

Magkahawak ang aming mga kamay, isa-isa ninyang tinignan ang mga barko ng aking ama na nakadaong pa sa dagat. May limangpung mga barko rin ito. Muling pumikit ang aking kabigkis, at naramdaman kong humigop ang kaniyang katawan ng maraming enerhiya ng mahika mula sa akin. Napailing ako nang bahagya.

"Dalhin ang barko ng Emperador pati na rin ang kaniyang hugpo sa karagatan ng Apolinus. Ngayon din."

Ako'y napikit lang nang sandali, at sa aking pagdilat ay wala na ang pampang at ang isla ng Hermosa. Nasa gitna na kami ng karagatan, at sa malayo ay natatanaw ko ang kabisera ng Apolinus na siyang kabisera ng imperyong Heilig.

Nagkagulo sa pagkamangha ang lahat ng tao sa paligid. Ang iba ay tumalon sa barko at tila takot nang bumalik pa rito.

"Kayo ba ang may kagagawan nito?!" gulat na sabi ng ama kong Emperador.

Tumatakbo siyang lumabas mula sa kaniyang silid, ang malaki niyang tiyan, tumatalbog sa kaniyang harapan at may mantsa pa nang tumapon na alak sa dibdib.

"Opo, ama, isa po ito sa mga natutunan namin sa aming pag-aaral sa kaharian ng Hermosa," sagot ko sa kaniya.

"Napaka galing!" tugon niya. "Napakalakas talaga ng ginto at pilak na nagkaisa!" hinawakan niya ang aking kamay, gayon din ang kay Marius na pansin kong napasama ang tingin sa akin. "Madali na tayong umuwi sa kastilyo!" utos niya sa kapitan. "Nais kong ipagmalaki ang pagbabalik ng aking anak at tagapagmana sa buong imperyo!"