Chereads / Ginto't Pilak / Chapter 10 - Ika-sampu na Bahagi

Chapter 10 - Ika-sampu na Bahagi

Hindi pa rin nagigising si Marius.

Kinuha ko ang bote ng gamot na hinalo ni Maestro Flores at binuksan ito. Agad napuno ang silid ng napaka baho nitong amoy! Pinikit ko ang aking mata, isinubo ang bote, at humigop dito.

Ang pait!

Ang anghang at parang sinisilaban ang aking bibig!

Hindi ko iyon nilunok. Nilapitan ko si Marius sa kama, ibinuka ang kaniyang bibig at hinalikan siya, upang kaniyang mainom ang gamot.

Sinara ko ang bibig ni Marius at pinagmasdan ang kakaibang bughaw na liwanag na dumaan sa kaniyang lalamunan. Nanatili ang liwanag sa kaniyang leeg, bago ito kumalat sa kaniyang katawan at tuluyang naglaho.

Biglang dumilat ang mga mata ni Marius!

Bumuka ang kaniyang bibig, na para bang may nakain siyang masama na pilit niyang isinusuka.

"Huwag!" tawag ko sa tabi niya. "Pinainom kita ng gamot, kailangan mo iyan para agad kang gumaling!"

Napatingin siya sa akin, ang kaniyang mga mata, maluha-luha sa sama ng lasa ng gamot. Napasimangot siya at pilit nagsalita.

"Lah..." wala nang lumabas sa bibig niya.

Inabutan ko siya ng pluma at papel.

'Hindi ba lason iyon?' sulat niya, at ako'y napatawa. Lalong sumama ang tingin ni Marius sa akin.

"Huwag kang mag-alala, mula sa pinagkakatiwalaan kong doktor ang gamot na iyon." sabi ko sa kaniya. "Napaka sama man ng lasa ng kaniyang mga gamot, ay sigurado namang gagaling ka agad sa mga ito."

Umupo nang maayos si Marius sa tabi ko. Narinig kong magreklamo ang kaniyang sikmura.

"Gutom ka na." Inilabas ko sa aking tunika ang natira sa mga tinapay na kinuha ko sa kusina nang umagang iyon. "Ito muna ang kainin natin sa ngayon," sabi ko sa kaniya.

Inabot niya ang tinapay at agad itong kinagatan. Dahil galing sa akin ay hindi na niya naisipan pang usisain muna ito.

Hinimas ko ang kaniyang buhok habang siya ay kumakain. Para siyang batang inosente, walang muang sa mundo, walang laban kanino man.

'Kumain ka na ba?' sinulat niya at inabot sa akin ang papel. 'Mukha kang maputla.'

"Nag-aalala lang ako..." bulong ko sa kaniya.

Isinubo na niya ang huling piraso ng tinapay. Tumawag naman ako ng tubig at ipinainom iyon sa kaniya.

Ikinuwento ko sa kaniya ang mga nangyari habang siya ay natutulog. Ang pinaghihinalaan kong mga heneral at mga tagapag-payo ng aking ama, ang nabanggit ni Maestro Flores tungkol sa mga nagtatago sa mga anino, at ang tungkol sa sumpang kaniyang natanggap sa pagkain ng pulot.

"Nais ka nilang gamitin, at sa tingin ko ay ganoon din ang balak nila sa akin."

'Ano ang balak mo ngayon?' sulat niya.

"Kung sino man ang nagbalak nang iyon, kasama natin siya sa barko. Tingin ko ay galing din sa barko ang pagkain na inihain nila sa aking silid."

'Sa barko pa lang ay balak na nila tayong dakipin?'

"Oo, at malaki ang kutob ko na may kinalaman doon ang kapitan ng barko na pilit tayong pinipigilan sa paggamit ng mahika upang mabilis tayong makauwi."

'Unahin natin bukas ang pag-iimbestiga sa barko ng iyong ama.'

"Oo, `yun din ang aking naisip... ngunit pinipilit ng aking ama na magkaroon tayo ng isang pagsasalo bukas."

'Pagsasalo nanaman?!' galit na sulat ni Marius. Nauubusan na siya ng papel.

Ako'y napabuntong hininga. "Pagbigyan na natin siya. Kailangan din nating ipakita sa kalaban na hindi tayo natitinag. Na maayos ang ating kalagayan, at handa pa rin tayong lumaban."

'Kung gayon ay isang pagbabalat-kayo ang magiging pagsasalo bukas?' tanong niya sa akin.

"Oo, isang palabas para sa ating mga kalaban," nakangiti kong sagot.

'Kung gayon ay bigyan natin sila ng isang palabas na hindi nila malilimutan.'

Maaga akong nagising sa mga halik ni Marius kinabukasan.

Ramdam ko ang labi niya sa aking dibdib. Mariin niyang kinagat ang dulo nito.

"Aray!" ako'y napasinghap. "Dahan-dahan lang, aking mahal!" Hinimas ko ang kaniyang buhok. Sinupsop niya ako, at napapikit ako sa sarap at sakit na kaniyang pinadarama sa akin.

"Napaka mapusok mo naman ngayong umaga..."

Nakita ko ang mga mata niyang namumungay, nakatingin sa kawalan, tila wala sa sarili.

"Marius?" tawag ko sa kaniyang pangalan.

Hindi siya sumagot o natauhan man lang. Patuloy niyang hinalikan ang aking dibdib, pababa sa sikmura kong namimintog. Isa-isa niyang hinimas at hinalikan ito, hanggang sa umabot siya sa may puson ko.

'Ito kaya ang sinasabi ni Maestro Flores na epekto ng sumpa na tila gayuma?'

Bahagya akong umupo, sumandal sa aking mga siko, habang pinapanood ko si Marius na muling bumaba ang ulo. Napatitig ako sa kisame, hanggang sa hindi ko na mapigilan ang aking sarili.

Ibinigay ko ang hinihiling ng nag-iinit niyang katawan.

Mukhang gusto niyang sumigaw, ngunit walang boses na lumabas sa kaniyang bibig, at sa pag-abot namin sa sukdulan, ay nawalan siya ng malay tao at muling nakatulog.

"Marius?" tawag ko sa kaniya, nag-aalala. "Marius, maayos lang ba ang iyong kalagayan?"

Umungol naman siya nang bahagya at kumapit sa aking braso.

Ito na nga marahil ang nabanggit ni Maestro Flores.

Kung ganoon, ano kaya ang binabalak ng walang hiyang naglagay ng sumpa sa kaniyang pagkain?!

Nagagalit man ay pinigilan ko ang sarili.

Mahimbing na ang tulog ni Marius. Kailangan niya ng pahinga. Sana lang ay maayos pa rin siya sa kaniyang muling paggising.