Inaantok pa si Marius nang pumasok kami sa silid ng aking ama. Pinatawag niya kami upang kausapin.
"Ano po ang inyong nais sabihin aking ama?" tanong ko sa kaniya.
"Bago ang lahat, kamusta na ang Prinsipe Marius ng Hermosa?" nakatitig siya sa nakamaskarang mukha ng aking kabigkis. "Maayos na ba ang iyong kalagayan?"
Tumango naman si Marius.
Bumalik siya sa dati nang siya'y gumising, bagamat gutom at nagtataka kung bakit nanlalambot ang katawan niyang nananakit pa rin hanggang ngayon.
"Maayos na po ang kalagayan niya, ama, ngunit hindi pa rin bumabalik ang kaniyang tinig," sabi ko sa Emperador.
"Mabuti, mabuti..." lumapit ang aking ama kay Marius at kinuha ang kamay nito. "Labis akong nabahala sa mga nangyari, lalo na at napahamak kang muli, dito pa mismo sa aking palasyo." Hinimas nito ang kamay ni Marius at napansin ko ang pagkabalisa ng aking irog dahil dito.
"May sasabihin pa po ba kayo sa amin, ama kong Emperador?" pilit ko tinawag ang kaniyang atensyon, ngunit nakatitig pa rin siya kay Marius habang may nakasusuyang ngiti sa mga labi.
"Napaka laki mo na ngayon," patuloy niyang sinabi sa aking kabigkis, ni hindi niya ako pinansin. "Bakit hindi mo na alisin ang iyong maskara sa aking presensiya? Hindi ka na naman na-iba sa akin..."
Itinaas ng aking ama ang kaniyang kamay at inambang hawakan ang maskarang pilak. Napaatras si Marius na humarap sa akin. Nanlalaki ang kaniyang mga mata sa ilalim ng maskara na nagtatago sa kaniyang mukha.
"Ama kong Emperador!" Muli kong tinawag ang pansin ni Emperador Leonsio. Kinapitan ko ang kaniyang braso at marahan na inilayo ito kay Marius. "Kamusta na po ang inyong mga plano laban sa kaharian ng Ignus?" tanong ko sa kaniya.
Napasimangot sa akin ang aking ama.
Hinatak niya palayo ang kaniyang braso at nilingon muli si Marius na nakatakas sa kaniya at kasalukuyang nakatayo sa aking likuran.
"Nagpadala na ako ng mga kawal sa Kanluran upang tignan ang sitwasyon doon, at puwersahin sila pabalik kung kinakailangan," sagot niya. "Pina-doble ko na rin ang mga bantay sa palasyo, pati na rin sa buong kastilyo, upang siguraduhin na walang mga kaduda-dudang nilalang na makakapanggulo sa atin."
"Paano naman po ang pinayo ko sa inyo? Ang kusinero sa iyong barko? Ang kapitan nito?"
Dumilim ang mukha ng aking ama. "Ikinalulungkot kong sabihin, ngunit mukhang naunahan tayo sa bagay na iyon," sagot niya sa akin. "Matapos kong ipag-utos ang pagdakip sa dalawang iyon, ay natagpuan na silang patay..."
"Ano po kamo?" gulat kong tanong, pati si Marius sa aking likod ay napasilip sa aking ama na napailing na lang sa amin.
"Pinaslang sila sa kanilang mga tahanan, at pinatay ng mga salarin pati ang mga pamilya nila at tauhan," patuloy ni Ama. "Wala na kaming mahanap na ibang mapaghihinalaan upang tanungin tungkol sa kanilang pagkakasangkot sa balak na pagdakip sa inyo."
Wala akong nasabi.
Mukhang nauwi sa wala ang lahat ng mga plano namin.
"Paano naman po ang inyong tatlong punong heneral? Pati na ang tatlo mong punong tagapagpayo?" paalala ko sa kaniya. "Lahat sila ay kasama natin sa Hermosa, sila ang nakaaalam na maaga tayong nakabalik, at nang pagkagutom namin, dahil magkakasama tayong nanggaling sa kaharian nina Marius!"
"Gayon pa man, hindi ko maaring basta na lang pagbintangan at ipahuli ang aking mga tagapag-payo, lalo na ang aking mga heneral!" sagot ng aking ama. "Kung pagbibintangan ko sila ay maari silang mag-alsa laban sa akin, o humiwalay, di kaya. Lalo lang tayong mapapahamak kung umalis sila sa panahon kung kailan tayo nais lusubin ng kaharian ng Ignus."
Napaisip ako.
May punto nga naman siya.
"Ang Ignus..." ako'y napabulong. "Hindi mo ba maaring makausap ang kanilang hari? Hindi po ba at parte pa rin sila ng ating imperyo? Lumagda sila sa isang sinumpaang kasunduan, na magiging tapat sila sa iyo, at hindi maaaring mawasak ang sinumpaang kasunduan na iyon hanggat hindi ka kumikitil ng dugo ng Ignus!"
Biglang may kumapit sa aking braso at napatingin ako kay Marius. Nag-abot siya ng papel sa akin.
'Maari mong kausapin ngayon ang hari ng Ignus, gamit ang Salamin ng mga Pantas,' sinulat niya.
"Tama, Ama, bakit hindi natin kausapin ngayon ang hari ng Ignus gamit ang iyong Salamin ng mga Pantas? Nagtataglay ito ng mahika upang makausap mo ang sinumang tao na ninyong naisin, kahit saang dako pa man siya ng mundo naroroon."
Natahimik ang aking ama.
"May problema po ba?" tanong ko pa sa kaniya.
"Ang aking Salamin ng mga Pantas..." bulong niya, hindi makatingin sa akin. "Naisipin kong dalhin ito minsan, sa aking paglalayag, at nawala ito habang kami ay nagba-byahe..."
"Punyeta!" ako'y napamura.
"Huwag kang magsalita nang ganiyan sa harap ng iyong Emperador at ama!" galit niyang bulyaw sa akin.
"Mangwalang galang lang po, Ama, ngunit saan po ba kayo nagpunta? Sa isang ekspedisyon? Sa isang pagtitipon ng mga hari?" tanong ko.
Muling natahimik si Ama, at napansin kong namumula ang kaniyang mukha.
"Huwag mong sabihin na dinala mo iyon sa isa sa iyong mga tagong bahay-aliwan!?"
Lalong namula ang kaniyang mukha.
"Mangyari lang ay may nakaaliwan akong... isang babae... na nais makausap ang kaniyang mga magulang na nakatira sa malayong Silangan..." mahinang tugon niya sa amin. "Naisipan kong gamitin ang salamin upang sila ay mag-usap, ngunit kinabukasan ay nawala na siya... pati na ang salamin."
Nagbuntong hininga ako, pinigil ang galit at pagkadismaya sa aking dibdib.
Ang ama ko naman ay matikas pa rin ang pagkakatayo. Nakatingin sa malayo, ngunit tila `di nahihiya sa amin.
"At ngayon ay wala ka nang paraaan upang makipag usap sa mga ka-alyansa nating nasa malalayong lugar?" tanong ko sa kaniya. "Iyan ba ang dahilan kung bakit halos wala kaming nakukuhang balita mula sa inyo, noong nasa Hermosa pa kami?"
Muling nag-abot sa akin ng papel si Marius. 'Maari tayong humiram sa ibang mga pinuno o opisyal na mayroon ding Salamin ng mga Pantas.'
"Maari, ngunit iilan lamang ang nagmamay-ari nito," sagot ko. "Maaring makita rito ang anumang lugar na napuntahan na ng may hawak nito, at makausap ang sinumang tao na minssan na nilang nakilala."
"Kaya nga napakahalaga ng salamin na iyon..." sang-ayon ng aking ama.
"Sino pa po ba ang may Salamin sa kaharian?"
"Wala na," tugon niya. "Dahil nga sa masyado itong mahalaga at delikado... ay pina kompiska ko ang lahat ng mga Salamin ng mga Pantas sa imperyo, at pinabasag ang mga ito." Nagulat ako sa kaniyang sinabi. "Iyon ay matapos ang aksidente ng iyong ina..." patuloy niya, "hindi... matapos na siya ay patayin ng mga tulisan sa Ignus!"
"Ang tanging may Salamin ng mga Pantas ay ako, ang hari ng Ignus, at ang ama ni Marius na si Haring Domingo," patuloy ng aking ama, "at masyado na siyang malayo para aking hiramin ang kaniyang salamin."
'Paano kung padalan na lang natin sila ng mensahe?' tanong muli ni Marius.
"Masyadong matagal..." tugon ko.
"Marami na kaming ipinadalang liham sa Ignus, ngunit ni isa ay walang sagot na bumalik sa atin," sagot ni ama. "Puros mga balita at haka-haka lang ang aming natatanggap... mga bulung-bulungan na may mga sundalong Ignus na tumatawid sa ating hangganan at minamaltrato ang mga mamamayan ng Apolinus. Nang isang araw nga lang, ay nabalitaan namin ang tungkol sa mga sundalo nilang namataan sa bandang hilagang-kanluran."
"Ano naman po ang plano natin sa ngayon?" tanong ko sa aking ama.
"Sa ngayon ay kailangan nating ipakita sa buong imperyo ang lakas ng ating mahika," sagot niya. "Sa kabila ng mga balita... sa kabila ng mga batikos... masasaksihan nila ang kapangyarihan mo, aking anak, gayon din ang iyong kabigkis na si Prinsipe Marius. Ipapakita natin sa kanila ang kapangyarihan ng susunod na Emperador."