Nagkakagulo sa palasyo nang kami ay nagbalik.
Bitbit ko pa ang natutulog na si Marius sa aking mga bisig na nakatalukbong sa aking balabal.
"Prinsipe Theodorin!" tawag ng isang sundalo na nagulat nang kami ay makita. "Saan po kayo nanggaling? Kanina pa po kayo pinahahanap ng inyong amang Emperador!"
"Nagpahinga lang kami ni prinsepe Marius," sagot ko sa kaniya. "Nasaan ang aking ama ngayon?"
"Nasa silid aklatan po, kausap ang kaniyang mga heneral at mga tagapag-payo," muling sagot ng sundalo.
Tuluyan akong naglakad papunta sa silid aklatan. Dito madalas magpatawag ng pagpupulong ang aking ama, lalo na tungkol sa mga mahahalagang bagay ukol sa imperyo.
Napayuko ang mga sundalong nadaanan namin, mga mukhang alalang-alala at gulat sa aming biglang paglitaw.
"Narito na ang Prinsipe Theodorin!" pahayag ng bantay sa may pintuan ng silid aklatan bago niya kami papasukin.
Nakatayo ang mga tao sa loob ng silid, at lahat sila at napatingin sa amin, mula sa isang mainit na talakayan.
"Theodorin! Saan kayo nanggaling?!" galit na bulyaw ng aking ama. Napatingin siya kay Marius, at lumakad papalapit sa amin. Ako'y napaatras, iginilid ang kabigkis kong kasalukuyan pa ring natutulog sa aking mga bisig.
"Anong nangyari kay Prinsipe Marius?" nag-aalala niyang tanong sa akin.
"Mahabang kuwento," sagot ko. "Sa ngayon, maari niyo po bang ipatawag ang dati kong doktor, si Maestro Flores, upang siya'y mapatignan."
"Duke Rodrigo." Tinawag ni ama sa kaniyang punong tagapagpayo. "Ipatawag si Maestro Flores, ngayon din!"
"Masusunod, kamahalan!" tugon nito na nagmamadaling lumabas ng silid.
"Ngayon, sabihin mo kung ano ang nangyari!" pilit ng aking ama.
"May nagdala ng pagkain sa aming silid," sabi ko sa mga tao sa aking harapan. "Hindi namin naisip na may sumpa ang mga ito. Nakain ni Marius ang isa, at sa kasamaang palad ay naapektuhan nito ang kaniyang boses at pagsasalita."
Nagbulungan ang mga tao sa silid.
Mukha namang tunay silang nag-aalala sa kalagayan ng aking kabigkis, ngunit alam ko na may mga tao rito, sa mismong silid na ito, na nagpa-plano laban sa amin.
Tama ang sinabi ni Haring Domingo.
Maraming nagtatago sa dilim, at mukhang mahihirapan akong sila ay hulihin.
"Kamusta naman ang kaniyang kalagayan ngayon?" tanong ng isang heneral na bata-bata pa ang itsura, hindi ko siya nakikilala.
Tinitigan ko siya nang masama nang mangahas siyang lumapit sa amin. Agad siyang hinipan ng hangin palayo at humagis sa likod ng silid.
"Ang susunod na sumubok lumapit sa amin ay hindi papalarin," singhal ko sa kanila. "Narito lang ako upang ipaalam na may traidor sa loob ng palasyong ito. Malakas din ang kutob ko na kasama namin siya mula sa kaharian ng Hermosa."
Napatingin ako sa tatlong punong heneral ng aking ama at sa dalawang tagapag payo na kasama namin sa silid. Lahat sila ay kasama rin namin sa pag-uwi mula Hermosa. Lahat sila ay `di mapagkakatiwalaan.
"Ikaw." Tinawag ko ang bagong saltang heneral na katatayo pa lang mula sa kaniyang pagkakahagis. "Ano ang iyong pangalan?"
"A-ako po si Heneral Gregoryo, anak ng yumaong Heneral Lorenzo Gregoryo na dating punong heneral ng iyong ama..." sabi niya.
"Nais kong kunin ang isang ito bilang aming bantay, ama," sabi ko sa Emperador. "Maari po ba namin siyang gamitin?"
"Kung iyan ang iyong nais..." tugon ng aking ama, "Ngunit si Heneral Gregorio ay baguhan pa lamang, datapwat marami na siyang napanalunang parangal ay..."
"Siya po ang aking napili, ama kong Emperador," muli kong sinabi.
"Kung gayon, ay pumapayag na ako... ngunit, hindi mo pa naisasaad sa amin ang buong pangyayari!" pilit niya. "Bakit nagsihagisan ang iyong mga gamit sa labas ng iyong silid? Bakit kayo nawala nang buong araw, at bumalik lang ngayong gabi?!"
"Kinailangan po naming magpahinga, at sa tingin ko ay hindi mapagkakatiwalaan ang mga taong nasa paligid namin, kaya minabuti kong magtago muna habang nagpapagaling ang aking kabigkis."
"Mukhang gayon nga ang sitwasyon natin sa ngayon," singit ng isang malaking tinig. siya si Heneral Asistio na namumuno sa mga kawal ng imperyo sa Timog. Siya ang nagturo sa akin at sa mga kapatid ko kung paano ipagtanggol ang aming sarili mula pa sa aming kabataan. "At saan niyo naman balak magtungo ngayon?" tanong niya sa amin.
"Babalik ako pansamantala sa aking silid, habang hinihintay namin si Maestro Flores," tugon ko.
"Kung gayon ay pumanik na nga kayo sa inyong silid," ani heneral Asistio. "Bukas na tayo muling magpulong upang pag-usapan ang nababalitang pagsugod ng mga Ignus sa ating bayan."
Maya-maya nga ay dumating na ang maestro sa aking silid.
Naalis na ng mga utusan ang nagkalat na mga gamit sa hagdan tungo rito. Tanging ang kama ko lang ang ipinabalik ko, pati ang isang mahabang mesa at dalawang upuan. Sinuri ko pa nang mabuti ang bawat bagay upang masiguradong walang anumang sumpa na nakapataw sa mga ito.
Sinara ko naman ng mahika ang sikretong lagusan. Ginuho ko ang daan paakyat dito at siniguradong walang sino man ang makakadaan pa roon.
"Nasaan ang pasyente?" tanong ni Maestro Flores na inaayos pa ang makapal niyang salamin sa mata.
"Maestro Flores! Salamat at nakarating agad kayo," bati ko sa doktor ko mula sa aking pagkabata.
Kasunod niya si Heneral Gregorio na tumango sa akin at madaling isinara ang pinto matapos niyang lumabas.
"Ang aking kabigkis... si Marius, malubha ang kaniyang kalagayan."
Sinamahan ko siya sa aking malawak na kama upang matignan si Marius. Ikinuwento ko sa kaniya ang lahat nang nangyari.
Hinawakan ni Maestro Flores si Marius. Tinignan niya ang kaniyang mga mata, sinilip ang kaniyang taenga at ang kaniyang bibig.
"Namamaga ang kaniyang lalamunan," sabi niya sa akin habang hinihimas ang lalamunan ni Marius. "At nagsisimula na siyang lagnatin dahil dito."
Kumuha siya ng maliliit na bote mula sa dala niyang maleta. Isa-isa niyang binuksan ang lima rito at ipinatong ang mga iyon sa mesa, tapos ay bumulong siya ng dasal.
Dahan-dahang lumabas ang iba't-ibang kulay na likido mula sa mga bote at pinaghalo-halo niya ang mga ito sa ere. Naging isang kulay bughaw na likido ito na kumikinang. Naglabas naman siya ng isang bagong bote at ipinasok ang likido sa loob nito.
"Ipainom mo ang isang lagok nito sa kaniya kada gabi bago matulog," wika niya. "Nagawa kong ayusin ang sugat sa kaniyang lalamunan, ngunit nag-iwan din ng sira ang sumpa sa kaniyang katawan. Ang gamot na iyan ang magagamit upang labanan ito."
"Salamat po, Maestro," bahagya akong yumuko.
"Isang babala lamang," pahabol niya. "Maaring may masamang epekto ang sumpa sa iyong kabigkis."
"G-ganoon po ba?" nag-aalala kong tanong.
"Maari lang naman siyang magpakita ng kakaibang pag-uugali sa pagsapit ng gabi, ngunit alam ko namang kakayanin mo ang mga iyon."
Napangiti siya sa akin, sa `di ko malamang kadahilanan, ngunit bago pa ako makapag-tanong muli ay iniabot niya sa akin ang bote.
"Salamat po, maestro." Kinuha ko ang bote sa kaniya at inamoy iyon.
Napakalaswa ng amoy!
Parang bulok na prutas na naiwan sa loob ng kulob na silid habang mainit ang panahon!
"Siguraduhin mo lang na hindi siya makakalimot sa pag-inom, kung hindi ay kailangan ninyong ulitin ang proseso sa loob ng isang linggo," paalala niya.
"Gagaling na po ba siya matapos ang isang linggo?" tanong ko sa kaniya, naninigurado.
"Oo, mabuti at naalis mo ang lahat ng pulot sa kaniyang katawan, pati na ang sumpa na bumabalot dito, kung hindi mo iyon ginawa, ay marahil tuluyan nang nawala ang boses ni Prinsipe Marius," sabi niya.
"Kung gayon, ang balak nila talaga ay sirain ang kaniyang boses, at sa gayon ay maalis ang kaniyang mahika!" galit kong nasabi.
"Hindi," tugon ni Maestro Flores. "Ang sumpang iyon ay isang bahagi lamang. Mukhang ang balak nila ay pigilin ang kaniyang wika at ang kaniyang mahika. Nabanggit mo na may pampatulog ang mga paborito mong pagkain, hindi ba?" tanong niya sa akin.
"Opo, maestro."
"Ang sumpa sa iyo ay pagpapatulog. Ang kay Prinsipe Marius naman ay pagpapatahimik at pagpapasunod. Nais nilang hindi kayo makalaban."
"Ganon nga ang aking naisip, Maestro, pero ano po ba ang sinasabi ninyong sumpa na pampapasunod?"
"Sa aking nakikita kay Marius, tila siya ay nanghihina at nawawala sa sarili," sabi niya.
"Nawawala sa sarili?" Ramdam kong manlamig ang aking katawan sa serbiyos. "Ano po ang ibig ninyong sabihin?"
"Napansin mo ba na tila kakaiba ang pagkakatulog ni Marius?" Ako'y napatango sa kaniyang tanong. "May kasamang pagmamanipula ang sumpang ipinataw sa kanya. Marahil ang balak nila ay gamitin kayo, ang lakas ng Ginto at Pilak, sa kanilang mga balak."
"Pagmamanipula?"
"May halong... 'pampasunod' ang sumpa kay Marius na ang epekto ay maihahalintulad sa isang gayuma," sabi niya. "Mukhang hindi lubusang naalis ang epekto nito. Kung ano man ang mga iyon, malalaman mo rin ito sa kalaunan."
Muli siyang napangiti sa akin.
"Ang payo ko ay mag-ingat kayo nang labis, Theo," patuloly ng matandang maestro. "Madalas ko itong nakikita sa mga may lahing diwata, hindi man sa lahat, ngunit kung gaano kalakas ang kanilang mahika ay siya namang hina ng pisikal nilang pangangatawan. Kailangan ka ni Marius ngayon, lalo na sa panahong ito na maraming nagtatago sa mga anino."
"A-ano po ang ibig ninyong sabihin, Maestro?" tanong ko sa kaniya, nagulat sa halos kaparehas na babala sa amin ni Haring Domingo.
"Haay... matanda na ako at marahil ay bilang na ang aking mga araw..." sandali siyang natahimik. "Pero may usap-usapan na may puting buwitre na nagbabalak gibain ang imperyo."
"Puting buwitre?" Tatanungin ko pa sana si Maestro Flores tungkol dito, ngunit napailing na ang matanda.
"Iyon lang ang aking nalalaman," sabi niya.
Tumayo na siya sa kaniyang pagkakaupo.
"Haay, painumin mo na si Marius ngayong gabi." Iniba niya ang usapan. "At kung kailangan niyo muli nang tulong, huwag kayong mag-atubili na muling tumawag sa akin, pangangalagaan ko kayo, habang ako'y nabubuhay, alang-alang sa iyong yumaong ina. Makakaasa kayo sa akin, tulad ng bantay na masigasig na nakatayo ngayon sa labas ng iyong pintuan."
"Marami pong salamat Maestro," sagot ko sa kaniyang makabuluhang payo. "Mag-ingat po kayo sa inyong pagbalik, at nawa'y humaba pa ang inyong pagsisilbi sa imperyo!"
"Harinawa," sagot ni Maestro Flores. "Harinawa."