Chereads / Whirlwind Romance... / Chapter 11 - Chapter 10

Chapter 11 - Chapter 10

EIGHT o'clock in the morning. Humihilik pa si Veronica sa ibabaw ng kama nang magulat siya sa tunog ng kanyang cell phone.

Balikwas siya nang bangon. Inut-inot na bumaba siya ng kama at kinuha ang aparato sa nightstand.

Si Setti ang caller. "Good morning, Veronica!" masayang bungad sa kanya ng kaibigan.

"Good morning!" Inipit niya ang cell phone sa pagitan ng kanyang tainga at balikat. Niligpit niya ang higaan, pagkatapos ay tinungo ang aparador at kumuha ng tuwalya.

"Nakausap ko ang kapatid mo. Nakarating ka na pala sa isla. Bakit hindi mo kami tinawagan?" May hinampo sa tinig nito. "Ayos ka lang ba?"

"I'm in the Philippines. I'm not hard of hearing," she said in a sarcastic tone. Nagkibit-balikat siya kahit hindi naman ito kaharap.

"Fine." Kung makikita lang niya ang kaibigan, siguradong pinaikutan na siya nito ng mata. "Ano ang pakiramdam ng mag-isa sa isang silid? You know, you're celebrating your honeymoon alone. Is it awful?"

Huminga siya nang malalim at humigpit ang hawak sa aparato. Wala siyang balak aminin dito na apektado pa rin siya sa pang-iiwan sa kanya ni Greg. Hanggang ngayon nga'y wala pa rin siyang naririnig na paliwanag mula sa lalaki.

"Sa dami ng tanong mo, hindi ko alam kung ano ang unang sasagutin. Ayos lang ako. Sisikapin kong gawing masaya ang solo honeymoon ko." Para siyang nasamid sa huling sinabi. "At sa humigit-kumulang tatlumpung minuto, sisimulan ko ang isang magandang araw sa paglalakad sa dalampasigan."

"I don't like you being alone in a strange place." Narinig niya ang buntong-hininga nito sa kabilang linya. "We're all worried about you being out there alone."

"The only thing strange is me, being here without a husband." Pumasok siya sa banyo at inihanda ang bathtub. "Pero kung may mangyaring hindi maganda, magti-text na lang ako kay Arthur."

"Arthur? Is he the guy you met at the memorial park?"

"Yes!" walang gatol niyang sagot. Nakagat niya ang ibabang labi nang maalala ang nakahihiyang eksena kagabi.

"Wait, andyan din siya?"

"At the same resort," sa halip ito ang sagot niya. Mahina siyang tumawa.

"I'm nervous. Maybe that guy is your stalker!" anito sa nag-aalalang tono ng boses. "Ano ang apelyido ng lalaking iyon at magre-research ako tungkol sa kanya."

"Hey, I'm fine. Sad and pathetic amongst the joyful newlyweds of the world, but I'm fine."

Nawala sa kabilang linya si Setti. May narinig na kaunting komosyon sa kabilang linya si Veronica.

"Magkasama sila? Paano kung masamang tao ang lalaking 'yon?"

Ito ang narinig niya. Nakilala niya ang boses nito. Si Monica.

Silang tatlo ay nagtatrabaho sa Collins Empire–main office ng lahat ng business division. Ito'y may tatlumpu't limang palapag na matatagpuan sa hangganan ng high-end area ng Quezon City at pag-aari lamang ng Collins Family.

Parehong nasa Collins Marketing Firm sa 11th floor sina Setti at Monica. Samantala, nasa 18th floor si Veronica kung saan ang Heritage Collins Publishing–ang nangungunang 'Magazine Publisher' sa Pilipinas.

"Hindi ko alam kung paano mo ito ginagawa, Veronica. Gusto ka naming damayan sa iyong pag-iisa." Si Monica na ang may hawak sa cell phone ni Setti. "Nakapagdesisyon na kami."

"Anong napagdesisyunan n'yo?"

"Susunod kami sa iyo sa Destiny Island."

"Oh my gosh! Hindi n'yo kailangang gawin 'yon, Monica."

"Makinig ka sa sasabihin ko, Veronica. Hindi ka namin hahayaang mag-honeymoon nang mag-isa."

Napasapo siya sa noo at umupo sa toilet bowl para ilabas ang tawag ng kalikasan. "Iyon dapat ang pinakamalungkot na bagay na sinabi mo sa akin, but very sweet. Huwag ninyo akong alalahanin. Ayos lang ako. Gusto kong mapag-isa ngayon. Kailangan kong mag-isip nang ilang bagay."

"Like?"

"I don't know. I'll let you know when I figure it out."

Wala namang nagawa ang mga kaibigan niya at nauunawaan naman niya ang mga ito. Kapatid na ang turingan nila. Sanay silang dinadamayan ang isa't isa.

***

PATULOY sa marahan na paglalakad si Veronica. Alas nuebe pa lang ng umaga at napakalamig ng hangin. Maraming turista ang lumalangoy, nagsu-surfing at nagski-skimboarding sa malawak na karagatan. Ang iba'y piniling maglakad sa dalampasigan.

Pinuno niya ng sariwang hangin ang dibdib. Musika sa kanyang pandinig ang mabining hampas ng alon sa dalampasigan. Dinampot niya ang shell na nakita niyang bahagyang nakalubog sa buhangin at inihagis ito sa dagat.

Nang mapagod siya sa paglalakad, tinungo niya ang mga hilera ng green lounger with umbrella. Nagpasya siyang magpahinga muna.

"Hi! Mayroon na bang nakaupo rito?" nakangiting tanong ni Veronica sa dalawang turista. Tingin niya'y mag-asawa ang mga ito at mukhang approchable.

"Isa lang ang upuang bakante. Hindi mo ba kailangan ng isa pa para sa iyong asawa?"

"Hindi, ako lang." Nginitian niya ang babae. Umupo siya sa bakanteng upuan.

"So is your man surfing or not? At the spa or at the breakfast buffet?" muling tanong sa kanya ng babae sa nanunudyong tinig.

"None of the above." Tumawa siya nang mahina. Nagsimula siyang magpahid ng lotion sa braso.

"I'm Franki Montero," pakilala nito at tumingin sa lalaking katabi. "This is Argel. My husband."

"I'm Veronica Aragon." Nakipag-shake hands siya sa mag-asawa.

"Veronica, what is your story?"

"Oh, how much time do you have?" Mapakla siyang tumawa at saka tumingin sa kalangitan para hamigin ang sarili. Alam niyang tungkol sa kanyang buhay pag-ibig ang gusto nitong malaman.

"Second honeymoon namin ngayon kaya may sapat kaming oras para makinig sa love story mo. Is your partner out parasailing or something?"

"Ah-eh," tanging nasabi niya.

"I'm trying to convince my husband to go, but he's afraid of heights." Inihilig ng babae ang ulo sa balikat ng asawa.

"Stop it, sweetheart. Natatakot lang ako para sa iyo. First time mong mag-parasailing. Paano kung may mangyaring hindi maganda? Hindi naman ako superhero." Hinalikan ng lalaki sa ulo nito ang asawa.

Tumikhim siya. Ang mag-asawa'y naglalambingan sa harapan niya.

"Hey, are you two going to any of the activities? They seem to have them every hour at this place."

Wala pa ring ideya ang mag-asawa na mag-isa lang siya. "Mayroon akong ilang pinaplanong gawin, yeah."

"Okay, great." Tumayo si Franki at hinila ang upuan palapit kay Veronica. "Nasaan nga pala ang partner mo?"

"Um-" Hindi na niya natapos ang sasabihin nang may tumapik sa balikat niya.

"Hi!" nakangiting bati ni Arthur kay Veronica.

Kumabog ang dibdib ni Veronica nang masilayan ang maaliwalas na mukha ng lalaki. Napalunok siya nang makita ang matipuno nitong katawan. "H-hi! Y-you're not wearing a shirt."

"I went for sunrise surf. It was super good. You should definitely try."

Narinig ni Veronica ang mahinang tikhim ni Franki. Ipinakilala niya ang lalaki sa mag-asawa.

"Arthur." Nakangiting inilahad nito ang isang kamay.

"I'm Argel. And this is Franki. My dear wife." Nakipag-shake hands ito kay Arthur.

"Veronica, pupunta kami ni Argel sa bamboo hanging bridge. Dapat sumama kayong dalawa," baling sa kanya ni Franki. "Please, please, come on. It is your honeymoon. There are no rules."

Nanlaki ang mga mata niya sa narinig. "Oh, goodness! He's not-"

"Sure!" si Arthur ang sumagot at bumaling sa dalaga. "We're going. Right, gorgeous?"

Naramdaman ni Veronica ang marahang pagpisil ni Arthur sa kanyang balikat. Nag-angat siya ng mukha at nagtama ang mga mata nila.

Wala sa sariling tumango siya. Pakiramdam niya'y nasa ilalim siya ng hipnotismo habang nakatingin sa mga mata nito. "The bamboo hanging bridge is number three on my list."