HINAWAKAN ni Veronica ang kamay ni Arthur at marahang pinisil. Gusto niyang pagaanin ang loob nito.
"Ang pagpaparaya ay hindi mahina at talunan. May mga bagay at tao lang talaga na dapat ng sukuan para hindi na tayo masaktan. Sa tingin ko, ang lakas mo. May lakas ka para hayaang maging masaya ang babaeng mahal mo sa piling ng iba. Kailangan ng lakas ng loob para bitiwan ang isang tao na mahalaga sa iyo dahil gusto mo siyang maging masaya, di ba?"
Tumingin sa kanya si Arthur. Tinitigan siya nito na parang may hinahanap sa kanyang mga mata. Tapos ngumiti ito.
"You're right," sabi nito saka pinisil ang kamay niya.
Biglang nanlaki ang mga mata ni Veronica nang biglang bumigat ang fishing rod na hawak niya. "I think I caught a fish!"
Lumapit ito sa kanya. Hinawakan nito ang spin casting reel ng rod at iniikot iyon nang kaunti. Umikli ang tali at nakita nila ang isang isdang kakawag-kawag sa dulo niyon. Napatalon siya sa tuwa. Tumatawa naman si Arthur. Hawak pa rin nito ang reel habang siya'y hawak ang rod handle.
Masyado siyang natuwa dahil first time niyang namingwit ng isda. Then suddenly she was not laughing anymore. Naging aware kasi siya sa pagkakadikit nila ng binata. Nakadikit ang dibdib nito sa kanyang likod. May nadama siyang kakaibang sensasyon na lumukob sa katawan niya sa pagkakadikit nila. Iyong klase ng sensasyon na dati niyang nararamdaman sa tuwing magkadikit sila ni Greg.
Napamulagat siya sa naisip. Wala sa loob na bumaling siya rito. Yumuko ito sa kanya. Ilang pulgada na lang ang layo ng mukha nila sa isa't isa. Hindi na rin ito nakangiti at malamlam ang mga matang nakatingin sa kanya. Parang gusto nitong kabisaduhin ang bawat parte ng mukha niya.
Gusto niyang iwasan ang tingin nito, ngunit tila nahipnotismo siya sa titig nito. Mabilis ang tibok ng puso niya. Bumaba ang tingin niya sa labi nito. He has kissable lips. She wondered what it would feel like if he kissed her.
Nang ibalik niya sa mga mata nito ang paningin ay nahuli niyang nakatingin din ito sa mga labi niya.
Pareho ba sila ng iniisip?
***
WALA sa sariling hinawi ni Arthur ang hibla ng buhok na tumatabing sa mukha ni Veronica. Inipit niya iyon sa likod ng tainga nito. Parang may sariling isip ang kanyang mga daliri at nakita na lang niyang hinahaplos ang pisngi ng dalaga. Mula sa pisngi ay bumaba ang mga daliri niya sa malambot nitong labi.
Pinilit niyang mag-iwas ng tingin. Nang tingnan niya ang pamingwit, wala na ang isda sa dulo niyon. "It's gone," aniya.
"Huh?" Tila noon lang natauhan ang dalaga na parang nahipnotismo rin ito na tulad niya. "Nasaan na 'yong isda?"
"I don't know."
She was about to speak when the rain started pouring down. Arthur quickly took off his jacket and covered Veronica's head.
"Hold this."
She found the gesture very sweet. "But how about you?"
Ngumiti lang ito. Tinawag nito ang crew na nakabantay sa water bridge at sinabing iiwan na nila ang fishing rods.
Medyo malayo pa ang lalakarin nila para makarating sa land area kaya dumikit siya sa binata at ini-extend sa ibabaw ng ulo nito ang jacket para hindi rin ito gaanong mabasa ng ulan.
"It's okay. I'm already wet," tanggi nito.
"You'll get soaked. Mahaba ang lalakarin natin pababa ng bridge."
Hindi na ito tumanggi pa. Magkadikit ang mga braso nilang tinahak ang daan pababa sa water bridge. Biglang lumakas ang ulan. Habang tumatakbo sila pababa ng tulay ay hindi niya maiwasang mapahagikgik. Nag-e-enjoy siya kahit nababasa na siya ng ulan. Hanggang sa makarating sila sa land area at sumilong sa isang puno.
"Kahit mayabong ang dahon ng puno na nasisilungan natin, may tumutulo pa ring tubig."
Isinahod ni Veronica ang palad sa ulan. "Malayo ang pagitan ng mga puno. Mananatili ba tayo rito o tatakbo tayo pabalik sa restaurant?"
"Mababasa rin tayo kung babalik tayo roon. Malayo, eh."
Nagkibit-balikat ang dalaga. "Kung ganoon wala tayong choice kundi manatili rito hanggang sa tumila ang ulan."
Tumingala siya para tignan ang mukha nito. Dapat siguro'y alisin na nila ang jacket dahil sobrang lapit ng mukha nila sa isa't isa. Pero parang gustong tumutol ng puso niya sa ideya. Gusto niya ang pakiramdam ng pagiging malapit niya rito. Muli niyang naramdaman ang eratikong pagtibok ng kanyang puso.
Their eyes locked. Malamlam ang mga mata nito habang nakatingin sa kanya. Dumako ang tingin nito sa mga labi niya na parang nananabik na halikan siya.
Kumakabog ang dibdib niya sa hindi maipaliwanag na pakiramdam. Nang halos magdikit na ang kanilang mga labi ay bumalik ang tingin nito sa mga mata niya. Siguro tinitingnan nito kung ano ang magiging reaksyon niya kapag hinalikan siya nito.
Veronica, think! hiyaw ng isang bahagi ng utak niya.
Pareho silang nasilaw sa maliit na liwanag na nagmumula sa flashlight. Nakita nila si Dos, ang service van driver ng hotel na tinutuluyan nila at may dalang dalawang payong.
"Nag-alala ako kaya hinanap ko kayo, sir," ani Dos at inabot ang isang payong kay Arthur.
"Salamat," ani Arthur. Tumingin ito sa kanya. "Let's go. Bumalik na tayo sa hotel."
Ibinalik ni Veronica ang jacket kay Arthur. Kinuha naman nito ang jacket sa kamay niya pero para isuot sa kanya. Hindi siya tumanggi nang hawakan nito ang isang kamay niya.
Hindi pa rin bumabalik sa normal na tibok ang puso niya. Hindi pa rin mawaglit sa isipan niya ang eksena kani-kanina lang sa pagitan nilang dalawa ni Arthur.
Damn! It's almost there! Nalalanghap na niya ang hininga nito, ang init ng katawan nito. At nararamdaman niya, nakahanda siyang magpaubaya na halikan nito. Pero si Dos kasi, ang sama ng timing!
Natilihan siya sa mga tumatakbo sa isip niya. Dapat magpasalamat siya na dumating si Dos at hindi natuloy ang halik. Nakaalalay pa rin sa kanya si Arthur hanggang sa pagsakay niya sa van.
Wala pang tatlumpung minuto, nakarating na sila sa hotel. At kasalukuyan silang nakatayo sa harap ng suite niya. Tumanggi siyang ihatid nito pero nagpumilit pa rin ito.
"Thank you for the wonderful moment with you tonight. Good night, see you tomorrow."
"Good night, Arthur."
Pinapasok muna siya nito sa kanyang suite bago umalis. Ilang minuto rin siyang nakatulala bago niya naalala ang jacket ni Arthur na suot pa rin niya. Hinubad niya 'yon at binuksan ang pinto, ngunit nakaalis na ang binata.
Napatingin si Veronica sa jacket na nasa kamay niya. Hindi niya mapigilan na mapangiti. Hindi niya alam kung para saan ang ngiting iyon. Ang alam lang niya'y masaya siya sa mga sandaling iyon.