Chereads / Whirlwind Romance... / Chapter 22 - Chapter 22

Chapter 22 - Chapter 22

ANG suite ni Veronica ay nasa ikaapat na palapag, ngunit natagpuan na lamang niya ang kanyang sarili na lumabas ng elevator sa ikaanim na palapag. Maraming bagay ang gumugulo sa kanyang isipan at isa sa mga iyon ang natuklasan niya kay Greg-na kayang ipagpalit ang pag-ibig para lang sa sariling kasiyahan.

Minahal niya ang dating katipan nang walang pag-aalinlangan. Kailanma'y hindi siya nagtaksil sa kanilang relasyon.

Mabilis na naka-move on si Veronica matapos hindi sumipot si Greg sa araw ng kanilang kasal. Dahil naniniwala siya na ang tamang mentalidad ay makakatulong para malampasan ang isang heartbreak.

The first step is acceptance... and acknowledging.

At hangga't maaari ay ayaw niya nang makipagbalikan sa kanyang ex-boyfriend, kapag tapos na ang relasyon, that's it-at wala nang dahilan para magkabalikan pa. Totoong mahirap magsalita nang tapos pagdating sa pakikipagrelasyon, pero para sa dalaga, kapag nasira na ang relasyon, napakahirap nang ibalik ang tiwala.

Napabuntong-hininga siya. Sinipat niya ang suot na relo. Alas nuebe pa lang ng gabi. Mangilan-ngilang indibidwal ang nakita niyang naglalakad sa pasilyo. Hindi pa siya nakakabalik sa kanyang suite nang bumalik sila ni Arthur sa hotel mula sa kanilang pamamasyal sa Majestic Forest.

Napaungol siya nang maramdaman ang pananakit ng kanyang balikat. Ngayon lang niya naramdaman ang bigat ng kanyang backpack. Naligo siya kasama ang binata kanina at nasa loob ng bag ang mga basang damit na hinubad niya.

Habang naglalakad si Veronica sa pasilyo ay lumilibot din ang kanyang mga mata sa paligid, at nalaman niyang may mga Executive Room pala sa ikaanim na palapag ng hotel.

Isa-isa niyang pinagmasdan ang Framed-Arts-in hotel hallway hanggang sa makarating siya sa dulo ng pasilyo.

Tumingin siya sa kaliwa ng pasilyong pahalang, at nakita niya ang dalawang taong nag-uusap ng masinsinan. Isang babae at isang pamilyar na bulto ng lalaki na nakatalikod sa kanya.

Arthur!

Tumahip ang dibdib niya at tila may sariling isip ang kanyang mga paa na nagsimulang maglakad palapit sa dalawa.

Napatingin sa kanya ang babaeng kausap ni Arthur, ngunit saglit lang at binalik ang tingin sa lalaki.

Dianna! hiyaw ng isang bahagi ng utak niya.

Nakita na niya ang larawan nito sa cell phone ng binata. Maganda ang babae. Hindi ito katangkaran, hula niya'y nasa 5'2 ang taas nito, pero dahil siguro sa nakaayos nang mabuti, mas lalong kahali-halinang tingnan ang maamo nitong mukha. Ang buhok nito ay maikling-maikli. It looked very chic. Her clothes were very casual, but she screamed class and quiet elegance.

Hindi niya alam kung bakit naririto ang dalaga. Wala namang nabanggit sa kanya si Arthur na darating ito, pero naisip niyang hindi kailangang ipaalam ng binata sa kanya ang bagay na iyon.

"I've missed you so, Arthur."

"And I've missed you, Dianna. Ang tagal na. Bakit ngayon ka lang nagpakita sa akin?"

Nakita ni Veronica kung paanong niyakap ni Arthur si Dianna. Napasapo siya sa kanyang dibdib nang bigla iyong kumirot. Parang tinutusok ng karayom ​​ang puso niya nang paulit-ulit. Hindi siya masasaktan nang ganito kung hindi niya ito mahal.

What a life! Bakit ang daming nangyayari sa loob lang ng isang araw?

Sa tindi ng pagkabigla, hindi na niya nakuhang umiyak.

"Kailangan kong gumawa nang ilang mga desisyon, Arthur. Kailangan kong makapag-isip," si Dianna.

"Naiintindihan kita kaya lang ay 'di ka man lang tumawag. Matagal din ang pinagsamahan natin, natural lang na mag-aalala ako sa 'yo, 'di ba?"

"I've decided to leave Brix. Walang mangyayari kung ipagpapatuloy ko pa ang relasyon namin. Lagi na lang akong second choice. Lagi na lang akong option... ng mga lalaking minahal ko." Tumigil sa pagsasalita ang babae dahil hindi na nito napigilan ang mga luha. "Walang-wala na ako. Kahihiyan at wasak na puso na lang ang mayro'n ako."

Inalo ito ng binata. "I'll always be here for you, Dianna. You know that, right?"

God, gusto nang umalis ni Veronica pero para siyang itinulos sa kinatatayuan.

"I loved you, Dianna," sabi ni Arthur nang hindi umimik ang babae. "I always thought-"

This was the last thing she wanted to hear. Inipon ni Veronica ang lahat ng lakas na mayroon siya at pinilit na pakilusin ang mga paa. Hindi na matagalan ng dalaga ang pakikinig sa usapan ng dalawa. Parang sa bawat salitang bigkasin ng mga ito'y may bahagi ng puso niya ang nadudurog.

Nagsimula siyang maglakad na parang robot. Patuloy na umiikot sa isip niya ang mga katagang sinabi ni Arthur. Hindi para sa kanya, kundi para sa babaeng tunay nitong minahal. "I love you..."

Naalala niya ang pinagsaluhan nilang halik ng binata sa Emerald falls. Naisip niyang nangyari iyon dahil na rin sa kagustuhan niya.

She felt like such a fool. Isang pagkakamali ang umibig siya kay Arthur. Napakadaling umusbong ang damdaming iyon.

Nakasalubong niya si Vivi, ang front desk receptionist. Binigyan niya ito ng pilit na ngiti nang batiin siya nito. Sumakay siya sa elevator. Sumandal siya sa dingding saka napapikit.

Napadilat siya nang marinig ang elevator jam. Bumukas ang elevator pagkarating sa ikaapat na palapag ng hotel kaya agad siyang lumabas.

Pagdating sa suite niya, nagpalit lang siya ng damit, saka humiga kahit alam niyang malabo siyang makatulog. Bumangon siya at naisipang uminom ng wine.

Napangalahati niya ang bote ng wine bago siya nahilo at nakatulog. Nakarinig siya ng mga katok sa pinto ngunit hindi niya 'yon pinansin. Ibinaon niya ang mukha sa malambot na unan at muling nakatulog.