MAAGANG nagising si Veronica. Kabilang siya sa limang turista na gustong subukan ang water bike. Pagkatapos ng orientation ay isinuot na niya ang life jacket.
Marunong naman siyang magpatakbo ng bisikleta. Pero ito ang unang beses na susubok siya ng water bike. Nang una'y nanginginig ang mga binti niya, kalauna'y kumalma na rin ang pakiramdam niya.
She felt so alive. She seems to be alone in the world. The sun beating down on her, the wind whistling softly cooling her skin. Hindi lang niya nakita ang ganda ng dagat, nakapag-exercise pa siya. Pagkalipas ng kinse minutos, umahon na siya sa dagat.
Naglalakad-lakad siya sa dalampasigan nang may isang lalaking umahon sa dagat na may dala-dalang surfing board. Nakuha nito ang atensiyon niya. Nakasuot ito ng itim na shorts at walang suot pang-itaas. Hindi niya maiwasang mapalunok sa taglay na alindog at kakisigan nito. At kahit nakasuot ng sunglasses, kilalang-kilala niya ito.
"Whoops! I'm sorry," hinging paumanhin ni Veronica sa isang lalaking teenager na nabangga niya. Hiyang-hiya talaga siya. Paano'y hindi maalis ang tingin niya kay Arthur habang naglalakad.
Ngumiti lang sa kanya ang lalaki at nagpatuloy na sa paglalakad.
"Hi, Veronica!" anang baritonong boses.
Hindi niya namalayan na nakatayo na pala si Arthur sa tabi niya. Isang matamis na ngiti ang isinukli niya rito.
"Maaga ka rin nagising?" tanong niya sa kawalan ng sasabihin. Todo iwas siya ng tingin sa hubad nitong katawan.
"If you want the truth, hindi ako halos nakatulog kagabi." Nakatitig ito sa kanyang mga labi.
Alam niyang may ibig sabihin ang sinabi ng binata. Pinamulahan siya ng mukha, pero nakuha pa rin niyang tuksuhin ito. "Naughty!"
Napangiti ito. "Kasama ba sa listahan mo ang trekking?"
"No," kibit-balikat na tugon niya.
"Gusto mo bang maranasan mag-trekking? Bukod sa Destiny Island, isa rin sa ipinagmamalaking pasyalan ng lalawigan ng Amaya ang Majestic Forest–kung saan matatagpuan ang Emerald Falls."
Naantig ang kuryosidad ni Veronica. Pinaunlakan niya ang paanyaya ni Arthur sa kagustuhan niyang makita ang Majestic Forest.
"Nakapag-breakfast ka na ba?"
"Hindi pa. Pero parang gusto kung uminom ng kape."
"Ako na ang pupunta sa 'Lover's Cafe' para bumili ng hot coffee at breakfast natin–my treat. Hintayin mo na lang ako sa umbrella cottage," aniya matapos itong pasadahan ng tingin. Hindi malabong pagkaguluhan ito ng mga kababaihan.
Sa tuwing magkasama sila ni Arthur, madalas na ito ang bumili ng kanilang pagkain. Kung minsa'y nahihiya na nga siya sa panlilibre nito sa kanya.
Napakamot sa panga si Arthur. "I should be the one doing that–"
"Ano ka ba? Hindi naman kabawasan ng kagwapuhan mo kung ililibre kita ng almusal," agap niya. Huli na nang ma-realize niya ang sinabi.
Pilyong ngumiti ang binata. "Ibig sabihin nagagwapuhan ka sa akin?"
"Naku, maiwan na kita at baka marami nang pila sa 'Lover's Café'!" iwas niya at tinalikuran na ito. Umabot pa sa pandinig niya ang tawa ni Arthur. Loko talaga ang lalaking 'yon!
***
SI Dos ang naghatid sa kanila sa sakayan ng jeep. Makalipas ang dalawampung minuto'y nakarating na sila sa lugar kung saan sila magsisimulang mag-trek.
"Pahinga muna tayo. Pagod na ako," sabi ni Veronica saka naupo sa nakausling ugat ng puno. Isang oras na silang naglalakad ngunit hindi pa sila nakakarating sa Emerald Falls. Hinimas niya ang mga binti nang kumirot. Hindi na niya mabilang kung ilang beses siyang natapilok sa mga ugat ng puno. Kung hindi sa pag-aalay ni Arthur, baka puro bangas na ang mukha niya.
"Malapit na tayo," ani Arthur na ang mga mata'y nakatutok sa hawak na mapa.
Sampu silang turista na pumasok sa Majestic Forest. Ang iba'y nauna nang pumunta sa Medusa Cave. Habang sila ni Arthur, binabaybay nila ang daan kung saan matatagpuan ang Emerald Falls.
Nakita niyang inilagay ng binata ang mapa sa bulsa ng backpack nito. Lumapit ito sa kanya at inilahad ang isang kamay. Tinanggap niya ang kamay nito at hinila siya patayo. Napamaang siya nang lumuhod ito patalikod sa harap niya.
"What are you doing?" nagtatakang tanong ni Veronica.
"Papasanin kita hanggang sa Emerald Falls."
Hinila niya patayo si Arthur, pero dahil malaking lalaki, hindi man lang ito natinag. "Nagpahinga na ako. Handa na akong maglakad ulit–"
"I insist," putol nito sa sasabihin ng dalaga. "Alam kong pagod ka na."
Sinubukan niyang tumanggi muli ngunit nagmatigas ito. Napilitan din siyang pumasan sa likod nito. Inaasahan niyang magrereklamo ito na mabigat siya ngunit nanatiling tikom ang bibig nito. Habang naglalakad si Arthur ay lihim namang napapangiti si Veronica.
"Let's take a picture," sabi ni Arthur.
Nakapatong ang baba niya sa balikat nito kaya halos magdikit ang kanilang mga labi nang bigla itong lumingon para makita siya. Amoy na amoy niya ang mabango nitong hininga. Bumilis ang tibok ng kanyang puso at naramdaman ang pag-iinit ng kanyang mga pisngi.
"S-sige," pagpayag niya.
Nakasalubong nila ang isa sa tatlong tour guide. Pinakiusapan ito ni Arthur kung puwede silang kuhanan ng litrato. Pasan pa rin siya ng binata. Bababa na sana siya mula sa likod nito ngunit mabilis siyang pinigilan.
"Smile," halos pabulong nitong sabi pero umabot sa pandinig ng dalaga.
Sinubukan ni Veronica na ngumiti pero hindi siya mapakali. Nagkaroon ng pagkabalisa sa loob niya.
"Isa pa," utos ng tour guide sa kanila. Dalawang beses silang kinunan ng litrato gamit ang cell phone ni Arthur.
"We look good," komento ng binata habang pinagmamasdan ang picture nila. Na sinang-ayunan naman ng dalaga. "We look good together."
Nagkaroon yata bigla ng mga mata ang puso niya sa sinabi nito. Alam ni Veronica ang nangyayari sa kanya. Ang mga butterfly sa kanyang sikmura, ang eratikong humahaplos sa puso niya, ang sparks, at ang masayang pakiramdam.
She was falling.