KATATAPOS lang nila mag-breakfast ni Arthur nang bumukas ang entrance door ng 'Lover's Cafe'. Bumungad sa paningin nila ang masayang mukha nina Franki at Argel.
"Franki!" tawag ni Veronica sa babae. Itinaas niya ang kamay at kinampayan ito.
"Hello there!"
Umupo sa katabing table nila ang mag-asawa.
"Coffee?" alok ni Argel sa kanila.
"Katatapos lang namin," siya ang sumagot.
"Mamaya, sasali kami ni Franki sa couple flyboarding competition. Mapilit itong misis ko kaya pumayag na ako. Sumama kayong dalawa."
"Couple flyboarding competition?" Tumingin siya kay Arthur. Napag-usapan nila kanina ang tungkol sa flyboarding. Ngumiti ito sa kanya sabay taas ng isang kilay. "Pass ako. Papanoorin ko na lang kayo."
"Come on. It'll be fun," masiglang sabi ni Arthur at ngumiti. Pinagsalikop nito ang mga kamay. "Please?"
Lihim siyang napa-wow! Isa sa best feature ng lalaki ang malalim na dimples nito sa magkabilang pisngi.
"Oh my goodness. Okay, fine!"
Nabaling ang tingin niya kay Franki nang magsalita ito. "Well, may the best honeymooners win."
"We will," pagyayabang niya sabay tawa nang mahina.
Ilang minuto pa silang nanatili sa 'Lover's Cafe' bago nagpaalam sa isa't isa.
"All right. I'm going to change. I'll see you in ten minutes?"
"Yeah."
"Bye!" Kumaway pa siya kay Arthur. Ngunit nagtaka siya nang sumunod ito sa kanya.
"Ihahatid na muna kita sa suite mo," sabi nito at sinabayan siyang maglakad patungo sa elevator.
***
NAKINIG nang mabuti si Veronica sa sinasabi ng instructor sa mga sumali sa couple flyboarding. Mga panuntunang dapat tandaan upang hindi mapahamak.
Samantala, hindi maiwasan ni Arthur na pagmasdan ang babaeng nakatayo sa tabi niya. Veronica is wearing a see-through white dress with a nude two piece underneath. Walang anggulo nito na hindi masasabing seksi. Hindi kataka-taka na ang mga male species na tulad niya'y ayaw itong lubayan ng tingin.
"Baka matunaw naman ako," biro sa kanya ng dalaga. Nahuli siyang nakatingin dito.
Yumuko si Arthur at inilapit ang bibig sa earlobe nito. "Masyadong revealing ang suot mo." She had the curves men would droll for. "T-they're looking at your lovely body."
Matangkad siya kaya kailangan mag-tiptoe ng dalaga para marinig niya ang sasabihin nito.
"They're just looking. It's not as if they're going to touch me. At saka ngayon lang 'to 'no."
Hindi na umimik si Arthur. Nang mapadako uli ang tingin kay Veronica ay napalunok siya.
"Mr. and Mrs. Morri!" tawag-pansin ni Franki sa kanila. Nasa mga mata nito ang dalawang daliri bago itinuro kay Veronica. Parang sinasabing, 'I'm watching you, girl!'.
"All right, let's do this." Kumapit siya sa isang braso ni Arthur. Nginitian niya si Franki at ginaya ang sinabi nito kanina nang nasa 'Lover's Cafe' sila. "May the best honeymooners win!"
"Couples ready?" Si Vivi ang may hawak sa mikropono.
Anim na pares lamang sa kanila ang lumahok sa couple flyboarding. Maraming turista ang naroon upang manood, kumuha ng litrato at video.
"You're going down, Mr. And Mrs. Veronica," kantiyaw sa kanila ni Franki. Alam niyang nagbibiro lang ang babae.
"Wait, there's prizes?" pabulong na tanong sa kanya ni Arthur.
"Hindi ko alam. Hindi ako interesado sa premyo," pag-amin niya. "Tulad ng sinabi ko sa iyo, gusto ko lang maranasan ang flyboarding."
Muling kinuha ni Vivi ang atensyon ng mga kalahok. "On your mark, get set, go!"
"Let's give them a show," bulong sa kanya ng binata sabay hapit sa baywang niya.
***
HUMIGPIT ang yakap ni Veronica kay Arthur. Walang suot na pang-itaas ang lalaki kaya naramdaman niya ang mainit na singaw ng katawan nito.
"Natatakot ako, Arthur." Itinago niya ang mukha sa pagitan ng matipunong dibdib nito.
"Don't be. I'll take care of you," sabi nito sa mahinang tinig. "At saka bawal ka na mag-back out."
Naramdaman ni Veronica ang tubig mula sa kanyang baywang pababa sa tuhod. Nagsimulang manginig ang kanyang mga binti. Pero panandalian lang iyon dahil pinayapa siya ng matigas na braso ni Arthur na ngayo'y nakapulupot sa kanyang baywang.
Impit siyang napatili nang hindi na niya maramdaman ang tubig sa kanyang mga paa na nakaapak sa board sa gitna ng mga paa ni Arthur. Pumikit siya at ipinatong ang kanang pisngi sa dibdib ng binata. Naririnig niya ang mabilis na tibok ng puso nito.
"Open your eyes!" pasigaw na sabi ni Arthur para marinig niya.
Nag-angat siya ng mukha. Sinalubong siya ng hangin at pakiramdam niya'y sandaling humiwalay ang kanyang kaluluwa sa katawan niya nang umangat sila. Dahan-dahan siyang nagmulat. Ang kulay-kape na mga mata ng binata ang una niyang nakita. Nakatitig ito sa mukha niya na may ngiti sa labi.
"Take a deep breath at sa akin ka lang tumingin," utos nito na may kumislap na amusement sa mga mata, na naging dahilan ng bahagyang paninikip ng kanyang lalamunan sa hindi niya malamang kadahilanan.
Sinunod niya ang sinabi nito. Masarap sa pakiramdam na parang lumilipad ngunit halos mabingi siya sa kabog ng kanyang dibdib. Hindi siya tumutol nang hawakan ni Arthur ang isang kamay niya at tila sumasayaw sila ng isang awiting romantiko habang nasa ere.
Tuluyan nang nawala ang takot niya. Ngayo'y nakangiti na siya habang nakatitig sa mga mata nito. Ibinuka niya ang mga braso na para ba siyang si Rose sa pelikulang Titanic.
Binuhat siya ng binata. Umikot sila habang nakataas ang kanyang mga paa. Nagtitili siya. Hindi dahil sa takot, kundi sa saya na hindi niya mahanapan ng paliwanag.
"Ready?"
Bago pa siya makasagot ay nakakapit na ang mga binti niya sa baywang nito. Umangat sila at bumaba. Gumuhit sila ng hugis puso sa ere.
Masayang naghiyawan ang mga nanonood.
Napasigaw sa tuwa ang babaeng may hawak ng camera. Kinunan ng litrato at video, sina Veronica at Arthur. "So guys! Sino sa tingin ninyo ang mananalo sa couple flyboarding? They look good together. Inggit ako!"
Samantala, isang matamis na ngiti ang gumuhit sa mga labi ni Veronica habang dahan-dahang bumababa sila ni Arthur sa tubig.