NAGISING si Veronica sa tunog ng kanyang cell phone. Naniningkit pa ang mga mata na kinapa niya sa ibabaw ng nightstand ang aparato.
Ang kapatid niya ang caller. "Camille?"
"Kumusta, Ate?"
"Okay lang naman ako," aniya sa bahaw na boses. Bumangon siya at binuksan ang ilaw. Seven o'clock na ng gabi ayon sa wall clock.
"Hindi ka man lang tumawag, o nag-message na nakarating ka na sa isla. Nag-alala kami sa iyo." May bahid ng inis ang tinig nito. "Si Kuya Greg, alam ba niyang nasa Destiny Island ka?"
"Nakatulog ako at kagigising ko lang. Si Greg, hindi niya sinasagot ang mga tawag ko. Pero pinadalhan niya ako ng voicemail." Ginaya niya ang voicemail. "This is Greg, leave me a message. Can you imagine that?"
Narinig niya ang malalim na paghinga ng kapatid. "Kumusta ka naman diyan? Alam kong nasasaktan ka pa rin sa nangyari sa relasyon ninyong dalawa ni Kuya Greg."
"Ayos lang ako." Kahit ang totoo'y hungkag pa rin ang pakiramdam niya. Bago siya matulog kanina, ini-stalk niya lahat ng social media accounts ni Greg. Ang profile picture ng lalaki sa fizbook ay picture pa rin nilang dalawa pero binago ang status nito. Single.
"Sigurado ka bang okay ka lang?" May bahid ng pag-aalala sa boses nito.
"Yeah. You know what, na-miss ko lang siya."
"Nararamdaman ko sa boses mo na mahal mo pa rin siya."
"You know, I don't even know if I know what love is anymore. Oh, and if that wasn't it, what is?"
"Well, maybe that's what you need to figure out." Narinig niya ang pagbuntong-hininga sa kabilang linya ng kapatid. "Get some rest. I will call you tomorrow."
"Okay. Bye, I love you, sis!"
Nang mawala ang kapatid sa kabilang linya, kinuha niya ang alak sa refrigerator at nagsalin sa isang wine glass. Hindi na siya nag-abalang magsuot ng tsinelas. Nagtungo siya sa terrace habang sumisimsim ng alak.
Niyakap niya ang sarili nang dumampi sa kanyang balat ang malamig na hangin. Ang kaninang mabigat na pakiramdam ay biglang nawala nang makita ang maliwanag na parola na natatanaw niya mula sa terrace ng kanyang silid. Madilim pero kitang-kita pa rin ang magandang landscape.
Mabilis niyang kinuha ang cell phone at kinuhanan ng litrato ang parola. May ngiti sa labi na hinanap niya ang 'I✓list'. Pangalawa ang lighthouse sa kanyang listahan.
Umalis siya ng terrace at naligo. Pagkatapos magbihis, lumabas siya ng kuwarto at naghanap ng makakainan.
***
PAGKATAPOS mag-dinner, nagpasya si Veronica na mamasyal. Marami pa ring turista ang naliligo at namamasyal sa dalampasigan tulad niya.
Pinakinggan niya ang musikang likha ng bawat hampas ng alon sa dalampasigan. Hinubad niya ang suot na tsinelas at binitbit. Nakapaa siya nang lumusong sa mababaw na bahagi ng dagat.
Napasinghap siya nang maramdaman ang malamig na tubig-dagat. Nilalaro ng kanyang daliri sa paa ang pinong buhangin. Pumikit siya at hinayaan tangayin ng dalampasigan at karagatan ang mga alaalang nagpapabigat sa kanyang kalooban.
Hindi kalayuan sa kinaroroonan ni Veronica, isang pares ng mga mata ang nagbabantay sa kilos ng babae.
Nakaupo si Arthur sa isang umbrella cottage. Umiinom siya ng kape at pinapanood ang mga turistang naliligo nang mahagip ng kanyang mga mata si Veronica.
Wow! bulong ng binata sa hangin. Casual white dress ang suot ng babae. Ang mahabang buhok nito'y malayang tinatangay ng hangin. Para itong diyosa ng karagatan sa paningin niya.
Naibuga niya ang iniinom na kape nang makitang patungo sa malalim na bahagi ng dagat si Veronica. Hindi na siya nagdalawang isip. Hinubad niya ang T-shirt at patakbong pumunta sa dalampasigan.
May nakasalubong siyang dalawang matikas na lalaki. Parehong walang suot pang-itaas at may hawak na tag-isang bote ng alak.
"Desidido ang CEO ng Collins Construction & Development, na bilhin ang hacienda na ipinamana sa iyo ni Don Lucio."
"Hindi ko hahayaan na mawala ang 'Hacienda Beltran' na iningatan ng aking abuelo, ng pamilyang aking pinagmulan. Dylan, hindi ko hahayaang matapos ito sa aking henerasyon. Gagawin ko ang hiling ni Lolo Lucio, huwag lang matupad ang masamang plano ni Tito Demon."
Natigil sa pagtakbo si Arthur. Ang isa sa dalawang lalaking nakasalubong niya ang may-ari ng 'Hacienda Beltran'-isa sa mga lupang gusto nilang bilhin para sa pagpapalawak ng 'Healthy Meat Sausage Production & Meat Machine Manufacturer'.
Wala pa rin siyang balita tungkol sa pakikipag-usap ng CEO ng Collins Construction & Development Corporation sa apo ni Don Lucio. Sinundan niya ng tingin ang dalawang lalaki. Naalarma siya nang bigla niyang maalala si Veronica.
Shit! mura niya sa hangin. Hanggang leeg na ng babae ang tubig. Anong balak niyang gawin?
Agad na lumusong sa tubig si Arthur. Tiyak ang patutunguhan. Lumangoy siya patungo sa kinaroroonan ng babae.
Napasinghap si Veronica nang may maramdamang mga braso na nakayapos sa kanyang baywang. Kahit nasa ilalim siya ng tubig ay ramdam na ramdam niya ang pagtayo ng mga balahibo niya sa katawan. Ang isang kamay ng pangahas ay nakakapit sa isang dibdib niya.
"Arthur!" Mumurahin niya sana ito ngunit bigla itong nagsalita.
"What are you thinking, woman?!" bulyaw nito sa kanya sa galit na boses. Hinila siya nito at niyakap nang mahigpit. "You scared me to death! Paano kung hindi agad kita nakita, ha? Paano kung nalunod ka?"
At saka lang niya napagtanto na hanggang leeg na pala niya ang taas ng tubig na kinaroroonan nila. Inalihan siya ng takot. Ang tanging natatandaan niya'y nasa dalampasigan siya, hinayaan ang karagatan na tangayin ang mga alaala na bumabagabag sa kanyang isipan. Pero hindi niya inaasahang matatangay rin pala siya nito.
Pinangko siya ni Arthur. Nangunyapit naman siya sa leeg nito habang nakasubsob ang kanyang mukha sa pagitan ng mapintog nitong dibdib. Nanginginig pa rin siya sa takot.
"Ssh... Relax," pang-aalo nito sa kanya. Naramdaman nito siguro ang panginginig ng kanyang katawan. Nag-angat siya ng mukha. Kitang-kita niya ang paggalaw ng lalagúkan nito.
Nakaahon na sila sa dagat pero hindi pa rin siya binababa ni Arthur. Nang marating nila ang isang umbrella cottage, kinuha lang nito ang T-shirt na nakasampay sa isang deckchair at pumasok na sila sa lobby ng hotel.
"Y-you can put me down." Nahihiya siya dahil pinagtitinginan sila ng mga taong nakakasalubong nila.
"No."
Napakapit siya sa matipunong braso ni Arthur habang papasok sila sa elevator.
"My suite is on the fourth floor."
Tumango lang ito. Pinindot niya ang elevator keypad. Ibinaba lang siya ng lalaki nang nasa tapat na sila ng suite niya. Hindi niya ito niyaya na pumasok sa kanyang silid. Lalaki ito at babae siya. Maraming puwedeng mangyari kung pareho silang mahina sa tukso.
"Alam ko kung ano ang tumatakbo sa isip mo, Arthur. Huwag mo akong alalahanin. Ni minsan hindi sumagi sa isip ko na tapusin ang buhay ko.
"Uh-" tanging nasabi nito at hindi makatingin sa kanya.
"Gusto ko lang talagang maglakad-lakad sa dalampasigan para gumaan ang loob ko. Hindi ko namalayang nasa malalim na bahagi na pala ako ng tubig." Napakamot siya sa pisngi. "Bakit hindi ka makatingin sa akin, hindi ka ba naniniwala sa sinasabi ko?"
Tumingin ito sa kanya. Agad na uminit ang pisngi niya nang mapansin niyang napatingin ito sa dibdib niya na bakas sa basang damit na suot niya. Napatingin siya sa sarili. Pakiramdam niya nanlaki ang ulo niya nang makitang nakalas ang halter neck back tie-up bralette na suot niya.
Mabilis niyang pinagkrus ang mga braso sa kanyang dibdib. Pakiramdam niya'y lulubog siya sa kinatatayuan dahil sa nararamdamang hiya.
Nang muli siyang tumingin dito, napansin niyang iniiwasan na nitong muling mapatingin sa katawan niya. Gayunpama'y nahagip pa ng tingin niya ang paglunok nito.
"S-sige, maiwan na kita. Get some rest, Veronica. Good night!"
Hindi na siya sumagot. Napasandal siya sa likod ng pinto matapos i-lock iyon. Ramdam niya ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso. Nagba-blush pa rin ang pakiramdam niya. Nasabunutan niya ang sarili sa inis.