MULA nang hindi natuloy ang kasal nila ni Dianna, hindi na rin nagparamdam sa kanya ang babae. Nabalitaan na lang niyang iba na ang may-ari ng condo na binili niya para rito. Nasaktan siya sa pang-iiwan nito sa kanya lalo na't wala itong maayos na paliwanag.
Ipiniling ni Arthur ang ulo. Huminga siya nang malalim saka binuksan ang drawer at kinuha ang cell phone niya. Nagtatalo pa ang puso't isip niya kung tatawagan ang dating nobya.
Nag-type siya sa mobile keyboard.
Love, kamusta ka? I just want to let you know na hindi ako galit sa naging desisyon mo. Umaasa pa rin akong magkaayos tayo. Handa pa rin akong tanggapin ka sakaling ma-realize mong ako ang mahal mo.
Pero hindi niya na-send ang mensahe dahil tumawag ang kapatid niya.
"How was your flight, dear brother?"
Napangiti siya. Mula nang maging open siya sa damdamin niya sa kapatid, naging close na silang dalawa. Kung dati ay madalas itong nasa abroad, ngayong may asawa na ito'y mas gusto nitong nasa Pilipinas.
Ang Del Prado International Hotel na pag-aari ng kanyang kapatid na si Zeus Del Prado ay kabilang sa dalawampung pinakamalaking hotel chain sa mundo. Magkaiba sila ng ama at parehong ulila na sa mga magulang. Lumaki ito sa Amerika kasama ang milyonaryong ama, habang siya'y naiwan sa Pilipinas sa pangangalaga ng kanilang nasirang ina. Idolo niya ang kapatid. Totoo ang sinabi ni Dianna, lagi siyang nasa ilalim ng anino ng kapatid. Pero hindi ngayon, marami na ang nagbago.
Akala niya hindi siya mahal ng kapatid, dahil dominante ito at walang tiwala sa kanyang kakayahan pagdating sa negosyo. Ngunit lingid sa kaalaman niya, inilipat na pala nito sa pangalan niya ang kumpanya na ipinamana sa kanilang magkapatid ng nasirang ina. Ang Healthy Meat Company. Nalaman lang niya 'yon nang hindi natuloy ang kasal nila ni Raquel Vargas-marriage for convenience. One and a half year marriage contract.
Iba ang nagagawa ng tunay na pag-ibig. Dahil ang babaeng gustong sirain ng kanyang kapatid ay ang babaeng naging asawa nito.
"Walang problema sa flight ko. Pero may konting misunderstanding lang sa destinasyon ko, imbes na Serpent Island, nasa Destiny Island ako." Humakbang siya palapit sa sliding window at binuksan ito. Mula sa kinatatayuan niya, tanaw niya ang malawak na karagatan. "Nandito rin siya."
"Sino?" Mayamaya'y narinig niya ang mahinang tawa nito sa kabilang linya. "Wait, I think I know who you're talking about. That girl you met at the memorial park. She's there too?"
"It's funny, right?" Hindi niya namalayang napapangiti na siya nang maalala si Veronica.
"At the same resort?"
"Yes."
"Mighty strange coincidence," anito sa nanunuksong tinig. "Ano nga pala ulit ang buong pangalan niya? I'm going to do a background check on her."
"Silly!" Ilang minuto pa silang nag-usap magkapatid. Inalam lang naman nito kung ligtas siyang nakarating sa isla at bigla na itong nawala sa kabilang linya.
Isinara na niya ang bintana. Tinungo naman niya ang kinaroroonan ng kanyang bag at kumuha ng damit. Balak niyang maligo bago umidlip. May jetlag pa siya kaya gusto niyang magpahinga bago mamasyal sa dalampasigan.
***
AKMANG hahawakan ni Veronica ang seradura nang may tumawag sa pangalan niya.
"Ma'am Veronica, sandali!"
"Ikaw pala, Vivi." Ang front desk receptionist. Nginitian niya ito. Nagulat siya nang bigla itong humarang sa pinto dahilan para mapaarko ang isang kilay niya.
"The room's not ready!" hinihingal na sabi nito. Nakasandal ito sa pinto habang nakabuka ang mga braso.
"Sabi mo handa na ang kuwarto."
"Pasensya na po, ma'am, 'yon din kasi ang akala ko." Hindi pa rin nito binababa ang mga braso. "May inaayos pa sa loob ng kuwarto."
Biglang bumukas ang pinto ng kuwarto. Nagulat pa ang isang babaeng may dalang basket nang makita silang nakaharang sa pintuan.
"Let me in, Vivi."
Wala na nga itong nagawa kundi papasukin siya. Laking gulat niya nang makita ang mga talulot ng rosas sa sahig at sa ibabaw ng kama. May mga floating balloon, umaapaw na chocolates sa isang rattan plate at dalawang bote ng wine.
That's explained kung bakit ayaw siyang papasukin ni Vivi sa kuwarto. Alam ng babae na nagho-honeymoon siyang mag-isa. Nag-aalala lang ito sa maaaring maramdaman niya.
"Sarah, pakikuha ang rose petals at welcome basket at ilagay mo sa kusina," utos ni Vivi sa babaeng room attendant.
"And burn them," dagdag ni Veronica.
"At sunugin mo ang mga 'yan," ani Vivi na nakangiwi ang bibig. Humarap ito sa kanya. "I'm so sorry, ma'am. Hindi ko nabanggit sa kanila na-"
"Ayos lang, Vivi." Nilapitan niya ang room attendant at kinuha ang dalawang bote ng alak sa kamay nito. "I'm taking this, Sarah. And the dessert staff."
Inilibot niya ang paningin sa apat na sulok ng silid nang mapag-isa siya. Malaki, malinis at mabango. Bukod sa fully-carpeted, naka-on na rin ang aircon sa kuwarto. Mayroon ding LCD TV, refrigerator at iba pang mamahaling kagamitan. Nakuha ng queen-size bed ang kanyang atensyon, na para bang inaanyayahan siyang humiga.
Binuksan niya ang isang pinto na alam niyang banyo. Napaawang ang bibig niya sa nakita. Black and gold plated bathroom. Sa loob nito'y may sariling glass shower room kung saan nagsisilbing harang upang hindi maglusak ang tubig. Sa kaliwang bahagi nama'y may built-in na hugis-itlog na bathtub kung sakaling gustong mag-relax ng naliligo habang nakababad sa bubble bath.
At sa kanang bahagi ay isang toilet bowl na mayroon ding built-in na closet kung saan naroroon ang first-aid kit, toilet necessity at mga gamit panligo. Kapansin-pansin din ang bathroom set, tulad ng tuwalya at face towel na kulay itim na may gintong disenyo.
Sa sobrang pagod, nagpasya si Veronica na maligo para i-refresh ang sarili at magnilay.
Matapos hubarin ang lahat ng kanyang damit, lumusong siya sa tubig. Umupo siya at maingat na isinandal ang ulo sa gilid ng bathtub at pumikit. Wala siyang iniisip kundi mga positibong bagay. Gusto niyang maging memorable ang kanyang solo honeymoon.