MAHIGIT isang oras lang ang flight from Manila to Calbayog Airport-located in the province of Samar.
Paglabas ni Veronica ng airport ay napansin niya kaagad ang isang lalaking nakasuot ng itim na sunglasses. Nakatayo ito malapit sa isang gray na van at may hawak na papel.
WELCOME HONEYMOONERS ( Mr. & Mrs. Veronica Remulla )
Tsk! Ang sakit sa mata ng nakasulat sa papel! Kinuha ni Veronica sa kamay nito ang papel. Nilukot niya ito at inis na itinapon sa basurahan.
Nang lingunin niya ang lalaki, hindi pa rin ito kumikibo. Nanatiling nakataas ang mga kamay nito na animo'y may hawak kahit na wala.
Huminga siya nang malalim. Gamit ang isang kamay ay pinaypay niya ang kanyang mukha. Tumaas ang isang kilay niya nang makitang hindi pa rin kumikilos ang lalaki. Dahan-dahan niyang tinanggal ang salamin nito.
Voila! Nakapikit ito. Hindi niya masabi kung tulog ba talaga, o nagbibiro lang ito.
Napasinghap siya sa gulat nang bigla nitong imulat ang mga mata. Mabilis din niyang hinamig ang sarili. "Ikaw ang maghahatid sa 'kin sa isla?"
"I am, Dos, ma'am!" gulat na pakilala nito sa sarili. Alangan ang ngiti sa labi nang makita siyang seryoso ang mukha. "Pasensiya na po, ma'am. Ganito ako kapag malalim ang iniisip, nakapikit. Hindi talaga ako natutulog-"
"Enough, okay?" agad na putol niya rito. Ibinalik niya ang sunglasses nito.
Pinasadahan niya ng tingin ang lalaki. Nakasuot ito ng western shirt, jeans, cowboy belt, cowboy hat, at bandana. Hindi naman yata isla ang pupuntahan nila kundi isang rancho.
Lumapit ito sa kanya. "Sa iyo ang mga ito?" tukoy nito sa isang suitcase at dalawang travel luggage.
"Hindi ako naglayas," inunahan na niya ito.
Tumango-tango ito. "Ilalagay ko po ang bagahe n'yo sa trunk ng van, ma'am."
"Oh, no, no, no. I got it. Thank you though," agap niya sabay agaw ng maleta sa kamay nito.
"Sigurado kayo, ma'am?" Napakamot ito sa ulo.
"Oh, yeah! I am a strong independent woman. See?" Ipinakita niya ang kanyang braso na walang masel.
Hinimas nito ang makapal na bigote. Napansin niyang parang may hinahanap ito. Marahil ang papel na hawak kanina. Sinabi niyang itinapon niya 'yon. Binuksan nito ang passenger's seat at may kinalikot sa loob ng van. Nakita niyang unti-unting bumukas ang pinto ng trunk.
"Mabigat yata ang mga bagahe mo, ma'am. Ako na po ang maglalagay ng mga 'yan sa trunk."
Tumanggi pa rin siya. Kinuha niya ang maleta at hinagis sa trunk ng van.
"Watch this." Hindi nagsalita ang lalaki. Nakamata lang ito sa kanya. Inihagis niya sa trunk ang dalawang travel luggage. "It's like effortless. Not a big deal."
"Ito pa, ma'am." Inabot nito sa kanya ang shoulder niya.
Pinigilan niya ito nang akmang bubuksan ang passenger's seat. "No. I got it," pagkasabi nito'y sumakay na siya sa van.
"Ma'am?"
Ibinaba niya ang bintana ng sasakyan nang kumatok ito. Sumilip siya at nakita niyang kanda-haba ang leeg nito habang nakatingin sa mga taong papalabas ng airport.
"You know what? I'm sorry. Puwede na ba tayong umalis at ihatid mo na ako sa hotel?"
"Ma'am, hindi na ba natin hihintayin ang asawa-"
"No. We're not waiting for anyone!" mabilis niyang pinutol ang sasabihin nito.
***
NAGHIHIGANTI yata sa kanya ang drayber na si Dos dahil sa pagsusungit niya kanina. Pakiramdam niya, hindi na sumasayad sa sementong kalsada ang mga gulong ng sasakyan sa bilis ng pagpapatakbo nito.
"First time sa Amaya province, Mrs. Remulla?" tanong ni Dos sa kanya. Lumingon pa ito sa kanya at saka muling ibinalik ang paningin sa daan.
"Miss pa ako!" pagtatama niya. Nakaupo siya sa likurang bahagi ng sasakyan. Hindi niya alintana kung nasasakal na siya ng seat belt. Nagngingitngit ang kalooban niya nang banggitin nito ang apelyido ni Greg. "Veronica Aragon. Veronica ang itawag mo sa akin."
"Masusunod po, Ma'am Veronica." Muli itong lumingon sa kanya at ngumiti. "Ito ang unang beses na nakapasyal ka sa aming probinsya, ma'am?"
"Yes. At umaasa akong ligtas tayong makararating sa isla-ouch!" Tumama ang ulo niya sa bintana ng sasakyan nang biglang ipihit ng drayber ang manibela pakaliwa.
"Saan ka nanggaling, ma'am?" nagawa pa talagang magtanong.
"Manila!" pasigaw na sagot niya dahil napaangat ang dalawa niyang paa nang bigla itong nagpreno. Sa sobrang kaba niya'y napahawak siya sa kanyang dibdib. "Dos! May sasakyan!"
"Kumakain ka ba ng morón, ma'am?" Kinagat nito ang pagkaing nakabalot sa dahon ng saging. Ngayon lang niya napansin na kumakain ito habang nagmamaneho.
"Uh, yes-Jesus! Puwede bang itutok mo na lang ang mata mo sa daan?" natitilihan niyang sabi. Biglang nanlaki ang mata niya. "Dos! May scooter!"
Mabilis nitong kinabig ang manibela pakanan para makaiwas sa scooter. Napatili siya nang may makita siyang tricycle na biglang sumulpot sa harapan nila.
"Whoa!" tila natutuwa pang sambit ng drayber.
Nagsumiksik si Veronica sa gilid ng van. Mangani-nganing sipain niya ang driver's seat. Ang mahaba niyang buhok na maayos na nakatali ay nakasabog na sa mukha niya.
Jeez! Ibang langit ang gusto niyang marating. Iyong titirik ang mga mata niya. Ang nasa first list niya sa 'I✓list'. Ang screaming orgasm!
"Alam mo bang ang morón ay isa sa mga katutubong delicacy ng mga waray sa Eastern Visayas rehiyon ng Pilipinas, partikular na sa lugar sa paligid ng Tacloban City sa probinsya ng Leyte at sa Eastern Samar province."
Diyos na mahabagin! At nagawa pa talagang magkuwento gayong ang pasahero nito sa likuran ng sasakyan ay mamamatay na sa nerbiyos!
Napa-sign of the cross si Veronica. Inalihan na naman siya nang takot nang may makita siyang dyip na nag-overtake sa kasunod na mini bus.
"Dos! Baka mabangga mo ang dyip!" Habol niya ang kanyang hininga.
Naiwasan naman ng drayber ang dyip. "Ang tsokolate flavor-ito ang recipe ng aking nasirang abuela. At ito rin ang pinakamasarap na morón sa lahat ng morón. Ang sikreto ay ang kakaw." Isinubo ni Dos ang natitirang pagkain na hawak nito. "Nandito na po tayo, ma'am!"
Gusto niyang magmura pero hindi niya magawa. Nahihilo pa rin siya sa kinauupuan niya. Ilang minuto siyang nagpahinga at saka padabog na lumabas ng sasakyan. Tinulungan siya ni Dos na ibaba ang kanyang bagahe.
Sana lang hindi ito ang drayber na maghahatid sa kanya sa airport pagkatapos ng kanyang bakasyon. Nagawa pa rin niyang magpasalamat sa lalaki kahit muntik na siya nitong ipakilala kay Kamatayan.
Saludo sa kanya si Dos. "Enjoy your solo honeymoon, ma'am!"
Hindi na siya nakapag-react. Mabilis na umalis ito sa harapan niya dahil may isa pang pasahero na susunduin sa airport.