HAPPY HOUSE QUEZON VILLAGE.
"Huwag kang mag-alala. Hahanapin natin si Greg. We're going to sit down and we're going to have a nice conversation. Come on, Veronica. Let's us in. It's cold feet, honey. It's gonna be okay!" sabi ni Romina sa malumanay na boses. Kumatok ang ginang sa pinto ng kuwarto ng anak.
"Okay?" umiiyak na sigaw ni Veronica. Nakasalampak siya sa carpeted na sahig. Basang-basa ng luha ang kanyang mukha dahilan para mabura ang magandang make-up niya. "My fiancé just dumped me, through my friend! Nagalit siguro siya nang sinabi kong manonood kami ng bagong pelikula ng idol ko sa honeymoon namin. Hindi siya mahilig sa drama movies. I'm so stupid!"
"Look, you're being ridiculous, Veronica." Nakilala niya ang boses ng babaeng nagsalita. Si Monica.
"And so is he!" segunda naman ni Setti. "Ang kapal ng mukha niya para gawin sa iyo 'to. Naku! Kung nasa harap ko ngayon ang lalaking iyon, sasampalin ko ulit siya!"
"Nasa simbahan na ang lahat at naghihintay. Oh, God!" Muli siyang napaluha. Galit niyang hinila ang ibabang bahagi ng wedding gown na suot niya saka ginamit para punasan ang kanyang luha at sipon.
Lalong nabahala ang mga nasa labas ng kuwarto ni Veronica.
"Hija, open the door and let's talk about it, honey!"
"Leave me alone!" malakas niyang sigaw saka inihagis sa kung saan ang hawak niyang bouquet. Naglupasay siya sa sahig.
Tumayo siya at pinagmasdan ang sariling repleksyon sa salamin. Nangingitim ang ilalim ng kanyang mga mata. Gusto niyang magalit sa sarili kung bakit hindi siya gumamit ng waterproof na eyelashes mascara. Daig pa tuloy niyang lumuha ng itim na tinta.
Mapakla siyang ngumiti habang naglalandasan ang luha mula sa kanyang mga mata. Iwanan na siya sa lahat ng posibleng lugar, huwag lang sa altar. Handa na ang lahat. Ngunit sa isang iglap, lahat ay nasayang. Wala siyang pakialam sa pera, kaya niyang kitain ang perang nasayang sa loob lang nang ilang buwan. Ang hindi niya kayang buuin ang wasak niyang puso.
Nagtatrabaho siya bilang executive secretary ng Editor in Chief sa isang higanteng kumpanya. Heritage Collins Publishing–isang lingguhang newsmagazine ng pandaigdigang pulitika, negosyo, pananalapi, agham, at marami pang inilathala sa Pilipinas. Isa pa, may negosyo ang pamilya nila.
'House Of Blossom'–ang kanyang nakababatang kapatid ang namamahala ng flower shop. Gamit na gamit ang kursong tinapos na Business Administration.
Mayroon din silang 'Women's Clothing & Accessories Boutique. Ang kanyang ina naman ang namamahala nito. At silang magkakaibigan ang malimit pagdiskitahan ng kanyang ina na maging modelo sa mga produkto ng boutique.
Namatay ang kanyang ama anim na taon na'ng nakalilipas dahil sa isang malagim na aksidente. He was on his way home from the office when his car was hit by a ten wheeler truck. Their family was devastated when her father died.
Masakit pa rin tanggapin na wala na ang kanilang haligi ng tahanan. Coping with the death of a loved one is not easy. You will mourn and grieve.
"Girls, we have to help my daughter," narinig niyang sabi ng kanyang ina. Nilapit niya ang tainga sa pinto para marinig ang usapan ng mga nasa labas ng kuwarto.
"Tita, wala po ba kayong duplicate key ng kuwarto ni Veronica?"
"Wala, hija. Bakit ba hindi ko naisip gawin 'yon?" Bakas sa tinig ng kanyang ina ang pag-aalala.
"May palakol po ba kayo, Tita?"
Nangunot ang noo ni Veronica sa narinig. Palakol?
"Aanhin mo naman ang palakol, Monica?" halos sabay na tanong nina Setti at Hannah.
"Walang duplicate na susi si Tita Romina sa kuwarto ni Veronica. Wala tayong choice kundi sirain ang pinto."
"Gaga! Bubuksan lang natin ang pinto, hindi gagawing panggatong." Boses 'yon ni Setti.
Napatingin si Veronica sa pinto. Pinakiramdaman niya ang mga nasa labas. Tahimik. Dahan-dahan niyang pinihit ang seradura at sumilip. Wala na ang kanyang ina at mga kaibigan.
Baka naghahanap sila ng bagay na puwedeng gamitin pambukas ng pinto, sa loob niya. She quickly left her room and headed to a room where the emergency exit was.
Huminga siya nang malalim bago maingat na lumabas sa sliding window. Dahan-dahan siyang bumaba ng hagdan at tinungo ang sikretong pinto. Hawak niya ang ibabang bahagi ng trahe de boda. Tiyak na magagalit ang kanyang ina kapag nakitang marumi na ito. Gusto kasing ipamana pa sa bunsong anak ang trahe de boda kaya iniingatan nito.
Isang maliit na pinto ang bumungad sa kanya. Kinuha niya ang susi na nakasabit sa key holder at mabilis na ipinasok sa doorknob.
Bumungad sa kanyang paningin ang dalawang sasakyan. Pinindot niya ang push button sa tabi ng kotse ng kanyang ina. Dahan-dahang umangat ang roll up garage door. Binuksan niya ang pinto ng kanyang kotse at umupo sa driver's seat. Puno pa rin ng luha ang kanyang mga mata.
Mabigat pa rin ang kalooban niya. Pinilit niyang pakalmahin ang sarili. Matapos masiguradong nasa maayos siyang kondisyon, ipinasok niya ang susi sa keyhole at pinaandar ang makina ng sasakyan.
Umalis siya ng bahay nang hindi man lang napapansin ng kanyang ina at mga kaibigan. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa manibela, ngayo'y nasa labas na siya ng subdivision. Muling bumagsak ang kanyang mga luha.
Anong klaseng mga mata 'to at hindi matigil-tigil sa pagluha?
Inis na kinuha niya ang tissue sa loob ng glove box. Habang sumisinga siya'y minumura niya si Greg sa kanyang isip.
Her runaway groom! It was one of the most painful things that happened in her life. It was awful.
Time heals everything and things happen for a reason... pampalubag loob niya sa sarili.
Iniwan siya ni Greg sa nakakahiyang sitwasyon. Isa lang ang ibig sabihin niyon, hindi tunay ang pagmamahal nito sa kanya.
Does everyone deserve a second chance? Maybe some, but not everyone.
If Greg tries to get back into her life, she won't give him a second chance.