Chereads / THE BILLIONAIRE'S PART-TIMER / Chapter 32 - Chapter 31

Chapter 32 - Chapter 31

PAGKAALIS ni Zack ay pumalit naman si Ann sa kaniya na magbabantay doon. Hindi na nila hinayaang magbantay si Aling Lukring at nerbiyusin lang ito roon. Ang binatang si Zack naman ay hindi rin maaaring magbantay sa kaniyang ng bente-kwatro oras dahil abala rin ito sa negosyo at ayaw naman niyang ma-unsyami ang mga meetings nito nang dahil lang sa kaniya. Tinulungan na nga siya nitong dalhin doon at ito na rin ang sumagot sa lahat ng hospital bills. 

"Mabuti naman at maayos ka na, Zai. Alam mo bang nag-alala kami nang isugod ka rito nila Sir Zack. Habang kinarga ka ni Leo ay siya namang hindi mailarawan ang mukha ni Sir Zack. Halos namutla na siya sa sobrang pag-aalala at gusto na niyang tumayo para lang tulungan ka. Bongga ka, dai! Noon lang namin nakita si Sir Zack na labis na nag-alala sa'yo at hindi katulad noon mga naunang nag-alaga sa kaniya. Wala siyang paki!" sambit nito. Kasalukuyan din itong nagbabalat ng ponkan.

"Seryoso ka ba?" tanong niya. Hindi siya makapaniwalang magkakaganoon ang binata. 

"Oo naman! At saka si Sir Raven nga nang tumawag sa bahay at nalaman ang nangyari sa'yo, binabaan agad ako ng telepono. At heto pa ang chika, ang dalawang knight in shining armor mo ang nag-donate ng dugo sa'yo."

"Huh? Nag-donate ng dugo?!"

"Hindi mo alam?"

"Hindi." Napaisip siya dahil walang binanggit sa kaniya si Zack na nag-donate ang mga ito ng dugo. Ano ba ang sakit ko at kailangan kong salinan ng dugo. At nag-match ang dugo naming tatlo?

"Hala, lagot ako! Baka hindi sinasabi ni Sir Zack sa'yo na malala ang kalagayan mo noong hindi ka pa sinalinan ng dugo. Ay, lagot na! Nasabi ko pa!" 

"Anong sakit ko? Sabihin mo na at nag-aalala ako." 

"Akala ko ay sinabi na sa'yo nila Sir Zack pero dahil mapilit ka at huwag mo na lang sabihin sa kanilang nabanggit ko. Low blood ka, Zairah. Kapag hindi ka salinan ng dugo ay baka mauwi sa leukemia ang sakit mo. Mabuti na lang at naagapan at may mga posibleng test pa silang tinitingnan sa'yo. Sinabi lang iyan ni Aling Lukring sa amin pero ligtas ka naman na raw sa peligro. May mga gamot at mga vitamins na dapat mong inumin," pagpapatuloy nito sa pagdaldal sa kaniya. 

"God!" Napasuklay siya sa kaniyang buhok. "Hindi ko man lang alam na umabot ako sa ganoong sakit."

"Baka iyan iyong dahilan mo noon na nagtatrabaho ka sa as part-timer sa isang club at siyempre bukod sa pag-aalaga kay sir ay nagtatrabaho ka pa rin as cartoonist. Mahirap kaya iyon. Gusto mo ba?" alok nito sa kaniya. 

"Ayoko. Busog pa ako."

"Pasensiya na at naubos ko na itong ponkan na pinabili ni Sir Zack."

"Hindi naman halata na naubos mo na."

"Pero alam mo, Zai. May kakaiba sa boss natin mula noong dumating ka sa bahay. Hindi na siya nagbabasag ng gamit, hindi na sumpungin, hindi na nang-uutos ng pasigaw, at lalong himala na pumasok na siya sa opisina niya. Siguro, ginayuma mo si Sir."

"Sira!" Hindi niya maiwasang sambitin iyon. "Hindi ko gagawin iyon sa boss nating may saltik pa rin."

Napabungisngis ito. "Grabe siya. Alam mo, ang swerte mo. Bakit hindi na lang kaya ligawan ka ni Sir Zack? Maganda ka naman, mestisahin at mabait pa. Bagay kayo."

"Hindi mangyayari iyon. Imposibleng magmahal ang hari sa alipores lang niya."

"Marami kayang mga ganyan ang mga naranasan sa buhay. Malay mo pero aminin…halatang may gusto ka kay sir."

"W-Wala, ah!" tanggi niya.

"Asus! Kahit nga si Sir Raven tiklop sa ganda mo!"

Napakunot-noo siya. "Anong tiklop iyang sinasabi mo?"

"Maang-maangan ka pa. Nakita namin ang mga bulaklak na binigay ni Sir Raven sa'yo tapos ito namang si Sir Zack, binasag ang vase na pinaglagyan mo kasi nga nagselos ang lumpong bilyonaryo!"

"Hoy! Bibig mo!" sita niya. Napapailing din siya dahil sa masyadong bulgar magsalita si Ann at hindi niya alam na pinag-uusapan na pala ng mga ito ang nangyaring iyon. 

"Aba'y totoo naman, ah." Panay pa rin ang kain nito sa ponkan. "Zairah, nasa iisang bahay lang tayo nakatira. Malamang malalaman namin ang bawat nangyayari sa bahay dahil doo kami nakatira at hindi mismo na rin si Sir Raven ang nagsabing nililigawan ka niya. Ang ganda mo, dai! Pinag-aagawan ka ng dalawang bilyonaryo pero kung ako ang papipiliin mo? Kay Raven ka na lang. Magiging magulo lang ang buhay mo kay Sir Zack dahil sa kaniyang ex-wife."

"Ex-wife?" lalong nangunot ang noo niyang tanong dito. Pati ba naman iyon ay alam nitong si Ann? Akala ko ba ay iilan lang ang nakakaalam? Kung sa daldal ba naman nito baka pati chismis ng kapitbahay ay alam.

"Hindi mo alam na may asawa si Sir Zack? Kaso sandaling oras lang niya naranasan na may asawa siya. Kasi itong si Ma'am Lara, iyong asawa ni Sir Zack, pagkatapos ng kasal nila sa judge sa London, aba'y inamin kay sir na may gusto siyang iba at iyon ang mahal niya. Kalokohan lang, ano? Nang umalis ang babae sa bahay ng boss natin, sinundan niya ito at hindi naman nito napansin ang paparating na isang malaking sasakyan kaya nadisgrasya. Isang beses sa isang buwan pumupunta diyan si Ma'am Lara at hinihingi ang pirma ng boss natin para sa annulment nila. Hindi pa kasi niya ito pinipirmahan dahil gusto ni Sir Zack na magdusa muna si Ma'am Lara sa ginawa nito. Pero sekreto lang iyon, Zairah. Huwag mong babanggitin sa boss natin iyan at baka wala na akong trabaho. Ay, ubos na pala ang ponkan. Akin na itong ubas, ha."

"Bahala ka. Ubusin mo na iyan lahat." Sa nagbabantay talaga iyang mga prutas at hindi sa pasyente. Biro niya sa isipan niya ngunit nawendang na naman siya sa natuklasan. 

"Alam mo ba?"

"Meron pa?" 

"Oo. Tutal, sinabi ko na sa'yo ang lahat-lahat, aba'y lubusin ko na."

"Sige, magkuwento ka pa." Hindi pa siya nauubusan ng kwento.

"Nalaman ko rin kay Aling Lukring na hindi na…paano ko ba sasabihin. Uhm, hindi na tumitigas iyong ano..ni..Sir Zack."

"Anong…ano?" naguguluhang tanong niya. Parang alam na niya ang gustong sabihin ni Ann ngunit hinintay niya pa rin na ito ang magsabi. 

"Hindi ba at naaksidente si Sir. Ayon kasi sa doctor nito, may problema ang keneme niya. Hindi na ito titigas at tatayo in terms of sexual activities nang dahil sa matinding natamo niya mula nang maaksidente nga."

"Sinabi iyan ni Aling Lukring sa'yo?"