Chereads / Anak ng Kalikasan / Chapter 30 - Chapter 30: Pagdating ng mga Ermetanyo

Chapter 30 - Chapter 30: Pagdating ng mga Ermetanyo

Lumipas pa ang ilang araw at muli na ngang bumalik sila Mina sa Lombis kasama ang mag-amang Christy at Manong Ricardo. Nang papalabas na sila sa bukana ng bayan ay natagpuan nilang naghihintay na roon si Mikel. Nakangiti ito habang bitbit ang isang bag sa kanyang likod.

"Sigurado ka na ba?" tanong ni Manong Ricardo sa binata.

"Oho, wala din namang mangyayri sa akin dito dahil wala na din ang asawa ko. Salamat po pala Manong Ricardo dahil sa ibinigay niyong tulong sa akin." nakangiting wika ni Mikel.

"Saka ka na magpasalamat sa akin kapag maayos na ang buhay mo. O siya tara na para hindi tayo gabihin. Ilagay mo na sa kangga iyang bag mo para hindi ka mabigatan" Natatawa pang wika ni Manong Ricardo dito.

Papalubog na ang araw nang dumating sila sa Lombis. Nagsiuwian naman ang mga ito matapos maisaayos ang kanilang mga dala sa bahay ni Manong Ricardo. Si Mikel naman ay tumuloy muna kila Mina dahil meron pa namang bakanteng espasyo sa bahay nila. 

Natuwa din si Manong Celso dahil muli na namang nadagdagan ang tinuturing nitong pamilya. Dahil magiliw sa bata si Mikel ay halos napalapit agad ang loob ni Ana dito. 

Lumipas pa nga ang mga araw at muling naging payapa ang kanilang pamumuhay. Panaka-nakang magmamasid sa paligid si Isagani tuwing gabi at sa umaga naman ay isinasabay ni Sinag ang panggagamot at pagkalap ng mga impormasyon sa mga taong gumagawi sa kanila. Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ni Mina sa mga kaibigan niyang engkanto upang malaman ang mga nangyayari sa mundo ng mga ito. Hanggang sa isang araw, nabalitaan nila ang pagpasok ng grupo ng mga antinggero sa bayan ng Lombis na lubos nilang ikinatuwa. 

Dahil kasi sa balitang iyon ay tuluyan nang nabuhayan ng loob si Mina dahil sa wakas ay magagawa na niyang gamitin ang kanyang buong kakayahan upang makakuha ng mas klarong sagot sa kanyang mga katanungan. Hindi na rin siya mababahala na baka matunugan siya ng mga nilalang sa kaliwa. Noong araw din iyon ay mas pinatibay pa nila ang pangontra at proteksiyon sa paligid ng kanilang mumunting komunidad sa pabrika. Ito ay para na din sa proteksiyon ng mga taong napalapit na sa kanila. Bawat bahay ay nilagyan na nila ng proteksiyon sa tulong na din ng mga lamang-lupang tinawag ni Mina. Maging ang palibot ng bahay ni Manong Ricardo ay napapalibutan na din ng mga pangontra. Buhat kase noong mamalagi ang mga engkanto roon ay walang araw silang hindi nagtatanim ng mga halamang sa mundo lamang ng engkanto makikita. Bukod sa bigay nitong proteksiyon, ang iilan dito ay nakakagamot pa ng karamdaman at nagbibigay ng swerte.

 Pagsapit mg tanghali ay namataan na nga nila Sinag ang pagdating nila Tandang Ipo at nang iba pang ermetanyo. Masaya nila itong sinalubong na animo'y wala silang sigalot na kahaharapin. 

"Tandang Ipo, mabuti at nakarating kayo." Bati ni Sinag. Agad namang nagbisa roon si Isagani at Mina bilang paggalang sa mga nakakatanda. 

"Ito na ba ang gabunang aswang na inampon mo Karyo, aba bakit wala akong nararamdamang kasamaan sa kanya?" May pagtatakang tanong ng isang ermetanyo nang makapagbisa doon si Isagani. 

"Oo Tasyo, yan na ang anak ni Alejandro na punong tagapagbantay ng ating samahan sa hilaga." Buong pagmamalaking wika ni Tandang Karyo at masayang tinapik sa balikat si Isagani. 

"Maligayang pagdatin Tay Karyo." Bati naman dito ni Isagani at agad naman nitong kinuha ang bayong nitong dala.

"Halina muna kayo at nang makapagpahinga. Matagal ko nang naabisuhan ang aming amonsa inyong pagdating. Sa katunayan ay may naihanda na kaming tahanan para sa lahat. Malapit iyon sa bahay ng aming pinagtatrabahuan." Wika ni Sinag at agad na inaya ang mga ito. 

Pagdating nila sa lugar ay nagulat pa sila sa kanilang nadatnan. Napakalaking kubo iyon, kahit gawa iyon sa kalimitang gamit sa pagkukumpuni ng kubo ay hindi mo maipagkakailang napakalaki iyon para tawaging kubo.

"Tuloy na ho kayo para maiayos na natin ang mga gamit ninyo." Saad naman ni Mina.

Kahit gulat pa din ang mga ito ay wala na silang nagawa kundi ang tumuloy doon.

Matapos mag ayos ay nagtipon-tipon naman sila sa malawak na sala. Iyon na din ang magiging lugar kung saan sila magpupulong ng kanilang gagawin. 

"Mga Buso ba kamo? Aba, at nagising na pala ang mga demonyong iyon. Matagal na panahon na rin nanh huli kong marinig ang pag-iral nila. " Saad ni Tandang Ipo. 

"Tungkol naman sa nabanggit mong nilalang na nag-aalaga sa kanila, malamang ay isa iyong hukluban. Matatalino ang mga uri nito at magaling din sila sa pagbabalat kayo. Hindi mo basta-basta matutunugan ang isang hukluban kung mahina pa ang ikatlo mong mata lalo na kong malakas ang orasyong ginagamit nito sa pagbabalat-kayo." Dagdag pa ni Tandang Ipo.

"Mina, kamusta ang pangangalap mo ng kasangga sa mundo ng mga engkanto?" Tanong ni Tamdamg Karyo at napangiti ang dalaga. 

"Sa tulong ng kaibigan kong tikbalang ay nakakuha na siya ng mga kasangga na maaasahan natin sa laban. Sa mga oras na ito ay kasalukuyan na silang naghahanda. Nariyan na din ang mga engkantong dagat na handang makidigma sa oras na makalapit doon ang iba nating kalaban. " Wika ni Mina. Hindi na muna niya idinetalye ang bilang ng mga engkantong umanib sa kanila dahil mas mainam pa din na makapaghanda sila ng husto upang hindi sila dumepende sa mga ito.

Lumipas ang araw na iyon na tinatalakay nila ang kanilang magiging plano para sa mga susunod na araw. Kinabukasan ay naging puspusan na ang kanilang paghahanda. Ang mga antinggero ay nagpapatalas na ng kanilang mga sundang, balaraw, talibong at iba pa. Nariyan din ang pagdarasal nila sa kanilang mga mutya at mga agimat. Habang ang mga albularyo naman ay abala sa pagbabasa ng kanilang mga libreta at paghahanda ng mga pangunahing panlunas nila sa tuwing may kinakaharap silang digmaan. 

Nag-aayuno na din ang mga ito habang si Mina naman ay nakatanaw lang sa kanila. 

"Sa tingin mo ba, magtatagumpay kami?" Tanong ni Mina . Puno ng pag-aalala ang namamayani sa isip niya habang tahimik na pinagmamasdan ang kanyang mga kasama. Hindi kasi mawala sa isip niya ang posibilidad na malagasan sila ng kasama sa gitna ng labanan. 

"Ang may likha lamang ang nakakaalam, maging kaming mga diwata ay walang kasiguruhan." Wika ni Mapulon habang nakalitaw ito sa kanyang tabi. Tanging siya lamang ang nakakakita dito.

"Kung ganun, ipauubaya ko na sa kanya ang lahat buhat sa araw na ito. Nawa'y gabayan niya kami at nawa'y walang masawi sa aking mga kasama." Wika pa ni Mina at ibinaling niya ang tingin nito sa mga antinggero at albularyong naroroon.

Lumipas pa amg ilang araw ng kanilang paghahanda at isang balita ang kanilang narinig mula sa batang si Gorem.

"Gumagalaw na ang mga Buso kasama ang mga busaw at iba pang uri ng aswang. May isinasagawa na ring ritwal ang mga manggagaway upang magbukas ng lagusan sa gubat. Mula roon ay lalabas ang mga kaanib pa ng kanilang samahan mula pa sa ibayong dagat. Maghanda kayo dahil isa sa mga araw na ito ang soyang magiging simula ng labanan. " Wika ni Gorem habang nakasakay ito sa kanyang alagang aso. 

"Kung ganoon ay nakapaghanda rin ang mga kalaban natin. Hindi ito magiging madali kung kaya't pagibayuhin niyo pa ang paghahanda. " Wika ni Tandang Kayo na sinang-ayunan naman ng iba pang ermetanyo.

Dahil nga sa babalang inilahad sa kanila ni Gorem ay naging mas alisto sila sa kanilang paligid. Kinagabihan ay nagtalaga sila ng mga magbabantay sa buong bayan upang mapangalagaan ang mga taong walang kamuwang muwang roon. Hindi pa nila batid ang araw at oras ng pagsidatingan ng kalaban kaya mas minabuti nila ang magbantay. 

Noong gabi ay Sila Isagani ang naatasang magbabantay, kasama niya noon si Obet, Sinag Mina at tatlo pamg antinggero sa kanilang hanay. 

"Gani, talaga bang nakakatakot ang itsura ng mga Buso ?" Tanong ni Obet. Buong buhay kasi niya ay hindi pa niya nagawang makasilay ng ganoong nilalang. 

"Nakakatakot. Isa akong aswang pero noong makita ko ang wangis ng mga ito ay sobrang kilabot ang naramdaman ko. Ako man ay noon lamang nakatagpo ng ganoong nilalang. Minsan na itong nabanggit sa akin ni Ama ngunit unang beses ko na makita iyon ."

Dahil sa sinabi ni Isagani ay kinilabutan ang mga ito. Kung natakot si Isagani dito, paano na lang silang mga tao. 

"Maiba ako, napakabait naman talaga ng amo ninyo. Biruin niyo pinagawan pa tayo ng matitirahan. Ang buong akala ko ay sa gubat tayo mamamalagi. Pero nagulat talaga kami noong dalhin niyo kami rito." Wika ng isa pang antinggero na nagngangalang Lukas.

"Oo napakabuti ni Manong Ricardo kahit noong unang beses pa lamang namin siyang nakatagpo. " Sagot naman ni Sinag. 

Sa paglalim pa ng gabi ay napuno ng kwentuhan ang kanilang grupo habang nagmamasid sila sa paligid. Lumipas ang gabing iyon na tahimik at walang anumang nilalang ang gumambala sa kanila. Hindi naman sila nagpakampante dahil alam nilang isa sa mga araw at gabing dadaan ay makakasugpong na nila ang kanilang mga kalaban. 

Sa mga susunod na kabanata ay makakaharap na nila sa unang beses ang hukluban na nag aalaga ng mga buso.